ANDROMEDA
"Pasensya na at dito kita dinala. Yung apartment ko kasi, magulo doon at nakakahiya naman kung doon kita dalhin ngayon."
"Ayos lang. Ako naman ang humingi ng tulong."
Lumabas si Sulphur mula sa kanyang maliit na kusina nang may hawak na baso ng tubig. Inilapag niya ito sa center table at umupo sa upuan na nasa tapat ko.
"Maliit lang ang kwarto ko dito sa Hexagon. Laging may mga kailangang gawin kaya pinili kong manirahan na muna dito. Minsan, kapag kailangan kong magpanggap na ordinaryong tao dahil sa misyon, doon ko lang nagagamit ang apartment ko." tumango ako sa sinabi niya.
"Bawat isa ba kayo ay may kwarto dito?"
"Oo. Ang Hexagon ay tahanan na ng lahat ng miyembro ng Vaun Deriogne." kinuha ko ang baso ng tubig at ininom ang laman nito.
Maraming bagay pa akong hindi naiintindihan. Kahit gaano ko gustong alamin ang mga ito, naisip kong wala pa ako sa lugar hanggat hindi ko napapatunayan ang koneksyon ng aking ina sa organisasyong ito.
"Sinabi mo, may pumasok na mga lalaki sa bahay mo kanina. Anong nakuha nilang gamit sayo? Sinaktan ka ba nila?"
"Wala silang nakuha. Pero narinig ko ang pag-uusap nila na may hinahanap silang isang bagay sa bahay ko at dahil hindi nila 'yon nahanap kanina kaya sa ibang araw ulit sila sasalakay sa bahay. At sisiguraduhin nilang maaabutan nila ako para kunin din ako."
"Mabuti na lang at malakas ang loob mo, Ada."
"Nakita kong bumulagta ang nanay ko bata pa lang ako. At dalawang beses akong nakasaksi ng libing ng dalawang taong mahalaga sa akin. May mas titindi pa ba sa nangyari sa aking ganun?"
Tumayo si Sulphur at naglakad-lakad. "May nakuha ka bang impormasyon mula sa kanila?"
"Tatlo silang lalaki. 'Yong dalawang lalaki, hindi ko masyadong nakita dahil sila ang unang lumabas ng bahay. Habang yung isa, nakita kong malaki ang pangangatawan niya. May pilat siya sa kilay at mahabang tahi sa braso. Inisip kong hindi ko siya kayang labanan kaya hindi ko siya nilabanan kahit gustong-gusto ko—"
Humarap siya sa akin nang may magkasalubong na mga kilay. "Ano nga ulit ang sinabi mo?"
"Hindi ako nanlaban—"
"Hindi. Hindi 'yon. 'Yong description mo sa lalaki. 'Yong natatandaan mo."
"May pilat siya sa kilay at—"
"Saang kilay?"
"Sa kaliwa."
"At sinabi mong may tahi siya sa braso niya?"
"Oo, sa kanang braso."
"Sigurado ka sa nakita mo?"
"Oo, ano naman ang dahilan ko para magsinungaling sayo?" natahimik siya sandali. Sana lang at hindi ako magkamali na sa kanya ako humingi ng tulong.
"Bakit, may kilala ka bang ganun? Kilala mo ba ang tinutukoy ko?"
Huminga siya ng malalim. "May kilala akong ganun ang itsura. Malaki ang pangangatawan. May pilat sa kaliwang kilay at tahi sa kanang braso. Ang pangalan niya ay Black."
"Black? Kaya pala puro itim ang kasuotan niya."
"Oo, pamilyar ba sayo ang pangalan niya?"
"Hindi. Hindi ko pa siya nakikita at hindi ko pa naririnig ang pangalan niya—kahit ito pa ang pangalan niya."
"Kung ganun, bakit ka naman niya pagtatangkaan at ano naman ang kukunin niya sayo?"
"Hindi ko alam. Sandali, kung kilala mo si Black, kilala din ba siya ni Aluminum? At ng iba mo pang kasama?"
"Kilala namin siya. Pero ano naman ang koneksyon ng grupo nila sayo? O sa iyong ina?"
"Bakit, sa tingin mo may kinalaman ang nanay ko dito?"
"Hindi malayong mangyari 'yon, Ada. Wala pang nakakalabas dito sa Hexagon na impormasyon o anunsyo na lumabas na ang anak ni Petunia Crealle kaya ang lahat ng nangyayari ngayon sayo ay buhat ng utang niya sa kanyang nakaraan."
"Pero sigurado akong ako ang hinahanap nila. Ibig sabihin no'n, ako mismo ang puntirya nila at siguro naman alam nilang matagal ng patay ang aking ina."
Wala siyang naging sagot sa sinabi ko. Marahil tulad ko ay naguguluhan na rin siya.
"Hindi ko masyadong kilala si Black. Ang nakukuha ko pa lang ngayon sa mga nangyayari ay alam na nila kung saan ka nakatira, at bukod pa dun ay hindi nila alam na nasa pangangalaga ka na ng Vaun Deriogne dahil kung alam nila ay hindi ka nila pagtatangkaan dahil may kasunduan ang grupo namin at grupo nila na ang anumang pagmamay-ari ng grupo ay mananatiling kanya at walang maaaring umagaw. Hindi sila magtatangka na agawin ang nasa puder namin, Ada. At ikaw 'yon."
Bago pa bumuka ang bibig ko ay may narinig na ako na anunsyo mula sa speaker sa loob ng kwarto ni Sulphur.
"Nagpatawag ng pagtitipon si Metaphor. Isang mahalagang balita ang dala niya kaya naman inaasahang ang lahat ay nasa mansyon na."
Tumingin ako kay Sulphur. "Kailangan ko na yatang umalis. Salamat sa—"
"Hindi, Ada. Kailangan nating makausap si Metaphor. Kung anuman ang kailangan nila sayo, kasama ng iyong ina, kailangan nating malaman 'yon. Naniniwala akong kahit papaano ay may alam si Metaphor sa mga nangyayari. May sapat siyang impormasyon tungkol sa iyong ina na pwedeng makatulong sayo para maintindihan ang mga nangyayari."
"Sige, halika na." bago umalis ay ipinaliwanag muna sa akin ni Sulphur kung kailan ako kailangang lumabas. Isang paglabag ang gagawin kong lihim na pakikinig sa pag-uusapan ng grupo nila pero wala na kaming pagpipilian.
Nakarating kami sa mansyon kung saan ko unang nakita ang karamihan sa kanila. Dumaan kami sa lihim na lagusan ng mansyon at doon ako nagtago. Pero kahit na ganon ay malinaw ko pa ring naririnig ang mga nangyayari miski na ang pagbukas ng pinto ng elevator at ang yabag ng bawat isa sa kanila.
"Sinong nagpatawag ng meeting?"
"Si Metaphor daw. Para saan ba ang meeting na 'to?"
May mga yabag na nagdatingan, ang hula ko ay mga bagong dating sila.
"Nasaan si Dandelion?"
"Asahan niyo nang wala siya dito, abala pa rin siya sa paghahanap kay Minus at sa nawawalang pera."
"Kung wala dito si Dandelion, ibig sabihin ay hindi pa rin nila nahahanap si Minus. Kung ganun, bakit magpapatawag si Metaphor ng pagpupulong? Tungkol ba saan ito?"
"Baka may sasabihin ang Prime."
"Si Atria, hindi makakarating. Tumawag na siya sa akin."
"Sus! Baka binabakuran mo na, Aluminum! 'Yong totoo, magkatext kayo, 'no?"
"Radon, tumigil ka nga. Nagtext lang siya sa akin."
"Anong nangyayari dito?"
"Wala, Iowa. Nasaan si Neon, hindi kayo magkasabay?" may panibagong yabag na naman akong narinig.
"O' Argon! Nasaan si Neon? Hindi ba't kayo ang magkasama?"
"Hinatid lang si Dahlia pero natanggap niya na ang balita. Baka malapit na 'yon."
"O', buhay pa si Dahlia? Akala ko matagal niya nang nilayuan 'yon?"
"Ano ba, kilala niyo si Neon. Hindi niya basta basta binibitawan ang mga babae niya."
"I don't understand why he has to stay with her?"
"Alam mo Iowa, huwag ka ng magselos. Sa huli nyan, sayo rin naman babagsak si Neon eh."
"Oy, baka nakakalimutan niyong dumating si Andromeda? At may dagdag pa dahil nabuntis siya ni Neon!"
"Oo nga 'no! Kay Andromeda na ako!"
"Ako rin, boto ako kay Andromeda at Neon! Hahaha! Kung makikita natin kung paano magsalpukan si Andromeda at Neon, panalo!" inirapan ko si Argon dahil doon.
"Duh, as if I'm competing with her."
Ang ingay na nangingibabaw sa buong lugar ay naglaho nang ang panibagong yabag ng mga paa ay dumating. Para bang pinawi nito ang ingay at tawanan at naging seryoso ang buong mansyon.
"Nasaan si Atria?" pagkatapos ng mga yabag ay ang baritonong boses ng isang lalaki ang nagsalita, si Metaphor.
"Hindi siya makakarating. May kailangan siyang gawin sa kanyang trabaho."
"Naiintindihan ko. Si Neon?"
"Ahm... may hinatid lang na babae pero parating na siya."
"Iowa, kamusta na si Dandelion at ang kanyang paghahanap?"
"May lugar silang pinuntahan pero negative ang resulta, wala na doon si Minus. Wala siyang iniwang bakas at ngayon, nahihirapan kaming maghanap kung nasaan siyang muli."
"Magpapahatid ang Prime ng karagdagang tao para mahanap si Minus."
"Matutuwa dyan si Dandelion."
"Pero hindi pa 'yon ang balitang sasabihin ko. Kaninang umaga, pinatawag ako ng Prime para sa isang magandang balita."
"Ano?" bago pa makapagsalita si Metaphor ay may panibago na namang yabag ang dumating.
"Mabuti at nandito ka na, Ginoong Neon dahil ang balitang ipapaalam ko ay may kinalaman sayo."
"Ano 'yon?"
"Sa susunod na linggo ay may mangyayaring piging. Ipinatawag ng Prime ang lahat ng mahahalagang tao sa Vaun Deriogne para sa isang malaking anunsyo. Ang anunsyong iyon ay hindi ko pa maaaring sabihin. Kailangan niyong paghandaan ang selebrasyon na iyon kahit hindi niyo pa alam kung tungkol saan ang mangyayari."
"Totoo ba 'yan?"
"Oo, at Sulphur, kailangan mong sabihin kay Binibining Andromeda na kailangan niyang pumunta—" hindi ko na hinintay pang matapos ang sasabihin ni Metaphor at lumabas na ako sa pinagtataguan ko.
"Hindi na kailangan, nandito na ako." kita ko ang panlalaki ng mata ng karamihan sa magarang mansyon.
"Binibining Andromeda, gaya nga ng narinig mo ay magkakaroon ng isang piging na magaganap dito sa Hexagon. Kailangan mong maghanda para do'n."
"Ano namang kinalaman ko sa mangyayaring 'yon?"
Ngumiti si Metaphor. "Nakasisiguro akong malaki ang magiging papel mo sa pagtitipon. Inaasahan ka ng Prime sa iyong pagdating, Binibini."
Umalis si Metaphor at naiwan kaming tahimik. Dahil naalala ni Sulphur ang tunay na pakay ng pagdating ko dito ay hinabol niya si Metaphor.
"Bakit ka nandito? Kakikita lang natin kanina ah?" ani Neon.
"Ada, halika na!" tawag ni Sulphur sa akin kaya naman nilampasan ko na lang si Strontium.
Hinablot ni Strontium ang braso ko kaya napaharap ako sa kanya. "Nagtatanong ako 'di ba?"
Siniko ko siya kaya nabitawan niya ang braso ko. "Pwede ba, sino ka ba sa akala mo para hawakan ang braso ko?"
Inirapan ko siya bago ko siya lampasan. "As if we're close."