Ipapasalvage!

3540 Words
By: Michael Juha getmybox@hotmail.com --- Napahinto ako sa bukana ng pintuan ng opisina at nilingon si Marlon, siniguradong tama nga ang aking narinig na sasama siya sa akin. Ngunit nabigla rin ako nang, “Marlon, wait...” ang pagsingit ni Sophia. Lumingon si Marlon sa kanya na kasalukuyang nakatayo na at naglakad patungo sa pinto kung saan ako nakatayo. “Yes???” sagot niya. “Ok. Ok… papayag na akong tangagpin natin iyang si Jassim. Huwag ka lang umalis please?” Nilingon ako ni Marlon. “I’ll just call you, Jassim. Please wait outside,” ang sambit niya. Hindi pa ako tuluyang nakalabas ng kuwarto ay agad na siyang niyakap ni Sophia at hinalikan, nilalambing. “Totoo pala ang sabi ni Ricky na demonya ang amo nilang babae... Takot naman palang iwanan eh!” ang bulong ko sa sarili. Tinungo ko ang upuan sa labas ng office ni Marlon at doon ay hinintay siya. Nagpailing-iling na lang ako. Syempre, sobrang sakit na nakita ng aking dalawang mga mata na niyakap ng babaeng iyon si Marlon, na sa isip ko ay si James talaga. At lalo pa noong sumagi rin sa utak ko kung ano ang kanilang ginagawa sa loob. Sigurado ay hindi lang sila nagyakap; naghahalikan pa sila o may mas matindi pang ginagawa kaysa halikan. Napabuntong-hininga na lang ako. May 15 minutos din akong naghintay. Maya-maya lang ay bumukas ang pinto at nakita kong lumabas si Sophia. Dumaan siya sa akin. Nang nakita niya ako, biglang sumimangot ang mukha niya at tinitigan ako nang napakatulis na para bang may pananakot o pagbabanta. Tila nababasa ko ang nasa kanyang isi. “Mag-ingat ka!” “Jassim, come in!” ang sambit naman ni Marlon na sumilip lang sa pintuan at tinawag akong papasukin sa loob. Tumayo ako at hindi na pinatulan ang matulis na titig ni Sophia. Tinumbok ko ang pinto ng opisina ni Marlon at dali-daling pumasok. Umupo ako sa harapang upuan sa kanyang mesa. “Pasensya ka na kanina ha? Ganyan lang talaga iyang si Sophia. Kailangan pang takutin,” sabay bitiw ng matipid na tawa. Ewan kung totoong tawa iyon o gusto lamang niyang i-play down ang nangyari. Nag-takutan kaya sila sa harap ko. Binitiwan ko na lang ang isang hilaw na ngiti. “Pagpasensyahan mo na rin siya ha? Magiging amo mo kasi siya kung kaya ay intindihin mo na lang,” ang dugtong pa niya. “O-ok lang po iyon, Sir... Masasanay rin siguro ako.” “Alam mo, marami pa sana akong dapat itanong sa iyo. Naintriga kasi ako sa mga sinabi mo tungkol sa kuya mong hindi na sumipot na sabi mo nga ay kamukha ko. Pogi pala ng kuya mo!” ang pagbibiro niya sabay tawa. “Sabagay, pogi ka rin naman kaya hindi malayong pogi rin ang kuya mo,” dugtong pa niya. Ngumiti na lang ako. Tiningnan niya ang relo niya “May meeting pa ako with branch managers natin. Sa ibang pagkakataon ko na lang itatanong ang iba pang gusto kong malaman tungkol sa kuya mong nawala. Marami pa naman tayong panahon, ‘di ba? I’ll find time na magkausap tayo.” “S-sige po Sir. Aasahan ko po iyan.” “Good. At bukas na bukas din ay magreport ka na rito. Kilala mo si Ricky, ‘di ba? Siya ang mag-orient sa iyo regarding your time schedule, assignments, work rules, etc.” Tumayo siya at inabot sa akin ang kanyang kanang kamay. Tinanggap ko ang kanyang pakikipagkamay. “Salamat po uli Sir.” “See you tomorrow, Jassim! I hope na magustuhan