“Huh?” Para akong nanlamig sa sinabi niya. Anong see you at my company ang pinagsasasabi nito? Bakit ko siya gugustuhing makita pa? Kapag nagkita kami, papatayin ko siya. Alam niya ba iyon? Syempre, hindi.
Muli siyang tumawa gamit ang malalim niyang boses. Muli akong nag-irap. Kairita talaga ang lalaking ito. Hindi ko alam anong nagawa ko sa past life ko para parusahan ako at magkrus pa ang landas naming dalawa.
“I’m not going to tell you the details. I want you to be surprised.”
Kumunot ang noo ko sa aking narinig. Gusto kong itanong sa kanya kung bakit. Close ba kami para i-surprise niya ako? I bet, ikakainit lamang ng ulo ko iyan.
“Bahala kayo, Sir. Mabilis naman po akong kausap.” Hindi ko ibinaba ang telepono kahit nangangati na akong gawin iyon ngayon. Iniisip ko kasi kung kuhanin ko kaya ang loob niya para sa plano ko. Kaya lamang ay ayoko namang masaktan ko si Averie.
Muli kong narinig ang halakhak niyang nakakapikon. Mariin ko na lamang ipinikit ang mga mata at nagdadasal na sana ay matapos na ang phone call na ito.
“I’m looking forward working with you,” sabi niya sa kabilang linya na muling nakapagpatigil sa akin sa ginagawa ko.
“How sure are you, Sir, that I am going to work with you?” Ano ba iyong pinag-uusapan nina Averie at ng pinsan nitong lalaking ito? Malaking project na sa pagitan ng mga Alterio at Benavidez? Hindi na ako magtataka. Hindi naman imposibleng mangyari iyon.
“Because I just know. I know everything, Adira, and I get what I want.” Mas lalong lumalim ang kanyang boses kaya’t nakaramdam ako ng kaba at napalunok sa sariling laway.
Nabalutan kaming dalawa ng katahimikan. Hindi ko alam kung anong sasabihin ko sa sinabi niyang iyon. Pakiramdam ko ay may kung ano sa mga salita niyang pinapatamaan ako.
“Anyway, I’ll end the call here. Baka mamaya ay babaan mo na naman ako ng telepono.” Muli siyang humalakhak na nagpabalik sa aking ulirat. Napakurap ako at nagpaalam na sa kanya.
Wala ako sa sariling ibinaba ang hawak kong telepono. Pinoproseso ko ang mga narinig ko mula kay Sir Hati. Sa hindi malamang dahilan ay hindi ako mapalagay. Sana pala ay mas ipinakita kong interesado ako sa sinasabi niya. Baka sakaling napilit ko siyang sabihin sa akin iyong plano nila.
Inaasahan kong babalik si Averie sa opisina. Ngunit bandang alas dose ng tanghali ay nakatanggap ako ng text mula sa kanya na hindi na raw siya pupunta rito sa opisina at ang mga dokumentong kinakailangan niyang pirmahan ay ipagpapabukas niya na. Hindi pa ata sila tapos mag-usap ni Mr. Silas Benavidez.
Tinapos ko ang trabaho ko matapos ang lunch break. Ang sakit ng likod ko nang matapos ang araw na iyon. Gusto ko na lang makauwi agad at mahiga sa kama para matulog. But I know, I don’t have the luxury to do that. Pag-uwi ko sa bahay ay hindi pa ako maaaring magpahinga.
Medyo ginabi ako nang makauwi sa bahay dahil sa pahirapang pagsakay sa mga transportasyon. Bukod pa roon ay traffic din. Tahimik ang paligid kaya’t iniisip ko na baka tulog na ang mga kapatid ko. Si Mama at si Tito Bert ay hindi ko na naman alam kung nasaan.
Mas pinili ko na kumain na muna bago magpalit ng damit. Matapos kong kumain ay naghugas ako ng pinggan. Itinali ko ang buhok ko dahil ramdam ko ang init ng panahon. Gusto kong maligo muna pala bago magpalit ng pambahay na damit.
“Ay gago!” napamura ako at napabalikwas sa kinatatayuan ko nang maramdaman kong may humawak sa baywang ko. Muntikan ko na ring mabitawan ang pinggang hinuhugasan ko.
Nilingon ko siya at nakita ko si Tito Bert. Base sa itsura niya ay nakainom ito. Amoy ko rin ang alak mula sa kanya.
“Tito, ano pong ginagawa niyo?” pagpapatay malisya ko. Hindi ako mangmang para hindi malaman na tinatangka niya akong hawakan. Isang paghawak na hindi mo gagawin sa isang taong tinuturing mong miyembro ng pamilya mo.
“Wala, wala. Akala ko lamang ay ikaw ang mama mo. Kakain ako, ipaghanda mo nga ako.” Tinalikuran niya ako matapos niyang sabihin iyon. Abot-abot pa rin sa langit ang kabang nararamdaman ko dahil sa ginawa niyang paghawak sa baywang ko kanina.
Ipinaghanda ko siya ng pagkain. Nakikita ko ang pagtingin sa akin ni Tito Bert. Gusto ko na lang lumayo sa kanya dahil para bang hinuhubaran niya ako sa mga paninitig niyang iyon. Tangina lang talaga!
“Iwanan niyo na lang po iyan sa lababo pagkatapos niyong kumain. Huhugasan ko na lang po iyan bukas ng umaga.” Walang pagdadalawang isip akong umalis sa harapan niya matapos kong sabihin iyon at agad na pumunta sa kwarto ko.
Ni-lock ko ang pinto ng silid ko at napahawak ako sa aking dibdib. Huwag niya lang talagang susubukang may gawing hindi maganda sa akin o sa kahit na sino sa pamilya ko, hindi ako magdadalawang isip umalis dito at iwanan siya.
Madalas man ay iniisip ng lahat na matapang ako at palaban ay may mga oras pa rin naman na nakakaramdam ako ng takot, lalo na kapag mag-isa na lang ako. Ayoko lang talaga minamaliit ako ng iba kaya’t hanga’t maaari iyong matapang na Adira ang ipinapakilala ko sa lahat.
Hindi man kampanteng matulog sa bahay na ito, lalo na’t naalala ko ang ginawa ng stepfather ko ay kinailangan ko pa rin. Nagdasal na lang ako na sana ay hindi niya ituloy ang masamang balak niya.
Nagising ako kinaumagahan dahil sa alarm ng aking cellphone. Pinatay ko rin iyon at kaagad na bumangon upang makapaghanda sa trabaho. Sa hindi malamang dahilan ay parang ayokong pumasok.
Wala akong sakit. Maayos din ang pakiramdam ko. Ngunit pakiramdam ko kasi ay may mangyayari ngayong araw sa opisina na hindi ko ikatutuwa.
Nang makapaghanda ako para sa trabaho ay lumabas na ako ng kwarto ko. Nakita ko si Mama na naghahanda ng almusal. Pinapakain niya na rin ang bunsong kapatid namin. Si Kuya Gil ay wala pa rin. Sa palagay ko ay hindi na iyon makakauwi hanggang sa matapos ko ang misyong ibinigay sa akin ni Sir Atlas.
“Kumain ka na rito, Adi. Maaga pa naman,” saad ni Mama nang makita niya ako. Tumango ako at lumapit sa hapag kainan.
Nakita ko rin na naandoon si Tito Bert. Masama ko siyang tiningnan dahil naalala ko ang binalak niyang gawin kagabi. Mabigat ang paghinga ko pero dahil may respeto ako sa pagkain na nasa harapan namin ay hindi na ako nagsalita pa.
Napapatingin din siya sa akin at para bang nahihiya. Siguro ay kahit lasing siya, malinaw sa kanya ang binalak niya at napagtatanto niyang mali iyon. Dapat lamang na makonsensya siya!
Mabilis akong kumain at agad ding nagpaalam. Hinalikan ko pa sa pisngi ang mga kapatid ko at si Mama. Hindi ko na nga binati si Tito Bert dahil naiinis at nagagalit pa rin ako sa kanya.
Binalak niya akong pagsamantalahan kagabi! Alam ko iyon at malakas ang pakiramdam ko na kung hindi ko siya tinarayan o pinakitaan ng katapangan ng ugali ko ay itutuloy niya ang binabalak niya.
Maaga pa naman kaya’t hindi ako nagmamadali. May kinausap pa ako sa reception ng aming kompanya upang may ikumpirma, kung naandiyan na si Ma’am. Tumango naman siya at sinabing maagang pumasok si Averie dahil may kinausap itong mga tao.
Kumunot ang noo ko, nagtataka kung sino ang mga kakausapin niya ng ganitong kaaga?
Patungo na ako sa elevator nang may makita ako sa hindi kalayuan. Napatigil ako at laglag panga akong tinitigan sila.
Nakita ko si Sir Hati kasama ang isang lalaki. Nag-uusap sila at malaki ang ngiti ni Sir Hati sa lalaki. Napatingin din ito kaagad sa akin at hindi ko makakalimutan ang makabuluhang pagngisi niya sa akin bago sila umalis ng lalaking kasama niya.
What the heck is he doing here?!
Nagmamadali akong pumunta sa floor namin. Gustong-gusto kong kausapin si Averie tungkol sa dahilan ng pagpunta rito nina Sir Hati, lalo na’t wala akong alam roon, ngunit naisip ko rin na wala ako sa posisyong itanong iyon. Malay mo, tungkol sa engagement nila ang kanilang pinag-usapan.
Hindi ko na lang iyon masyadong inisip, lalo na kung masyadong personal na pala. Kahit na kaibigan ko si Averie at ako ang sekretarya niya ay wala naman akong usap pagdating sa pribadong buhay niya.
Naupo na ako sa aking silya at naghanda na upang gawin ang pang-umagang trabaho. Bubuksan ko pa lang ang desktop computer ko nang ipatawag ako ni Averie sa kanyang opisina.
Tumayo ako sa aking kinauupuan. Nagdala ng ilang gamit na baka kailanganin ko kung sakaling may mga importante siyang sabihin sa akin.
Kumatok muna ako sa pinto ng kanyang opisina bago pumasok sa loob. Sinalubong ako ng isang ngiti ni Averie. Nakaramdam ako ng kaba sa hindi na naman maipaliwanag na dahilan.
“Good morning, Ma’am,” pagbati ko kay Averie nang makalapit ako sa kanya.
Nagtaas siya ng tingin sa akin at agad akong nginitian. “Good morning, Adira!”
“May problema po ba? Kung itatanong niyo po ang schedule niyo ay wala naman po kayong meeting—”
“Hindi iyon,” pagpuputol niya sa sinasabi ko. Ngumiti siyang muli sa akin habang ako ay tulala sa kanyang sinabi. “Ipinatawag kita rito para magbigay ng anunsyo. Next month kasi ay may mababago sa…trabaho.”
Tumango-tango lamang ako sa kanyang mga sinasabi kahit na hindi ko pa masyadong naiintindihan iyon. Anong mababago sa trabaho?
“Kahapon ay hindi ako nakapasok, tama? Nakipagkita ako kay Silas Benavidez, iyong pinsan ni Hati. He suggested me few things para mas maging maayos ang takbo ng kompanya, in case magpakasal na kami ni Hati. You know, Alterio and the Benavidez will merge kapag nangyari ang sa amin ni Hati.” Tumayo siya sa kanyang kinauupuan at umikot sa mesa niya bago tumigil sa may harapan ko.
“Okay po?” Ano naman sa akin ngayon? Apektado ba ang trabaho ko?
“Ang sabi ni Silas ay papayagan daw niya akong magtrabaho sa Benavidez Corp., para malaman ko kung anong klaseng kompanya ang mayroon sila. Syempre, may mga bagay na hindi ko pwedeng alamin dahil hindi naman ako parte talaga ng kompanya nila. That’s actually a good suggestion, kaya lamang, hindi ko naman pwedeng iwanan ang kompanya namin. You know, my parents are busy because of their political affairs.” Napangiwi si Ma’am dahil sa huling sinabi niya.
Iba na ang nararamdaman ko sa mga sinasabi niya. Ayoko lang talagang isipin na baka tama ang kutob ko. Well, sana mali ako dahil ayokong kumilos sa iisang lugar kasama si Sir Hati.
“Kaya nag-suggest ng ibang way sa akin si Silas. Why not, switch out secretaries for a month or two.” Ngumiti si Averie sa akin. Ang aking ngiti naman ang siyang napawi ngayon. “And guess what?”
Oh no, I don’t want to guess it.
“Pumayag ako! Nang una ay sekretarya ni Silas ang ipapadala rito at ikaw naman sa kompanya niya kaya sinabi ko na sa kompanya ka ni Hati ipadala dahil si Hati naman ang mapapangasawa ko at hindi siya.” Natawa si Averie sa kanyang sinabi. Ako naman ay napapangiwi na dahil hindi ko gusto ang ideya na iyon.
Ma’am, magre-resign na lang ako. Okay, joke lang. I can’t lose my current job, lalo na’t ang dami pa naming problema.
Lumapit siya sa akin at tinapik ang balikat ko. “I’m going to miss you as my secretary and a friend, pero isang buwan o dalawa lang naman iyon, depende sa magiging usapan namin ni Hati.”
Parang nakalimutan ko ang huminga sa mga salitang binibitawan ngayon ni Averie. Ito ba iyong sinasabi sa akin ni Sir Hati kahapon? Hindi ako nasurpresa!
“Ma’am, pwede ba iyon? Hindi pa naman kayo kasal ni Sir Hati. Baka isipin nila ay kinukuhanan lamang natin sila ng impormasyon para mas mapalago ang kompanya natin.” Talagang sasabihin ko ang lahat ng excuses na maiisip ko para lamang pigilan siya sa binabalak niya.
Ako? Magtatrabaho para kay Sir Hati? No f*****g way! I mean, makausap nga lang sa telepono ay hindi ko na matagalan, maging sekretarya niya pa kaya? Kahit isang buwan lamang iyon. Baka mamatay na lang ako—speaking of mamatay, I still have a mission.
Tumingin ako kay Averie nang maalala kong may misyon pa nga pala ako na involve si Sir Hati Benavidez. I guess, this is a good opportunity? Titiisin ko na lang ang ugali niya. Pero grr, ayoko talaga!
“Why? Hindi ba magandang ideya iyon?” Parang nadismaya si Averie dahil ata sa reaksyon ko sa balita niya.
Pilit akong ngumiti at umiling. “No, Ma’am, it’s actually a good idea. Payag po ako.”
Alam ko na ang kasagutan kong iyon ay lubos-lubos kong pagsisisihan sa mga susunod na araw.
Halos hindi ako makahinga habang papunta kami sa kompanya ng mga Benavidez. Panay ang paghila ko pababa sa aking kwelyo dahil nahihirapan talaga akong huminga at pakiramdam ko ay pinagpapawisan pa ako ng malamig.
Bakit ba ako kinakabahan? Hindi naman ako kakainin ni Sir Hati, ah? Alam kong nakakapikon ang ugali niya pero iyon lang naman. Naandito pati ako para mgtrabaho.
“Siya nga pala, while you’re here, ang Benavidez ang magpapasweldo sa ‘yo, Adi. Do your best okay?”
Bumukas ang pinto ng elevator kasabay ng pagkakasabi ni Averie nito. Nginitian ko na lang siya at mas piniling huwag na lamang magsalita.
Nauna siyang lumabas ng elevator. Naandito rin siya para sunduin iyong sekretarya naman ni Sir Hati na papalit sa akin sa kompanya nila. Hindi ko nga alam bakit kami pa ang pumunta rito kung pwede namang sina Sir Hati na lang ang pumunta sa amin.
“Hi,” bati ni Averie kay Hati nang makita niya ito. Sinalubong nila kami sa labas pa lang ng opisina nila sa 25th floor.
Lumapit si Averie kay Sir Hati at hinalikan ito sa pisngi. Sa sandaling magkakilala sila ay para bang ang gaan na talaga ng loob ni Averie sa kanya. Well, good for her, I guess.
“Sorry, dapat talaga ay kami ang pupunta sa kompanya niyo, but something came up, kaya’t hindi ko nagawa.” Mabilis niyang tiningnan si Averie habang sinasabi iyon at agad ding tumingin sa direksyon ko.
Walang pagdadalawang isip ko naman siyang inirapan. Wala akong pake kung magiging boss ko siya, hindi pa naman ako nagsisimula kaya’t nananatiling si Averie ang boss ko sa ngayon.
“By the way, this is Sheila, my secretary—sorry, your secretary, for now, and this is…” Tumingin siya sa akin. Ang arte, akala mo naman ay hindi talaga alam ang pangalan ko.
“This is Adira, ang magiging sekretarya mo, sa ngayon,” natatawang sambit naman ni Averie. Napaiwas ako ng tingin at ngumiwi. Kung hindi kasi ako iiwas ay makikita nila ang pagngiwi ko at nakakahiya kung ganoon.
“Right, my secretary.”
Nakuha ni Sir Hati ang aking atensyon kaya’t ibinaling ko ang atensyon ko sa kanya. May pagdiin kasi sa kanyang tono nang banggitin niya ang mga salitang iyon. Pakiramdam ko ay inaangkin niya ako.
Mabilis lamang naman ang naging usapan nila. Parang gusto kong magback-out. Gusto kong sabihin na hindi ito magandang ideya. Ngunit wala nang bawian. Bukod sa wala naman ako sa posisyon, kailangan kong isa-isip na mayroon akong misyon kay Hati Benavidez. Mukha mang imposibleng magawa ko iyon ay kailangan ko pa ring pilitin.
“Paano ba iyan, magpapaalam na muna kami,” sambit ni Averie. Tumingin pa ito sa akin at para bang nalulungkot.
Naglakad siya papalapit sa akin at niyakap ako. Nabigla pa nga ako sa kanyang ginawa dahil hindi ko naman iyon inaasahan.
“I will miss you, Adi,” bulong niya sa akin sa gitna ng yakap naming dalawa.
“Ako rin, Ma’am,” matipid akong ngumiti nang maghiwalay kami sa yakap.
Kumaway siya sa huling pagkakataon bago umalis kasama iyong magiging sekretarya niya pansamantala.
“Good, they’re gone,” wika ng lalaking nasa likod ko nang makaalis sina Averie at matira kaming dalawa sa loob ng opisina niya.
Nilingon ko siya at nakita ko ang pag-upo niya sa ibabaw ng mesa niya. Ngumiti siya sa akin nang mapansin ang paninitig ko sa kanya. Isang ngiting hindi ko gustong malaman ang ibig sabihin.
“Shall we get to work, Miss Agnello?”
Muli ay nagtaasan ang aking mga balahibo. Para akong isang tupa at si Sir Hati naman ay isang tigre na nakita ang kanyang bibiktimahin.
I know that this man is more dangerous than how he looks like.