Kabanata 5

1443 Words
ANDROMEDA "Aalis na ako ah. Hindi ka ba papasok?"     Umiling ako. "Hindi. Saka na ako papasok. Baka kapag pumasok ako, hindi ka na makabenta."     Nginusuan niya ako. "Magagalit na naman si Madam dahil absent ka."     "E di magbenta ka ulit para hindi na siya magalit." sinundan ko 'yon ng tawa.     "Baliw. Ano, sabay na tayo sa terminal?"     "Tara." nilock ko ang bahay habang si Tulip ay naghanap ng tricycle namin.     "May tubig ka ba dyan? Pera?"     "Oo. Bakit?"     "Natural! Baka mamaya manghina ka do'n, wala kang mainom tapos maubusan ka pa ng pera. Wala ako do'n, Ada, baka mamaya kung anong mangyari sayo."     "Tsk. Kaya ko ang sarili ko, Tulip. Nabuhay nga akong ako lang ang mag-isa, 'di ba?"     "Oo na. Tara."     Una siyang nakababa sa akin. Mabilis akong nakarating sa Strontium Industry. Kumpara kahapon ay mas pormal ang suot ko kaya walang duda kung papasukin nila ako sa building nila. Planado na ang lahat ng gagawin ko.     "Miss, nandito ba ngayon si Atria Strontium?" tanong ko sa babaeng nasa front desk.     "Yes Ma'am, bakit po?"     "Pwede ba akong makipag-usap sa kanya?"     "May appointment po ba kayo?"     Napangiwi ako sa tinanong niya. "Wala eh."     "Kung ganun po naku mukhang hindi niyo po siya pwedeng makausap. Kailangan pong magkaroon muna kayo ng appointment."     "Ganun ba? Sige... next time na lang..." sabi ko. Umatras ako at normal na pumunta sa parking lot.     Nanghiram ako kay Tulip ng magarang damit. Mayroon kasi siyang uniporme na pang-office dahil nagtrabaho siya do'n dati. Iyong heels naman na suot ko ay sa akin, wala daw kasi siyang mas maayos na heels dahil nasira nga yung ginagamit niya. Hindi ko na ginalaw ang buhok ko. Mas komportable akong nakalugay ito. Pinagalitan nga ako ni Tulip kanina na dapat daw ay tinali ko para kompleto na pero hindi ko sinunod, sinuklay ko na lang at ayos na.     Nilabas ko ang cellphone ko at kunwari ay may ginagawa ako. Kasabay no'n ang paglingon-lingon ko upang hanapin ang kotse ng sinundan kong babae kahapon. Nang makita ko ang sasakyan ay lihim akong napangiti. Nilabas ko ang alambre na pinagawa ko pa kagabi sa mga tambay na kapitbahay ko. Normal kong tiningnan ang paligid at wala naman akong nakitang kahina-hinala. Dumikit ako sa pinto ng sasakyan at ginamit ko ang alambre para mabuksan ang pinto. Ilang saglit lang ay bumukas ang pinto at awtomatiko akong napangiti. Ayos!     Nang makapasok ako sa front seat ay tiningnan ko kung may mga kagamitan siyang tinatago doon. Mahirap na, baka mamaya ay maisahan niya pa ako. Nang makompirma kong isa lang ang baril na nakatago sa kotse niya ay umupo na ako sa backseat. Hinintay kong makalabas siya sa building niya, at gaya ng inaasahan ko ay nangyari nga.     Ayos, tuloy-tuloy ang plano.     "Basta ikaw na ang bahala dito ah. If any problem occur, call me."     "Yes Madam." boses ng isang babae.     Narinig ko ang pagbukas ng pinto ng driver seat at ang pagsarado din nito. Nang masigurado kong nakalayo na ang babaeng sigurado ako ay ang sekretarya ng target ko ngayon ay nagpakita na ako sa kanya. Pamimilog ng mata ang nakita kong unang reaksyon niya. Nilabas ko ang kanyang baril at tinutok ito sa kanya.     "Paandarin mo ang kotse mo." utos ko.     "Ano?"     "Narinig mo ang sinabi ko, 'di ba? Hindi ka naman siguro bingi?"     "P-paano ka nakapasok dito?" nawala agad ang atensyon niya sa akin dahil hinanap niya ang kanyang baril.     "Huwag mo nang hanapin ang baril mo, hawak ko na 'yon ngayon." bumalik ang mata niya sa akin.     Kinuha ko ang palapulsuhan niya at nakita ko ang parehong marka. Mas malinaw at malapitan ko na itong nakikita ngayon. Habang tinitingnan ko 'yon ay panay ang pagbitaw niya sa pagkakahawak ko.     "Naalala mo ang pinuntahan mong lugar kahapon? 'Yong malaki ang gate, magkabilaan ang mga puno at damuhan, tapos may mga malalaking gusali? Doon ka pumunta."     Hindi maitatagong nasindak siya sa sinabi ko. "You are stalking me?!" halos maghisterya na siya sa kanyang sinabi.     "Naalala mo na? Doon ka pumunta, dali."     "What? No! Ayoko! I won't!"     "Dami mo pang sinabi, magmaneho ka na lang."     Pinanliitan niya ako ng mata. "Siguro isa ka sa mga buyer ng Panacea, 'no?"     Lumabas ang nakakainsultong ngisi niya. "O baka naman may nag-utos sayong amo mo na gawin ito sa akin dahil hindi kayo nakasunod sa kontrata? Ha!"     Kumunot ang noo ko. "Alam mo ang dami mo pang sinabi. Kapag ako nainis sayo, papaputukin ko 'tong baril mo."     "Sino ka ba? And why are you in my car?! Ninakawan mo ako, 'no?!"     