Chapter 1 : The Begining
KAKAIBANG SA pakiramdam ang sariwang simoy ng hangin. Napakagaan sa pakiramdam. Malamig at malamyos na humahampas sa kaniyang mukha ang hangin na nagbibigay sa kaniya ng kakaibang kapayapaan na pakiramdam. Ganito lang ang nais niyang maramdaman —kapayapaan. Malayo sa lahat ng agam-agam na mayroon siya sa puso’t isipan na hindi naaalis sa kanya.
Nakatingala siya habang dinadama rin ang katamtamang init ng araw sa kaniyang katawan. Gusto niya ng ganitong klase ng buhay. Payapa at malayo sa mapanuring mga mata ng mga tao.
Ngunit habang tumatagal, ang mundong kaniyang kinabibilangan ay unti-unting nagbabago. Mula sa iilang mga tao sa paligid ay nagsimula nang dumami, at nagsisimula na ring dumami ang mga gusali. Mula sa kakahuyan, nagiging isang sibilisado na ang lugar na kaniyang tinitirhan.
“Ugh!” Ungol ng lalaking nasa kaniyang kandungan.
Nang tignan niya ito, nag-aagaw buhay na ito. Matutuyuan na ito halos ng dugo sa katawan.
Nakita niyang pagala-gala ang lalaking ito sa kakahuyan malapit kung saan siya naninirahan. Mukhang naliligaw ito at hindi malaman ang daan palabas ng kagubatan.
Nang hawakan niya ito, naramdaman niya ang napakahina nitong pulso. May dinaramdam ang lalaking ito, at malapit na itong panawan ng sarili nitong buhay. Dahil doon pinili niyang tulungan ito, na para sa kanya ay tulong ang kanyang ginagawa.
Tinutulungan niya itong mapadali ang paghihirap nito sa buhay. Tinutulungan niya itong mapadali ang pagpanaw sa mabilis na paraan.
Sa tantiya niya nasa labing walo o labing siyam ang edad ng lalaking ito. Ang karamdaman na narararanasan nito ay dahilan nang mahabang panahon na hindi ito nakakakain. Iniinda nito ang pagkalam ng sikmura at ang pagsakit-sakit na rin ng ibang parte ng katawan nito dala ng walang makain.
“Wil je leven?” tanong niya sa lalaking nasa kaniyang kandungan. Nais mo bang mabuhay?
Tanging ungol lamang ang isinasagot nito sa kaniya. Natanong niya ang binata kung nais nitong mabuhay ngunit hindi naman niya alam kung paano niya ito bubuhayin. Ang alam lang niya ay kung paano kitlin ang buhay nito sa mabilis na paraan.
Nang walang salitang lumabas sa bibig ng lalaki, muli siyang dumukwang at kinagat ito sa leeg. Muli siyang uminom ng sariwang dugo mula sa lalaking ito.
Marahil hindi alam ng lalaki ang kaniyang lenguahe. Mukhang hindi ito taga-Chester Pennsylvania. Sa tagal na niyang namamalagi sa lugar, halos kilala na niya ang mga tao sa paligid. Ngunit ni isa sa mga ito ay hindi siya kilala o hindi nga alam ng mga ito na nakakasalamuha siya ng mga ito. Walang nakakaalam na nasa paligid lamang siya nagmamatyag sa mga nangyayaring pagbabago sa lugar nila.
Hindi rin naman siya pumipili ng mabibiktimang tao o mortal na kilala at tunay na taga-Chester Pennsylvania. Umiiwas siya sa malaking gulo, na kaniyang naranasan sa dating lugar kung saan siya naninirahan.
Transylvania Romania.
Kung saan siya unang nagsimula, sa kaniyang pagkakatanda. Hindi niya masasabing doon talaga siya nagmula. Wala naman siyang partikular na lugar o alaala kung paano o saan talaga siya nagmula. Ang tanging malinaw sa kaniyang alaala ay ang araw na nakilala niya ang isang matandang lalaki. Na siyang bumago sa kaniyang buhay. Naaalala rin niyang ang araw na nakilala niya ang matandang lalaki’y siya’y nag-aagaw buhay sa hindi na niya malamang dahilan, hanggang sa siya’y bawian na ng buhay.
Ngunit bago siya tuluyan na bawian ng buhay, naaalala niyang sinabi sa kaniya ng matandang lalaki na siya’y muling mabubuhay sa tulong nito. Ngunit hindi niya alam na ang kaniyang muling pagkabuhay ay mamumulatan niya ang isang sumpa.
Sumpa na bumago sa buo niyang pagkatao. Na hinding-hindi niya nanaisin kung siya ma’y bibigyan ng pagkakataon na mamili. Hinding-hindi niya nanaisin ang ganitong pamumuhay. Iyong nagtatago ka sa kawalan, dahil natatakot kang may makakita sa iyong mga mortal.
Mula sa taon na siya’y muling nagmulat ng kanyang mga mata, mayroon nang isang daang taon ang nakalilipas. At sa loob ng isang daang taon na iyon, wala siyang ibang ginawa kung hindi ang magtago sa dilim at umiwas sa mga tao.
Dahil sa minsan na siya’y nagkamaling lumapit sa tao, halos isumpa at patayin na siya ng mga ito.
Kung may makakaalam sa mga nangyari sa kaniya sa nakalipas na isang daan taon, siguro may mga magtatanong sa kaniya ‘paano ka pa nabubuhay ng mga sandaling ito?’