mo rito at magtagal ka.” “Magtatagal ako, Sir,” ang sagot ko. At sa isip ko lang, “Hindi ako aalis dito hanggang hindi ko malamn ang buong katotohanan sa nangyari sa iyo.” Noong nakalabas na ako sa office niya, nagkataon namang nakita ko si Ricky na naka-unipormeng pang-eskwela. May night class daw kasi siya kung kaya ay didiretso na siya patungo sa school. Sinabayan ko na siya. Iisa lang kasi ang aming rota at halos nasa bungad lang ng unibersidad namin ang aking boarding house. “Yeeeyyy! Natanggap ka talaga, igan?” ang sambit ni Ricky nang nakasakay na kami ng tricycle. “Oo... nag-argumento pa nga sila eh. Ayaw ni Ma’am Sophia sa akin.” “Nag-away ba?” “Oo. Nagulat nga ako. Grabe ang away nila. Tinakot siya ni James, este, Sir Marlon na aalis dahil tao-tauhan lang naman daw ang turing ni Sophia sa kanya roon.” “Oo ganyan kademanding iyang Sophia na iyan! Kontrabida demonya iyan! Kahit kalian, epal.” Napangiti na lang ako nang hilaw. “Ngunit nakuha talaga sa luksong-dugo, igan!” “Luksong-dugo? A-ano iyon?” “Iyon iyong kahit ‘di niya alam na magkapatid kayo, may instinct na nag-udyok sa kanya na tanggapin ka. Iyon iyong pakiramdam ng pagkagaanan ng loob sa taong nakita niya kahit hindi pa niya kilala ito. Mayroong ganyan eh. Sa unang tingin pa lang ay makikita mo na kaagad na parang excited ka sa tao.” “G-ganoon ba iyon?” ang tanong ko. Tila may guilt naman kong nadarama sa sinabi ni Ricky. Paano naman kasi, hindi naman totoong kuya ko iyong tao. Para tuloy gusto ko nang bumigay at isiwalat kay Ricky ang lahat. Ngunit nanaig pa rin ang takot sa isip ko na baka hindi niya ako maintindihan o ‘di kaya ay magalit siya sa akin na nagsinungaling pala ako. “Oo. May ganyan! At totoo iyan!” “A-ano pala ang magignig trabaho ko?” ang paglihis ko sa usapan. “Bukas ay ituturo ko sa iyo lahat. Maaga kang magreport, ha?” Tumango ako. “At iyang Sophia, kahit anong gawin niyang pang-iinis, tiisin mo. Ganyan talaga iyan. Ang trabaho niyan ay ang pang-aasar at pagdagdag ng pasakit sa mga tao ni Sir Marlon. Insecure kasi iyan eh. Kahit lalaki pinaghihinalaan, pinagseselosan. Kaya kung gusto mong mapalapit sa kuya mo, tiisin mo ang lahat, ok?” “Oo Ricky. Tiisin ko ang lahat,” ang sambit ko. At sa isip ko lang, “Dahil sa pagmamahal ko kay James... kakayanin ko.” Kinabukasan ay maaga akong nagpunta ng restaurant. Dahil sarado pa ito nang dumating ako, naupo muna ako sa isang gilid sa labas, sa sementadong box na tinaniman ng mga bulaklak. Syempre, may kaba akong naramdaman bagamat may kaunting excitement din. First time ko kayang magtrabaho. At ini-expect kong pag-initan talaga ako ng among babae namin. Alam kong may hinala siyang may alam ako sa pagkatao ni Sir Marlon. Kung tama ang hinala ko, siguradong threatened siya sa akin. At iyon ang kinatatakutan ko. Sino ba ako upang banggain ang isa sa pinakamayamang angkan sa lugar na iyon. Isang hamak lang akong estudyante na kung hindi nagkaroon ng scholarship ay baka hindi pa nga makapag-aral. Ngunit kailangan ko ring malaman ang katotohanan tungkol sa pagkatao ni Sir Marlon. Kung siya man si James, nais kong matulungan siya upang makauwi at masilayan niya ang kanyang ina. “Kahit hindi na lang para sa naramdaman ko. Kahit hindi na niya ako maalala, ok lang. Ang mahalaga ay ang maibalik siya sa tunay niyang pamilya,” ang bulong ko sa aking sarili sabay bitiw ng malalim na buntong-hininga. Parang nakikinita ko kung gaano kahirap ang landas na tatahakin ko. Ngunit dahil sa pagmamahal ko kay James, gagawin ko ang lahat, harapin ko ang ano mang sakripisyo para sa kanya. Nahinto ako sa aking pagmumuni-muni nang may biglang humintong sasakyan sa aking harapan. Kalsada pala patungong parking area ang harap ng aking inuupuan. “Good morning! Ang aga natin ah!” ang sigaw nang taong nasa loob ng kotse. Si Marlon. Bigla namang gumaan ang aking pakiramdam sa pagkakita sa mukha niyang nakangiti sa akin. Pakiwari ko ay tumalon-talon ang puso ko sa sobrang galak. Nawala ang aking mga pagaagam-agam. Bigla akong nainspire. Nasilayan ko na naman ang pamatay niyang ngiti, ang hayop niyang porma. “Good morning po!” ang masaya kong sagot. “I’ll just park my car and wait for me there, okay?” ang utos niya. Nang nakabalik na siya, minuwestrahan niya akong sumunod. Binuksan ng guwardiya ang naka-lock na entrance. Sumunod ako sa kanya hanggang sa loob ng kanyang office. Nang nakaupo na siya, umupo rin ako sa upuang nasa harap ng kanyang mesa. “Are you free tonight at 7?” Hindi ako nakasagot agad, ni-recall sa isip kung may klase ako sa nasabing oras. “Free po ako sir,” ang sagot ko. “Well then, good! Magkita tayo sa restobar na malapit sa plaza. Alam mo ba ang lugar na iyon?” “Yes Sir. Alam ko po ang lugar. Nakapunta na po ako roon kasama ang mga kaklase ko.” “So tonight at 7? Doon na tayo magkita.” “Ok po...” “Sige, puntahan mo na si Ricky. I’m sure nand’yan na siya.” Lumabas ako sa opisina niya na tila nakalutang sa ere. Sobrang saya ko sa kanyang sinabi. “Ano iyon? Date???” sa isip ko lang. Binigyan ako ni Ricky ng orientation tungkol sa aking assignments, mga dapat at hindi dapat gawin sa oras ng trabaho, kung paano i-deal ang mga customers. Binigyan din niya ako ng tip kung paano i-deal si Ma’am Sophia. “Iyang amo nating babae, kulang sa pansin iyan. Kapag naunahan mo ng papuri kagaya nang, ‘Good morning miss Sophia! Ang ganda-ganda po ninyo ngayon ma’am! Bagay na bagay po sa inyo ang suot ninyo, o ang make-up ninyo o ang lipstick ninyo... Ang bango-bango niyo po...’ Ganyan. At bibigay na agad iyang haliparot, ngingiti at magta-thank you na sa iyo. Sa buong araw na iyan, hindi ka niya aasarin, hindi ka niya pagtripan. Ganyan ka kulang sa pansin ang hudas na amo nating iyan. Palibhasa, guwapo ang amo natin at iniidolo pa ng mga kasama natin sa work, kung kaya gusto rin niyang maglevel up. Ganyan siya ka-desperada. Kaso, hahit anong gawin niya sa katawan at pgmumukha niya, mukhang unggoy pa rin siya!” sabay tawa. Natawa na rin ako. “Grabe ka naman!” ang sagot ko. “Totoo naman, ‘di ba? Nakita mo naman kung gaano ka trying hard iyan magpa-feeling maganda.” Tumango na lang ako at hindi na sumagot. Pagkatapos namin sa orientation, binigyan ako ni Ricky ng uniporme. Tinumbok na namin ang area kung saan sasabak na ako sa trabaho. Nagpunta muna si Ricky sa CR habang ako ay dumiretso na. Hindi pa man nakarating sa dining ay nakasalubong ko na si Sophia. At tinitigan niya ako, iyong titig pa rin na matulis at may pagbabanta. Hindi madrawing ang mukha. Nakasimangot at ang gnuso ay puwedeng masabitan ng isang balde