ANDROMEDA
1 WEEK LATER
"Ayaw mo ba talaga akong sumama?" tanong ni Tulip.
"Hindi na. Aabsent na nga ako tapos aabsent ka pa. Edi mas lalong nagalit sa atin si Ma'am."
"Eh paano 'yan, wala kang kasama. Baka mamaya kung ano pang gawin sayo kapag makilala mo 'yong ama no'ng bata."
"Alam mo Tulip, kaya ko ang sarili ko. Sige na kailangan ko ng umalis, baka mahuli pa ako."
"Sige. Tumawag ka ah."
"Oo. Bye na."
Sumakay ako ng tricycle papuntang terminal ng jeep. Pagkatapos ng ilang oras, sa wakas ay narating ko rin ang matayog na gusali ng Strontium Industry. Hindi ako sigurado kung ilang palapag ang mayroon sa gusaling ito pero... napakataas niya. Ibig sabihin, mayamang-mayaman ang may-ari nito. Nilabas ko ang card na pinakatago-tago ko. Sana naman ay may mapala ako. Hawak-hawak ang card ay pumasok ako sa loob ng gusali. Naglakad ako patungo sa front desk. Sa lobby pa lamang ay marami na ang mga naka-unipormeng babae at lalaki, nagmamadali ang bawat isa at tila maraming ginagawa. Nahinto ang paningin ko sa babaeng may kausap sa telepono, siya lang ang nag-iisang nakikita kong pwedeng mapagtanungan sa front desk kaya kailangan kong maghintay.
"Yes, Ma'am?" wika ng babae matapos niyang ibaba ang telepono.
"Ah..." nginitian ko siya, "nandito ba ngayon si Mr. Nathaniel Strontium?"
Natigilan ang babae sa pangalang binanggit ko, "si Mr. Nathaniel po? I'm sorry Ma'am pero once in a blue moon lang po siya kung pumunta rito eh."
Kumunot ang noo ko, "hindi ba't siya ang may-ari ng Strontium Industry? Ito kasi oh..." pinakita ko sa kanya ang calling card na nakuha ko.
"Yes Ma'am pero 'yon pong kapatid niya ang namamahala dito. Si Ms. Atria po ang—" nahinto ang pakikinig ko at ang pagsasalita ng babaeng nasa harapan ko nang lumabas siya sa front desk at pumunta sa likod ko.
"Ms. Atria—!" pinulot ng babaeng kausap ko ang mga folders na naglaglagan. Marami rin ang mga pumulot no'n at ang nanatiling nakatayo lang ay ang isang babaeng nasa siko ang kanyang mamahaling puting shoulder bag, puti rin ang kulay ng mamahaling damit na suot niya, at ang huli ay puti rin ang kanyang killer heels.
"Ms. Atria, pasensya na po—"
Itinuro ng babae ang nasa likod niyang isa pang babae papunta roon sa mga nalaglag na folders. Sinasabi na kunin ng babae ang mga folders at hindi siya ang kukuha. Dahil do'n ay umikot ang mata ko. Pero pagkatapos kong gawin 'yon ay may napansin ako sa palapulsuhan ng babaeng itinuturing nilang boss. Masyado akong malayo para makita ng malinaw ang tattoo ng babae sa ilalim ng kanyang palapulsuhan pero hindi ako pwedeng magkamali. Tinitigan ko ang tattoo na 'yon at napaatras ako nang magbalik ang alaala ko...
Totoo ba 'yon?
Nabalik ang atensyon ko nang makita kong naglalakad na palayo ang babae. Hindi pwede, kailangan kong malaman kung totoo ang tattoo na nakita ko sa wrist niya at kung ano ang ibig sabihin no'n.
"Ma'am—" hindi ko na pinansin ang babaeng kausap ko sa front desk dahil walang pag-aatubili kong sinundan ang babae hanggang sa umabot ako sa parking lot.
Maputi ang kutis ng babae kaya madaling mapansin ang tattoo niya sa kanyang palapulsuhan. Pa-V ang tattoo at sa loob nito ay may isang mata. At ngayong nakita ko na 'yong muli, hindi na ako magdadalawang-isip pa na sundan ang markang 'yon.
Lumabas ang kotse na sinakyan ng babae sa parking lot. Nagmadali na rin ako na kumuha ng taxi at masundan ang kotse. Tinawagan ko si Tulip para malaman niya kung nasaan ako at sinabi kong may pinuntahan ako. Hindi ko sinabi sa kanya ang totoong nangyayari dahil hindi niya naman alam ang tungkol sa tattoo. Matagal ko nang ibinaon sa limot ang markang 'yon. Masyado pa akong bata at inisip kong hindi totoo ang lahat ng nakita ko kahit ang isa sa mga hindi ko makakalimutang nasaksihan ko noong ako ay bata pa ay nang mamatay mismo sa aking harapan ang aking ina.
Matagal ko nang kaibigan si Tulip at siya lang ang natatanging kaibigan ko. Palipat-lipat kasi ang trabaho namin at ngayon ay saleslady naman kami sa isang malaking mall. Wala na akong mga magulang. Hindi ko nakilala ang tunay kong ama at namatay naman ang nanay ko. Ang matindi pa, namatay siya sa harap ko. Pagkatapos no'n, inampon ako ng isang matanda. Kahit pa hindi maganda ang bahay namin no'n at maiingay lagi ang kapitbahay, nagpapasalamat pa rin ako dahil pinag-aral niya ako. Pero pagkatapos na pagkatapos ko sa high school, namatay naman siya dahil sa katandaan. Kaya maaga pa lang ay nagtrabaho na ako. Maswerte na nga lang at 'yung bahay namin ay sa amin kaya nandoon pa rin ako nakatira hanggang ngayon.
Kahit matagal na kaming magkaibigan ni Tulip ay aaminin ko pa ring hindi lahat ng mga nangyari sa akin, lalo na no'ng bata pa ako ay hindi ko kinekwento sa kanya. Hindi kasi ako komportable at gusto ko na ring makalimutan ang mga 'yon. Kahit pa tinatanong niya sa akin kung bakit hindi pa o wala pang nahuhuling suspek sa pagkamatay ng nanay ko. Hindi ko rin kasi alam. Hindi ko nga alam kung paano ko na lang nakalimutan na may imbestigasyon pa palang gagawin sa takot ko na baka mangyari rin sa akin ang nangyari sa nanay ko.
"Ma'am, hindi na po tayo pwedeng pumasok, private property po 'yan eh."
"Sige, Manong. Dito na lang po ako," hinintay kong makapasok sa loob ang kotseng sinusundan namin. Nang makapasok ay pagkakataon na para lumabas ako sa taxi. Kaso napansin kong masyadong pribado ang lugar na ito. Natural Andromeda, masyadong pribado talaga dahil pinuntahan ito nung babaeng 'yon, at baka dito ko na rin matatagpuan kung ano nga ba ang kahulugan ng markang 'yon.
Marami akong naisip na paraan kung paano makapasok sa lugar na nasa harapan ko ngayon. At sa lahat ng 'yon, isa lang ang napili ko—ang hintayin ang gabi at bigyan ng distraction ang mga guwardyang nagbabantay. May dalawang gate, 'yong isa ay para sa sasakyan at ang isa naman ay para sa mga taong papasok. Masyadong matataas ang bakod na gawa sa bakal at pati na rin ang gate. Wala ring masyadong sasakyan na dumadaan at mga taong nakatira sa tapat ng lugar na ito. Masasabi kong malawak siguro ang property sa kabila ng mga harang na 'yon dahil mahaba ang mga bakal na bakod.
Nang kumagat ang dilim ay mabilis akong kumilos. Kumuha ako ng mga malalaking bato at mga sanga ng puno na naputol. Tinakbo ko ang parte ng bakod na kaya ko pang takbuhin ng mabilis na malayo sa gate at saka ko pinagbabato sa loob ang mga bato at mga sanga ng puno. Wala na akong pakialam kung ano man ang matamaan ko sa loob. Pagkatapos ay may narinig akong mga tumunog na mula sa loob. Ayos. Nagtago muna ako hanggang sa may nakita akong isang tao na lumabas ng gate kaya naman kinuha ko na ang pagkakataon para pumasok sa gate. Binilisan ko ang pagtakbo ko. Pababa ang daanan at sa magkabilang gilid ay mga puno at damuhan.
Kailangan kong magmadali. Hindi ko alam kung anong klaseng lugar ang pinasok ko pero ang alam ko lang ay dapat akong mag-ingat. Kung hindi ay matutulad ako kay mama...
Tumakbo ako sa likod ng pinakamalapit na puno dahil may kotseng paparating. Isa 'yong itim na Dodge Challenger na sinusundan ng marami pang mga sasakyan. Pinuno ng busina at putok ng baril ang lugar. Ang mga ingay na 'yon ay nagmumula sa mga sasakyang nakasunod sa Dodge Challenger.
Sinamantala ko ang pagkakataon para mahanap ang kailangan kong mahanap. Patagal ng patagal ay mas lalo kong nakikita ang mga nagtataasang gusali. Hindi ko mabilang kung ilan ang nakatayong gusali dahil may porma ang pagkakaayos nila. Kung anuman ang napasok ko, sigurado akong seryoso ito.
Tumakbo pa ako nang tumakbo hanggang sa makita kong may mga naka-itim na kalalakihang armado ang nagbabantay ng magkabilaan sa kulay gintong gate na dapat sana ay papasukin ko. Hindi ako sigurado kung ano ang nasa likod ng gate na 'yon, pero dapat kong subukan ang paghahanap ng sagot.
Kailangan kong makaisip ng paraan para makapasok ako sa loob ng gate na 'yon, kahit hindi ako sigurado kung ano ang pupuntahan ko. Habang nag-iisip ay nagtatago ako sa likod ng puno. Nakita kong lumabas ang isang lalaking nasa mid-50s at pinuntahan ang isang lalaking armado na nagbabantay.
"Nahuli ba siya?"
"Hindi pa, Sir. Pero hinahabol na siya ng mga reaper."
"Hindi pwedeng makatakas si Minus! Sinira niya ang kontrata at ninakaw niya ang pera ng Vaun Deriogne!" umalis ang lalaki at sumakay sa isang papaalis na sasakyan. Mukhang susundan din yata ang mga naunang nagsialisang mga sasakyan.
Kumuha ako ng ilang mga bato at buo na ang loob na ibato 'yon sa malayo. Kailangan ng distraction para madali akong makapasok.
Kaso hindi ko nagawa dahil may humawak ng kamay ko dahilan para hindi matuloy ang pagbato ko.
"Sino ka at bakit ka nandito?"