CHAPTER 2

1343 Words
SA MANSIYON ng mga Mariano ginanap ang engagement party nina Jane at Charlie. Kompleto ang buong pamilya ng mga Ruiz at Mariano. Maging ang mga kaibigan ng magkasintahan. Kasama na ang lahat ng residente ng Bachelor’s Pad maliban kay Maki na sa pamamagitan ni Keith ay nagpadala lamang ng mensahe. Nasa kalagitnaan ng pagsasaya ang lahat, maliban kay Jay na tumakas sa ingay at naglakad patungo sa hardin na sa pagkakatanda niya ay nasa likod ng mansiyon. Ilang oras din siyang nakisalamuha sa mga tao. When some of Charlie’s female relatives approached him, he flirted with them for a while. Subalit nang magsimula na ang programa at pormal nang inianunsiyo ang engagement nina Charlie at Jane ay hindi niya naiwasan ang pagsama ng pakiramdam. Naiilang siya. It seemed like all of his friends were starting to settle down. Nauna si Rob, sumunod si Ross. At ngayon, pati si Charlie na noon ay matigas ang desisyon na hindi mag-aasawa ay engaged na ngayon. Jay felt as if he was being left behind. Again. Ipinilig niya ang ulo at bahagyang inalis ang unang butones ng suot na polo nang marating niya ang hardin. Hindi na masyadong maingay pero dinig pa rin kahit paano ang tugtog mula sa loob. Napakunot-noo si Jay nang makitang may mini-playground na sa hardin na noong huling beses silang dinala roon ni Charlie ay wala pa. Nasa law school pa sila noon. May batang lalaki na nakaupo sa duyan na nag-angat ng tingin nang maramdaman ang presensiya niya. Nag-alangan siya kung lalapit ba o hindi pero naunahan na siya ng bata. “Gusto mong magduyan?”tanong nito. Bahagya siyang ngumiti at tuluyang lumapit. “Sure.” Umupo siya sa duyan sa tabi ng bata at sinulyapan ito. “Bakit nandito ka?” Nagkibit-balikat ang bata. “Pangmatanda ang party sa loob kaya nandito ako. Para hindi ako kailangang ipakilala ni Mommy sa mga tao at hindi nila tatanungin si Mommy kung nasaan ang tatay ko. Kasi kapag tinatanong nila iyon, nakikita kong ngumingiwi si Mommy at ayokong nakikita siyang ganoon.” Hindi nakahuma si Jay. “Nasaan ba ang tatay mo?” tanong niya pagkalipas nang ilang sandali. “Wala akong tatay. Sabi ni Mommy, iniwan daw siya ng tatay ko nang malaman na buntis siya sa akin.” Napatitig si Jay sa bata. May alaala ng kabataan niya ang sumagi sa kanyang isip at ipinilig ang ulo upang palisin iyon. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin. May naramdaman siyang galit para sa ama ng bata na tinalikuran ang responsibilidad dito. Katulad ng sarili niyang ama. “Justin?” tawag ng isang babae. Nag-angat ng tingin ang bata at lumiwanag ang mukha. “Mommy!” Napasunod ng tingin si Jay nang tumayo ang bata hanggang makita niya ang isang magandang babae na nakatayo sa bungad ng hardin. Napatayo rin siya dahil narekognisa niya ang babae—si Cherry na kanina ay ipinakilala ni Jane sa kanya bilang kapatid ni Charlie. Ilang beses silang nagpunta sa bahay na iyon noong law school days nila pero halos hindi sila nagkakakitaan ni Cherry. Sa pagkakatanda niya ay nagkakasalubong sila noon sa university pero hindi niya masyadong natatandaan ang mukha nito. Maliban kasi sa kapatid ito ni Charlie ay wala na silang kahit anong koneksiyon ng babae. Kanina lamang napagmasdan ni Jay nang mabuti si Cherry nang pormal na ipinakilala sa kanila. Panghihinayang ang una niyang naramdaman nang makipagkamay siya rito. He thought it was a shame for him that he never really noticed her before. Nanghinayang si Jay na matagal na silang may koneksiyon ni Cherry pero nilalampasan lang nila ang isa’t isa. Nanghinayang siya na hindi niya pinagmasdan nang mabuti ang mukha ng babae noong mga bata pa sila. Subalit nakaramdam siya ng pagtataka kung bakit siya nanghihinayang. At bago pa niya mahanap ang sagot ay bumitaw na agad si Cherry sa pakikipagkamay sa kanya kanina at tila napasong nagpaalam sa kanila at lumayo. “Bakit nandito ka? Kanina pa kita hinahanap,” ani Cherry sa anak nito nang makalapit. “Hey,” bati ni Jay. Bahagya siyang ngumiti nang mapatingin sa kanya ang babae.“Cherry, right?” Ilang sandaling nanatiling nakatingin lang ito sa kanya bago tumango. “At ikaw ay isa sa mga kaibigan ni Kuya Charlie. Ano’ng ginagawa mo rito?” Ilang sandaling napatitig siya kay Cherry. Medyo malamig ang tono nito. Subalit baka imahinasyon lang niya iyon. After all, unang beses pa lang na nagkausap sila ng babae. Walang dahilan para maging malamig ito sa kanya. O marahil ay narinig ni Cherry ang usapan nila ng anak nito at hindi iyon nagustuhan.  “Just taking a break,” sagot niya. Muli ay tumango si Cherry. “Okay. Sige, maiwan ka na namin dito.” Akay si Justin ay tumalikod na ito. Lumingon ang bata kay Jay at ngumiti. “Ba-bye, mister.” Napangiti siya. “Bye.” Pinagmasdan ni Jay ang papalayong mag-ina, hanggang mawala na ang mga ito sa kanyang paningin. Ngunit sa kung anong dahilan, nanatili ang mukha ni Cherry sa kanyang isip. At nang bumalik siya sa party ay hinahanap ng tingin niya ang babae. But he never saw her again.     “BAKIT ako? I’m busy,” inis na bulalas ni Cherry. Kausap niya si Kuya Charlie sa cell phone habang nakatutok ang tingin sa listahan ng mga na-produce na sapatos na kailangan nilang i-deliver sa araw na iyon. Bukod doon ay may tatlo pa siyang staff na naghihintay sa kanyang atensiyon. Siya ang namamahala sa pinakamalaking shoe factory ng mga Mariano na matatagpuan sa Marikina. “Dahil hindi ko puwedeng ipagkatiwala sa iba ang mga papeles na kailangan ko,” sagot ng kuya niya sa kabilang linya. Napabuntong-hininga si Cherry at sandaling inalis ang tingin sa hawak na listahan. “Bakit kasi may mga papeles na naiwan sa kuwarto mo?” “Dahil tungkol iyon sa kasong hinawakan ko noong nagsisimula pa lang ako sa abogasya. Iniwan ko ang files ng early cases ko sa kuwarto ko noong lumipat ako ng tirahan. But now, I need them as a reference. Dalhin mo na,” giit pa rin ni Kuya Charlie. “Bakit hindi na lang si Charlene ang utusan mo?” Ang tinutukoy niya ay ang bunso nilang kapatid. “Tinawagan ko na siya at hindi siya puwede. She’s going with her boss for an out of town job. Basta dalhin mo sa akin ngayong hapon,” pinal na sabi ng kuya niya. Mariing naglapat ang mga labi ni Cherry. “Kailangan kong sunduin si Justin sa school mamayang hapon,” dahilan pa rin niya. Ayaw lang talaga niyang magpunta sa law firm ng kapatid. “Then bring him with you. See you later, sister.” Tinapos na nito ang tawag na hindi hinintay ang kanyang sagot. Gigil na napatitig na lang si Cherry sa hawak na cell phone. Akala niya dahil engaged na ang kuya niya, kahit paano ay mag-iiba na ang ugali nito. Pero bossy pa rin si Kuya Charlie at ang gusto ang laging nasusunod. He was only softened when Jane was involved. At ngayon ay kailangan pa niyang mag-deliver ng mga papeles para sa kapatid kahit labag sa loob niya. “Ma’am Cherry, okay na po ba ang listahan?” tanong ng isang tauhan na nasa harap niya. Napakurap siya at ipinilig ang ulo upang hamigin ang sarili. “Wait lang,” sabi na lang niya at muling ibinalik ang atensiyon sa listahan. Pagkatapos ay mabilis niyang tinapos ang pakikipag-usap sa mga tauhan at nagbilin sa kanyang assistant. Nang matapos ay umalis na siya upang umuwi sa bahay nila para kunin ang mga papeles na ipinadadala ni Kuya Charlie sa law firm. Nang maisip ang posibilidad na makita na naman niya ang mga kaibigan nito ay napabuntong-hininga siya.       I’m really not comfortable around them. Pero mukhang wala na siyang magagawa pa. Nahiling na lang na sana ay hindi niya makasalubong mamaya sa law firm ang kahit sino sa mga kaibigan ng kanyang kapatid.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD