Resignation

3613 Words
By: Michael Juha getmybox@hotmail.com --- “B-bakit? Hindi mo nagustuhan?” ang taranta kong sagot nang makitang nagulat si Ricky. “Dinaig mo ang nag-land scape ng harap ng ating restaurant! Ang ganda na nitong lugar!” ang sagot niya habang nagtatatalon sa tuwa. “Bakit ka naman nagtatalon! Para kang naputol na buntot ng tuko!” “Ang ganda talagaaaaa!” “H-hindi ko pa nga natapos iyan, eh.” “OMG!!!” ang sigaw niyang muli. At walang pasabing tumalikod at nagtatakbo pabalik sa loob ng restaurant. Maya-maya ay narinig ko na lang ang pagsisigaw niya sa loob, “Sir Marlon! Sir Marlon!!!” Na bigla ko namang ikinagulat at ikinatakot gawa nang pinagbawalan nga ako ni Sophia na malaman ni Marlon na iyon ang ibinigay niyang trabaho sa akin. At nakita ko na lang si Ricky na hila-hila si Marlon. “Ano ba ang mayroon Ricky?” ang narinig kong tanong ni Marlon na nagtaka sa tinuran ni Ricky. “Hayan Sir... ginawa ni Jassim iyan,” ang sambit naman ni Ricky habang iminuestra ang dalawang kamay niya turo sa tambakan. Nang tiningnan ko ang mukha ni Marlon, kitang-kita ko rin ang kanyang pagkagulat. “Wow! Ang ganda Jassim! Hindi ko ma-imagine na magiging ganito kaganda at ka-organized ito!” “Inayos pa niya ang mga basag-basag na semento at ginawa itong tapakan sa pathwalk. Pati mga talahib at damo ay nilinis din niya Sir! Malinis na malinis na po!” “Oo nga... Amazing!” ang sagot ni Marlon na napahinto sandali na parang natauhan. “Sandali, b-bakit pala dito si Jassim nagtatrabaho?” baling niya kay Ricky. Kitang-kita ko naman ang pagkagulat ni Ricky na napangiwi ang mukha at lumingon sa akin. “Eh... D-dito po siya...” ang sagot niyang hindi maituloy-tuloy ang sasabihin at tila naghingi ng tulong sa akin na dugtungan ang kanyang sinabi. Na siya namang biglang pagsulpot ni Sophia sa likod nila. Nagtaka rin kasi siya sa pagsisigaw ni Ricky at napilitang alamin kung ano ang pinagkakaguluhan. “Ano bang kaguluhan ito, Ricky!” ang bulyaw niya. Hindi na sumagot si Ricky. Nakangiwi ang bibig na iminuestra ang kamay paturo sa akin. At nang nakita ang resulta ng ginawa ko ay, “What? Iyan lang ang pinagkaguluhan ninyo!” ang sambit niya kaagad. “Nagsasayang lang kayo sa oras sa walang kuwentang bagay! Ilagay ninyo sa mga ulo ninyong walang laman… Oras ito ng trabaho at binabayaran kayo!” Kitang-kita ko naman ang biglang pagsimangot sa mukha ni Ricky. “Hon... bakit ba dito nagtrabaho si Jassim?” ang pagsingit ni Marlon sa tanong niya kay Sophia. “Eh... ano eh...” ang naisagot ni Sophia. Alam kasi niyang magagalit na naman si Marlon kapag nalamang doon niya ako inassign. Kaya dahil ayaw kong mas lalo pang magalit si Sophia, ako na ang sumagot. “Dito po ako nag-volunteer na mag-work Sir! Nakita ko kasi ang lugar na marumi kung kaya naisip ko na pagandahin ko ito. Pumayag naman po si Ma’am Sophia.” “Tama! Kusa siyang nagvolunteer, hon... Initiative niya ang paglinis d’yan.” Dagdag pa ni Sophia na tiningnan ako. Alam ko, galit siya na pinangunahan ko ang pagpangatuwiran. “G-ganoon ba? But this is not what we hired Jassim for! Don’t get me wrong here, gustong-gusto ko ang ginawa ni Jassim sa area na ito. But he should be working with the other crews sa dining.” “Hayaan mo na hon, kagustuhan naman niya iyan eh.” At baling sa akin. “Gusto