CHAPTER 1

1923 Words
HINDI alam ni Jay kung gaano katagal nang may kumakatok sa pinto ng kanyang opisina bago iyon rumehistro sa pandinig. Masyado kasi siyang nakatutok sa pagtapos ng paperworks na kailangang ipasa para sa child custody case na hawak. “Hanggang kailan mo balak magkulong sa opisina mo?” tanong ng kaibigang si Ross Mitchell mula sa bukana ng pinto. Nag-angat ng tingin si Jay. “What?” disoriented pang tanong niya. Umangat ang kilay nito. “Mukhang nakalimutan mo na pero ngayong gabi ang engagement party ni Charlie. Inaasahan niya na dadalo tayong lahat.” “Oh, right,” bulalas ni Jay. Sa totoo lang, noon lang niya naalala ang tungkol doon. Kung hindi siya kinatok ni Ross ay baka bukas ng umaga pa siya lalabas ng opisina. Napatingin uli siya sa mga papeles na nasa mesa at sa nakabukas na computer. Ang totoo ay next week pa naman dapat ipasa ang paperworks. Gusto lang niya matapos kaagad para mabawasan ang trabaho niya sa susunod na linggo. “Okay. Ililigpit ko lang ang mga ito,” sabi na lang niya. “Sige. Mauna na ako at susunduin ko pa si Bianca. Magkita na lang tayo sa bahay nina Charlie,” paalam ni Ross. “Sige. Umalis ka na at huwag mong paghintayin ang girlfriend mo,” pagtataboy ni Jay sa kaibigan at nagsimula nang iligpit ang mga papeles sa mesa. Ngumisi si Ross bago isinara ang pinto ng opisina. Napailing na lang si Jay at ipinagpatuloy ang pagliligpit. Dati ay mas madalas pang magkulong sa opisina si Ross at isubsob ang sarili sa trabaho kaysa sa kanya. Subalit mula nang magkaroon ito ng nobya ay palagi nang umaalis nang maaga sa opisina kapag weekend. Kapag lumalabas siya ay bihira na niyang mayaya si Ross. At ngayong gabi, pormal na ring magpapatali si Charlie. Well, mayroon pa namang isa pang puwedeng yayain si Jay. Mula nang magkita sila ng high school buddy na si Ryan Decena ilang taon ang nakararaan ay lumalabas sila paminsan-minsan. Bukod doon ay nagkikita naman sila sa common area ng Bachelor’s Pad kapag pareho silang libre. Malaki ang pasalamat ni Jay na nakita niya si Ryan nang gabing iyon. Dahil sa lalaki ay nakalipat siya sa isang magandang residential building na hindi niya alam na nag-e-exist pala sa isang panig ng siyudad. Nakatakas siya sa kanyang stalker. Sinunod niya ang payo ni Ryan na lumipat ng bahay at ilang buwan din siyang hindi nagpunta sa mga usual hangout. Hanggang mabalitaan na lang niya na umalis na ng bansa si Ana dahil nag-migrate na ang pamilya sa Amerika. Nakahinga siya nang maluwag. Bumalik siya sa dating lifestyle. And he was fine and happy with that. Nailigpit na ni Jay ang mga papeles at handa nang umalis nang tumunog ang kanyang cell phone. Si Charlie ang tumatawag. Napailing siya bago sinagot ang tawag. “Yes. Papunta na ako,” sabi kaagad niya. “Good. Akala ko hindi mo sisiputin ang engagement party ko.” Umangat ang isang kilay niya at naglakad na palabas ng opisina habang nasa tainga ang cell phone. “Bakit mo naman naisip `yan?” nagtatakang tanong niya. “Dahil kung hindi ko nakilala si Jane at nagkataong ako ang nasa opisina ngayon at tinatawagan mo para padaluhin ako sa engagement party mo, hindi ako sisipot,” natatawang sabi ni Charlie. Natawa rin si Jay. “I guess you’re right. Pero huwag kang mag-alala, papunta na ako.” Mukhang may sasabihin pa ang kaibigan nang may narinig siyang tinig ng babae mula sa background. Kahit hindi naiintindihan ang sinasabi ay sigurado siyang si Jane ang kumakausap kay Charlie. Nakumpirma niya iyon nang mabilis na nagpaalam ang kaibigan at tinapos na ang tawag. Ginagawa lang iyon ni Charlie kapag may kinalaman kay Jane. Napailing si Jay at isinuksok sa bulsa ang cell phone. Pagkatapos ay nagtungo na siya sa parking lot.         SA NAKARAANG walong taon, ang pinakaayaw ni Cherry ay ang mapalibutan ng maraming tao. Lalo na kung ang mga taong iyon ay mga kamag-anak o kaya ay old family friends. Sa tuwina kasi ay napupukol siya ng kakaibang tingin at mga katanungan na wala siyang balak sagutin. Kaya hanggang maaari ay umiiwas siya sa family reunion. Subalit wala siyang takas sa gabing iyon na engagement party ng kanyang kapatid na si Kuya Charlie at ng matalik na kaibigan niyang si Jane Ruiz. Halos lahat ng mga kamag-anak at kaibigan ng dalawang pamilya ay nasa bahay nila para makiisa sa selebrasyon. Naroon siya sa silid nila ng kanyang anak. Paulit-ulit siyang humihinga nang malalim upang ihanda ang sariling lumabas at makihalubilo sa mga tao. Kailangang umakto siyang normal at hindi apektado. Napalingon siya sa pinto nang may kumatok. Bumukas ang pinto at sumungaw ang mukha ng walong taong gulang na anak na si Justin. “Mommy? Hinahanap po kayo nina Lolo at Lola.” Napansin ni Cherry ang tila pagkailang na ekspresyon sa mukha ng anak. Hindi naman niya masisi kung bakit restless si Justin dahil hindi ito sanay sa maraming tao. May namuong guilt sa kanyang puso. Siya ang may kasalanan kung bakit hindi sanay sa maraming tao ang anak niya. Tuwing lumalabas kasi silang dalawa ay sa lugar na hindi masyadong maraming tao sila nagpupunta. Bihira pa iyon dahil abala siya sa trabaho. Kaya madalas ay eskuwelahan at bahay lang umiinog ang mundo ni Justin. Marahil ang iisipin ng mga tao ay itinatago ni Cherry ang kanyang anak. At masakit mang aminin ay iyon nga ang ginagawa niya, subalit hindi dahil ikinahihiya niya ito. Katunayan ay mabait, matalino, at guwapong bata si Justin at napakasuwerte niya sa pagkakaroon ng anak na katulad nito. Ayaw lang niyang ma-expose si Justin sa kakaibang tingin at mga tanong ng mga tao tulad ng kung nasaan ang ama  nito. “Mommy?” untag ni Justin na tuluyan nang pumasok sa silid pero nakadikit pa rin ang likod sa pinto. Iminuwestra ni Cherry sa kanyang anak na lumapit at tumalima naman ito. Agad niyang niyakap ito at hinalikan sa ulo. “Halika na, sabay na tayong bumaba para puntahan ang lolo at lola mo. Kailangan din nating batiin ang Tito Charlie at Tita Jane mo,” malambing na sabi niya. “Okay po.” Magkahawak-kamay silang bumaba sa unang palapag ng bahay kung saan naroon ang mga bisita. Mas maingay roon dahil sa tugtog at masayang usapan. “Cherry! Long time no see, hija,” bulalas ng ilang tiyahin niya sa father side. Pilit siyang ngumiti at nagmano sa mga tiyahin bago nakipagkumustahan. Pagkatapos ay dumako ang tingin ng mga ito kay Justin na lalong humigpit ang kapit sa kamay niya pero deretso naman ang tayo at biglang nagmukhang mas matanda kaysa sa edad nito. “So, it’s true that you already have a son,” bulalas ng isa niyang tiyahin. Tumabingi ang ngiti ni Cherry at inakbayan ang kanyang anak. “He’s Justin.” “Hello, Justin. How old are you, boy?” tanong ng isa pa niyang tiyahin. “I’m eight,” magalang na sagot ng anak niya. “Eight.” Napunta na naman kay Cherry ang atensiyon ng mga tiyahin. “Walong taon pero hindi mo man lang siya ipinakilala sa amin kahit isang beses,” puna ng isa sa nanenermong tono. “And how about his father?” tanong ng isa pa. Bahagyang humigpit ang akbay niya sa anak. “We don’t contact each other anymore...” Lumampas ang tingin niya sa mga tiyahin at nakahinga nang maluwag nang makita si Jane na nakatingin din sa direksiyon nila. Sandali lang nagtama ang mga mata nila pero agad na