Umikot ang mata ko. "Mahirap ako pero hindi ko magagawang magnakaw. Dapat niyong isaksak sa mga utak niyo 'yan. Magmaneho ka na!"     "Hindi, tatawag ako ng—" pinaputok ko ang baril niya ngunit walang lumalabas na bala. Nang ginawa ko 'yon ay napangisi siya, "akala mo meron 'no?" Nginisian ko rin siya, kasabay no'n ang paglabas ko ng baril na nakuha ko kahapon sa lalaking nakahuli sa akin.     *bang*     "Aaaaaaahhhhh!" mas nagulat ako sa sigaw niya kaysa sa pagputok ng baril at pagtama ng bala sa wind shield.     "Paandarin mo na kasi. Alam mo, hindi ako natatakot na paputukin 'to kahit na matamaan ka pa, mapuntahan ko lang 'yong lugar na 'yon ulit."     "Ano ba kasing problema mo?! Anong kailangan mo sa akin at nandito ka illegally sa loob ng kotse ko?!"     "May atraso ang isang Strontium sa akin, at ang taong tinutukoy ko ay siguradong konektado sayo." kasabay no'n ang pagpapaandar niya sa kanyang sasakyan.     "Sinong Strontium ba ang tinutukoy mo?! Si Neon?!"     Hindi ko pinansin ang pangalang binanggit niya, sa halip ay isang tanong ang ibinato ko sa kanya. "Lahat ba ng Strontium ay nasa lugar na 'yon?"     Nakatutok pa rin sa kanya ang sarili niyang baril at hindi ko alintana ang pagkangawit makakuha man lang ako ng matinong sagot sa kanya. "Ano? Naghihintay ako ng sagot, baka akala mo."     Inirapan niya ako. "Dalawa lang kaming Strontium, for your information. Ako at si Neon, kaya for sure, siya ang tinutukoy mong may atraso sayo."     Huminga ako ng malalim. "Kapag nandoon na tayo sa lugar na 'yon, ikaw ang bahalang maglusot kapag nakita nila ako. Maniniwala sila sayo sa kahit anong sasabihin mo, tingin ko."     "Tingin mo ba hindi ako gagawa ng paraan para mahuli ka?"     "At kapag ginawa mo 'yon, tingin mo ba hindi ako gagawa ng paraan para matakot kita?" lalo kong naramdaman ang pagkairita niya sa nangyayari.     "Once na makapasok tayo do'n, sigurado akong lagot ka na. You have no idea kung ilang tao ang may armas sa kanila, at kung ikukumpara mo ang hawak mong baril sa mga baril nila, talo ka na."     "Talaga? Dapat na ba akong matakot?" katahimikan ang muling bumalot sa amin. Tinitigan ko ang baril na hawak ko na nakatutok pa rin sa kanya.     Hindi ko alam kung bakit hindi ako natakot na humawak ng baril ngayon. Ito na ulit ang pagkakataon na nakahawak ulit ako ng ganito. Ang huling beses ay noong namatay si mama. Naglalaro ako nang mapansin kong may nawawala sa mga laruan ko. Sa kagustuhan kong makapaglaro kasama ng kompleto kong laruan ay hinahanap ko sa lahat ng cabinet namin, pati na sa kwarto ng nanay ko ay pinasok ko. Ang natatandaan ko ay abala siya sa pagluluto habang naghahanap naman ako. Hanggang sa may nakita akong kahon sa ilalim ng kama niya, binuksan ko 'yon at nakita ko ang baril na nakabalot sa tela. Kinuha ko 'yon pero mabilis ko ring naibalik dahil may narinig akong pagbagsak. Pumunta ako sa sala nang makita ko si mama, nakahandusay at bumubula na ang bibig.     "Mahilig ka sa puti, 'no?" binasag ko ang katahimikan sa paligid namin. Nang dahil sa sinabi ko ay umikot ang mata niya.     "Kahapon ay puti ang damit mo, lahat ay puti sayo, maliban lang sa tattoo na nandyan sa wrist mo."     "Umamin ka nga, kilala mo ba ang tattoo na 'to?"     Hindi ako komportable na sagutin ang tanong niya kaya iniba ko. "Maganda ang napili mong kulay ng kotse mo, puti. Mukhang malinis."     "You didn't answer my question, it only means yes."     "Mamahalin ang ganitong klase ng kotse ah."     "Pwede ba, stop asking about my car! You don't have the right to—"     "Oo na, hindi na ako magtatanong. Tsk, nagalit ka agad."     "Ano ba ang ginawa sayo ni Neon? Tss, sinabi ko na sa kanyang mag-ingat siya sa lahat ng gagawin niya, hindi pa rin nakinig." ang pangalawang pangungusap na kanyang sinabi ay mukhang bulong sa sarili.     Nagulat ako sa biglang paghinto ng kotse. Kinuha niya ang kanyang puting bag at naglabas ng puting wallet. "Magkano ang utang niya at ako na ang magbabayad. Binibigyan kita ng pagkakataon para hindi makatuntong sa lugar na 'yon—"     *bang*     Upang maagaw ang atensyon niya ay muli kong pinaputok ang baril.     "Bakit ba lagi niyong iniisip na utang sa pera ang dahilan ko para makita siya? Higit pa sa pera ang dahilan ko, naiintindihan mo?"     "I didn't get you?! Ano pa ba ang ibang dahilan para gustuhin mong makita siya?!"     Inirapan ko siya. "Mamaya, kapag nakapasok na tayo ay malalaman mo rin. Huwag kang magmadali, may tamang oras para dyan."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD