ANDROMEDA
"Sino ka at bakit ka nandito?" mabilis na namilog ang mata ko. Mahigpit niyang hinahawakan ang palapulsuhan ko.
Paano siya nakalapit sa akin eh wala naman akong narinig na kaluskos o ano?
"Nasasaktan ako, bitawan mo nga ako!" padabog kong hinila ang kamay ko sa kanya.
"Sino ka?" tanong niya. May mini earphone siya sa kanyang kanang tainga. Navy blue ang longsleeves niya at pants.
Inikutan ko siya ng mata bilang sagot. Lagot ka na ngayon, Ada.
"Ilegal kang pumasok dito o may nagpasok sayo?" panlilisik lang ng mata ang naisagot ko sa kanya.
"Walang nagsabi na may ipapasok silang tao dito kaya sigurado akong outsider ka." hinigit niya ang wrist ko at hinatak patungo sa daan na dinaanan ko rin kanina.
"Bitawan mo nga ako, ano ba!"
"Palalabasin kita dito pero wala kang sasabihin sa labas, naiintindihan mo ba?" nakaisip ako ng paraan para mapakawalan niya ang kamay ko sa pagkakahawak niya. Kinagat ko ang kamay niyang humahawak sa akin at hindi ako nagkamali na binitiwan niya nga 'yon. Tumakbo ako ng mabilis palayo sa kanya para hindi niya ako mahabol. Kaso napaluhod agad ako nang maramdaman kong pinatamaan niya ako ng bala sa binti. Walang tunog dahil ginamitan yata ng silencer.
Bwisit!
"Pinadaplisan kita ng bala pero hindi ka mamamatay. Ngayon, umalis ka na at kalimutan mo ang mga nakita mo dito sa loob. Iyan na ang huling beses na uulitin ko ang sinabi ko."
"Kailangan ko si Nathaniel Strontium." matigas na wika ko.
Lumabas ang ngisi sa kanyang mukha. "At ano naman ang ginawa niya sayo? May utang ba siya na hindi niya—"
"Nasaan si Nathaniel Strontium?"
"Ano nga ang pakay mo sa kanya?"
Nginisian ko rin siya. "Ikaw ba siya para sabihin ko sayo ang kailangan ko sa kanya? Hindi 'di ba?"
Nakita ko ang pagkairita sa kanyang mukha. "Wala siya dito. Umalis ka na!"
"Talaga?" tinadyakan ko siya at mabilis kong kinuha ang baril na nasa kamay niya. Pinaputukan ko ang gilid niya bilang banta.
"Ibigay mo 'yang baril sa akin at ihahatid kita sa kanya."
"Talaga? Bakit parang hindi ako naniniwala?"
Napapikit siya sa inis. "Ano ba kasing kailangan mo sa kanya? At saka bakit hindi mo maintindihan na bawal ka dito. Hindi ka pwede dito, naiintindihan mo ba 'yon?"
"Bakit, ilegal ba 'to? Ilegal ba ang ginagawa niyo?"
Huminga siya ng malalim. "You have no idea how delicate this situation is. Alam mo bang kapag may nakakita sayo na nandito ka at ilegal kang pumasok dito, babarilin ka agad nila. Mabuti na nga lang at hindi ka nakita nila Sixteen o ni Aluminum, mabuti na nga lang at ako ang nakakita sayo, kung hindi ay binaril ka na agad. Binibigyan kita ng pagkakataon para umalis, huwag kang mag-alala at ihahatid pa kita palabas."
Tumaas ang kilay ko. "Baka naman natatakot ka na may makakita sa akin at kasama kita?"
"Kung ako sayo, umalis ka na."
"Kaso hindi ako ikaw eh, so hindi ako aalis."
Umayos siya ng upo sa damuhan. "Miss, kung ano man ang kailangan mo kay Nathaniel Strontium o ni Neon, huwag mo ng asahan na magagawa niya ang bagay na inaasahan mo sa kanya. Hindi mo kilala si Neon. Sigurado akong napagod ka bago ka nakapunta dito, pero hindi ko alam kung masusuklian ang pagod mo dahil hindi din ako sigurado kung kahit nandito si Neon ay haharapin ka niya."
Nagulat ako sa sinabi niya. Oo, pagod na nga ako pero kaya ko pang hanapin ang siraulong lalaking 'yon. Kaso hindi ko naisip na bukod sa paghahanap sa kanya ay mahihirapan din akong makipag-usap sa kanya at makumbinsi na siya ang ama ng batang dinadala ko. Kung si Tulip nga ay hindi agad naniwala na buntis ako, mas lalong hindi maniniwala ang lalaking 'yon na siya ang nakabuntis sa akin. Isa pa, sa bar nga lang kami nagkita, ni hindi kami personal na magkakilala.
"Anong sinasabi mo, na mawalan ako ng pag-asa, ganon?"
"Kung ano man ang kailangan mo kay Neon, marami ka pang pagdadaanan para lang makausap mo siya."
Huminga ako ng malalim. Hindi ko idedeklara na talo na ako, kailangan ko lang mag-isip pa ng mas maganda at epektibong paraan para makausap ang hinayupak na lalaking 'yon. Alam ko naman na kung sinong tao at saang lugar ako pupunta kapag handa na ulit ako. Kailangan ko lang magpahinga ngayon.
"Tumayo ka dyan. Ihatid mo ako palabas." mabilis siyang tumayo at nilahad ang kamay niya sa akin.
"You're giving up?"
"Hindi. At hindi ko rin ibibigay ang baril mo hanggat hindi ako nakakalabas dito." tinitigan niya muna ako bago siya nagsalita.
"Sige. Hintayin mo ako dito. Ipapadaan ko ang kotse tapos pumasok ka ng mabilis." nagdududa ako sa plano niya pero tumango na lang ako.
Habang naghihintay ay hindi ko mapigilang mag-isip. Ano ba talaga ang dahilan kung bakit pinuntahan nila si mama? Sa lahat ng nakalimutan ko, iilang detalye na lang at ang iba pa ay hindi sigurado ang naaalala ko sa pagkamatay ni mama. At ang markang nakita ko sa babae kanina ang sigurado akong nakita ko nang mamatay siya. Hindi ko alam kung ano ang koneksyon ng nanay ko sa markang 'yon pero natatakot akong malaman. Kaunti lang ang natatandaan ko nang nabubuhay pa ang aking ina. Ang alam ko ay kapag nasa trabaho siya ay may binabayaran siyang kapitbahay namin para bantayan ako. Hindi pa kasi ako nag-aaral no'n kaya puro paglalaro ang alam ko. Sakto naman na kaedad ko din ang anak ng kapitbahay namin kaya magkalaro lagi kami ng anak niya. Hindi ko alam ang trabaho ni mama. Tapos kaunti lang din ang naaalala kong masasayang alaala tungkol sa amin. Lagi akong nagtatanong sa kanya kung bakit kailangan naming lumipat dahil hindi ko alam kung ilang beses na kaming lumipat ng bahay—mas maraming beses pa kaysa sa pagtatanong ko kung nasaan ang tunay kong tatay. Nakalimutan ko na kung paano niya ako sinasagot no'n at kalaunan ay natanggap ko rin ang naging buhay namin.
Naagaw ang atensyon ko ng papalapit na sasakyan. Binuksan ko ang pintuan ng backseat at umupo doon.
"May kumot dyan. Sa may gate, may mga guard do'n, itaklob mo ang kumot sayo at ako na ang bahala sa kanila." tumango ako sa kanya. Habang nagmamaneho siya at tinitingnan ko ang dinadaanan namin ay doon ko lang napansin na mahaba din pala ang tinakbo ko kanina. Kailangan talaga ng sasakyan para hindi mahirapang makarating sa parte kung nasaan ang mga gusali.
"Ilegal ang ginagawa niyo, 'no?" panimula ko. Tiningnan niya ang rear mirror para makita ako. Hindi siya sumagot.