itong lumapit sa kanila. “Excuse me po. May kailangan ho kaming pag-usapan ni Cherry,” magalang na paalam ng kaibigan sa mga tiyahin niya na walang nagawa kundi ang pumayag. Hinatak siya ni Jane palayo habang akbay pa rin niya si Justin. “Salamat,” usal ni Cherry nang naroon na sila sa bahagi ng bahay na kakaunti lamang ang tao. Ngumiti si Jane. “Walang problema.” Pagkatapos ay niyuko nito si Justin at ginulo ang buhok. “Ano’ng ginagawa ninyo rito?” Napalingon sila nang marinig ang boses ng Kuya Charlie niya. Agad na pumaikot sa baywang ni Jane ang braso nito. “Dumating na ang mga kaibigan ko. I want you to meet them,” sabi nito sa nobya, pagkatapos ay bumaling sa kanila ni Justin. “Kayo rin, Cherry. I want you to meet my friends.” Umiling siya. “No, thanks. Gusto kong pumunta sa kusina. Hindi pa naghahapunan si Justin. Doon na lang muna kami.” Kumunot ang noo ni Kuya Charlie. “Why?” Ngumiwi siya. “Ayoko munang may makausap na kamag-anak natin.” Agad na rumehistro ang pang-unawa sa mukha ng kuya niya. Tumiim ang mga bagang nito at iginala ang tingin sa paligid. “Did they say something? Sino?” Nabagbag ang damdamin ni Cherry sa protectiveness ng kapatid para sa kanila ng kanyang anak. Ngumiti siya. “Okay lang ako. Don’t mind us and go mingle. Gabi ninyo itong dalawa,” pagtataboy niya sa magkasintahan. Ilang sandaling tinitigan siya ng Kuya Charlie niya bago tumango at niyuko si Justin. “Take care of your mother.” “I will, Tito,” sagot ng kanyang anak na tiningala pa siya at bahagyang ngumiti. “Don’t worry, Mommy. I’m okay.” Humapdi ang mga mata ni Cherry dahil sa pagbabanta ng luha ngunit napangiti sa sinabi ng kanyang anak. Ginulo niya ang buhok nito. “Good. Tara na nga at kumain para malapitan na ng tito at tita mo ang mga bisita nila,” aya na lang niya. Papasok na silang mag-ina sa kusina nang tingalain uli siya ni Justin. “Are you okay, Mommy?” Napakurap siya sa pagkagulat. “Of course I’m okay. Bakit mo naitanong `yan, anak?” Niyakap siya nito. “Huwag mong piliting ngumiti kung ayaw mo, Mommy.” Umawang ang kayang mga labi pero bago pa may maapuhap na sabihin ay kumalas na ang anak niya at ngumiti. “Ako na lang po ang kakain dito. Makipag-usap muna kayo sa ibang matatanda. Okay lang po ako, promise.” Bahagya pa siya nitong itinulak patungo sa pinanggalingan nila bago patakbong pumasok sa kusina. Ilang sandaling napako lamang si Cherry sa kinatatayuan. Namamangha siya sa maturity na ipinapakita ni Justin. Naisip tuloy niya, sa kabila ba ng ipinapakita niyang katapangan at cheerful personality kapag nasa harap siya ng anak niya at ng ibang tao ay kulang pa rin iyon para maging mabuti at maaasahang magulang? Because if her son could see her as a parent he could depend on, he would not act older than his age and act more spoiled. O hindi kaya namana ni Justin ang personalidad na iyon? Pero siguradong hindi niya sa akin nakuha iyon. Naipilig ni Cherry ang ulo upang palisin ang isiping iyon. Huminga siya nang malalim at iginala ang tingin sa paligid upang hanapin sina Jane at Kuya Charlie. Itinaboy siya ng anak niya at dahil ayaw naman niyang makipag-usap sa mga kamag-anak nila ay sa magkasintahan na lang uli siya lalapit. Subalit natigilan si Cherry nang makitang napapalibutan na ng mga guwapong lalaki sina Jane at Charlie. Ilan doon ay kilala niya dahil mga barkada ng kapatid niya mula pa noong kolehiyo. Matagal na napatitig lamang siya sa grupo. At nang mapadako sa isang partikular na mukha ay mabilis na siyang nag-iwas ng tingin at tuluyang tumalikod.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD