Prologue
Prologue
YEAR 1700…
SA PANAHON na hindi pa sibilisado ang nakararami sa buong mundo.
Mayroon isang dalaga ang nagising mula sa malalim nitong pagkakahimbing sa ilalim ng lupa kung saan matatagpuan ang isang lihim na laboratoryo. Na kung saan ang mga ganitong klase ng pagsasaliksik ay ipinagbabawal.
Nanlalabo ang mga mata ng dalaga nang siya ay magising sa matagal niyang pagkakahimbing. Hindi niya mawari kung nasaang lugar siya, dala ng kadiliman ng paligid.
Ngunit ang nakakamangha, nakikita niya ang lahat sa malinaw na paningin niya. Na para bang kahit walang liwanag na nagtatanglaw sa paligid niya ay nakakakita siya. Hindi niya alam kung ano ang kakayahang kanyang tinataglay.
Matagal bago siya nagpasya at nagpumilit na makaalis sa malaking bote na salamin na hindi niya alam kung paano ipapaliwanag o kung ano ba ang tawag sa bagay na ito. Basta nagising na lamang siya sa loob niyon, at walang kaalam-alam sa mga nangyayari sa paligid niya.
Muli isa na naman nakakamangha na nakatagal siya sa loob ng bote na iyon na puno ng likido na hindi rin niya alam ang tawag. Napakarami niyang hindi nalalaman na mga bagay-bagay sa paligid niya.
Nanghihina siyang naglakad, hindi alintana na siya’y walang kahit na anong saplot sa katawan. Sinubukan niyang makakita ng kanyang kauri. Natigilan siya nang makita ang paligid na magulo at napakaraming kalat sa paligid. Maraming papel ang naroroon na hindi niya naman alam kung ano ang mga iyon.
Ngunit isang pahina ang nakakuha ng kaniyang atensyon. Hindi man maalala ng dalaga kung ano ang kaniyang nakaraan. Ngunit muli na naman siyang namangha na naiintindihan niya ang mga bagay na nakasulat sa naturang papel.
“Ah!” Sigaw ng babae.
Nabitawan niya ang hawak-hawak na papel. Kakaibang pangyayari ang bigla na lang sumalakay sa kaniya. Iba-ibang uri ng alaala ang kaniyang natutuklasan o pumapailanlan sa kaniyang balintataw.
Siya ba ang babae sa kaniyang alaala. Sino ba siya? Ano ang dahilan at naririto siya sa lugar na ito.
“Zero,” anang isang matandang lalaki na nakikita niyang nakatingala sa kaniya.
Siya ba iyong Zero na tinatawag nito?
“Ah!” malakas niyang sigaw hanggang sa mapaluhod siya sa sakit na nararamdaman sa kaniyang ulo.
Unti-unting nanlabo ang kaniyang mga paningin. Hanggang sa tuluyan na siyang nawalan nang malay.
……………….