Ice Cream Na Paninidigan

3152 Words
By: Michael Juha getmybox@hotmail.com --- “S-sir... effective tomorrow, hindi na po ako magrereport sa restaurant ninyo. Magreresign na po ako,” ang pagpapaalam ko. “G-ganoon ba?” ang sagot niya. Pansin ko ang biglang paglungkot ng kanyang mukha. “Iiwan mo na pala ako?” Mistula namang hinataw ng isang matigas na bagay ang aking ulo sa kanyang naging reaksyon. Hindi ko kasi akalain na may epekto iyon sa kanya. “Eh... h-hindi naman sa iiwan po Sir. P-pupunta pa rin naman ako sa MCJ Restaurant at doon ako kakain paminsan-minsan,” ang nasabi ko na lang bagamat ang plano ko ay hindi na talaga magpapakita pa roon pagkatapos ng lahat. Ayokong makita pa ni Sophia. Ayoko rin siyang makita. “Alam mo, Jassim... sasabihin ko sa iyo ang totoo. Nahirapan ako sa aking kalagayan. Ewan kung alam mo ang kwento ko. Alam kong alam ng maraming empleyado ng MCJ Restaurant ito at marahil ay naikwento na rin ito sa iyo ni Ricky. Hindi ko na maalala pa ang aking nakaraan. Noong sinabi mong may nawala kang kuya at kamukhang-kamukha ko siya, natuwa ako. Alam mo ba? Kasi para bang may tanong kaagad sa aking isip na ‘Wow... baka ako nga iyon! Baka ako nga ang kuya mo!” At simula noon, palagi na kitang hinahanap. Parang nasasabik ako na makita ka. Nasasabik sa posibilidad na kapatid nga kita. ‘Di ba kinanta ko kanina ang ‘Beautiful In My Eyes’? Dahil iyan ang sinabi mong kinanta ng kuya mo bago ka niya iniwan. Parang gusto ko lang kantahin iyon sa iyo. Pinag-aralan ko talagang kantahin iyon. Nangarap ba na baka ako nga talaga ang kuya mo. Isa pa, hindi ko maintindihan kung bakit ang gaan-gaan ng loob ko sa iyo. Natandaan mo nang una kitang Makita? Iyong nasagi ko ang tray ng pagkain mo? Ang lakas ng kalampag ng puso ko. Hindi ko alam kung bakit.” Para akong nabilaukan sa king narinig. Hindi ako makapagsalita. Ramdam na ramdam ko ang kanyang pangungulila. Alam ko, dahil naranasan ko rin iyon, sa kanya. Hindi ko tuloy maiwasang hindi makaramdam ng matinding pagkaawa sa kanya. “Ang hirap ng kalagaya ko Jassim... kung alam mo lang. Oo, may pangalan ako, may trabaho, may mga dokumentong magpapatunay na ako nga si Marlon Ibanez. Ngunit alam ko rin na itong katauhang ito ay hindi ang tunay kong ako. Hindi ko rin alam kung alin sa mga sinasabi ni Sophia ay totoo. Nahirapan din akong umalis sa poder ni Sophia dahil wala naman akong ibang patutunguhan. Nakita mo naman, may maganda akong trabaho, may suweldo, may bahay at sasakyan, may pamilya at nagmamahal. Ngunit nakasasakal din. Kapag nag-iisa lang ako, nababalot ang aking isip sa maraming katanungan. Sino ba talaga ako? Sino ang tunay kong pamilya? Ano ang tunay kong pangalan? Nasaan ang mga taong nagmamahal sa akin? Kaya noong nakita mo ako, tuwang-tuwa akong baka ako nga ang kuya mo. Parang gusto ko nang ipagsigawan sa iyo na ako nga ang kuya mo. At iyan ang dahilan kung bakit...” hindi na niya itinuloy ang sasabihin. Para siyang nag-aalangan. “B-bakit?” “...inutusan ko si Ricky na hanapin ka, na hikayatin na mag-apply sa MCJ Restaurant.” Nabigla ako sa kanyang sinabi. Para bang lalo pa akong naawa sa kanya. Hindi ko akalain na uutusan talaga niya si Ricky na kumbinsihin akong mag-apply sa kanila. “Sorry. Ako ang nagplano ng lahat... Kaya pinanindigan ko talaga na kunin ka.” Hindi ako nakakibo. Hindi ko alam kung ano ang aking sasabihin. Tahimik. Nakita ko na lang ang pagpahid niya ng luha sa kanyang pisngi. “O-ok lang po... Hindi po ako galit sa ginawa ninyo,” ang nasambit ko. “Salamat.” “Ako nga ang dapat magpasalamat.” “Kaya sana, huwag ka nang umalis. Huwag mo akong iwan.” Natahimik uli ako. “K-kung halimbawa bang ako nga ang kuya mo, hahayaan mo bang manatili ako sa ganitong sitwasyon? Ayaw mo bang manumbalik ang aking alaala at magsama tayo bilang magkuya, kasama ang ating pamilya? Ayaw mo ba akong tulungan? Paano kung ako nga ang kuya mo at na-stroke ang ating inay... hahayaan mo na lang ba na hindi ko siya nakikita? Hahayaan mo bang hindi niya ako nasisilayan?” “P-paano naman kung hindi pala ikaw ang k-kuya ko?” “Iyan ba ang dahilan kung bakit ayaw mo akong tulungan? Dahil nagsinungaling ka? O dahil hindi ka siguradong ako nga ang kuya mo? Ayaw mo ba akong maging kuya? Kahit hindi totoong kuya mo ako, p-puwede pa rin namang kuya ang itawag mo sa akin, ‘di ba? P-puwede pa rin namang ikaw ang bunso ko kahit hindi totoo, ‘di ba? Pakiramdam ko kasi, wala akong pamilya eh. Pakiramdam ko, ikaw iyong taong hindi ako kayang bitiwan o iwanan.” Pinahid ko na rin ang sarili kong mga luha. Sobrang awa ang naramdaman ko para sa kanya, at nakosyensiya sa naging desisyon ko at sa mga binitiwan niyang salita. Tumagos ito sa kaibuturan ng aking puso. Parang gusto ko na ring maging “kuya” siya. Hinawakan ko ang kanyang kamay. “N-nand’yan naman si Ma’am Sophia, ‘di ba?” ang tanong ko. “Hindi ko naman siya totoong pamilya, Jassim. Oo, nariyan siya, tumutulong sa akin. Ngunit may kapalit ang lahat. Alam mon a siguro kung ano ang kailangan niya sa akin – ang puso ko. Tinulungan niya ako dahil... mahal niya ako. Pero kung nagkataong hindi niya ako mahal, sigurado, hindi niya ako tutulungan. May ugali si Sophia. At masama ang ugali niya.” “Bakit? Hindi mo ba siya mahal?” Nahinto siya. “Huwag na natin siyang pag-usapan...” Tahimik. “P-puwede ba... huwag ka nang umalis sa restaurant?” ang pagmamakaawa niyang muli. Tiningnan ko siya. Nakakaawa ang kanyang mukha. “Please...?” Doon na ako tuluyang bumigay. Parang isang ice-cream ang aking paninindigan na natunaw sa init ng kanyang pagsusumamo. At wala na akong nagawa kundi ang tumango. Bigla niyang binitiwan ang isang ngiti. Pakiramdam ko ay lumutang ako sa ere sa ngiting iyon. Iyon bang feeling na nalaman mong ikaw ang dahilan sa paglabas ng ngiting iyon. At ang lumabas sa kanyang bibig ay ang salitang, “Salamat...” Tinugon ko ang kanyang ngiti. “Walang anu man,” ang sagot ko. “At puwede ba, kuya mo na rin ako?” Na lalo ko pang ikinatuwa ko. Tumango uli ako. At sa pagkakataong iyon, hindi ko na-kontrol ang aking sarili. Niyakap ko siya nang mahigpit. Nagyakapan kami. Ramdam ko ang kanyang kasabikan. Matagal kami sa ganoong posisyon. “Simula ngayon ay ikaw na ang bunso ko, at ako na ang kuya mo. At kuya na rin ang tawag mo sa akin.” “Y-yes sir...” “Kuya...” “O-opo kuya...” “Yan... ansarap pakinggan. Ang sarap ng pakiramdam,” Sabay bitiw uli ng nakabibighaning ngiti. “O ano... magkuwentuhan na lang ba tayo? Kain na tayo!” dugtong niya. “Grabe... ang daming pagkain!” “Syempre, espesyal sa akin ang ka-date ko ngayon.” At ewan, para akong lumutang sa langit sa narinig. Lihim na kinagat ko na lang ang aking labi, kinilig at ninamnam sa aking puso ang binitiwan niyang salitang “date”. “P-paano natin mauubos iyan?” ang turo ko sa mga pagkain. “Problema ba iyan? Ipabalot natin, ibigay mo sa mga kasama mo sa boarding house. Bigyan mo rin si Ricky.” At hayun. Kumain kami at pagkatapos ay nagkantahan. At hindi ko nalimutang