Mabilis at hindi ko na nasundan pa ang mga pangyayari. Matapos na marinig ang nakagigimbal na balita mula kay Markiel, natulala na lang ako.
Ano raw? Anong sinabi ni Reymond sa kanya? Wala na sina Lolo at Lola… as in wala na at hindi ko na mayayakap pa?
Makikita ko pa pero isa na silang malamig na bangkay? What the hell was that? Prank ba ‘yon?
Alam kong katulad ng iba pa naming mga kaibigan, siraulo rin si Reymond. Mahilig s’yang mang-prank kaya nga madalas ko s’yang sipain o kaya ay suntukin dahil lagi na lang ay ako ang paborito n’yang asarin at pagtripan.
Simula mga bata pa lang kami ay wala na s’yang pinalalampas na araw na hindi nagsasagawa ng prank para masira ang araw ko. Naging hobby na n’ya iyon at talagang isa iyon sa ikinaiirita ko sa kanya bukod pa sa sobra talaga s’yang makulit.
Ngunit kilala ko ang pinsan kong iyon, pareho kaming malapit kina Lolo at Lola. Hindi rin s’ya ang tipo ng taong gagawing katatawanan ang tungkol sa bagay na iyon at maging iyong mga seryosong bagay. Alam n’ya kung kailan s’ya magiging pilyo at alam din n’ya kung kailan dapat na magseseryoso.
Wait… Ibig bang sabihin niyon ay tama ang narinig ko? Katotohanan iyon at hindi biro lamang?
Ngunit hindi lang naman si Reymond ang nagsabi ng balitang iyon. Si Gian din. He even called Josiah kahit na wala naman silang numero ng isa't-isa.
Marami na akong nainom at alam kong anumang oras ay tatablan na ako ng alcohol ngunit dahil sa narinig ay parang nawala ang anumang epektong mayroon ang alak sa akin. Talo ko pa nga ang nasobrahan sa hang-over drink kahit na hindi naman ako uminom niyon kahit na isang patak.
Hindi ko na nga matandaan kung paano ako nakabalik sa condo ko. Ang alam ko lang ay hinawakan ni Markiel ang kamay ko at inalalayan nila ako ni JC na umalis sa bar. Tulala lang ako at para akong naging robot. Si JC ang kumuha sa cellphone ko at s'ya na rin ang nakipag-usap sa manager kong si Kian. Naririnig ko ang paliwanag n’ya kay Kian ngunit walang nagre-register sa isip ko ng kahit isang salitang sinabi n’ya kaya hindi ko rin alam kung ano ang pinag-usapan nila.
Hindi lang shock ang naramdaman ko, I’m overwhelmed with the situation.
Pakiramdam ko ay bumalik ako sa sitwasyon kung saan ay sabay na nawala ang mga magulang ko. At katulad ngayon, nawala rin sila nang wala ako sa kanilang tabi.
Isa lang ang malinaw sa akin sa mga sandaling ito— they all left me.
Nang makarating kami sa condo ay nandoon na si Kian at inihahanda na ang mga gamit ko. Kaagad na tinulungan s’ya ng mga kaibigan ko. I just stood there and stared at what they were doing. Si JC ang nag-book ng ticket namin habang si Markiel naman ang tumulong kay Kian para maisaayos ang mga gamit ko.
Hindi rin naman nagtagal si Kian dahil kaagad s'yang nagpaalam para pumunta sa kompanya at ipaalam ang paggamit ko sa emergency leave. Hindi ko nga sigurado kung ano ang dapat kong maramdaman dahil hindi naman ako gumagamit ng kahit anong uri ng leave sa trabaho.
Matapos ihanda ang mga gamit ko ay dumiretso kaming tatlo nina Markiel at Kian sa hotel na tinutuluyan nila. Inihanda naman nila ang mga gamit nila at nag-check out kahit isang linggo talaga ang plano nilang bakasyon dito sa France.
Pagkatapos niyon ay dumiretso na kami sa airport. Wala na ngang nagbihis sa amin at mabuti na lang ay nagamit ni Kian ang malaking ambag ko sa kompanya. Private plane ng kompanya ang ginamit namin para kaagad na makaalis ng France.
Ganoon kabilis ang mga pangyayari. Pakiramdam ko nga ay kumurap lang ako at pagmulat ko ay nakabalik na kami rito sa Pilipinas.
Matapos ang humigit-kumulang na labing-apat na oras ay tuluyang lumapag na kami sa Pilipinas. Ni kahit isang saglit, hindi man lang ako nakatulog sa naging biyahe naming iyon.
Ni hindi ako nakapagdesisyon, wala naman akong puwedeng pagpilian at pakiramdam ko nga ay pansamantala akong nawalan ng kakayahang pag-isipan ang mga nangyayari. Para akong puppet na kumikilos lang kapag kailangan, sumusunod lang ako sa dalawang kaibigan.
Napakurap ako nang makitang malapit nang dumilim ang paligid. Nasa loob na kami ng sasakyan ni Chris, siya ang sumundo sa amin at malapit na kami sa mansyon ng mga Ricaforte kung saan ay nakaburol ang mga labi nina Lolo at Lola at ang naging tahanan ko rin sa mahabang panahon, bago ako nagdesisyong mangibang-bansa.
Nakaramdam ako ng paninikip ng dibdib. Tahimik na tahimik ang loob ng sasakyan at parehong tulog sina Markiel at JC. Hindi ko sila masisisi dahil nakakapagod ang ginawa nila. Sila ang nag-asikaso ng lahat ng mga kailangan ko dahil literal na hindi ako nagsasalita, tanging tango at iling lang ang naging ambag ko sa kanila.
Hanggang kanina ay sila ang nakipag-usap kay Kian. Nangako ang manager ko na susunod s'ya rito sa akin sa Pilipinas sa oras na matapos n'ya at maiayos ang mga projects na naiwan ko.
Full-packed ang schedule ko at kailangan talaga n'yang pagtuunan ng pansin ang pag-aayos niyon dahil siguradong kapag hindi naagapan ay magkakaroon ng isyu sa mga iyon. Mabuti na lang at iyong ibang malalaking projects ay hindi ko pa napipirmahan.
Hindi na ako magtataka kung matagal pa bago makasunod si Kian dito sa Pilipinas. Siguradong mahihirapan s'yang ayusin ang mga na-cancel kong projects and photoshoots. Sigurado akong ngayon pa lang ay nananakit na ang kanyang ulo dahil sa mga iyon.
Marami s'yang kailangang kausapin tungkol sa mga naiwan kong trabaho at may ilan ding kailangang bayaran dahil sa breach of contract.
Wala sa sariling napatingin ako sa bintana. Na-traffic kami kanina kaya hanggang ngayon ay nasa daan pa rin kami. Mabuti na lang talaga at malapit na kami sa patutunguhan namin bago pa maabutan ng rush hour.
Wala pa ring ipinagbago rito bukod sa mas nadagdagan ang mga gusaling itinayo at maging ang mga naninirahan sa ilalim ng mga tulay at gilid ng daan. Mas naging kaunti rin ang mga puno pero nadagdagan ang mga basura.
Ganoon naman talaga, laging kaakibat ng pagbabago at modernisasyon ang pagkasira ng natural na ganda ng kapaligiran. At kadalasan, doble ang kapalit niyon kaysa sa makukuhang kapakinabangan doon.
Napahinga ako nang malalim. Ngayon lang nag-sink in sa akin ang mga nangyayari. Hindi ko akalaing sa loob ng ilang taon kong pagmamatigas para hindi na muling bumalik sa bansang ito ay makikita ko ang sariling nandito na ulit at walang pagpipilian kung hindi ang manatili muna.
Narito na ako sa lugar kung saan ay ginusto kong ibaon sa nakaraan.
"May problema ka ba, Sab? Masakit ba ang ulo mo o nagugutom ka ba?" tanong ni Chris. Sinulyapan pa n'ya ako. “Ang sabi nina Jc ay hindi ka man lang kumain, puwede tayong dumaan sa fast food at mag-take out doon.”
Hindi ito ang nai-imagine kong eksena kung sakaling uuwi man ako rito. Hindi ko rin naman kasi naisip na pagluluksa ang magiging dahilan ng pagbabalik ko rito sa Pilipinas.
Nagyakapan lang kami kanina ni Chris. Hi and hello lang ang naging batian namin. Gloomy ang atmosphere hanggang ngayon.
Bukod sa ngayon lang ulit kami nagkita, hindi rin masaya ang dahilan ng pag-uwi ko kaya naiintindihan ko kung bakit parang ang hirap na magbukas ng conversation sa pagitan naming dalawa.
Nakikita ko rin na kanina pa n’ya ako pinakikiramdaman at siguradong tinatantiya n’ya maging ang iniisip at nararamdaman ko.
Umiling lang ako. "Okay lang ako."
"Natutuwa akong pagkatapos ng mahabang panahon ay umuwi ka na rito, Sab," dagdag n'ya at sandaling nilingon si JC na tulog na tulog sa passenger's seat. "Pati ang isang ito na planong maglakwatsa ay napauwi rin. Hindi nga lang ako masaya sa naging dahilan ng pag-uwi n'yo rito."
Hinawakan ko ang balikat ng kaibigan at tinapik iyon. "I miss you, Chris."
Muli n'ya akong sinulyapan at binigyan ng tipid na ngiti. Tinapik n'ya ang kamay kong nasa kanyang balikat. "Puwede kang umiyak, Sabina. Pwede kang magwala o sumigaw dito sa loob ng sasakyan ko. O kung gusto mo ay pabababain ko 'tong dalawang ito para magkaroon ka ng pagkakataong ilabas ang lahat ng nararamdaman mo. Kailangan mo iyon."
Hindi ako sumagot. Sumandal ako sa upuan.
Chris heaved a sigh. "Hindi kami nawala at hindi kami mawawala sa tabi mo, Sab. Mananatili kaming nasa tabi mo kaya sana ay huwag mong sarilinin ang kung anong nararamdaman mo sa mga oras na ito."
Iyon lang ang sinabi n'ya pero kaagad nang humapdi ang gilid ng mga mata ko. Maya-maya pa ay kusa nang bumagsak ang mga luha ko at hindi ko na napigilan pa ang mga iyon.
Ang tahimik na pag-iyak ay nauwi sa hagulhol. Natutop ko ang kamay at pinalaya ang mga emosyong itinago ko rin sa mahabang panahon. Ang kalungkutan, kahungkagan, pangungulila at pagsisisisi. Lahat ng mga iyon ay pinakawalan ko sa pamamagitan ng pag-iyak ngunit hindi naman nabawasan ang bigat na nararamdaman ko sa aking dibdib.
Pakiramdam ko nga ay mas lalong sumakit ang puso ko. Para iyong pinipiga at nilalapirot.
Naramdaman ko ang pagkilos ni Markiel sa gilid ko. Kinabig n'ya ako palapit sa kanya at isinandal sa kanyang dibdib. Mas lalong lumakas ang pag-iyak ko nang yakapin n'ya ako. Pakiramdam ko ay nagkaroon ako ng kakampi, kakamping ngayon ko lang naramdaman pagkatapos ng mahabang panahon.
I cried hard at nabasá ko na rin ang dibdib ni Markiel pero hindi pa rin tumigil ang mga luha ko. Dire-diretso ang pagpatak ng mga iyon at parang walang katapusan ang kanilang pagbuhos.
Nagising na rin si JC at hinawakan n’ya ang kamay ko.
Naramdaman ko ang pagtigil ng sasakyan ngunit walang nagsalita kahit isa sa tatlong lalaki. Hinayaan lang nila akong umiyak habang tahimik nila akong dinadamayan.
At mas lalo akong napaiyak dahil doon. Aminado akong naging sakim ako noong umalis ako at hindi na talaga ako umaasang may tatanggap pa sa akin sa oras na bumalik ako rito but they accepted me without asking anything.
Ilang minuto rin akong umiiyak. Walang nagsasalita at walang nagsasabi sa akin na tumigil kaya pinalaya ko ang matagal ko nang tinitikis na damdamin.
Iniabot sa akin ni Markiel ang isang box ng tissue nang tumigil ako sa paghikbi. Maging si JC ay nag-abot sa akin ng bottled water na mukhang ininuman na n'ya.
Bumaling sa akin si Chris. "Nandito na tayo, Sab. Nasa loob na rin ang iba at lahat ay naghihintay sa 'yo."
Nakagat ko ang ibabang labi sa narinig.
"Hindi ko alam na darating pa ang araw na makokompleto tayo," komento ni JC. "Hindi nga lang maganda ang naging dahilan."
I smiled faintly.
"Ow! Nandito na pala sila!" bulalas ni Chris at itinuro ang labas ng sasakyan.
Nandito kami sa malawak na parking space sa labas ng mansyon ng mga Ricaforte. May kadiliman na ang paligid pero sapat na ang liwanag na ibinibigay ng mga lamp post na nasa paligid kaya malinaw kong nakikita ang mga kaibigan naming naghihintay sa labas ng sasakyan.
Naunang kumilos si Chris at JC. Sabay pa silang bumaba mula sa sasakyan.
Hinawakan ni Markiel ang kamay ko. "Halika na."
Tumango ako.
Binuksan ni Markiel ang pinto sa tapat n'ya at bumaba na mula sa sasakyan. Narinig ko pa ang malakas na boses ng mga kaibigan namin nang tuluyan na s'yang makababa. Hindi rin naman nila laging nakikita si Markiel kaya siguradong natuwa sila.
Pagkaraan ng ilang segundo ay bumaba na rin ako mula sa sasakyan. Kabababa ko pa lang nang may dalawang pares na ng mga braso ang yumakap sa akin.
It's Gab and Letti.
Bago ko pa mapigilan ang sarili ay muli na naman akong umiyak. Humigpit ang pagkakayakap sa akin ng dalawang babae kaya mas lalong lumakas ang pag-iyak ko. Maya-maya pa ay sinabayan na nila ako sa pagtangis.
"I... I'm sorry..." Iyon lang ang tanging nasabi ko sa pagitan ng mga hikbi.
Sobrang sakit na ng dibdib ko at hindi ko yata kayang makita sina Lolo at Lola na nasa loob na ng kabaong. Ni kahit minsan ay hindi ko naisip ang ganitong eksena. Mula noong nawala ang mga magulang ko ay pinaniwala na ako nina Lola na hindi nila ako iiwan, na mananatili silang nasa tabi ko.
Ngunit nasaan na sila ngayon?
And yes, promises were really meant to be broken.
Hindi ko alam kung ano ang nangyari sa akin. Nanlabo ang mga mata ko at kaagad na nagdilim ang aking paningin.
Ang huli kong naramdaman ay ang mahigpit na yakap sa akin nina Letti at Gab. Bigla na lang bumigay ang mga tuhod ko at sabay-sabay kong naramdaman ang puyat, pagod, panghihina at sumama rin doon ang epekto ng alak na pinili pang ngayon magparamdam.
"Sab!"
"Sabina!"
Ang malakas na pagtawag sa akin ng mga kaibigan ko ang huli kong narinig bago ako tuluyang lamunin ng kawalan.