mo bang lumipat na doon sa dining, Jassim?” ang tanong ni Sophia sa akin at sobrang lambing pa ng boses na nakangiti pa. Akala ko nga ay may milagrong nangyari at sinaniban siya ng holy spirit. Pero alam kong drama lang ang lahat. Puro ka-palstikan lang ang ipinakita niya upang isipin ni Marlon na sweet talaga siya sa akin. “T-tapusin ko muna rito, M-miss Sophia,” ang sagot ko. At baling ni Sophia kay Marlon. “O di ba honey... kagustuhan niya ang lahat! Ginawa ko na talaga ang lahat na pagkumbinse sa kanya na doon siya sa dining ngunit siya naman itong nagmakaawa na itong area na ito daw ang gusto niyang linisin.” “Ok... Pero pagkatapos niyan ay doon ka na sa dining ha?” ang sambit ni Marlon. Tiningnan ko si Sophia na minuestrahan ako na sasagutin ko ang tanong. “O-opo sir...” “Good,” ang sagot niya. At baling kay Sophia “Pero really, ang galing ng ginawa ni Jassim. Puwede naman palang pagandahin ang area na ito hon di ba? Puwede ngang maglagay pa tayo ng mga cottages for certain groups of customers eh.” at lingon niya kay Ricky, “Di ba Ricky?” “Tama po sir. At ma-utilize pa natin ang lugar for productive purpose, like parties, entertainment programs, conferences at iba pang activities natin or ng customers!” ang sagot naman ni Ricky. “Hay naku. May iba akong plano sa lugar na ito na mas productive pa kaysa d’yan. Hindi sa ganyan-ganyan lang,” ang sagot naman ni Sophia, pahiwatig na hindi siya bilib sa ginawa ko. Tiningnan na lang ni Marlon si Ricky. Marahil ay ayaw na niyang makipag-argumento pa kay Sophia. Kaya hininto niya ang topic. “Kumain na ba kayo? Kumain muna kayo, Ricky. Samahan mo si Jassim,” and sambit ni Marlon. “No!” ang pagtutol ni Sophia. Una, working time pa, at pangalawa, hindi natin pinapakain sa ating mga crew ang ating paninda, honey! Ano ba tayo, karinderiya?” “Hindi mga paninda natin ang ipapakaiin ko sa kanila. May baon akong pagkain at marami iyon. Tungkol naman sa working time ngayon, puwede naman kayong mag-adjust ng time ninyo, ‘di ba, Ricky? Kailangan ni Jassem na magpahinga nang saglit. Tingnan mo iyang mga bato, malalaking kahoy na inilipat-lipat niya, ang mga talahib na nilinis niya, mabigat na trabaho iyan. Sa effort na ginawa niya ay mas mabigat pa kaysa isinuweldo natin sa kanya. Pagpahingahin naman natin! Bilang mga amo, wala ba tayong puso?” Natameme naman si Sohia samantalang si Ricky na nasa likuran nilang dalaw ay palihim na nagthumb up nang thumb up sa akin. “Okay, kunin mo sa office ko ang dala kong pag-kain Ricky at dalhin mo si Jassim sa staff coffee shop,” ang utos ni Marlon. “Yes Sir...” sagot naman ni Ricky. Tumalikod na sina dalawa ni Marlon at Sophia. Nakahinga naman ako nang maluwag. At least nakalusot ako at nagustuhan pa ni Marlon ang aking ginawa. “Nasaan na ba ang itak? Ba’t hindi mo tinaga iyon?” ang sambit ni Rcky. Napangiti na lang ako. “Ikaw talaga, puro ka biro.” “Ay hindi ako nagbibiro igan. Iitakin ko talaga ang babaeng iyon!” “Sige na... kunin mo raw ang baon ni Sir Marlon. Magbihis lang ako sandali.” “OMG! Kinilig ako igan. Imagine, nagbaon siya para kainin mo? Ano na lang kaya ang sunod na ipapakain niya?” “Dalian mo na. Baka mahuli na naman tayo!” ang giit ko. “O siya...” Habang kumakain kami, hindi pa rin maaawat si Ricky sa kapupuri sa ginawa ko. “Grabe ka igan... hindi ko kaya ang ginawa mong makeover sa lugar huh! Talo mo pa ang professional na landscaper.” “Hindi naman ah! OA ka...” “Totoo kaya! Pagkatapos, i-landscape mo na rin ang mukha ni Sophia ha? Kasing kalat at dumi kasi ng lugar na iyon ang mukha niya, eh.” Tawa lang ako nang tawa. “Atsaka, bakit mo sinabing ikaw ang nagvolunteer sa paglilinis ng tambakan natin? Nandoon na eh. Gusto ko na nga sanang sumingit at sabihing ang bakulaw mong partner ang nag-utos d’yan! Kaso antipatiko ka. Hindi ko na tuloy nasabi.” “Tama lang iyong ginawa ko dahil siguradong titindi pa ang galit niya kung sinabi mo talaga. Pati ikaw ay madamay pa.” “Sabagay. Pero kahit iyon ang sinabi mo, pansin kong nagpupuyos pa rin siya ng galit. Kasi naman bumilib si Sir Marlon sa ginwa mo. Imagine kung sinabi ni Sophia na siya ang nagpatrabaho sa iyo roon, siguradong aangkinin niya ang credit sa ginawa mo. Sasabihin niyang siya ang nakaisip, siya ang nag-utos sa iyo na iyon ang gagawin, na ganoon ang magiging porma. Hindi makatulog iyon mamayang gabi sa kaiisip na na-outsmart mo siya! Naka one point ka samantalang si Sophia ay zero,” ang sambit ni Ricky sabay bitiw ng isang malakas na tawa. “Kailan mo pala agawin mula kay Sofia ang kuya mo?” Mistula naman akong nablaukan sa tanong na iyon ni Ricky. Bigla kasing nanumbalik sa isip ko ang nabuong desisyon na hayaan na lang ang lahat sa mga kamay ni Sophia. “Ewan ko ba...” ang sagot ko. “Ha? Anong ewan ko ba...? Kuya mo iyon di ba? Hayaan mo na lang bang lapain siya ng isang T-Rex na ang pangalan ay Sophia?” “Hindi naman siguro... Atsaka, una, hindi naman din ako sigurado kung siya nga ang kuya ko eh. Pangalawa, nakita mo naman ang galit sa akin ni Sophia, di ba. Worth bang ipaglaban ko ang taong hindi ako sigurado? Kaya ko bang itaya ang aking pag-aaral at buhay kapag guguluhin ako ni Sophia dahil lamang sa isang tao na hindi naman ako sigurado? Mahirap lang kami... ang pag-aaral ko lamang ang huling pag-asa namin upang makaahon sa kahirapan. At pangatlo, kung siya nga ang kuya ko, nakita ko naman kung gaano siya kamahal ni Sophia eh. At maganda naman ang kanyang buhay dito. ‘Di kagaya ng dati na isang hamak na sekyu lang siya...” napayuko ako noong naramdaman kong may namuong mga luha sa aking mga mata. “Mali igan... mali. Ok, sabihin na nating maganda nga ang kalagayan niya rito. Pero hindi tamang hayaan mo na lang na lamunin ni Sophia at angkinin ang pagkatao at kaluluwa niya. May karapatan ang kuya mong malaman ang katotohanan. Kung hindi gusto ni Sophia na manumbalik ang alaala ni Sir Marlon, iyan ay dahil may pansariling interes si Sophia. Ngunit mali iyon. She’s taking advantage of your kuya. Ikaw ba kapag nasa kalagayan ka ng kuya mo, hahayaan mong tapakan ang pagkatao mo? Kapag siya nga ang kuya mo, at nanumbalik ang kanyang alaala, hindi kaya siya magtatampo sa iyo kapag nalaman niya na hindi mo siya ipinaglaban? Tandaan mo; minsan masakit, masaklap, at mapait ang katotohanan. Ngunit sabi rin nila, the truth will set you free... Panindigan mo ang katotohanan, igan. Iyan ang magpalaya sa iyo.” Napaisip ako sa sinabing iyon ni Ricky. Ngunit hindi rin naman kasi totoong kuya ko si James, kung siya nga si Marlon. Ang ipinaglaban ko ay hindi katotohanan kundi isang pag-ibig na hindi rin ako sigurado kung kayang tumbasan ng taong aking ipaglaban. Sa kabilang banda, ang katotohanang umibig ako sa kanya, at ang katotohanang may nangyari sa aming nakaraa ay maaari ring iyan ang aking ipaglaban. “Ewan ko Ricky... naguguluhan ako.” “Alam mo, may sasabihin ako. Kaming mga tauhan ni Sir Marlon, nakapansin sa kanya na may time na lungkot na lungkot siya. Minsan ay uupo iyan sa isa sa mga upuan ng customer at malayo ang tingin at malalim ang iniisip, tulala. Marahil ay lungkot na lungkot na siya sa buhay niya na walang pamilya na massabi.” “G-ganoon ba?” “Oo igan. Basta, ituloy mong bawiin siya. Tutulungan kita. Kahit saang lupalop ka man mapadpad, sasamahan kita. Gaano man kahirap ang danasin mo, makibahagi ako sa hirap na iyan.” “At pati ikaw na ngayon ay madadamay na rin kung ituloy ko pa ito? Hindi mo pa nga ako ganyan kakilala, kaya mong magsakripisyo, magpakahirap nang dahil lang sa akin?” “Why not? Kasi, naniwala akong mabait kang tao. Dahil alam kong kailangan mo ng kakampi at tulong; dahil nakita kong karapat-dapat kang tulungan. At higit sa lahat igan... cute ka at ang mga cute na katulad mo ay nararapat na tulungan ng mga cute din na katulad ko. Aba, sino pa ba ang magtutulungan kundi tayong mga kyut!” ang patawa pa niya. “Uyyyy! May hidden agenda ka ha?” ang biro ko rin sa kanya. “Malay mo, mahuhulog ang loob mo sa akin igan,” sabay tawa. Binitiwan ko na lang ang isang pilit na ngiti. Napick-up kasi ng utak ko iyong salitang ‘mahuhulog ang loob’. Biglang sumagi sa isip ko si James. Binitiwan ko ang isang malalim na buntong hininga. “Sana nga ay puwede kong kalimutan siya at ibaling sa iba ang aking naramdaman,” sa isip ko lang. “Woi... biro lang iyon ha?” ang pagbawi rin ni Ricky. Marahil ay napansin niyang bigla akong nalungkot.” “Ok lang iyon. Nalungkot lang ako kasi may... m-may mahal na ako. N-ngunit malayo siya sa akin at hindi ko na siya maaabot pa.” “Ay! Magandang topic iyan!” ang excited na sambit ni Ricky. “Sige, makinig ako.” “Pero hindi pa ako handa na sabihin sa iyo. Med’yo madugo ang kuwento namin eh.” “Ay hindi ako takot sa dugo. Kaya go baby,” ang pagpapatawa niya. Ngunit nang hindi ako nagreact, “Ok... fine!” Hindi naman niya ako kinulit pa. Ngunit iginiit niya sa akin na huwag akong sumuko kay “Sir Marlon” at kahit anong mangyari, tutulungan daw niya ako. Tumango lang ako bagamat sa isip ko, pinal na ang aking desisyon na magresign sa MCJ restaurant. Base sa aming napagkasunduan, alas 7 ng gabi ay dapat nandoon na ako sa resto-bar. Videoke bar pala ang nasa taas noon. Iyong i-assign ka ng private room, kasama ang iyong mga barkada o katropa. Puwede ring magsama ng mga babae, o lalaki, depende sa gusto ng customer. Noong nakapasok na ako ay sinalubong ako ng isang crew, “May kasama po ba kayo Sir?” “M-mayroon, hihintayin ko lang muna.” “Kayo po ba si Mr. Jassim Castro?” Medyo nagulat ako nang binanggit niya ang pangalan ko. First time ko lang kasi sa resto-bar na iyon. “Oo. Ako nga. Bakit?” ang tanong ko. “Nandito na po ang kasama ninyo Sir. Si Sir Marlon Ibanez po ba?” Tumango ako. “Ah, oo... siya nga.” “Sumunod lang po kayo sa akin, Sir. Nandito na siya.” at tinumbok ng crew ang hagdanan patungo sa pangalawang palapag ng building. Ramdam ko ang biglang pagkalampag ng aking dibdib. Iyon bang pag-anticipate sa hindi inaasahan, at sa wakas ay makasama mo rin ang taong iyong mahal na napakatagal nang nawala sa iyo. Ngunit may lungkot din akong nadarama. Sa tagpong iyon ko na kasi ilalahad sa kanya sa aking desisyon na umalis na sa trabaho at tuluyang layuan siya. Ramdam ko na ang sakit na dulot nito sa aking puso. “Bahala na...” bulong ko sa sarili. Nang nakarating na kami sa pintuan ng mismong kuwarto at binuksan ng crew ang pinto, laking pagkamangha ko naman sa nasaksihan. Hindi lang napakaganda ng kuwarto, nakahilera na rin ang mga masasarap na pagkain na hindi ko na alam ang mga pangalan. At may isang bote ng wine pa na nakalagay sa bucket na puno ng ice. Sa tingin ko ay mamahalin ang wine na iyon. Tumayo si Marlon, “Surprise!!!” ang sambit niya. Hindi agad ako nakasagot. Iyon bang feeling na sobrang kilig at natulala ka na lang. “S-sensya na po kayo Sir... na-late na pala ako,” sambit ko. “Bakit? Eksaktong 7pm ka naman dumating di ba? Sinadya ko lang talagang mauna” sabay bitiw ng nakakalokong ngiti. Binitiwan ko na lang ang isang hilaw na ngiti. “Andaming pagkain!” “Gutom na gutom ako eh.” “D-dito mo pa talaga ako dinala... pwede naman pong sa ibaba na lang sir eh. Nakakahiya po.” “Eto naman o... Gusto ko lang ng privacy. Ayokong may makakita at may istorbo sa ating pag-uusap. Bakit? Ayaw mo ba?” “O-ok lang po sa akin.” “Ah, iyon naman pala eh! At least dito, kahit sisigaw pa tayo, kakanta nang wala sa tono, walang magrereklamo...” Hindi na ako kumibo. Sa isip ko lang, “Heto na naman ang puso ko. Nagsimula na naman.” Nakabibighani kasi ang porma niya. Naka-t-shirt na itim na may stripe na dilaw, bakat na bakat ang kanyang matipunong dibdib at biceps, nakafaded na straight cut na maong na bakat din ang mga malalaking hita. At nandoon pa rin ang makinis at nakakaakit na mukha; ang pamatay na ngiti, ang mga matang nangungusap, ang mapupulag mga labi, ang mapuputi at pantay na mga ngipin. Mistula akong lumulutang sa mga ulap sa langit. Ngunit pilit kong iwinaglit ang mga iyon sa aking utak. Iginiit ko sa aking isip ang aking nabuong desisyon. At dapat ay masabi ko na kaagad iyon upang malaman na niya habang maaga pa. “S-sir... may sasabihin ako sa iyo.” Ngunit sinagot niya ako ng, “Ah... mamaya na iyan. Ako muna. May surprise ako sa iyo. Natuwa kasi ako sa ginawa mo sa pagpaganda sa lugar na tambakan ng mga basura. Hindi ko akalain na sa isang iglap lang ay mapaganda mo ang lugar na iyon! Iyon ngang mga tagalinis namin doon, tagaputol ng mga talahib, hanggang sa pagputol lang sila at pagkatapos, iyon na lang. Hindi katulad ng ginawa mo, inayos mo ang lugar, pinaganda... basta. Isang taong may pagmamahal sa kanyang trabaho lamang ang makakagawa sa ginawa mo. Hangang-hanga ako sa iyo. Kaya heto...” at iniabot sa akin ang isang maliit na box na may pulang ribbon pa. “R-regalo po???” ang nasambit ko. Binitiwan niya ang isang nakabibighaning ngiti at tumango. “Buksan mo...” Excited sa kung ano man ang laman noon, dali-dali kong sinimulang buksan ito. Nasa kalagitnaan na ako ng pagtatanggal ng wrapper nang tumugtog naman ang isang kanta galing sa videoke. Napatingin ako sa kanya. Hinawakan niya ang mikropono at lalo pa akong nabigla noong tumugtog na ang kanta at nakatingin siya sa akin – (Audio) You're my peace of mind in this crazy world. You're everything I've tried to find, your love is a pearl. You're my Mona Lisa, you're my rainbow skies, And my only prayer is that you realize You'll always be beautiful in my eyes. The world will turn, and the seasons will change, And all the lesson we will learn will be beautiful and strange. We'll have our fill of tears, our share of sighs. My only prayer is that you realize you'll always be beautiful in my eyes. You will always be beautiful in my eyes… Imbes na ituloy ko pa ang pagbukas ng regalo niya, napatunganga na lang akong nakatitig sa kanya. Nanumbalik sa aking isip ang huling sandaling inihatid ko si James sa bus station at ito rin ang kinanta niya sa akin. Sariwa pa sa isip ko ang maligaya ngunit masaklap na sandaling iniwan niya ako. At hindi ko namalayang dumaloy na pala ang aking mga luha. Yumuko ako. Ayaw kong mapansin niya ang aking pag-iyak. Lihim kong pinahid ang aking mga luha. Muling iginiit ko sa aking isip na iba siya; na hindi siya si James, na masisira lamang ang buhay niya at buhay ko kapag pinilit ko ang sariling isingit sa kanya. Dahil masaya na ang buhay niya kay Sophia at ako... gagaraduate na ng college, maghahanap ng trabaho, at magsimula ng panibagong yugto sa aking buhay. “O, buksan mo na ang regalo! Ang masayang sambit niya. Hindi ko namalayan na tapos na pala ang kanta at nanatili akong nakatunganga. Tila binuhusan din ako ng malamig na tubig sa pagkarinig s autos niya. “Ah, oo nga pala,” sambit ko. Tuluyan ko nang binuksan ang regalo. Nang nabuksan ko na, tumambad sa aking paningin ang isang gold bracelet na may pangalan pang nakaukit, “Jassim”. “Waaahhhh! Ang ganda!” Ngayon lang ako magkaroon ng gold na alahas at may pangalan ko pa!!!” ang sigaw ko. “Gusto mo ba?” “O-opo... gustong-gusto ko po!” Tinitigan niya ako. “Wala man lang hug?” Iyon, niyakap ko na talaga siya. Mahigpit, dikit na dikit ang aming mga ulo. Naamoy ko pa ang pabango niya. Halos lumapat ang aking mga labi sa kanyang pisngi. Sinuklian din niya ang mahigpit kong yakap. At doon ay hindi ko na napigilan ang sariling hindi mapahagulgol. Naalala ko kasi ang pagyakap ko kay James sa huling tagpo namin, bago siya pumasok sa loob ng bus. Bigla siyang kumalas sa pagkayakap. Nabigla ba. “Bakit ka umiyak?” sambit niya. Kumuha siya ng tissue at pinahid ang aking mga luha. “W-wala po sir. M-may naalala lang ako.” “Ang kuya mo?” Tumango ako. “Oo nga pala, ano nga pala iyong sasabihin mo sana sa akin?” Bigla rin akong napahinto sa kanyang tanong. Parang hindi ko na kasi alam ang aking gagawin. May naramdaman akong takot kay Sophia, ngunit may awang naramdaman din ako sa kanya. At syempre, may naramdaman din akong awa sa sarili, iniisip na kung ipursige ko ang pagpaalala sa kanya tungkol kay James, na maaaring hindi rin naman siya, magugulo ang kanya-kanyang magandang set-up na sana sa aming mga buhay; ako bilang graduating student at sya, sa masaganang buhay sa piling ni Sophia. “O ano??? Ba’t hindi ka makasagot? Ano iyong sasabihin mo sa akin?” At muli, ay nabuo ang isang desisyon. “S-sir... effective tomorrow, hindi na po ako magrereport sa restaurant ninyo. Magreresign na po ako...” (Itutuloy)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD