KJ
HABANG nakaupo ako sa terrace ay nakita kong binuksan ng guwardiya ang gate. Pumasok ang van sa aming compound at laking tuwa ko nang makita kong bumaba ng sasakyan si Ninong Jess. Madalas kapag dumadalaw sa mansiyon si Ninong Jess ay ako ang unang sumasalubong sa kanya pero ngayon ay nakalimutan kong naka-wheelchair na pala ako. Sa totoo lang ay mas close ako kay Ninong Jess kaysa kay Tito Rafael. Hindi ko alam kung bakit, basta mas magaan ang loob ko sa kanya. Siguro dahil palagi siyang dumadalaw sa mansiyon at talagang close ako sa kanya mula noong maliit pa ako.
“Ninong!” nakangiti kong tawag sa kanya.
“Kumusta ka na?” nakangiting tanong nito pero nababakas ko sa kanyang mukha ang awa niya para sa akin. Ayaw kong makita ‘yon sa kanyang mukha dahil mas lalo lang akong nanliliit sa aking sarili.
Yumakap siya sa akin, “Ang Tito Rafael mo?”
“Nagpunta po yata sa munisipyo. Mag-uutos na lamang po ako ng tao para sunduin siya at sabihing narito kayo,” sabi ko. At dahil palaging nasa malapit sa akin si Ed ay siya na ang inutusan kong pumunta sa munisipyo upang magsabi kay Tito Rafael.
“Pero, Sir, kabilin-bilinan ni Mayor huwag kayong iiwanan,” pabulong na sabi ni Ed sa akin.
“Ed, nandito ako sa loob ng bahay kaya ligtas ako rito. Sige na, puntahan mo na si Tito Rafael at sabihin mo sa kanya na dumating si Ninong Jess,” utos ko.
“Yes, Sir.”
Agad na umalis si Ed. Samantalang sina Ninong Jess at ang driver niya ay umupo na rin sa terrace kasama ko. Nagpakuha ako ng meryenda sa kasambahay para sa kanila.
“Bumiyahe po ba kayo sakay ng van galing ng Maynila o nag-eroplano kayo?” tanong ko.
“Nag-van lang kami. Pero kung mas komportable sa’yo ang bumiyahe sa eroplano, doon tayo sasakay pabalik. Puwede ko naman kasi paunahin na itong driver ko papuntang Maynila. Nakakapagod din kasi ang mahigit sampung oras na biyahe,” sabi pa niya.
“Ayos lang po sa’kin, Ninong, kung sa van tayo,” tugon ko.
“Alam ko naman kasi na baka natrauma ka na sa…” Hindi na naituloy ni Ninong ang kanyang sinabi, naisip kong ayaw na niyang maalala ko ang mga nangyari.
“Hindi po, Ninong, ayos lang po talaga sa’kin sa van. Doon na lang po tayo sumakay mas gusto ko ring nakikita ang mga dinaraanan ko.”
Tumango-tango lang siya, “O siya sige. Huwag kang mag-alala, KJ, sisiguraduhin kong makalalakad kang muli.”
Napangiti ako. Sapat na ang kanyang sinabi para magpalakas ng loob ko. Malaki ang tiwala ko kay Ninong dahil ‘ni minsan ay hindi pa ito nagkakamali nang sabi sa akin. Kapag sinabi niya ay talagang may kasiguraduhan.
“Salamat, Ninong, gusto ko na rin makalakad para magawa ko na ang mga bagay na gusto ko,” malungkot kong saad.
Tinapik niya ako sa balikat.
“Oo naman at mag-aaral ka kahit hindi ka pa nakalalakad.”
“Home study po ba ang ibig niyong sabihin?” tanong ko.
“Oo, para hindi ka na mahirapan. At kapag naka-recover ka na babalik na sa normal ang lahat.”
“Thank you, Ninong!” nakangiti kong sabi.
Maya-maya ay dumating na sina Tito Rafael kasama nito si Tita Maricar. Agad na nag-usap usap ang mga ito. Habang ako naman ay tinulungan ako ng kasambahay na ayusin ang mga gamit ko sa kuwarto para sa aming pag-alis kinabukasan.
Hindi ko namalayang pumasok si Liam sa aking silid at pinagmamasdan ang pag-aayos ng kasambahay ng mga gamit ko.
“So, aalis ka na pala?” tanong nitong nakahalukipkip lamang malapit sa may pintuan. Hindi ko alam kung anong ibig ipakahulugan nito, pero nararamdaman ko naman na tila natutuwa siya dahil sa wakas ay aalis na ako. Inikot ko ang aking wheelchair at humarap sa kanya.
“Oo, ipagagamot ako ni Ninong Jess at makalalakad na akong muli. Pagkatapos no’n babalik ulit ako rito,” sabi ko.
Napaismid siya, “Babalik ka pa? Huwag na, ‘tsaka baka wala ka na ring abutan dito dahil hindi magtatagal susunod na rin kami sa Maynila pagkatapos ng termino ni Dad.”
Naalala ko nga iyong sinabi ni Tito na doon na sila titira sa mansiyon namin kapag natapos ang termino nito. Gusto ko iyon dahil sila na lang ang pamilya ko, pero bakit iba naman ang nakikita ko sa kanilang mga kilos? Parang hindi ko naman sila nakikitaan ng malasakit sa akin. Kaya gusto kong gumaling na ako para hindi ako maging pabigat sa kanila sakaling lumipat na sila ng Maynila.
“Puwede namang bumisita rito kapag bakasyon, ‘di ba? Mas gusto ko pa rin balik-balikan ang lugar na ‘to,” dugtong ko.
“Ikaw bahala, kung gusto mong bumalik. Pero ako kapag nakaalis na ako sa lugar na ‘to hinding-hindi na ako babalik.”
Natahimik na lang ako alam ko naman na mas gusto talaga niya sa Maynila kaysa rito sa probinsiya.
“Bukas na ba ang alis niyo?” tanong niya.
“Oo, bukas na.”
“Ba’t hindi ka nagpaalam sa crush mo?” Napatingin ako sa kanya. Alam kong si Audrey ang tinutukoy niya.
“Hindi naman ako papayagan ni Tito gumala ngayon. Isa pa, maaga ang biyahe namin bukas kaya kailangan maaga rin akong matulog.”
Natawa siya sa sagot ko hindi ko alam kong bakit.
“Ibig sabihin inaamin mo talaga na crush mo si Audrey?”
Hindi na ako makatatanggi pa dahil sa sagot ko na iyon kanina ay parang inamin ko na rin na crush ko nga si Audrey.
“Ano naman kung crush ko? Para iyon lang,” balewalang tugon ko. Pero biglang nagseryoso siya ng mukha.
“Mabuti na lang at hindi mo sinabi sa kanyang crush mo siya dahil pagnagkataon ay lalong lalaki ang ulo no’n.”
Napangiti na lang ako. Hindi ko naman mamasamain kung sakaling malaman ni Audrey iyon. Pero napakabata ko pa para sa mga bagay na iyon. Marami pa akong pangarap sa buhay kaya hinding-hindi ko sasayangin ang tulong na ibibigay sa akin ni Ninong Jess.
KINABUKASAN pagkatapos naming mag-almusal at mag-ayos ay inilagay na sa likod ng sasakyan ang aking mga gamit. Ang pinakaiingat-ingatan kong cremation jar ni Daddy ay inilagay ko sa mas ligtas na lalagyan para hindi umuga habang nasa biyahe kami.
“Ingat ka KJ, susunod na lang kami sa’yo roon,” sabi ni Tito Rafael na sumilip sa bintana ng sinasakyan naming van. Sina Liam at Meyanne naman ay nasa loob pa ng bahay at abala sa paghahanda pagpasok sa eskwela. ‘Ni hindi man lang sila sumilip sa akin o ihatid man lang ako sa sasakyan. Hindi na bago sa akin iyon dahil ganoon naman talaga sila, parang walang pakialam sa akin.
“Sige po, Tito, hihintayin ko po kayo sa Maynila,” tugon ko at kumaway na sa kanila ni Tita Maricar.
“Pano, pare, ikaw na ang bahala sa pamangkin ko, ha?” narinig kong sabi niya kay Ninong Jess. Nagkamayan ang dalawa bago sumakay si Ninong Jess sa sasakyan namin.
Habang papalayo ang sasakyan sa bahay nina Tito Rafael ay nakaramdam ako ng matinding lungkot dahil naalala ko si Daddy. Sa pagbabalik ko sa Maynila ay panibagong buhay ang kahaharapin ko. Takot ako dahil hindi ko alam ang buhay na naghihintay para sa akin.
Napadaan pa ang sasakyan namin sa Academy na isa sa mga nagpapaalala sa akin kay Daddy.
“Ninong, saglit po. Puwede po ba tayong huminto kahit sandali?” sabi ko.
Marahang inihinto ng driver ang kotse sa tapat mismo ng gate ng academy. Marami nang estudyante ang papasok. Hindi lang pala si Daddy ang naalala ko kundi pati si Audrey na nakilala ko lang sa loob nang maikling panahon. Nakita ko siyang pumasok ng gate at mag-isa lang siya. Gusto ko sana siyang tawagin pero duda ako kung maririnig pa niya ako dahil ang bilis niyang maglakad. Pinagmasdan ko na lang siya hanggang sa makalayo na nang tuluyan.
“Tara na po, Ninong,” sabi ko.
Agad na umandar ang sasakyan namin paalis.
SA haba ng biyahe namin ay hindi man lang ako nakatulog nang mahimbing. Palagi ko kasing naaalala ang trahedyang nangyari at nakaramdam na naman ako ng takot. Kaya nang makarating kami sa Maynila ay ‘tsaka lang ako nakatulog sa sasakyan. Ginising na lang ako ni Ninong nang makarating na kami sa kanilang mansyon.
Pilit kong idinilat ang aking mga mata kahit hirap dahil sa pagkakasilaw ko sa sikat ng araw na tumatama sa aking mukha. Tumingin ako sa aking pambisig na relo alas-siyete pa lang ng umaga.
“Nandito na po ba tayo, Ninong?” tanong ko. Parang nag-iba kasi ang disenyo ng mansiyon. Nang huli akong pumunta rito ay maganda na ito pero mas gumanda pa at nagmukhang bago ito ngayon. Ang magandang hardin na punong-puno ng iba’t-ibang mga bulaklak ay mas nakaganda sa modernong disenyo ng mansiyon. Hindi naman nakapagtatakang ganito kaganda ang kanilang tirahan dahil sila ang nagmamay-ari ng isa sa mga pinakamalaking construction company sa bansa. Gayunman, kahit magkakompetensiya sila ni Daddy sa negosyo ay hindi ito nagsisiraan bagkus ay nagtutulungan pa ang mga ito.
“Tara na,” yaya sa akin ni Ninong. Tinulungan niya akong lumulan sa aking wheelchair at siya na rin ang nagtulak hanggang sa loob ng mansiyon.
“Sino po ang kasama niyo rito?” mayamaya ay tanong ko.
“Natin, KJ. Mula ngayon magiging bahay mo na rin ito. Dalawa na bahay mo ngayon,” nakangiting saad niya.
“Si Ninang mo, si Cathy, ‘tsaka mga kasambahay ang kasama natin dito,” dugtong pa niya.
Sumalubong sa amin si Ninang Eloisa, “Hi, KJ! ‘Di ka ba napagod sa biyahe? Dapat kasi nag-eroplano na lang kayo.” Bumaling ito kay Ninong at humalik sa pisngi. Naalala ko si mommy nang makita ko si Ninang Eloisa. Mabait si Ninang sa akin at napakagaan din ng loob ko sa kanya. Kung buhay pa ang aking mga magulang ganito rin kami kasaya. Kahit maliit pa ako noon ay tandang-tanda ko pa kung gaano kami kasaya.
“Okay lang po, Tita Eloisa, nag-enjoy naman po ako sa biyahe namin,” nakangiting tugon ko.
Nakita kong lumabas din si Cathy at nagmamadali itong lumapit sa amin.
“Hi, Kuya! Kumusta ka na? Yehey! May magtuturo na sa akin sa mga assignments ko,” sabi niya.
“Hayan ka na naman. Hindi ka pa rin ba nakikinig sa teacher mo?” pagbibiro ko.
“Uy, uy, uy! Hindi siya titira dito para maging tutor mo, Catalina,” saway ni Ninang Eloisa.
“Mommy naman, eh, lagi mo pang binabanggit nang buo ang pangalan ko. Cathy na lang kasi,” pagmamaktol nito. Natawa na lang ako. Ayaw na ayaw kasi nitong tinatawag siyang Catalina. Pangalan daw kasi iyon ng paboritong lola ni Ninang kaya isinunod doon ang pangalan ni Cathy.
“O siya, kumain na muna tayo at pagkatapos ay ihahatid kita sa magiging kuwarto mo, hijo,” sabi ni Ninang.
“Mamaya na lang po ako kakain, Ninang, matutulog po muna ako dahil hindi po ako masyado nakatulog sa biyahe.”
“Ah, ganun ba? O siya sige, tara na, samahan na kita sa magiging kuwarto mo.”
Sinamahan nga ako nina Ninang at Cathy sa magiging silid ko. Napakalaki ng silid ko mas malaki pa ito roon sa silid ko sa aming mansiyon.
“It’s too much, Ninang, sana kahit sa guest room na lang ako,” sabi ko.
“Ay, naku! KJ, huwag ka nang mahihiya, bahay mo na rin ito. At kahit gumaling ka na welcome ka pa rin dito. Napakalaki nang mansiyon para sa guest room ka lang namin patulugin.”
“Thank you po, Ninang.”
“Basta, Kuya, tulungan mo ako sa mga projects at assignments ko ha,” sabat naman ni Cathy.
“Oo na, Catalina,” sagot ko sabay napahalakhak ako kaya sumimangot siya. Kahit hindi kami madalas magkita ng pamilya ni Ninong ay close ako sa kanila maging kay Cathy na anak nila dahil para ko na rin itong nakababatang kapatid.