na may lamang tanso. Bigla kong naalala ang sinabi ni Ricky na bolahin ko na lang siya. Subalit hindi ko nakayanan ang magsalita. Pakiwari ko ay nagi-guilty ako sa aking sarili na purihin siya samantalang hindi naman totoong nagandahan talaga ako sa kanya. Ang mukha niya ay may sobrang makapal na make-up, malalaki ang mga mata, ang pangit pa ng porma ng katawan dahil mukhang buntis ang tiyan dahil sa taba. Sobrang laki rin ng boobs ngunit flat naman ang puwet. Hindi proportion. Parang niloloko ko rin lang ang sarili ko kung pupurihin ko siya. Kaya, “Good morning ma’am!” na lang ang nasabi ko. Aba... at hindi niya ako sinagot. Bagkus, binulyawan pa niya ako ng, “Dito ka magtatrabaho! Sumunod ka sa akin!” Wala akong nagawa kundi ang sumunod sa kanya. Doon niya ako dinala sa likod ng restaurant kung saan ay nakatambak at nagkalat ang lahat ng mga basura. Maini tang lugar, maanghi, naghalo ang mga plastik, styro-foam, karton, papel, mga tira-tirang pagkaing hindi naubos, sauce, gravy, maputik dahil sa tagas ng tubig, at lahat na ata ng dumi ay naroon. At may mga tabla pa at nabubulok na mga kahoy din, ang iba ay sing lapad ng pintuan. Sobrang dami ng kalat at sobrang dumi na halos smokey mountain nang naturingan. “Ang gawin mo riyan ay ihiwalay ang mga plastik, ang mga nabubulok na basura, ang mga papel, ang mga bote, ang mga kahoy, at pagkatapos ay gusto kong makitang malinis na malinis ang lugar na ito ha? Pati iyang mga damo at talahib, gusto kong tanggalin mo rin. Ito ang magiging assignment mo!” sabay talikod. Ngunit bumalik din at noong humarap uli sa akin ay nagbigay ng disclaimer at pananakot. “Kapag hinanap ka ng Sir Marlon mo, o Makita ka niya rito, ang sabihin mo ay may itinapon ka lang na basura rito. At huwag kang magsumbong sa kanya na dito kita inassign. Nagkaintindihan ba tayo?” ang sambit niyang nanlilisik ang mga malalaking mata. “Y-yes ma’am!” “At magkaliwanagan tayo, Jassim. Hindi ako masaya na narito ka! Kung ayaw mong isang araw ay may mangyaring masama sa iyo, lumayas ka na lang dito, ok? Kasi... kapag tumagal ka pa rito at nauubos na ang pasensya ko sa iyo, baka isang araw ay sa kangkungan ka na lang pupulutin. Alam mo ba ang ibig kong sabihin? Ipapasalvage kita! Alam kong hindi ka taga-rito. Nagresearch ako tungkol sa buhay mo. Alam ko ang background mo. Mag-ingat ka... At isa pa, ayokong makikipag-usap ka kay Marlon, okay?” “P-paano kung kakausapin niya ako?” Lalo pa siyang nagalit at sumigaw. “Yes or No lang ang isasagot mo sa kanya kapag kinausap ka niya! Kasi, kapag na brainwash mo siya at lalayo siya sa akin dahil sa mga inimbento mong kuwento, siguradong may paglalagyan ka! Hindi kita tatantanan hanggang mawala sa mundo ang buong lahi mo! Maliwanag!!!” Wala na akong nagawa kundi ang mangiyak-ngiyak na sumagot. “O-opo, maliwanag po, Ma’am.” “Miss Sophia ang itawag mo sa akin!!!” “O-opo Miss Sophia... Miss Sophia po.” At tuluyan na siyang tumalikod, pansin ko ang feeling panalo niyang pakiramdam sa sarili. Nang nawala n si Sophia, doon na ako tinablan ng takot. Binitiwan ko ang isang malalim na buntong hininga. Sa totoo lang, dahil sa sinabi niya, may pagdadalawang-isip na akong ituloy pa ang pagtatrabaho roon. Matiwasay naman ang kalagayan ko bilang isang ordinaryong scholar lang. May sapat na oras para sa pag-aaral, nag-eenjoy sa klase at extra-curricular activities, walang taong natatapakan. Simple lang ang buhay at masaya sa ganoong set-up. Parang gusto ko nang sumuko. Ngunit sa kabilang banda, may naramdaman din akong awa para kay Marlon. Malakas ang kutob kong siya talaga si James. At sa isip ko ay walang duda iyon. “Paano naman siya? Paano ang pamilya niyang naghihintay sa kanya? Paano ang inay niya? Siguradong sa loob-loob niya ay naghahanap din siya sa kanyang tunay na pamilya,” ang udyok ng isang parte ng aking utak. “Ngunit paano rin naman ako? Paano ang mga magulang ko kapag totohanin ni Sophia na ipapasalvage talaga niya ako? Paano ang mga plano ko sa buhay?” Mistulang naghilahan ang dalawang magkasalungat na paninindigan sa aking isip. At dahil may usapan kami na magkita ni Marlon sa gabing darating, may nabuong desisyon ang aking isip: sasabihin ko sa kanya na hindi ko na itutuloy pa ang pagtatrabaho sa restaurant nila. I-focus ko na lang ang sarili sa aking pag-aaral at kalimutang may nakita ako, may nalaman, may nadiskubre. Sasabihin ko rin sa kanya na gawa-gawa ko lang ang mga sinabi kong mayroon akong kuya na nawala na kamukhang-kamukha niya. “Tama... iyan ang gagawin ko. Sa araw na ito lang ako magtatrabaho at bukas ay magresign na ako. Gagawin ko pa rin ang ibinigay na trabaho ni Sophia sa araw na ito para wala siyang masabi, at malinis ang pag-alis ko,” sa isip ko lang. “OMG igannnnnn!!!” ang sigaw ni Ricky nang nakita niya ako sa lugar na iyon at punong-puno ng pawis ang katawan at mukha habang pasan-pasan ang mga kahoy upang ilagay sa isang tabi. “Bakit iyan ang ginagawa mo? Trabaho ng basurero iyan? At ang init-init dito, ambaho-baho pa!” Napahinto ako sa aking ginagawa. “Ito ang ibinigay sa akin na assignment ni Ma’am Sophia eh!” “Grrrr!” ang sagot ni Ricky. “Sabi ko na nga ba. Pinag-initan ka ng babaeng iyan! Paano, may itinatago talaga siguro sa kanyang baul at nalaman niyang nasa iyo ang susi.” “Hayaan mo na, Ricky... Kaya ko naman ito eh. At unti-unti ay malilinis ko rin ang lugar na ito.” “Malilinis? Mamaya lang ay makikita mong tatambakan na naman ito ng mga basura. Atsaka, may private na kumpanya na inaatasan natin na kumukuha ng mga basura rito linggo-linggo. At isa pa, hindi ka tinanggap ni Sir Marlon upang maging basurero lamang sa fastfood chain na ito. Por diyos por santo por syento naman o!” “Hayaan mo na nga lang, Ricky. Kasi, ang private company na sinabi mo, hinahakot lamang sila ng basura. Hindi nila nililinis ang lugar.” “At bakit? Nasa job description mo ba na maglilinis ka ng tambakan?” “Ok lang iyan. Kasi, kaya ko naman, eh.” “Anong kaya? Ang dumi-dumi ng lugar na ‘to, may malalaking tambak na kahoy, may mga yero pa, may mahahabang talahib! Kung gusto ng demonyang iyan na linisin ang lugar na ito, mag-hire siya ng demolition team, isang brigada ng army kamo, iyong galing Mindanao. Hindi ikaw!” “Sobra ka naman. Hindi naman ganyan kalala ang sitwasyon ditto.“ “Ah basta. Hindi ako papayag. Sasabihin ko ito kay Sir Marlon. Na siya ko namang biglang pagtutol. “Huwaggggg!” Hindi maaaring malaman ito ni Sir Marlon. Kapag nalaman niya ito, masesante ako, Ricky. Gusto mo bang mangyari ito?” ang palusot ko na lang. Bagamat nabuo na sa isip ko ang umalis, ayaw kong malaman ni Marlon ang lahat dahil sigurado, malaking gulo ang manyayari at baka tuluyang gawin na ni Sophia ang kanyang bantang ipasalvage ako. “Igan naman... Paano ba kita matutulungan?” “Basta hayaan mo lang ako rito dahil kaya ko ito...” ang sagot ko na lang. “Nakakainis ka naman eh. Bahala ka na nga! Basta ok ka lang, ha?” “Oo... ok lang ako” “Kapag hindi ka ok, sabihin mo sa akin ha?” ang sambit ni Ricky na bakas sa mukha ang pagkaawa sa aking kalagayan. Tumango lang ako. “Sandali at kukuha ako ng gloves, botas, at overall na damit.” Sabay tungo sa stockroom ng restaurant. At noong nakabalik, dala-dala na niya ang kanyang mga sinabi. At may dagdag pang malapad na sombrero, payong, at itak, depensa ko raw sa sarili laban sa ahas. “Dalawang klaseng ahas kasi ang narito. Ang isang ahas ay gumagapang, galing d’yan o,” turo niya sa damuhan. “...nangangagat iyan. At ang isa naman ay galing dito” turo naman niya sa opisina ni Sophia “nambubuwesit iyang galing d’yan! Tagain mo pareho ha?! Leeg ang tagain mo para sure na madededo!” Natawa naman ako sa sinabing iyon ni Ricky. “Ikaw talaga...” ang sagot ko na lang. Kahit papaano ay natuwa ako. At least, may isang taong nag-alala at nagmalasakit pa talaga sa akin. “Mamaya kapag hindi na ako busy sa area ko, tutulungan kita d’yan. Don’t worry. Kaya natin yan.” “Huwag na. Baka ikaw ay madamay pa sa galit ni Sophia.” “Huwag kang mag-inarte!” ang mataray namang sagot ni Ricky sabay talikod at tuloy-tuloy na umalis pabalik sa puwesto niya. Agad akong nagpalit ng damit, isinuot ko ang botas at sombrero atsaka sinimulan ang paglilinis sa lugar. Habang ang mga kasama kong crew ay abala sa pagkuha, paglista, pagdeliver, at pagasikaso sa mga customers, ako naman ay nagkakalkal sa mga basura, nagbubuhat ng mga kahoy at yerong itinambak sa mainit, marumi, at mapanghing tambakan na iyon. At dahil wala namang containers, ginawa kong parang malalaking harang o dividers ang mga kahoy din na naroon at mga yero. Binitbit ko, hinila, inayos, gamit lamang ang mga indigenous na materyal na naroon. At malaking tulong din ang itak na binigay ni Ricky. At kahit papaano rin, lumabas ang aking creativity sa aking ginawa. Inisip ko na lang na parang isa iyon sa mga assignments ko sa Arts na elective subject. Flat 1.0 kaya ang grado ko sa subject na iyon. Noong natapos ko na ang mga nagsilbeng dividers o improvised na containers, saka ko inisa-isang pinaghiwalay ang mga basura. Sa isang lagayan ang mga plastik, sa isang lagayan ang mga nabubulok na basura, sa isang lagayan ang mga bote, iba naman ang sa mga papel, iba rin ang sa mga styrofoam, base talaga sa utos ni Sophia. Tiyaga lang, pasensya, tiis, ngunit positive na magawa ko ang assignment na iyon. Halos alas dos ng hapon noong dinalaw na ako ni Ricky. Kadalasan daw kasi, mga ganyang oras na sila nakakakain dahil sa dami ng mga customers. “Igan... sabay na tayong kuma—“ hindi na naituloy pa ni Ricky ang sasabihin. Napanganga ito, itinakip ang kanyang dalawang kamay sa kanyang bibig, at ang kanyang palaging expression na “OMG! OMG! OMG! Anong ginawa moooooooo???” noong nakita niya ang aking ginawa? “B-bakit? Hindi mo nagustuhan?” ang taranta kong sagot. (Itutuloy)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD