Alam kong napaka-imposible na hindi kami magkita ni Gian. Magkapitbahay kami for Pete’s sake!
Kaya natural lang iyon! Kumbaga, mas nakapagtataka kung hindi kami magkikita.
Nasa iisang village at magkaharap na magkaharap ang mga mansion ng mga pamilya namin. Hindi ko man sigurado kung may sarili na s’yang bahay o condo kung saan man, maliligaw pa rin naman talaga s’ya rito.
Malapit ang mga pamilya namin sa isa’t-isa at ngayong malinaw na ang isip ko ay alam kong bibisita talaga s’ya rito sa burol nina Lola at Lolo. Lalo na at malapit din s’ya kina Lolo at noong mga bata kami ay paborito n’yang tambayan ang mansion namin.
Ngunit hindi ko naman ini-expect na makikita ko s’ya sa mismong unang araw ko rito sa bansa!
Joke ba ito? Hindi naman ako ready sa ganito uri ng biro!
Hindi ko alam kung saan titingin, sa mukha n’yang ayoko mang aminin ay akala mo ay mukha ng isang Diyos, sa malapad at siguradong matigas n’yang dibdib, sa ibabang parte ng katawan n’ya na hindi ko na gustong isipin pa o sa mga paa n’ya na hindi ko alam kung bakit pati iyon ay pinagtutuunan ko ng pansin.
Sinigurado kong sandali ko lang na pinasadahan ang kanyang kabuuan ngunit hindi ko inaasahan na kaagad na magre-register sa isip ko ang perpekto n’yang itsura!
Hindi naman kinukulang ang mga mata ko sa mga biyaya ng Diyos sa France.
Sobrang daming mga guwapo at sexy’ng nilalang doon na nakakaumay na! Dahil na rin sa propesyon ko ay lagi na lang na nabubusog ang mga mata ko sa mga biyaya ng langit para sa mga kababaihan.
Kaya hindi ko talaga alam kung bakit parang kakaiba ang dating sa akin ng itsura ni Gian. Parang may kakaiba sa kanya na hindi ko maintindihan. His presence told me na hindi lang s’ya basta blessing sa lahi ni Eba.
Huminga ako nang malalim at pinilit na salubungin ang kanyang mga mata.
Dahil hindi ko naman alam kung saan s’ya titingnan, nanatiling nakatitig na lang ako sa hugis almond n’yang mga mata. Gusto ko na nga lang yakapin ang sarili dahil sa lamig ng emosyong nakikita ko sa mga iyon.
“Gian…” Tumikhim ako at sinilip ang likuran n’ya dahil sa pag-asang nandoon si Reymond ngunit wala s'yang kasama.
“May kailangan ka ba?” Gusto kong batiin ang sarili dahil nagawa kong maging pormal ang boses.
Hindi ko alam na ang tanong na iyon ang unang-unang sasabihin ko sa kanya sa oras na magkita kami. Hindi ko napaghandaan ang sandaling ito at paano ko naman paghahandaan kung wala naman sa bokabularyo ko na makita pa ang lalaking ito?
Ilang taon na nga ba ang lumipas mula nang mangyari ang gabing iyon na gusto ko na lang kalimutan?
Pitong taon na! Ganoon na katagal pero para sa akin ay parang kahapon lang nangyari iyon!
Kaya nga hindi ko magawang umuwi rio sa Pilipinas ay dahil pangalan pa lang ng lalaking kaharap ko ngayon ay kaagad nang nananariwa sa akin ang ginawa kong kagagahan noon kahit na matagal nang panahon ang lumipas at may posibilidad na nakalimutan na n’ya iyon!
At isa iyon sa hindi makakayang tanggapin ng pride ko, iyong hindi ko man lang makalimutan ang nangyari ng gabing iyon ngunit wala na pala iyon sa kanya.
Hirap man akong aminin sa sarili, natatakot akong marinig sa kanya na ibinaon na n’ya sa limot ang tungkol doon. Na isa lang iyong pagkakamali dahil sa parte ko, malaking bagay sa akin ang naiwala ko at gustuhin ko man ay hindi ko na iyon maibabalik pa.
Hindi nagsalita si Gian. Iniabot n’ya sa akin ang tray na hindi ko man lang napansin na dala n’ya pala. May laman iyong malamig na tubig at mangkok na may lamang mainit na lugaw.
Bakit parang bumait yata ang isang ito?
Awtomatik na nangunot ang noo ko. Napatingin ako sa tray na ngayon ay hawak ko na. Wala naman akong planong tanggapin iyon ngunit mukhang wala rin s’yang planong hawakan iyon nang matagal kaya sapilitan n’yang iniabot sa akin.
Ikiniling ko ang ulo at takang tiningnan si Gian. Hindi na s’ya iyong Gian na tinatawag kong butiki noong nasa college kami.
Kahit naman noon ay hindi naman talaga s’ya mukhang butiki, bad trip lang talaga ako sa kanya kaya kung anu-ano na lang ang tinatawag ko sa kanya.
Noong kinder nga kami ay tinawag ko s’yang paru-parong bukid! Minsan ay baboy ang pang-asar ko sa kanya noong mga bata pa lang kami.
At walang dahilan kung bakit tinatawag ko s’ya ng ganoon. Gusto ko lang, trip ko lang. Ngunit ni kahit minsan ay hindi n’ya ako tinawag sa kung ano mang pangalan.
Kaya nga mas lalo akong naaasar sa kanya noon dahil hindi man lang s’ya nagagalit sa mga pang-aasar ko. Sa huli ay ako ang mapipikon dahil lagi na lang ay wala s’yang reaksyon.
“Eat,” maikling wika ni Gian bago iminuwestra ang labas ng silid ko. “Busy akong tao kaya hindi ko magagawang maghintay nang matagal. Bilisan mong kumain at pagkatapos ay dumiretso ka agad sa study room. Pag-aari n’yo ang mansyong ito kaya siguro naman ay pamilyar ka pa rin sa bawat bahagi nito. Hindi ka naman siguro maliligaw papunta roon.”
Mas nangunot ang noo ko sa narinig. Ni hindi ko nasundan ang sinasabi n’ya at wala nga akong kaide-ideya sa kung ano mang tinutukoy n’ya.
“Sandali nga lang…” awat ko.
Sa totoo lang ay masakit pa ang ulo ko at hindi ko pa nga natatanggap na narito na ulit ako sa Pilipinas dahil sa pagkamatay nina Lolo at Lola.
Nabibilisan ako sa mga nangyayari at ngayon naman ay nandito s’ya sa harapan ko, nagde-demand ng kung ano at ipinapamukha sa akin na ginto ang bawat segundo ng buhay n’ya.
In short, masyadong abala para sa kanya ang makipag-usap sa akin. Iyon ang dating sa akin ng mga sinabi n’ya.
Pakiramdam ko tuloy ay hinahabol ako ng bangungot na tinakasan ko rin ng pitong taon. Parang bigla na lang silang nag-wave at nag-hello sa akin nang wala man lang pasabi.
Itinaas ko ang kamay. “Hindi kita maintindihan. Ang alam ko ay wala naman akong kahit anong business with you, Mr. Montemayor,” sabi ko at sinadya kong lagyan ng katarayan ang boses para itago ang pagkabigla. “At wala rin akong kahit na katiting na dahilan para kausapin ka. Kung may sadya ka sa kahit sino sa angkan ko, feel free to talk to them. Hindi naman kita pipigilan.”
Pakiramdam ko ay nagbukas ang langit at nagkantahan ang mga anghel nang umismid si Gian.
Kung kanina ay walang kahit anong ekspresyon ang mukha n’ya, ngayon naman ay parang nagkislapan ang lahat ng bituin nang tumaas ang sulok ng labi ng lalaki.
“Miss Ricaforte…” He addressed me the same way I called him. “Huwag mo sanang pina-flatter ang sarili mo. Kung tutuusin, ayaw ko ring magkaroon ng kahit anong business with you ngunit nandito ako ngayon dahil sa respeto ko sa lolo at lola mo. Kung hindi lang ako nabanggit sa last will ng dalawang matanda, hinding-hindi ko gugustuhing makausap ka o makasalubong man lang.”
Napakurap ako. Para akong sinampal sa mga sinabi n’ya.
Kaagad na nagsara ang langit at nagliparan pabalik doon ang mga anghel. Nawalan ng liwanag ang mga bituin at mabilis na naglaho.
Bumangon ang inis sa diddib ko para sa lalaki. Dapat ay hindi na ako nagtaka dahil s’ya lang naman ang may lakas ng loob na sabihan ako ng mga ganoong salita. Mula pa noon at mukhang hanggang ngayon.
Noon pa lang ay lagi na kaming nagbabangayan ngunit ramdam kong parang may laman ang bawat salitang binibitawan n’ya ngayon. Hindi katulad noon na natural na pagsusuplado lang ang isinusukli n’ya sa akin. Ngayon kasi ay parang may lihim s’yang galit sa akin.
Pinilit kong ngumiti. Hindi ko alam kung anong isyu n’ya sa akin dahil kung tutuusin ay ako ang dapat na may isyu sa kanya.
“Puwede ko bang malaman kung ano ang tungkol sa last will na binanggit mo?” I asked.
Siguro nga ay ako lang naman ang may isyu sa kanya kaya dapat akong umakto na parang walang nangyari. Mukha rin namang nakalimutan na n’ya iyon tutal pitong taon na rin naman ang dumaan. Masyado nang matagal na nangyari ang gabing iyon.
Gian heaved a sigh. Para s’yang nauubusan ng pasensya na tumingin sa akin. “Katulad ng sinabi ko, dumiretso ka sa study room nitong mansion n’yo para roon pag-usapan ang tungkol doon. And, I hope na hindi mo kami paghihintayin nang matagal dahil hindi libre ang mga oras namin.”
Bago pa ako makasagot ay dumating na ang pinsan ko at nakakunot ang noong lumapit sa amin.
“Gian, pare,” bati ni Reymond. “Anong ginagawa mo rito?” takang tanong pa n’ya at sinulyapan ako bago muling tumutok ang mga mata kay Gian.
“Nothing. I informed her about the will. Sinabihan ko s’yang kailangan natin s’yang makausap,” walang anuman na sagot ni Gian.
Mas nangunot naman ang noo ko. Ano bang mayroon sa will na iyon at bakit kailangang nandoon din ako?
Reymond hissed at Gian. “I told you, makapaghihintay ang bagay na iyon. Kadarating pa lang ni Sabina at kailangan n’yang magpahinga. Puwede namang pag-usapan iyon pagkatapos ng libing nina lola at lolo—
“No, Reymond,” Gian cut him off. “Alam nating pareho na hindi na makapaghihintay ang tungkol doon. Sa ngayon, iyon ang pinakaimportante sa lahat, lalong-lalo na sa inyong pamilya. At kung hindi lang ako kasama sa will na iyon, hindi ako mag-aabalang kausapin itong pinsan mo,” he coldly said then turned to me. “Miss Ricaforte, wala akong pakialam kung pagod ka, may jet lag ka o pinoproseso mo pa ang mga nangyayari. Hindi ako mag-a-adjust para sa ‘yo o sa nararamdaman mo. Katulad ng sinabi ko kanina, hindi libre ang oras ko at isiningit ko lang ang gabing ito sa schedule ko.”
Hindi ko alam kung anong klase ng saltik mayroon si Gian dahil pagkatapos n’yang sabihin iyon ay tinalikuran na n’ya kaming mag-pinsan. Parang walang anuman na tinungo n’ya ang staircase at nakapamulsang bumaba roon.
Hinarap ko si Reymond. “What the hell was that, Mond? Ano iyong sinasabi n’ya na may kinalaman sa will at bakit sinabi n’yang kasama s’ya roon? Huwag mong sabihing pinamanahan din s’ya nina Lolo?”
Natatawang hinila ako ni Reymond papasok sa silid ko. Kinuha n’ya ang hawak kong tray at inilagay iyon sa lamesa.
“Mas mabuti pang mamaya ka na lang magtanong, Sab,” wika ni Reymond. “Kumain ka na muna para mamaya ay maintindihan mo ang last will nina Lolo dahil kahit ako ay walang ideya sa nilalaman niyon.”
Tiningnan ko s’ya, nagtatanong ang mga mata.
“Hey, stop staring at me like that, Sab.” Reymond giggled. “Wala talaga akong alam sa nilalaman ng will nina Lolo. Lalo na kung anong kaugnayan ni Gian sa bagay na iyon. Ngunit nagtataka ako, anong ginawa mo kay Gian at bakit parang galit na galit sa ‘yo ang isang ‘yon?”
Nagkibit ako ng mga balikat. “Malay ko sa lalaking iyon?” I sighed. “Kailangan ko ba talagang pumunta kaagad doon? Hindi ko pa nakikita sina Lolo.”
Itinuro ni Reymond ang lugaw sa tray. “Kumain ka muna, Couz. Iyon ang una mong dapat gawin then saka ka dumiretso sa study room. Ipinatawag ang pamilya natin kaya kailangang nandoon ka rin.”
Tumango na lang ako at hindi ko gusto ang kabang kaagad na bumangon sa dibdib ko. Siguro ay dapat ko nang tawagan si Kian para maasikaso na ang pagbalik ko sa France. Parang ayoko nang magtagal pa sa bansang ito.
Ayaw ko na ring makaharap pa muli si Gian, lalo na at pareho na kami ngayon na mainit ang dugo sa isa’t-isa.
Tiningnan ko ang pagkaing nasa tray, wala pa rin akong ganang kumain ngunit mukhang kailangan ko talagang lagyan ng laman ang tiyan ko para mas maintindihan ko kung ano ang tungkol sa will na iyon.
I breathed deeply.
There’s something about that will na nakakapagpakaba sa akin kaya ngayon pa lang ay parang gusto ko na namang tumakas. Ngunit alam ko rin naman na imposible nang makatakas sa sitwasyong ito, lalo na nga ngayon.
Ano naman kaya ang nasa will nina Lolo? Is that enough to make me feel this way?