kantahin ang aking theme song para sa sarili – Everybody has a first love, they have left in yesterday. Feelings they have left behind, it's just a place in time but not so far away. Everybody has a first love, when the dream they shared was new. I remember that special someone, so I wrote this song just for you. I wish you love, I wish you happiness. And may the years be kind to you. You'll always be a part of me, share this thought with me. I'll carry you always… “Palagay ko ay umibig na si bunso ko. Uyyy... sino kaya,” ang biro niya sa akin. “Hindi pa kuya...” ang sagot ko na lang. Naalala ko tuloy ang sandaling si James mismo ang nagtanong ng parehong tanong sa akin at sinabing masarap daw kapag naranasan ang umibig. Ngunit ang isinagot ko na lang ay hindi pa ako umibig. Paano naman kasi, alangan namang saihin kong oo at siya ang iniibig ko. “Talaga?” “Talaga po...” “Ah, ok. Kung ganoon, kuwentuhan mo na lang ako tungkol sa kuya mo.” “Ano... mabait siya. Marami siyang itinuro sa akin. At ang tawagan pala namin ay Yak.” Lumak ang kanyang mga mata sa pagkagulat. “Yak??? Bakit Yak?” ang tanong niyang may kasabay na pagtatawa. Na siyang ikinabigla ko naman. Nalimutan ko kasing malaswa ang ibig sabihin noon. Kasi nga, hindi rin naman talaga kami magkapatid ni James. “E... ano... b-biruan lang namin iyon. P-parang...” napatingala ako, nag-isip kung ano ang aking sunod na sasabihin. “...iyong kapag nainis ako, ano... sasabihin ko na lang na ‘Yakkkkkk!’ parang ganoon. Tapos iyan, ginaya na rin niya ako. Sasabihin niyang, ‘Yakkkkkkk!’ parang nang-aasar ba,” ang pagiimbento ko ng kuwento. “Ah. Sweet naman ng kuya mo.” “Opo... sobrang sweet po niya sa akin. Sobrang bait po.” Natahimik siya sandali. “G-gusto mo, Yak na rin ang tawagan natin?” Natawa ako, syempre. Malisyoso iyong “Yak” pero ikinatuwa ko pa rin ito. “S-sige kuya... Yak ang tawagan natin.” “Ok. Yakkk???” “Ok po. Yakkk!” sagot ko. Sabay kaming nagtawanan. Kinabukasan, balik trabaho na naman ako. Tinapos ko muna sandali ang aking nasimulang assignment sa nakaraang araw sa tambakan at noong natapos na ito, nilagyan ko pa ng malaking notice sa mga nagtatambak naming kasamahan na ilagay sa tamang lagayan ang mga basura. May marka pa ang mga tambakan, plastic, papel, tirang pagkain, kahoy, etc... May itinanim din akong puno sa mga gilid ng lugar upang magsilbing lilim at makapagbigay ng preskong hangin. Tuwang-tuwa si Marlon sa aking ginawa. At ang sabi pa niya ay ituloy raw niya ang paglagay ng cottages sa area na iyon upang magiging extension ng restaurant para sa mga customers na gustong kumain sa lugar na may outdoor na ambiance at may privacy. Hahanapan na rin daw niya ng bagong lugar ang tambakan ng basura na, sabi pa niya, ay segregated na. “Dapat naman kasi ay ganyan, ‘di ba? Iba ang para sa mga recyclable na plastic, glasses o bote, papel, iba rin ang sa mga organic na puwedeng gawing pampataba sa lupa. Kung ganitong sistema lamang siguro ang ipatupad sa lahat ng mga factories, kumpanya, at mga indibidwal na tao, sigurado, hindi mamomroblema ang bansa sa kanilang basura dahil ang mga papel, plastic, bote, styrofoam, rubber, ay mare-recycle at magamit muli at ang mga organic ay pwedeng mai-process sa mga processing plant upang gawing pataba ng lupa, o feeds ng mga hayop. ‘Di ba Yak?” ang sabi niya. Nagulat naman ako at biglang napatingin sa kanya. Para bang napaka-casual lang ng kanyang pagtawag sa akin ng Yak. “Marinig ka po ng mga kasamahan ko sa work...” ang bulong ko sa kanya. “Malayo naman ang mga iyon eh. At abala silang lahat sa trabaho nila. ‘Di ba Yak?” at inulit pa talaga niya ito. “O-opo Sir...” “Bakit hindi Yak?” “Opo Yak...” Tumawa siya at tumalikod patungo sa kanyang opisina. “O sya... doon ka na sa dining pagkatapos mo d’yan ha? Huwag ka nang bumalik d’yan.” “Opo...” Natapos ako ang aking ginawa sa tambakan na iyon. Dali-dali akong nagpunta sa locker upang magbihis at makahabol sa dining. Patungo na ako sa dining noong nakasalubong ko naman si Sophia. At hindi pa man ako nakapag good morning sa kanya ay, “Saan ka???” ang banat na tanong niya kaagad sa akin. “G-good morning po... M-miss Sophia. Ang sambit ko kahit inunahan niya ako ng tanong. At siguro sa aking pagkagulat sa kanya at sa pag-asa na sana ay hindi na siya magagalit sa akin at hindi pahirapan, base sa tip na rin na ibinigay sa akin ni Ricky, ang naidugtong ko pa ay, “Ang ganda-ganda po ninyo ngayong umaga Miss!” kahit labag ito sa aking kalooban. Ngunit nawindang naman ako sa kanyang sagot. “I know that! Everyone tells me that that I’m very beautiful! Araw-araw ko nang naririnig iyan. Nagsawa na ako. Wala na bang bago?” ang mataray niyang sagot. Mistulang pinalo ng frying pan ang aking ulo sa kanyang sinabi. Hindi ko naman sinabing very beautiful. Beautiful lang. Para tuloy nagsisi ako kung bakit ko pa sinabi iyon. “Eh...” ang nasambit ko. Hindi ko kasi alam kung ano pa ang sasabihin. “Halika sa opisina ko!” at tinumbok niya ang pintuan ng kanyang opisina. Sumunod ako, kinabahan sa sunod namang iuutos niya sa akin. Pakiramdam ko ay may maitim na naman siyang balak sa akin. “At bakit nandito ka pa rin sa restaurant??? Di ba sinabi ko na sa iyong dapat ay lumayas ka na rito?” ang galit na tanong niya kaagad sa akin noong nakaupo na kaming pareho sa loob ng kanyang opisina. “A-ayaw po ni Sir Marlon na umalis ako rito, e,” ang sagot kong nanginginig ang boses. Na lalo naman niyang ikinagalit at sumigaw ng, “Ang kapal pala ng mukha mo, ano? Bakit? Iisa lang ba ang mga katawan ninyo at hindi ka pwedeng lumayo sa kanya? Mamamatay ka ba kapag wala siya? Ha!” “H-hindi naman po,” ang sagot ko na lang. Parang gusto ko nang umiyak sa ipinakita niyang galit sa akin. “Hindi naman pala eh! Bakit mo ba gustong isingit ang sarili mo rito? May ibang motibo ka siguro ano? Ano ba ang motibo mo? May masamang balak ka sa akin? Hoy... Jassim, kung hindi ka pa lalayas hanggang sa susunod na linggo, huwag mo akong sisisihin kapag may masamang nangyari sa iyo ha? Hindi ko kagustuhan iyan. Ayoko lang talagang makita ang pangit mong pagmumukha rito! Naintindihan mo!” Hindi na lang ako umimik. Wala naman kasing patutunguhan kapag sasagutin ko siya. At baka tuluyan pa niya akong ipapatay. Kawawa naman ako. Kawawa ang pamilya ko. Tahimik. Biglag bumukas ang pinto. “Hon... bakit?” ang sambit ni Sophia na nakatingin sa pintuan. Hindi ko namalayang bumukas pala ang pinto at sumilip si Marlon. “Napadaan lang. Nand’yan pala si Jassim? ‘Di ba dapat ay nasa area ng dining na siya?” ang sagot ni Marlon “A... e... d-dito sa office ko na lang siya. D-dito ko siya i-assign. Siya ang maga-assist sa akin.” Ah, good! At least matututo siya sa mga office works. Sige, titingin-tingin lang ako rito...” at isinara na ni Marlon ang pinto. “Ok... Para matuto ka sa mga office works,” ang sarkastiko niyang paggagad sa sinabi ni Marlon sabay tawa pa. Hindi pa rin ako umimik. Hinintay ko lang ang kung ano man ang kanyang ipapagawa. “Siguro naman ay sa ipagagawa ko sa iyo na ito, matututo ka talaga sa mga ‘office works’” ang pag-emphasize niya sa salitang ‘matututo sa office works’. Kinuha niya ang isang memo sa kanyang tray at ibinigay iyon sa akin. “Memo iyan tungkol sa budget preparation. Next week ay may board meeting ang kumpanya at i-present sa chairman ng board, daddy ko, ang budget report sa lahat ng restaurants na pag-aari namin. Gusto kong ikaw ang gumawa nito at dapat ay matapos mo ito within two days. Kasi, pag-aaralan pa namin kung tama ba ang ginawa mo at kung hindi naman, may time pa na baguhin mo ito. Med’yo mahirap iyan pero dahil gusto mong isingit ang sarili mo rito eh kung kaya, magtiis ka! Puwede mo nang simulan ngayon dahil I’m sure, hindi mo iyan matatapos ng dalawang araw lang,” ang sambit niya sabay tayo, dinampot ang kanyang bag at tinumbok na ang pintuan upang umalis. “Feelin mayaman! Ang kapal ng mukha! Akala mo ay magaling!” ang pahabol niyang patutsada bago binuksan ang pinto. Napakamot nalang ako sa aking ulo. Natuwa akong umalis siya ngunit kinabahan naman sa kanyang ipinagawa. Hindi ko naranasan ang paggawa ng budget. Wala akong background sa management o accounting. Lalo na’t ang dami niang empleyado. “Eh... saan naman po ako kukuha ng data at references?” tanong ko habang hindi pa siya nakalabas ng kuwarto. “Maghanap ka ng paraan! Bobo! Gusto mong magtrabaho rito, magpakitang-gilas ka! Bawal ang walang alam at bobo sa MCJ Restaurant! May isang computer d’yan hanapin mo, gamitin mo ang mga mata mo! Huwag mong sabihing ituro ko pa sa iyo!” ang sagot niya ang mga mata ay nanlilisik sabay hataw sa pagsara niya sa pinto. Wala na akong nagawa kundi ang tumbukin ang computer, binuksan ito at naghanp ng mga files. Ngunit wala talaga akong mahanap maliban sa isang file format ng budget preparation, kasama na ang procedure ng paggawa nito. Ngunit general ang mga rules. Wala ang mga detalye kung saan hahanapin ang mga data, kung paano ang detalyadong step-by-step na proseso ng paggawa. Pinagtyagaan ko na lamang na basahin ito, inaanalyze na mabuti, at pinag-aralan. Na-analyze kong may mga categories sa paggawa ng budget, kagaya ng salary, overtime, allowances, SSS contributions, insurance, medical, Food, uniforms, safety paraphernalia, at iba pang labor costs. May mga fixed assets din, non-fixed assets, IT cost, power, rent, water, marketing, at iba pang mga miscellaneous expenses. “Igan! Anong nangyari? May bawang ka bang dala-dala d’yan?” ang sambit ni Ricky. Nakapasok na pala siya sa opisina ni Sophia na hindi ko namalayan dahil sa aking matinding pagconcentrate sa ipinapagawa sa akin. “Ha??? B-bakit???” ang gulat kong tanong. “May aswang kasing iritang-irita galing dito sa loob at hayun, buwesit na buwesit na sumakay ng kotse. Ano na naman ang ipinagawa sa iyo ng bruhang iyon?” “Ikaw talaga!” sagot ko. “Binigayan ako ng assignment at heto, ang sakit-sakit na ng ulo ko sa ka-aanalyze!” “Bakit ano ba yan? Dota?” sabay silip niya sa computer. “Baliw! Budget preparation daw iyan at dapat na matapos ko ito bukas.” “Huwat??? Ikaw ang pinagawa niyan? Alam mo bang ang chief staff ng Accounts lang ang nakakaintinding gawin iyan? Paano mo gagawin iyan? Ni mga budget codes ay hindi mo alam? “Kaya nga Ricky. Tulungan mo ako. Baka kapag hindi ko nagawa ito ay tuluyan na akong aalis dito.” “Paano kita tutulungan? Hindi ko rin alam iyan!” (Itutuloy)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD