“Mommy, are you okay?” biglang tanong ni Justin na nag-aalalang nakatingala sa kanya. “Ang pula ng mukha mo.”
Mas naramdaman niya kaysa nakita ang pagngiti ni Jay sa sinabing iyon ng kanyang anak. “I’m okay. Masyado lang akong nasisiksik kaya ako nagkakaganito,” sagot niya na tinapunan ng naniningkit na tingin si Jay.
Ang binata naman ay ngising-ngisi habang nakatitig sa mukha niya na para bang may nakikitang nakakaaliw. At tila ba hindi ito nakaramdam sa parunggit niya dahil hindi man lang inabala na lumayo sa kanya. Ilang pulgada na lang ang layo ng mga mukha nila sa isa’t isa.
Napahugot ng hangin si Cherry at tinakpan ng mga kamay ang magkabilang tainga ni Justin bago matalim na tiningnan uli si Jay. “Umusog ka nang kaunti,” bulong niya na hindi itinago ang iritasyon.
Tiyempo namang muling huminto sa isang floor ang elevator at naglabasan ang mga tao. Lumuwag sa loob. Itinaas ni Jay ang dalawang kamay at nakangiting umatras.
Napailing si Cherry at inalis na ang tingin sa binata kasabay ng pagtanggal niya sa pagkakatakip sa magkabilang tainga ni Justin. Bakit ba kung umakto si Jay ay parang close sila? Ganito ba talaga ang binata sa kahit na sino? Hindi na siya magtataka kung maraming babae ang mag-iisip na interesado si Jay sa mga ito.
Kapag palagi siyang ganito, darating ang araw na mapapasubo siya. Some women might do something crazy because of a misunderstanding, napailing na naisip niya.
“Nandito na tayo,” sabi ni Jay nang bumukas ang pinto ng elevator sa palapag na kinaroroonan ng law firm.
Naitirik ni Cherry ang mga mata. “Alam ko.”
Tumawa lang si Jay at pinauna sila ni Justin na makalabas. Pagdating nila sa reception, lahat ng tao roon–lalo na ang mga babae–ay nakabatian ni Jay.
Mister Congeniality ang asta, ah.
Lalapit na sana siya sa receptionist upang magtanong kung saan matatagpuan ang Kuya Charlie niya pero magaan siyang hinawakan ni Jay sa siko upang pigilan.
“Sasamahan ko na kayo sa opisina ni Charlie,” alok ng binata, pagkatapos ay bumaba ang tingin kay Justin at ngumiti. “Tara, Justin?”
Halata sa mukha ng anak niya na gusto nitong sumunod kay Jay. Pero bibitaw na sana ito sa kamay niya nang tila may maalala at tumingala sa kanya. “Puwede ba akong bumitaw sa iyo, Mommy?”
Napakurap si Cherry. Mukhang naalala ni Justin ang tungkol sa bilin niya rito. Nang makita ang antisipasyon sa mukha ng anak ay napabuntong-hininga na lang siya at binitawan ang kamay nito. “Huwag kang tatakbo at masyadong lalayo sa akin. Pagkabigay ko sa tito mo ng mga papeles ay uuwi na tayo,” bilin niya.
Ngumiti si Justin. “Salamat, Mommy.” Iyon lang at mabilis na itong umagapay kay Jay na nakangiti namang ginulo ang buhok ng bata.
Napasunod si Cherry sa dalawa na nag-uusap habang naglalakad. Hindi talaga siya makapaniwala na kaagad na naging magkasundo ang dalawa.
Naglalakad pa lamang sila sa lobby nang may bumukas na pinto ilang metro ang layo sa kanila. Sumungaw ang Kuya Charlie niya na bumakas ang pagkagulat sa mukha pagkakita sa kanila.
“Jay... Bakit kasama mo sila?” nagtatakang tanong ng kanyang kuya na naglakad palapit sa kanila.
“Nagkasalubong kami sa parking lot.”
Umangat ang kilay ni Charlie bago bumaling kay Cherry.
Nagkibit-balikat si Cherry at iniabot sa kapatid ang hawak na envelope. “Ito na ang pinapadala mo.”
Bahagya itong ngumiti. “Thanks.”
“Well, aalis na kami,” sabi niya.
“Ang bilis naman!” sabay pang reklamo nina Justin at Jay.
Gulat na napatingin silang magkapatid sa dalawa.
Inakbayan ni Jay ang bata. “Minsan lang makapunta sa isang law firm si Justin. Ililibot ko muna siya bago kayo umalis. It’s good to widen his horizon, you know. Malay mo, maging abogado rin siya paglaki.”
“Mommy, Tito, gusto ko pong mag-ikot. Promise I’ll behave. Please, please,” pakiusap naman ni Justin.
Nagkatinginan sina Cherry at Charlie.
“You decide, you’re the mother,” sabi ni Charlie.
Ilang sandaling pinagmasdan muna ni Cherry si Justin bago siya bumuntong-hininga. “Fine. Pero sandali lang.”
“Yes. Thank you, Mommy,” bulalas ng anak at niyakap pa nang mahigpit ang kanyang baywang bago bumaling kay Jay. “Let’s go, Mister.”
Tumawa ang binata at inakbayan ang kanyang anak. “It’s ‘Tito Jay.’ Huwag ‘mister.’ Tara.”
Napasunod ang tingin nila ng kanyang Kuya Charlie sa dalawa. Habang nakatitig sa mga likod nina Jay at Justin ay may nakapa siyang emosyon sa puso na agad ding pinalis.
“Talaga bang mahilig siya sa bata?” tanong niya sa kapatid.
“Hell, no. He used to hate children. Noong kolehiyo at kahit sa law school, kapag may volunteer work kami na related sa mga bata, pansin namin na hindi siya kumportable. Baka nagbago na siya ngayon dahil lately ay child custody cases ang hinahawakan niya,” sagot ni Kuya Charlie na bakas ang pagtataka sa tinig.
Marahan siyang tumango. Kung ganoon lang ang rason ni Jay sa pakikitungo nito sa anak niya, sana ay tumigil na ito. Ayaw niyang masyadong ma-attach si Justin kay Jay. Ayaw niyang maramdaman ni Justin ang kahit anong affection mula sa isang lalaki. She did not want him to have the taste of what he’s been missing since he was born—an affection from a man that was old enough to be his father. Ayaw niyang hanapin ng kanyang anak ang atensiyon at pagmamahal ng isang ama lalo na sa isang tulad ni Jay dahil siguradong madidismaya lamang si Justin sa huli.
Napabuntong-hininga si Cherry. “Nandito na rin ako, bigyan mo naman ako kahit kape lang habang hinihintay ko sila,” sabi na lamang niya kay Charlie.
Bahagyang ngumiti ang kuya niya at inakbayan siya. “Let’s go to my office.”