Nang magmulat ako ng mga mata ay bahagya pa akong nasilaw sa liwanag na ibinibigay ng lampshade na nasa gilid ng kama. Hindi naman ganoon kaliwanag iyon pero sa hindi malamang dahilan ay nanakit ang mga mata ko nang iyon ang una kong masilayan.
Kinusot ko ang mga mata, mas lalo nga lang humapdi ang mga iyon dahil sa ginawa ko. Hindi na nakapagtataka dahil ngumalngal ako nang sobra bago pa ako nawalan ng malay. Hindi nga ako umiyak ng buong araw ngunit parang ganoon din ang nangyari dahil sa naging pag-iyak ko sa sasakyan pa lang ni Chris.
Hindi ko alam kung gaano ako katagal na nakatulog, sigurado nga lang ako na inabot ‘yon ng ilang oras dahil kahit paano ay nawala ang pananakit ng aking katawan.
Kahit paano rin ay umayos ang aking pakiramdam, halatang nakapagpahinga. Sandali nga lang ang paggaan ng nararamdaman ko dahil kaagad na bumalik sa akin ang katotohanan kung bakit ako narito ngayon.
Umalis ako sa pagkakahiga at isinandal ang katawan sa headboard ng kama. Wala sa sariling inilibot ko ang mga mata sa kabuuan ng silid. Ito ang silid ko ngunit pakiramdam ko ay nasa ibang lugar ako.
Wala na akong maramdamang familiarity. Estranghero ang ibinibigay na pakiramdam sa akin ng kuwartong ito, pakiramdam ko ay hindi ako welcome. Hindi na ako magtataka kung nararamdaman din ng silid na ‘to ang disgusto ko sa naging pagbabalik ko rito.
Maayos pa naman ang silid. Katunayan ay mukhang natuloy ang renovation na sinabi sa akin ni Lola noong isang taon. Hindi na ako tumutol nang banggitin nila ni Lolo ang tungkol doon dahil ayokong sumama ang loob nila. Hindi ko naman magawang sabihin sa kanila na hindi na nila kailangang ipa-renovate ang silid ko dahil wala na naman akong planong bumalik dito.
Ngunit mali ako at mukhang tama si Lolo. Nagawa pa rin nila akong pabalikin dito at hindi pa maganda ang dahilan sa likod ng naging pag-uwi ko.
l bit my lower lip to suppress my tears from falling.
I know I'm not a saint. Hindi rin ako mabuting tao dahil may share rin ako ng mga kasalanan katulad ng lahat but I'm starting to hate myself.
Hindi ko alam kung bakit at paano ko natiis na malayo sa dalawang taong tumayo bilang magulang ko mula nang mawala ang aking ina at ama.
Naging sakim nga ba ako dahil sa halip na harapin ang pagkakamaling ako rin naman ang gumawa ay mas pinili kong takasan iyon? Wala akong inisip noong mga panahong iyon kundi ang sarili ko at ang pride kong mas mataas pa kaysa akin.
But... Kasalanan ko ba kung natakot ako noon? Wala ba akong karapatang maging duwag?
Sumubsob ako sa mga tuhod at tahimik na umiyak. Tahimik akong humikbi at muli ko na namang naramdaman ang pag-iisa.
Sa paglipas ng mga taon na nasa France ako at abala sa pagiging modelo, iyong pakiramdam na nag-iisa ako ang tanging hindi nagbago. At ngayon nga ay nararamdaman ko na naman iyon.
Hindi ko alam kung bakit laging ipinaparamdam sa akin ng pagkakataon na masyado akong duwag kaya sa halip na manatili ako sa piling ng mga taong mahalaga sa akin ay pinipili kong lumayo na lang.
Kaagad na pinalis ko ang mga luha nang bumukas ang pinto ng silid. Mabilis na humiga ako at muling nagtalukbong ng kumot.
"Bukas na lang siguro kayo mag-usap tungkol sa bagay na 'yan." I heard my cousin's voice, si Reymond. "Sa ngayon kasi ay hindi pa maayos ang pakiramdam ni Sabina. Nahimatay s'ya pagkarating n'ya rito at kailangan pa n'yang magpahinga."
Nangunot ang noo ko nang marinig iyon. Gusto ko sanang makita kung sino ang kausap ni Reymond ngunit dahil nagtutulug-tulugan ako ay wala akong magawa kundi ang manatili sa pagkakahiga.
Wala akong narinig na tugon mula sa kausap ni Reymond. Maya-maya pa ay nakarinig ako ng papaalis na mga yabag.
Mabilis akong nagtanggal ng kumot at naupo sa kama. Hindi ko nga lang inaasahan na makitang nakatayo sa gilid ng kama si Reymond. Naka-krus ang mga braso n'ya sa dibdib habang matiim na nakatingin sa akin.
Ang una kong napansin sa kanya ay ang hanggang balikat n'yang buhok. Kulay ash brown iyon na mas lalong nagpatingkad sa kanyang features.
He looks good. Well, ano pa bang aasahan ko sa isang artista?
"Sabi ko na nga ba at nagtutulog-tulugan ka lang," aniya. Naupo s'ya sa gilid ng kama. "Kumusta na ang pakiramdam mo? Nagugutom ka ba? Gusto mong magpadala ako ng pagkain dito o sa dining room ka na lang kakain?"
Umiling ako. "Anong ginagawa mo rito?"
Pinanlakihan n'ya ako ng mga mata. "Ano pa nga ba? E 'di binibisita ang suwail kong pinsan. Sinisiguro kong totoong nandito ka at hindi ka isang replica o android version."
Parang gusto ko s'yang sapakin dahil sa narinig.
"My God, Sabina!" Pumalatak na s'ya. "Maiintindihan ko kung bigla ka na lang nawala sa sarili mo kaya ka lumayas para hanapin ang bawat piraso ng pagkatao mo pero ang hindi ko maintindihan ay kung bakit pati ako ay hindi mo man lang sinabihan sa plano mo! Ilang taon din ‘yon at ngayon ka lang talaga umuwi!”
Napangiwi ako nang marinig ang iritasyon sa kanyang boses.
"Huwag mo akong binibigyan ng ganyang reaksyon," parang babaeng wika pa n'ya at namaywang. "Hindi mo man lang ba naisip na nag-aalala ako sa 'yo? Bukod sa pinsan mo ako ay kaibigan mo rin ako. Nakalimutan mo na ba ‘yon, ha?”
"I'm sorry." Ibinalot ko ang sarili sa kumot. "Pero puwede bang huwag mo muna akong sermunan ngayon? Dapat ay nagluluksa tayo ngayon."
Umismid si Reymond. "Ang huling bilin nina Lola at Lolo ay maging masaya sa burol nila. Hindi raw nila magugustuhan sa oras na may isang umiyak sa atin. Saka na lang daw tayo umiyak sa oras na ililibing na sila."
Pinigilan kong mapahikbi. Ganoon lagi sina Lolo at Lola, ayaw nila ng umiiyak o nakasimangot. Gusto nilang happy lang, chill lang, kaya nga mas naging close kaming dalawa ni Reymond sa kanila.
"Kaya huwag ka nang umiyak. Sigurado akong mumultuhin ka nila kapag humarap ka sa kanilang namumugto ang mga mata," dagdag pa ni Reymond.
Tumango ako. "Salamat."
Umusog si Reymond palapit sa akin at mahigpit akong niyakap. "I miss you, Couz. Huwag kang mag-alala, I'm always here for you." He caressed my hair. “And please, huwag ka nang aalis ulit nang hindi nagpapaalam.”
Gumanti ako ng yakap sa pinsan. Hindi nagtagal ay nagpaalam na s'ya sa akin. Aasikasuhin pa raw n'ya ang mga bisita.
Nagbilin din s'yang kumain muna ako para umayos na ang pakiramdam ko. Hindi raw kasi maganda kung haharapin ko ang mga kaibigan namin na hindi maganda ang itsura ko.
Nang makaalis si Reymond ay sinunod ko ang gusto n'ya. Tumayo ako at nagkalkal sa mga gamit ko para pumili ng maisusuot.
Isang romper na purong itim ang nakita ko. Above the knee iyon at isa sa mga paborito kong suotin kapag malungkot ako.
Dumiretso na ako sa banyo ng silid at nakita kong maging iyon ay pina-renovate rin. Ayoko mang isipin pero mukhang pinaghandaan talaga nina Lolo at Lolo ang pag-alis nila rito sa mundo. Para bang alam na alam nilang iyon ang magiging dahilan ng pag-uwi ko kaya inihanda talaga nila ang silid kong ito.
Madaliang paliligo ang ginawa ko. Matapos magbihis ay kaagad na tinuyo ko ang buhok gamit ang hair dryer. Wala rin naman ako sa mood na magbabad sa bath tub dahil baka hindi na ako umahon doon kapag ginawa ko iyon.
Natural na maputla ang kulay ko kaya kinailangan ko pang lagyan ng kaunting kulay rosas na lipstick ang mga labi. Iyon lang naman ang inilagay ko sa mukha.
Inaayos ko na ang mga unan sa kama nang makarinig ng ilang katok. Mabilis na dumiretso ako sa pinto at binuksan iyon.
Ngunit sa halip na si Reymond ang makita ko, ang taong hinding-hindi ko gustong makaharap ang napagbuksan ko ng pinto.
Ang nag-iisang taong gustong-gusto kong makalimutan. Ang lalaking naging laman ng mga panaginip ko sa unang taon ng paninirahan ko sa France.
Si Gian Carlo Montemayor.