The Nerd Victim

1073 Words
Kasalukuyang hiwa-hiwalay ang magkakaibigan nang makarating sila sa resort. Ang iba ay natulog muna sa cottage. Ang iba nama'y nagtampisaw muna sa dagat. At karamihan ay panay ang kuha ng mga litrato at naglakad-lakad sa baybayin. Ang hindi nila alam ay may isang taong nagmamasid sa kani-kanilang ginagawa. Binabantayan ang bawat kilos nila't galaw. Inaalam ang mga lugar na kanilang pinupuntuhan nang hindi nila nalalaman. Habang iginagala niya ang kanyang mata sa paligid ay hindi nakaligtas sa kaniya ang isa sa mga dayo sa resort. "Kung hindi ako nagkakamali ay siya si Sylvia Monte. Tama ako. Siya nga. Narinig kong binanggit sa akin kanina ni Maricar ang mga pangalan ng dayo, kaya namumukhaan ko siya. Hmmp... Mukhang masarap unahin ang isang ito. Humanda ka sa 'kin, Sylvia. Dahil nag-iisa ka lang, sasamahan muna kita," nanlilisik ang mga mata at pilit pinipigilan ang mala-demonyong ngiting bulong sa isip na turan niya. Nang mga oras na iyon ay mag-isa lang na nakaupo at nagbabasa sa lilim ng punong mangga si Sylvia. Nakalagay lang sa kanyang dalawang tainga ang headset niya at masayang nakikinig sa musika. "Hay! Kung nandito lang sana si Kuya Yuj sana may kasama akong mag-duet. Kakainis naman kasi si Julia. Lagi na lang akong pinapahirapan. Kung hindi taga-bitbit ng mga gamit niya ay panakip-butas naman ako sa mga kalokohan niya. Kung hindi ko lang siya tinitingala dahil marami ang nagkakandarapang mga lalaki sa kanya, baka sinabunutan ko na siya. Grrrrrr. Bakit ba kasi -" natigil lamang ang pagsasalita ni Sylvia nang sa 'di-kalayuan ay may narinig siyang umiiyak. Pansamantala siyang tumahimik at pinakinggan ito. Tulong! Parang awa niyo na. Tulungan ninyo ako. Ang kaninang inis na inis na mukha niya ay parang naging yelo sa lamig. Dumagdag pa ang isang napakapresko at sariwang hangin sa paligid niya. Kumakaway ang bawat kamay ng mga sanga ng kahoy. Nagliliparan din ang mga dahong unti-unting nahuhulog sa kanyang harapan. Sa mga oras ding iyon ay minabuti ni Sylvia na tumayo. Dahan-dahan siyang humakbang patalikod. Nakiramdam siya ulit sa buong paligid. Wala namang kakaibang bagay siyang nakikita, pero naririnig pa rin niya ang pagtangis ng isang tinig. Tulong! Maawa kayo. Palapit nang palapit ang boses sa kanya. Napahawak na siya sa kanyang dibdib. Niyakap na rin niya ang kanyang buong katawan dahil sa kakaibang lamig na kanyang nararanasan. Humakbang siya nang humakbang patalikod. Isa. Dalawa. Tatlo. Tumakbo siya nang mabilis. Hindi niya alam kung saan siya dadalhin ng kanyang mga paa hanggang sa nauntog siya sa isang matikas at bato-batong dibdib ng isang... lalaki. "Aray!" himas- himas ang noong wika ni Sylvia. Hindi pa man niya naiaangat ang kanyang ulo nang maramdaman nia ang isang malakas na sampal sa kanyang mukha. Napaatras at napaupo siya sa lupa. Duguan ang kanyang labi. Tatayo pa sana ulit siya upang harapin ang gumawa non sa kaniya nang bigla siyang hinampas ng baseball bat sa mukha na naging dahilan upang mawalan siya ng ulirat. ...... Nagising si Sylvia hindi dahil sa mga ingay na naririnig niya sa paligid kung hindi dahil sa sakit ng kaniyang panga, bagay na nararamdaman din ng kanyang buong katawan habang hila-hila siya ng isang nakatalikod na lalaki sa kanyang kaliwang paa. Sa kanang kamay nito ay naroon ang isang baseball bat. Dahil ayaw niyang lumikha ng anumang ingay ay nagpahila na lamang siya. Hawak-hawak ng kanyang mga kamay ang kanyang pisnging mahapdi pa rin dahil sa sampal na tinamo niya at sa paghampas sa kanya ng baseball bat sa mukha. Dahil sa takot, hindi na namalayan ni Sylvia ang unti-unting pagpatak ng mga luha sa kanyang pisngi hanggang sa tumigil ang lalaki sa paglalakad. Tumigil ito sa tapat ng isang munting kubong gawa sa kawayan. Nakita niyang pumasok ito sa loob. Pagkapasok na pagkapasok ng lalaki ay dahan-dahan siyang tumayo. Pisngi at braso lang naman niya ang masakit at hindi ang kanyang mga paa. Nang makatayo ay agad siyang tumakbo. Matulin hanggang sa naging mabilis katulad ng ginagawa niya noon sa marathong sinasalihan niya. Kahit may pagka-nerd siya ay hindi biro naman ang natamo niyang karangalan para sa kanilang kompanya. Sayang din naman ang bilis ng kanyang mga paa kung hindi niya ito magagamit para takasan ang lalaking iyon. Takbo rito. Takbo roon. Iyon ang kaniyang ginawa. Walang lingon-lingon. Kahit hindi na niya alam ang daan pabalik sa resort ay hindi siya tumigil. Alam niyang nanganganib ang kaniyang buhay maging ang iba pa sa lugar na iyon. Nang maramdaman niyang malayo na ang tinakbo niya ay panandalian siyang nagpahinga. Hingal na hingal siyang napayuko habang patuloy sa pagpatak ang mga pawis sa buo niyang katawan. "Tatakas ka pa ha?" Sigaw ng isang boses sa kanyang likuran. "Akala mo hindi kita maaabutan?" dugtong pa nito. Napako siya sa kanyang kinatatayuan. Pigil-hiningang nilingon ni Sylvia ang boses, pero isang malakas na hampas gamit ang baseball bat ang sumalubong sa kanyang ulo. Napahandusay siya sa lupa. Tumilapon ang eyeglass niya sa kung saan. Pilit niya iyong kinakapa. Hindi malinaw sa kanyang paningin kung saan ito hahagilapin. Kahit duguan ang mga labi ay gumapang pa rin siya nang gumapang. Kinapa-kapa niya sa lupa ang nahulog na antipara. "Ito ba ang hinahanap mo? Ang salamin mo? Puwes, dahil sa ginawa mong pagtakas, babasagin ko ito!" Galit na galit ang boses ng lalaki. "Parang awa mo na! Wala akong atraso sa iyo. Pakawalan mo ako!" pagmamakaawa ni Sylvia. "Pasensya na, pero uhaw na uhaw na akong makatikim ng tilamsik ng sariwang dugo e. At saka katuwaan ko lang ito," loko-lokong ngiti niya sa dalaga. "Huwaaaaagg!" Sigaw ni Sylvia. Patuloy lang sa paghampas ang lalaki kay Sylvia. Nanghihina na ang brasong ginamit ng dalaga bilang panangga rito. Hindi pa nakuntento ang lalaki at pinagsusuntok pa niya si Sylvia. Tinapakan, sinipa, at nakakita pa siya ng bato at pinukpok sa ulo si Sylvia. Tumilamsik ang dugo sa mukha at mga kamay ng lalaki. Dinilaan niya pa ang kumapit na pulang likido kanyang mga daliri. Ninamnam at nilunok niya iyon. "Ummm. Ang sarap talaga. Sino na naman kaya ang isusunod ko?" Tumayo na ang lalaki. Iniwan niya ang basag na mukha, pasa, at duguang mukha ni Sylvia na nakahandusay sa lupa. Wala na itong hininga. Taas-noo siyang naglakad pabalik sa kung saan siya nanggaling. Panay ang pagdila niya sa kaniyang mga daliring may bahid pa ng mga dugo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD