Audrey
NAKAUPO kami ng mga kaklase ko ngayon sa bench sa lilim ng malagong puno ng Talisay habang vacant period namin. May higit sa isang oras pa kaming hihintayin bago ang susunod naming subject. Nakapangalumbaba lang ako habang nakaupo. Hanggang ngayon kasi napapaisip talaga ako kung bakit hindi ko na talaga nakikitang dumadalaw si KJ sa academy. Naisip kong baka bumalik na siya sa Maynila o kaya naman baka binawalan na itong lumabas ni Mayor dahil sa kalagayan nito.
“Aray ko!” sabay napatingin ako sa humampas sa balikat ko.
Tumawa si Chona pero hindi ako natawa dahil nasaktan ako. Mahilig talaga siya manggulat at manghampas ng balikat. At dahil malalaki ang palad niya ay ramdam ko ang sakit niyon kaya parang gusto ko na siyang gantihan. Ngumiti ako nang pilit at hindi na lang umimik.
“Uy, ano’ng drama? ’Di naman masakit, ah!” sabi nito na umupo sa tabi ko.
“Hindi pala masakit, ah!” Agad ko rin siyang hinampas sa braso niya pero sa pagkakataong ito ay nilakasan ko sabay tumakbo ako kaya hinabol niya ako. Nakuha ko na ring gumanti at nakangiti na ako habang tumatakbo. Nilingon ko siya at alam kong hinding-hindi niya ako mahahabol. Mabilis yata akong tumakbo dahil hasang-hasa ako sa bundok. Pero huli na nang humarap ako, sumalpok ako sa matigas na dibdib ng isang lalaki. Natumba kami pareho at nakapatong pa ako sa kanya. Napasinghap ako at namilog ang mga mata ko nang makita ko kung sino ang lalaki na nasa ilalim ko.
“L-liam!” agad kong inangat ang katawan ko at dali-dali akong umalis sa ibabaw niya.
Nakakahiya dahil andaming estudyanteng nakakita sa amin at unti-unti na silang nagkukumpulan sa paligid namin.
“Uuyy!” tudyo ng mga estudyante sa paligid namin.
“What the—” matalim ang mga tingin sa akin ni Liam habang pinapagpag nito ang suot. Nagkalat din ang ilang gamit nito dahil sa pagbanggaan namin.
“Sorry, hindi kita nakita,” napangiwing paumanhin ko habang pinupulot ang mga gamit niya.
“Pa’nong makikita mo ako, eh, kung saan-saan ka tumitingin!” masungit at halos magkadugtong na ang mga kilay nito.
“Sorry na nga, eh! Ginusto ko ba ‘yon?”
“As if hindi mo sinasadya?” Ngumiti ito ng sarkastiko at hindi ko nagustuhan iyon. Ano naman ang palagay niya sa akin gustong-gusto kong makayakap siya at mapahiya sa mga tao?
“Hoy! Ano’ng gusto-gusto? Ano’ng palagay mo sa’kin, ha?”
Natawa siya at napabuga ng hangin, “Okay ka lang? Wala akong sinasabing gusto-gusto, ikaw may sabi no’n!”
Bigla akong napakagat labi nang mapagtanto ko ang aking sinabi. Hindi nga pala niya sinabi iyon. Nakakahiya naman. Siguro ay namumula na ako dahil andami pang nakapaligid sa amin. Nakita kong natatawa ang iba pero mas marami ang naririnig kong kumakantyaw sa amin. Nakakainis talaga. At dahil wala na akong mukhang maiharap ay inabot ko na lang sa kanya ang mga gamit niya habang nakayuko para makaalis na ako.
“O, heto na. Pasensya na,” paumanhin ko. Padabog niyang kinuha iyon sa kamay ko sabay talikod. Naningkit ang mga mata ko sa inis ngunit bigla siyang humarap at nakita niya iyon kaya nginitian ko na lang siya nang pagkatamis-tamis.
Napaismid siya sa akin halatang naiinis.
“Ang arte niya, ah,” sabat ni Chona na matalim ang tingin sa papalayong si Liam, “siya pa ang may ganang magalit, eh, kung tutuusin ay suwerte siya na nabangga mo.” Napakunot ang noo ko.
“Ano naman ang suwerte ro’n?” tanong ko.
“I mean suwerte siya dahil maganda ka, mataas lang talaga standard niya sa babae ayaw niya ng tagabundok.”
“Teka, kaibigan ba kita? Kinampihan mo nga ako pero sinabi mo namang tagabundok ako.”
Natawa si Chona, “Bakit totoo namang tagabundok ka, ah. ‘Di ba doon kayo nakatira?”
“Oo na, tagabundok na kung tagabundok, maganda naman,” bawi ko.
“’Yon! D’yan talaga ako bilib sa’yo, Bes, sa pagiging ‘confiance’ mo.”
“Anong confiance? Baka confident ibig mong sabihin,” natawa ako.
“Parehas na rin ‘yon confiance as in kumpiyansa. See? You don’t get me gurl,” tuluyan na kaming nagtawanan ni Chona sa mga kalokohan niya. Ngunit natigil ang aming tawanan nang biglang mag-ring ang bell hudyat para pumasok na kami sa susunod naming subject.
NATAHIMIK kaming lahat nang pumasok ang aming guro na si Miss Arellano. Siya ang guro namin sa Filipino subject.
“Class, magkakaroon tayo ng bagong proyekto ito ay isasagawa sa susunod na linggo. Gagawa kayo ng isang kanta o kaya tula. Kailangan sariling gawa niyo talaga. Maliwanag ba, class?”
“Opo, Ma’am!” tugon namin.
Bigla akong napahawak sa aking noo. Wala kasi akong kaalam-alam sa paggawa ng tula o kanta. Comics lang kasi ang binabasa ko masuwerte na kung may pocketbook sa tindahan ni Aling Caring. Tumaas ako ng kamay.
“Ano iyon, Audrey?”
“Ma’am, paano po kung…kung hindi po marunong gumawa ng tula o kanta? Nag-aalala po kasi ako baka graduation na wala pa akong nagagawa.” Napakamot si Miss Arellano sa tanong ko. Kilala sa pagiging masungit si Miss Arellano kaya takot ang mga kaklase ko magtanong pero ako, hindi ako nahihiyang magtanong kaysa hindi ko maintindihan.
“Eh, di hindi kayo makakasama sa graduation. Ganoon lang iyon kasimple. Hindi ninyo puwedeng idahilan na hindi kayo marunong gumawa. Kung ang nasa elementarya nakagagawa ng tula, kayo pa kaya?”
Umupo na lang ako at napabuntong-hininga.
“At may sorpresa ako sa inyo. Bubunot ako ng pangalan na tutula at kakanta sa foundation day natin,” dugtong pa ni Miss Arellano.
“Ha, sa stage po?” napakamot ako sa ulo dahil mas marami ang makakapanood sa akin ‘pag nagkataon.
“Yes, Audrey. Ano ba ang problema? Kung nagawa mo ngang sumali sa pageant, mas madali pa itong project niyo. At siyempre ang mabubunot ay may additional points.” Napatango na lang ako.
Nakita kong may hawak na maliit na kahon si Miss Arellano. Ayon sa kanya ay nandoon daw lahat ng mga pangalan namin. At bubunot daw siya ng dalawa para magtanghal sa entablado. Kinakabahan na talaga ako pakiramdam ko ako na naman ang mabubunot nito. Napapikit ako at napayuko nang i-anunsiyo na ni Miss Arellano ang unang pangalan. Nakahinga ako nang maluwag dahil hindi ako iyon.
“At ang susunod ay si…”
Napapikit muli ako at kinabahan sa tatawaging pangalan.
“Audrey Villaluna!” anunsiyo ni Miss Arellano.
“Naku, kung minamalas ka nga naman!” usal ko.
Nagpalakpakan naman ang mga kaklase ko at siyempre si Chona na full support sa akin.
“Go! Go! Audrey!” sabay-sabay nilang sabi. Ewan ko ba, palagi na lang ako ang pinambabato nila sa mga ganitong sitwasyon.
“Ikaw, gagawa ka ba?” tanong ko kay Chona.
“Oo naman para iyon lang ‘di ko magawa?” tugon niya.
“Talaga? Ang hirap kaya no’n.” Manghang-mangha ako kay Chona dahil marunong pala siya gumawa ng tula samantalang ako ay hindi. Minsan nga nagtataka ako kung bakit naging schoolar kuno ako sa eskwelahang ito samantalang ako yata ang pinakabobo sa mga kaklase ko. Mukhang binawi ko lang talaga ang lahat sa taglay kong ganda.
“Igawa mo nga rin ako. H-hindi ako marunong, eh,” pabulong na sabi ko kay Chona.
“Uy, ibang usapan na ‘yon, ah. Kaya kong gumawa para sa sarili ko pero sa iba hindi. Siguradong matutuyo na utak ko kapag ganoon,” pabulong na sagot niya. Nadismaya ako sa pagtanggi ni Chona. Wala talaga ako ibang aasahan kundi sarili ko lang.
“Okay, class, kumuha na ng papel at mayroon tayong pagsusulit ngayon tungkol sa tinalakay natin kahapon,” saad ni Miss Arellano.
“Huh, quiz!” magkasabay pa kaming nagulat ni Chona sa surprise quiz.
“Chona pakopya,” bulong ko.
“Ano ka ba? Parehas tayo walang alam, ‘noh!” tugon niya.
“Kayo diyan sa likod Miss Villaluna and Miss Diamante, ano’ng pinagbubulungan niyo diyan?” sita sa amin ni Miss Arellano.
“W-wala po, Ma’am, sorry po,” napakagat ako ng labi dahil naglingunan sa amin ang mga kaklase namin.
Nang matapos ang quiz ay tila nabunutan ako ng tinik kahit hindi ko alam kung tama ba ang pinagsasagot ko roon. Nauna na kaming lumabas ni Chona sa classroom.
Mukhang minamalas nga naman ako dahil nakasalubong na naman namin si Liam. Kasama nito ang barkada. Kami naman ni Chona ay dumeretso lang patungong canteen.
“Bilisan natin, Audrey, nandyan na naman kasi ang grupo nina Liam,” sabi ni Chona.
“Takot ka sa mga ‘yan, eh, mga alaskador lang naman ‘yan,” tugon ko.
Malakas ang kanilang tawanan habang papalapit sa amin ni Chona. Nasa likuran na namin sila at parang patungo rin sila sa canteen.
“Uh! Liam, kailan mo ba liligawan ‘tong si Audrey? O hihintayin mo na lang na ligawan ka niya?” nagtawanan ang mga kasama nito. Tila nagpanting ang tainga ko. Pinipigil pa sana ako ni Chona na huwag kong pansinin pero para na ring hinayaan ko silang abusuhin ang pananahimik ko.
“Hoy! Kayo, mga wala kayong magawa, ano? Lalo na ikaw, tatawa-tawa ka pa feeling mo naman napakaguwapo mo!” binalingan ko si Liam. Alam ko naman kasi na natutuwa pa siya na makitang tila pinagti-trip-an ako ng kanyang mga kabarkada.
“Woah! Iba talaga ang tapang ng mga tagabundok, ano?” sabat naman ng isa.
“Ikaw, kung wala kang magawa sa buhay mo ‘wag mong pinagtatawanan ang pagiging tagabundok ko. Eh, ano kung sa bundok ako nakatira? Ikaw nga ‘ni hindi ka marunong magsibak ng kahoy, eh. Ano lang ba alam mo? Tawag do’n mahihinang nilalang!” nasabi ko sa inis ko. Tahimik lang naman si Liam pero nakakainis dahil nakikipagtawanan siya sa mga barkada niyang alaskador.
“Hey, Audrey! Masyado ka naman yatang defensive wala naman kaming sinasabing masama, ah. Totoo lang naman ang sinasabi namin. ‘Tsaka ‘wag mo ring lalaitin ang pagiging guwapo ko. Kung ‘di ko pa alam crush na crush mo ako, eh,” sabi niyang nakangisi pa. Hindi ko iyon napaghandaan at tila namula ako sa sinabi niya. Totoo namang guwapo siya at crush ko nga siya noon.
“Oo na crush kita, noon! Noong hindi ko pa alam ang ugali mo. Palibhasa anak ka ni Mayor kaya mayabang ka!” sabi ko.
“Audrey, ang bibig mo,” bulong sa’kin ni Chona at sabay akong hinila papalayo sa grupo.
“Ano ba, Chona? ‘Di pa ako tapos sa mayabang na ‘yon.”
“Audrey, dahan-dahan ka sa pagsasalita kay Liam. Ikaw na rin ang nagsabi, anak siya ni Mayor, ‘di ba? Nakita mo ba ‘yong bodyguard niya umaali-aligid lang.”
Napabuntong-hininga ako. Tama si Chona maimpluwensiya nga ang pamilya ni Liam at isang hamak lang ako na tagabundok.
“Nakakainis kasi siya, Chona, malayong-malayo ang ugali nila ng pinsan niyang si KJ. Kahit mayaman iyon pero napakabait at napakaguwapo pa. Si Liam guwapo lang pero kung ano ang ikinaguwapo niya siya naman ikinapangit ng ugali niya,” inis na turan ko.
“Asus! Naalala mo naman si KJ, ano? ‘Wag na uy makontento ka na lang mangarap sa isang magsasaka.” Inirapan ko si Chona, minsan naguguluhan talaga ako sa kaibigan ko na ito kung kakampi ba o sulsol.
“Parang sinasabi mong wala akong pag-asang umangat sa buhay?”
“Hindi naman sa ganoon, siyempre habang buhay may pag-asa. Ang sinasabi ko lang iwasan mong magka-crush sa mga komplikado,” sabi niya.
“Oo naman, noh? ‘Tsaka ang bata-bata ko pa para sa mga ganyang bagay, marami pa akong pangarap sa buhay. Teka, bakit ba natin pinag-uusapan iyan? Tulungan mo na lang ako sa project natin. Kapag tapos mo nang gawin ang sa iyo, gawin mo naman sa’kin,” sabi ko sa kanya.
“Sa bagay na ‘yan, Audrey, hindi ko talaga maipapangako. ‘Tsaka ang hirap kaya gumawa. Sorry, pero kanya-kanya na lang muna tayo sa project.” Kunsabagay tama naman si Chona kailangan naming matuto at kailangan magseryoso sa pag-aaral dahil mas mahirap na kapag nasa kolehiyo na.
Naalala ko naman kasi sina Liam tiyak na katakot-takot na pambu-bully ang gagawin ng mga iyon sa akin kapag napanood nila ako sa entablado.
Hindi na kami nakakain sa canteen dahil naroon pa rin ang grupo nina Liam. Lumabas na lang kami ng campus at doon kami sa tapat ng academy bumili ng meryenda.