Wala siyang kahit na anong ideya sa kung ano ang klase o uri niya. Pero isa lang ang alam niya, hindi siya tao o pangkaraniwang tao. Maaring sa kaniyang panlabas na kaanyuan ay isa siyang tao ngunit ang toto’y hindi.
Dahil isa siyang immortal, walang kamatayan.
Tinawag siyang ‘monstru’ o halimaw ng mga tao sa paligid niya, na isa lang ang kahulugan para sa kaniya. Nakakatakot siyang nilalang.
Nangyari ito nang minsan siyang nakalimot, na naipakita niya ang kaniyang totoong anyo sa maraming tao. Nakita ng maraming tao ang kaniyang pagbabago ng anyo nang makita niyang may isang bata na kailangan ng tulong ngunit walang nakaririnig dito. Kaysa pasalamatan siya’y pinagtabuyan siya palayo ng mga ito nang dahil sa takot.
Nang alisin niya ang mga pangil sa leeg ng lalaking ngayon ay wala ng buhay, agad na ngulubot ang mga balat nito, na unti-unting nagbabago ang kulay, mula sa maputlang balat hanggang sa maging kulay abo ito. Maaring napuno na naman ang enerhiya na kailangan ng kaniyang katawan, dala ng dugo ng lalaking ito. Ngunit pakiramdam niya’y para namang sinusunog ang kaloob-looban niya, na parang sinusunog ang kaluluwa niya sa impeyerno.
Sa isang malakas na ihip ng hangin sumama na ang katawan ng lalaki sa kanyang kandunga na ngayon ay isa na lamang abo hanggang sa tuluyan na itong nawala sa kaniyang paningin.
“Honderdzestig,” bulong niya habang tinatanaw ang papalayong abo ng lalaking biktima niya. ‘One hundred and sixty’
Ang kaniyang ika- isang daan at animnapo niyang biktima simula ng magising siya sa mundong kaniyang kinagagalawan.
………………………….
Mula sa kaniyang kinatatayuan nakikita niya ang mga galaw ng mga tao sa maliit na bayan ng Chester Pennsylvania. Lahat ng mga tao ay may kanya-kanyang ginagawa sa kani-kanilang bahay, sa lansangan at sa iba pang bahagi ng bayan.
Nakikita niya ang mga ito na para bang nasa tabi lang siya ng mga ito, dahil sa sobrang linaw ng kaniyang mga mata.
Ultimo mga kaliit-liit na detalye sa paligid ay nakikita niya, pati na rin ang maliit na piraso ng alikabok at nakikita niya. Matalas din ang kaniyang pang-amoy na kahit na nasa malayo ka pa’y maaamoy niya ito.
Sa loob ng mahigit isang daang taon niyang nagpapagala-gala sa paligid niya hindi niya alam kung saan siya nababagay. Kung kaninong lahi siya nasasama, sa tagal na panahon niyang nasa mundong ibabaw wala pa siyang nakitang kauri niya.
Walang sinoman siyang nakitang may taglay na kakayahan nang tulad ng sa kanya.
Walang kamatayan, hindi tumatanda, masugatan ma’y agad ding gumagaling. Hindi siya nagugutom pero nanghihina siya kapag matagal na siyang hindi nakakainom ng dugo ng isang tao. Wala ni isa siyang nakilala na may ganitong katangian.
Pero iba ang araw na ito. Isang grupo ng mga kalalakihan ang bagong salta sa Chester Pennsylvania ang namataan niya sa pantalan. May mapuputlang balat ang mga ito, mapupulang mga mata na nanlilisik kung tititigan. May ang mga ito na kakaibang awra na wala sa isang mortal lamang.
At nakumpirma niya ang kaniyang hinala ng ang isa sa mga lalaking kaniyang pinagmamasdan ay tumanaw sa kaniya. Na para bang hindi milya-milya ang layo nila sa isa’t isa, at sa isang kisap-mata niya nasa malapit na ang mga ito.
Bumibilis ang t***k ng kaniyang puso habang hinihintay ang paglapit ng mga ito sa kanya. Wala ni isang mga tao ang nakapansin sa mga ito sa sobrang bilis ng pagkilos ng mga ito.
“A new blood,” ani ng lalaki na unang nakapansin sa kanya.
“And alone,” ani naman ng isang lalaki sa likuran ng naunang lalaki.
Masasalita na sana siya ng may marinig siyang boses sa kaniyang isipan.
She’s not one of us, she’s a lykos.
Let’s kill her.
I’ll go first.
Dahil sa kaniyang narinig, mabilis siyang kumilos. At sa unang pagkakataon, sa hindi niya maipaliwanag na dahilan, nagpalit siya ng anyo. Naging isa siyang mabangis na halimaw na may matalim na pangil at mga kuko.
Sinugod siya ng mga lalaki, sabay-sabay ang mga ito. Ngunit walang nakapantay sa kanyang angkin na bilis, sa isang kumpas niya sa kanan, sa isang hambalos niya sa kaliwa. Pagkagat niya sa isa o dalawang lalaking sumugot sa kanya lahat ng mga ito at naglaho na parang bula sa kaniyang harapan. Walang kahirap-hirap niyang napatay ang mga ito, sa napakaikling oras lamang.
Hinihingal na unti-unting bumalik sa dati ang kaniyang anyo. Nakatulala at hindi maipaliwanag ang mga naganap ngayon lamang.
“Who really am I?” aniya at nawalan na nang malay.