ANDROMEDA
"...ay Andromeda Crealle."
Nang matapos kong sabihin ang pangalan ko ay akala ko tatawa silang lahat, na hindi sila maniniwala sa pangalan ko. Pero tahimik sila, parang kahit ang kaunti mong galaw ay maririnig dahil sa nakabibinging katahimikan. Para akong nagsabog ng bomba at lahat sila ay nasindak at natulala.
Gusto ko sanang sabihin na ako na lang ang natitirang Crealle sa buong mundo. Totoo 'yon. Nang mamatay ang lola'ng kumupkop sa akin, naisip kong hanapin ang mga kamag-anak ko. Baka sakaling may makita pa akong Crealle na nalalabi sa mundo, kaso wala. Pero hindi ko sinabi na ako na lang ang nag-iisang Crealle dahil hindi ko alam at hindi pa ako sigurado kung ano ang koneksyon ng aking ina sa markang 'yon.
Ang iba ay nagtaas ng kilay, may nagkrus ng kanyang braso, may nanatiling nakatitig sa akin, pero may ilan na nakita ko ang awang sa bibig.
"Sandali, ang sinabi mo ba ay ikaw si..." tumingin ang matandang lalaki na nasa mid-50s sa iba niyang mga kasama. "...si Andromeda... Crealle?"
Matagal ko siyang tinitigan bago ko sinabing, "oo."
Sandali siyang natawa habang ang iba naman ay nanonood sa amin. "Ikaw si... Andromeda Crealle? Crealle?"
Nagsalita ang lalaking nakaupo sa mesa na nasa likod ng lalaking kausap ko. Singkit ang mga mata niya at mukhang mapagbiro. "Alam mo Miss, maganda ang pakikipagtitigan mo kay Metaphor. Totoo. Pinapakita no'n na totoo at walang bahid ng kasinungalingan ang sinasabi mo. Pero Miss—"
"Anak ako ni Petunia Crealle." pinutol ko ang pagsasalita ng lalaki at binitawan ko ang mga salitang 'yon. Napatakip ng bibig si Atria dahil sa sinabi ko, panlalaki naman ng mata ang naging reaksyon ng karamihan.
Humakbang papalapit sa akin si Atria. "Hindi mo sinabi sa akin na anak ka ni—"
"Ano? Anong hindi sinabi? Atria, huwag mong sabihin na personal mong kilala ang babaeng ito?" sumabat ang lalaking nakaupo sa kaliwang sofa.
"Hindi. Hindi ko siya kilala. Ako ang nagdala sa kanya dito pero—"
"Paanong ikaw ang nagdala sa kanya dito, Atria? Pinaniwalaan ka ni Sixteen na dala-dala mo siya?" nakita ko ang lalaki sa gilid na nakaupo naman sa kanang sofa, tiningnan siya ni Atria nang may galit.
"Oo! Ako ang nagdala sa kanya dito, Neon!" hinarap ako ni Atria pero nanatili pa rin ang mga mata ko sa tinawag niyang Neon. Malinaw kong namumukhaan ang mukha ng lalaki. Positibo, siya 'yon. At siya din ang tinutukoy na nag-iisang Strontium maliban kay Atria.
"Atria, alam mong bawal magdala ng kahit sinong walang pahintulot ng Prime o ni Dandelion dito. Bakit mo pa rin ginawa?"
"She threatened me! Wala akong nagawa! She left me no choice kaya ko 'to nagawa!"
"Sandali, sa tingin ko ay nakakalimutan natin kung ano ang sinabi ng babaeng ito kani-kanina lamang." lumapit ang lalaking nasa mid-50s at naglahad ng kanyang kamay sa akin.
"Binibini, hayaan mong ipakilala ko ang sarili ko. Ako si Metaphor, at kung tunay nga ang iyong sinabi na ikaw ay anak ni Petunia Crealle, ikinagagalak kong makilala ka." kinuha niya ang kanang kamay ko at hinalikan ang ibabaw nito.
"Hindi pa napapatunayan na anak nga siya ni Miss Petunia kaya walang dahilan para igalang natin siya ngayon." sinabi ng lalaking tinatawag nilang Neon.
"Huwag ka namang masyadong hard sa kanya, Neon. Hindi natin alam kung totoo o hindi ang sinasabi niya. Kung siya nga ay dapat siyang galangin ngunit kung hindi ay babae pa rin siya kaya dapat pa ring galangin." lumapit sa akin ang lalaking singkit na nakaupo sa mesa, at gaya nang una ay hinalikan niya rin ang ibabaw ng kamay ko.
"Gawain mo 'yan, Radon. Sa una mo pa lang tingin sa babae ay alam mo na agad kung saan sila ilalagay at masasabi ko ngayon na minamalas ang babaeng 'yan sayo." ani Neon.
"Sandali, at least, kahit papaano ay itinuturing ko silang prinsesa. Hindi katulad mo na pagkatapos mong gamitin ay basta mo na lang—"
"Magsitigil nga kayo!" malakas ang boses ng lalaking nagngangalang Metaphor na ikinatahimik ng lahat.
"Saka niyo na lang pag-awayan ang tungkol sa babae kapag humupa na ang problema kay Minus at sa kadarating lamang na balita ngayon!"
"Nandito ang anak ni Petunia at hindi dapat ito ibinabalewala." pagpapatuloy niya.
"Hindi alam ng lahat na may anak si Ms. Petunia."
"Paano naman siya magkakaanak kung puro assassination ang ginagawa niya?"
"Kung tunay nga siyang anak ni Ms. Petunia ay paano siya nabuntis?"
"Ang tanong ay sino ang nakabuntis sa kanya."
"Ito ba ang dahilan kung bakit siya umalis sa Vaun Deriogne?"
"Alam niyang hindi niya matatakasan ang kontrata kaya bakit siya umalis? Bakit hindi niya na lang ipakilala sa organisasyon ang kanyang anak?"
"Baka ninais niya itong itago?"
Isang katahimikan ang bumalot sa kanila. Kung mag-usap sila ay parang wala ako sa paligid. Para silang mga nagdedebate, pakiramdam ko ay nasa korte ako at sila ang mga tagapaghusga, ang kaiba lang ay wala akong abogado na magtatanggol sa akin.
"Dahil ikinahihiya niya ang anak niya." nag-init ang tainga ko nang marinig 'yon. Pinadyak ko ng malakas ang isa kong paa para ipakita ang pagkainsulto.
"Kailanman ay hindi ako ikinahiya ng nanay ko, tandaan mo 'yan!"
"Pero hindi mo alam ang tunay na dahilan ng nanay mo para hindi ka niya ipakilala sa organisasyon."
Tumayo si Neon at naglakad sa harapan ko. "Isipin mo nga, bakit ka naman niya hindi ipapakilala sa Vaun Deriogne kung siya, si Ms. Petunia Crealle, ang reyna ng organisasyon?"
"Ano?" naguguluhan kong sabi.
"Kita mo, hindi mo alam. Either ikinahihiya ka niya o dahil hindi talaga siya ang tunay mong ina?"
"O baka naman bunga ka ng isang pagkakamali? Isang bawal na relasyon. Akalain mo nga naman, si Ms. Petunia Crealle na hinahangaan ng lahat, may mabahong issue din pala." hindi ako natinag ng posas na nakalagay sa kamay ko dahil sinugod ko ang lalaking 'yon.
"Aba't! Bawiin mo ang sinabi mo! Bawiin mo! Hindi totoo ang mga sinabi mo! Wala kang alam kaya wala kang karapatan para pagsalitaan ang nanay ko ng ganyan!" inundayan ko siya ng suntok. May mga taong pumipigil na sa akin pero hindi ko sila alintana at pinaulanan ko siya ng suntok. Wala akong pakialam kung sa kanya ko na hinahampas ang posas na nakasuot sa dalawa kong kamay.
"Walang hiya ka! Bwisit ka! Para sabihin ko sayo, mas marami pa siyang pinagdaanan kaysa sayo! Wala ka pa sa kalingkingan niya kaya wala ka sa lugar para magsalita ng ganyan! Hayop ka! Hayop!" tanging ngisi lang ang sagot niya sa nga sinabi ko. Nagdugo ang labi niya at namumula din ang mukha niya. Aminado naman kasi akong malalakas talaga ang suntok na pinakawalan ko kaya ganon. Pero wala akong pakialam, walang pagsisisi na nabubuhay sa puso ko dahil sa ginawa ko sa kanya, ang mahalaga ay maiparamdam ko sa kanya ang galit ko.
"Huminahon tayong lahat, maaari ba?" sabi ni Metaphor.
"Pakitahi ang bibig ng lalaking 'yan ah! Kapag hindi ako nakapagpigil, ako mismo ang magpapaputok ng mukha nyan!"
"Tama na!" sigaw ni Metaphor na umalingawngaw sa buong mansyon.
Pinainom nila ako ng tubig para mapakalma ako. Pinatayo naman nila si Neon para ilayo na sa akin.
"Binibining Andromeda, mamaya ay ipapasama ka namin papunta sa laboratoryo namin at doon ay gagawa sila ng iilang mga tests para malaman kung ikaw nga ay tunay na anak ni Ms. Petunia Crealle. Ahm, iyon ba ang dahilan kung bakit ka naparito o mayroon pang iba?"
Tumingin ako kay Atria, marahil ay hinihintay niya rin ang pagkakataong sabihin ko ang dahilan kung bakit ko hinahanap si Nathaniel Strontium.
"Ang totoo nyan, hindi ako nandito dahil isa akong Crealle. Nandito ako dahil buntis ako..." tumingin ako kay Neon nang nanlilisik.
"...at ikaw ang ama."