"Alam mo, wala akong pakialam kung ano ang ginagawa niyo sa loob. Makita ko pa lang 'yong mga baril ng mga lalaki, alam ko ng may nangyayaring ilegal. Hindi ako magsusumbong sa pulis, at hindi rin kita isusumbong. Gagawin ko lang 'yon kapag may ginawa na kayo sa aking masama."
Oo, sinundan ko ang babaeng nakita ko kanina sa Strontium Industry na may marka. Marka na kahalintulad ng markang nakita ko nang mamatay ang nanay ko. At sa pagsunod ko sa kanya ay dito ako dinala. Hindi ko pa napapatunayan kung anong kinalaman ng markang 'yon sa nanay ko kaya hindi muna ako gagawa ng kahit anong hakbang ng pagsusumbong.
Pinanood ko ang pagngiti niya. "Si Strontium lang talaga ang hanap mo, ano?"
Inirapan ko siya. "Sinabi ko na nga sayo 'di ba? Hindi ka nakikinig."
"Ano nga ulit ang pangalan mo? Para naman kapag makikita kita ulit dito ay kilala na kita."
"Hindi tayo close. At saka hindi ibig sabihin na alam mo na ang pangalan ko ay kilala mo na talaga ako."
Nabuo ulit ang ngiti niya. "Iba. Alam mo, parang gusto kitang ihatid ngayon kay Neon. Gusto kong sabihin sa kanya na nakahanap ako ng katapat niya." dinugtungan niya iyon ng tawa.
"May tanong ako." pag-iiba ko ng topic.
"May pumasok dito na maputing babae. Puti ang damit, puti ang bag, puti ang heels. Strontium ba siya?"
Tumaas ang kilay niya. "O bakit, iba namang Strontium ang hinahanap mo ngayon?"
"Strontium nga siya." deklara ko. "Anong pangalan niya?"
"Atria. Atria Strontium." tumango ako. Hindi nga ako nagkakamali. Ang sinabi kanina ng babae sa front desk ay Atria ang pangalan ng namamahala sa Strontium Industry. Tapos tinawag siya kanina ng isang empleyado sa pangalang 'yon kaya siya nga 'yon.
"Iyong kumot, ipangtakip mo na." humiga ako sa backseat at binalutan ng kumot ang buo kong katawan. Ilang sandali lang ay may naaninag akong ilaw na nagmumula sa labas, flashlight yata 'yon.
"Sir Sulphur, ano po 'yan?"
"Bagong delivery. Ako daw ang maghahatid."
"Sige, Sir." dahan-dahang nawala ang ilaw at narinig kong umandar ang kotse.
"Anong ginagawa mo?"
"Ihahatid kita sa terminal mo, saan ba?"
"Hindi na kailangan. Ayokong magkaroon ng utang na loob sa kahit sino. Baka mamaya kapag magkita pa tayo sa loob ay isumbat mo pa sa akin 'yan."
"Sigurado ka talagang magkikita pa tayo ah."
"Talaga. Tandaan mo 'tong mukhang 'to dahil ito ang babaril sayo sa binti mo."
"Oo nga pala! Maayos na ba ang binti mo? Gusto mong sa hospital na lang kita ihatid."
"Huwag na, okay na dito."
"Sigurado ka?"
"Oo." bumaba ako ng kotse. Malayo ang pinagbabaan niya sa akin sa gate ng lugar na pinasok ko kanina, para siguro hindi delikado.
Matagal bago ako nakahanap ng taxi. Nag-offer pa nga siya na siya na lang ang maghahatid sa akin pauwi pero sinabi kong hindi na. Hindi ako sigurado sa kanya, lalo pa dahil galing siya sa lugar na 'yon.
"It's nice to see you! Ako si Sulphur, sakaling kailangan mo!" sigaw niya nang makasakay na ako sa taxi. Malayo na ang sinasakyan ko sa kotse niya nang magsimula itong umandar.
Napangiti ako, hindi dahil sa sinabi niya, kundi dahil nasa akin ang baril niya. Nakalimutan niya yata ang tungkol do'n.
Sa wakas, may gagamitin ako para bukas. Ang galing mo talaga, Ada.