ARRIANE'S POV
Matapos kong turuan ang anak ni Ma'am Vera ay umalis na ako. Tatlong oras din ang ginugol ko sa pagtuturo sa anak nito. Hindi naman ito mahirap turuan dahil nakikinig naman ito sa akin. Makulit, pero ayos lang naman. Likas naman talaga sa mga bata ang makulit.
Sakay ng aking bike ay bumiyahe na ako pauwi. Yes, bike ang service ko. Libre pasahe na bawas calories pa. Bente-singko minutos lamang naman ay nasa bahay na ako. Kaya yakang-yaka naman. Sayang din naman kung mamamasahe pa ako gayong kaya namang mag-bike na lamang.
Paliko na ako sa kalye kung saan ang papasok sa bahay namin, nang maisipan kong sumadya muna sa Quiapo Church. Bigla akong nakaramdam nang kagustuhan na dumaan muna roon bago umuwi. May ilang oras pa naman ako bago pumasok sa susunod kong trabaho.
Halos sampung minuto lamang naman at nakarating na ako sa simbahan. Agad akong bumaba mula sa bike ko. Nilagay ko lang 'yon sa gilid para hindi makasagabal sa iba. Pagkatapos niyon ay pumasok na ako sa loob. Sa may bandang likuran na lang ako pumwesto dahil sandali lang naman ako. Taimtim akong nanalangin.
Matapos magdasal ay tumayo na ako. Palabas na ako ng simbahan nang makarinig ako ng sigaw. Dali-Dali akong lumabas at nakita ko ang isang babaeng tila inagawan ng gamit.
"Ibalik mo ang bag ko, walang hiya ka!" sigaw ng babae. Mukhang mayaman ito base na rin sa pustura nito.
Walang pagdadalawang isip na hinabol ko ang lalaking umagaw sa bag nito. Hmm nakalimutan kong sabihin na runner din pala ako.
"Hoy, ibalik mo ang bag na inagaw mo! Walang hiya ka!" sigaw ko habang mabilis na tumatakbo.
Lintik na lalaking ito, laking lalaki ayaw magbanat ng buto. Dahil sa sobrang gigil ay mas dumoble ang bilis ko. Mainit ang dugo ko sa mga Lintik na mandurugas na ito.
Pero dahil lalaki ito at mas matuling tumakbo, hindi ko ito maabot-abutan. Paliko na ito sa iskinita nang may maisip akong paraan para mahuli ito. Sa kabilang daan ako dumaan dahil ang dulo ng pinasukan nito at pinasukan ko ay iisa lamang.
Napangisi naman ako. Hmm. Akala mo ha. Laking Quiapo kaya ako.
Pa-easy-easy na naglakad ako upang salubungin ang ungas na ito. Sakto naman na pagdating namin sa dulo ay na corner ko ito.
"Saan ka pupunta?" tanong ko. Mukhang gulat na gulat ang ungas. Poporma pa sana ito nang mabilis na umigkas ang paa ko. Sapol ito sa tuhod. Mukhang lalaban pa ito nang muling umigkas ang kaliwang paa ko.
"Lintik kang babae ka!" galit na sabi nito.
"Mas lintik ka!" Nanggigigil na muli ko itong sinipa. This time sapol ang alaga nito.
Napaupo na ito at mukhang napuruhan pa yata.
"Ibigay mo sa 'kin ang bag na iyan or else babasagin ko iyang itlog mo," pananakot ko dito.
Ngumisi naman ito at akmang hahawakan ang paa ko. Pero dahil alisto ako naunahan ko ito. Mariin kong tinapakan ang kamay nito.
"Aray! Lintik kang babae ka!"
"Ibibigay mo ang bag na 'yan o babalian kita ng buto?" walang takot na tanong ko.
Tss laking Quiapo kaya ako. Sanay na ako sa basag-ulo dahil talamak ang mandurugas dito. Kapag hindi ka marunong lumaban butas ang bulsa mo. Kakawawain ka ng mga taong walang ibang alam kun'di ang mandugas. At manlamang sa kapuwa.
Muli kong diniinan ang yapak sa kamay nito dahilan para mapahiyaw naman ito. Matigas kasi ang swelas ng sapatos ko.
Hmm papalag ka pa talaga ha.
"Ibibigay mo o babasa--"
"Ibibigay ko na! Ba't ka ba kasi nakikialam?" angil nito.
"Akin na," sabi ko. Mukhang ayaw pa nitong bitawan ang bag.
"Paghatian na lang natin ito, Miss, mukhang mayaman naman ang may kaniya nito eh," saad pa nito.
Kunot-noo naman akong tumitig dito. "G*go, idadamay mo pa ako."
"Kailangan ko lang ng pera, Miss, sige na hati na lang tayo," bigla namang umamo ang mukha nito.
Siguro nga gipit lamang ito pero mali pa rin ang diskarte nito sa buhay.
"Kailangan mo ng pera?" tanong ko.
"Oo, kaya hayaan mo na akong makaalis. Hati na lang tayo rito," pangungumbinsi pa nito.
OH well, pasensya na lang ito dahil marangal na tao ako. "Ang laking tao mo, try mo kayang maghanap ng trabaho, 'no? Sayang ang laki ng katawan mo kuya," pagle-lecture ko pa rito.
"Mas madaling magkapera rito. Bakit ikaw ba yumaman na sa kakatrabaho mo?" asik nito.
Gago rin ang mga katwiran nito eh. Matindi. "Hindi ako mayaman, pero at least ako galing sa malinis na paraan ang pinapakain ko sa pamilya ko. Eh ikaw? Hindi ka ba nahihiya sa mga anak mo? Napapakain mo nga sila ng masasarap pero galing naman sa pandurugas mo. Feeling mo ipagmamalaki ka nila sa ginagawa mo?" inis na sikmat ko rito.
Tarantado rin ang takbo ng utak nito eh.
"Mas importante sa 'kin ang mapakain ang mga anak ko."
"Kahit alam mong galing sa masama?" hindi maka-paniwalang tanong ko.
"Oo, dahil hindi ko kayang makita na mamatay sila sa gutom," sagot nito. Ayos na sana ang layunin nito eh, kaso sablay sa katwiran eh.
Pinagmasdan ko ito.
"Hindi mo 'ko maiintindihan dahil mukhang wala ka pang anak na pinapakain. Kaya hindi mo alam ang pakiramdam kapag nakikita mong umiiyak ang mga anak mo kapag gusto na nilang kumain, pero wala kang maibigay," saad pa nito.
Napailing ako sa sinabi nito.
"Wala kang alam kuya," mahina kong sabi. Dahil wala naman talaga itong alam sa buhay ko. Maaari ngang wala pa akong anak, pero higit pa ro'n ang mayroon ako.
Dahan-dahan naman itong tumayo at hawak pa rin nito ang bag. Alam ko na ang susunod nitong gagawin kaya bago pa ito nakaporma nahawakan ko na ang kamay nito.
Laking lalaki, lalampa-lampa naman pala. Tss.
Tuluyan ko nang nakuha ang bag sa kamay nito. Masama ang tinging pinukol nito sa akin.
"Miss ibalato mo na sa 'kin 'yan. Kailangan ko 'yan," himutok pa nito.
Itinago ko naman sa likod ko ang bag na itinakbo nito kani-kanina lamang.
"Tatakbo ka o ipapahuli kita sa pulis?" pananakot ko rito.
"Miss--"
"Takbo na!" malakas na sabi ko rito.
Mukhang takot naman itong mahuli kaya mabilis ang kilos na kumuripas ito nang takbo. Nag-dirty finger pa ito bago tuluyang makalayo.
G*go talaga.
Naglakad na lamang ako pabalik sa simbahan, napagod din naman akong sumipa, ano? Ang tigas ng tuhod ng hayp na iyon. Mga taong tinamaan ng lintik. Ayaw magbanat ng buto para magkapera. Dinaig pa ng mga taong hindi kumpleto ang katawan pero marunong dumiskarte sa tamang paraan.
Hay, buhay nga naman.
Naabutan ko naman ang babaeng inagawan ng bag. Bakas ang inis sa magandang mukha nito. May edad na ito pero kitang-kita pa rin ang kagandahan. Mayaman nga ito. Pero kung kanina ay mag-isa lamang ito, ngayon naman ay may kasama na itong lalaki.
Anak siguro.
"Madam, ito na po ang bag n'yo," medyo hingal na sabi ko habang inaabot dito ang bag na mukhang mamahalin.
Malawak na ngumiti naman ito sa akin.
"Salamat, Iha, nasaktan ka ba?" may pag-aalalang tanong nito. Mukhang mabait ang babae.
"Miss, nasaan ang lalaking kumuha sa bag ni Mommy?" baritonong tanong ng lalaking kasama ng babae.
"Nakatakas po eh. Pero 'wag kayong mag-alala wala naman siyang nakuha sa bag ng Mommy n'yo," sabi ko.
Hindi ko na lang inamin na pinatakas ko talaga. Kawawa naman baka maraming anak na binubuhay.
"Hayaan mo na Adam, ang mahalaga naibalik ang bag ko. At hindi nasaktan si--" sabi nito habang nakatingin sa akin. Mukhang gusto nitong malaman ang pangalan ko.
"Arriane po, Madam," ngiting sagot ko.
"Maraming salamat Arriane, wala bang masakit sa'yo baka gusto mong dalhin ka namin sa hospital nitong anak ko," sabi pa nito.
"Naku hindi na po, ayos lang po ako. Mag-ingat na lang po kayo sa susunod dahil marami talagang mandurugas dito," sabi ko habang umiiling pa.
Ngumiti naman ito kaya lalong lumitaw ang ganda nito. Hinawakan nito ang kamay ko. Bigla naman akong kinain nang hiya, nanlalagkit na kasi ako dahil sa paghabol sa lalaking iyon. At jusko ang lambot ng mga kamay nito. Nakakahiya dahil malamang magaspang ang kamay ko.
"Madam," nahihiya kong sabi. Hindi kasi nito binibitawan ang kamay ko.
"Mom," boses ng lalaking kasama nito.
Sa wakas ay binitawan na nito ang kamay ko. Dali-dali ko namang nilagay 'yon sa likuran ko.
May kinuha ito sa bag nito at nanlaki ang mga mata ko dahil nag labas ito ng ilang libo. "Sana tanggapin mo Arriane, pasasalamat ko ito sa'yo, Iha," anito sabay umang ng pera.
Kiming ngumiti naman ako at saka ito tiningnan sa mga mata. "Hindi na po Madam, simpleng thank you po masaya na ako," ngiting sabi ko.
Lalo namang lumawak ang ngiti ng babae, ang kasama nitong lalaki ay nakatingin lang sa akin. Mukhang hindi sila makapaniwala na tumanggi ako. Hmm. Mukhang mahirap ako pero hindi naman ako mukhang pera, ano?
"Arriane---"
"Maraming salamat na lang po, pero hindi ko po matatanggap 'yan," sabi ko.
Wala naman itong nagawa kun'di ang bumuntong-hininga na lamang at saka ibinalik sa bag ang ilang libong pera.
"Kung gano'n, puwede ba kitang imbitahan na lang kumain, Arriane?" puno nang pag-asam na tanong nito.
Parang gusto kong pagbigyan ang babae. Mukhang mabait kasi ito. At masarap kausap, pero kahit gusto ko hindi maaari dahil may susunod na trabaho pa ako.
"Kahit gustuhin ko po Madam, hindi ho puwede eh. May trabaho pa po ako mamaya at uuwi pa po ako sa bahay," magalang na tanggi ko.
Mukhang nalungkot naman ang babae sa naging sagot ko. "Gano'n ba," malungkot na saad nito.
"Salamat na lang po sa imbitasyon, Madam. Basta sa susunod po mag-iingat na lang kayo," sabi ko pa.
Napipilitang tumango naman ang babae.
"Sige Iha, maraming salamat sa'yo. Sobrang mahalaga sa akin ang bag na ito, regalo pa ito ng bunso ko," sabi nito.
Bakas ang saya sa boses nito nang banggitin ang tungkol sa bag na 'yon. Kaya naman pala halos umiyak na ito kanina.
Ilang sandali pa at nagpaalam na ako sa mag-ina. Kailangan ko nang umuwi dahil may trabaho pa ako.
_ _ _ _
Pagkadating sa bahay ay agad na akong naligo at nagbihis ng uniporme ko. Mabilis din akong kumain at gumayak na para umalis.
Pagdating sa trabaho ko ay siyang alis naman ng karilyebo ko. Alas-dos ng hapon hanggang alas-otso ng gabi ang duty ko sa restaurant na ito. Matapos kong maglagay ng hairnet ay lumabas na ako. Pumwesto na ako sa cashier.
At dahil malapit sa isang kumpanya ang restaurant na iyon ay madalas na dagsa ang mga tao. Lalo na kapag ganitong tanghali, o bandang pahapon. Bukod sa isang di naman kalakihang kumpanya ay may isang construction din malapit dito.
At dahil maraming tao, ngarag ang beauty ko. Busy ako sa pag kuha ng order ng isang customer ng maramdaman kong tila may mga matang nakatingin sa akin. Agad akong nag-angat ng mukha at doon ko nakita na tama nga ang hinala ko.
Nahuli kong nakatingin sa akin ang mag-inang nakadaupang-palad ko sa simbahan kanina. Nakaupo sila malapit sa may puwesto ko. Gumanti ako ng ngiti nang ngumiti sila sa akin. Hindi pa nakuntento ang ginang dahil lumapit pa ito sa akin. Mabuti na lamang at tapos ko nang i-assist ang huling customer na nakapila kanina.
"Hi, Madam, enjoy the meal po," maganda ang ngiti na saad ko.
Bakas ang katuwaan sa magandang mukha nito. "Dito ka pala nagta-trabaho, Arriane," sabi nito.
"Opo Madam, hindi ko po inaasahan na magkikita tayo rito," puno ng katotohanan na sabi ko.
Paano ba naman mukhang Reyna talaga ito tapos makikita kong kumain sa ganitong resto. Don't get me wrong, pero pang masa kasi ang restaurant na pinagta-trabahuhan ko. Kumbaga bibihira talaga ang mayayaman na kumakain dito. Although sulit naman ang bayad dito dahil mga lutong pinoy ang karamihan sa dishes dito. At masasarap naman talaga.
"Gusto sana kitang makasalo sa pagkain, Arriane," mabait na sabi nito.
Ako naman ang nahiya dahil narinig ng mga kasamahan ko ang sinabi nito. Panay ang bulungan nila dahil alam ng mga ito na kasama ni Madam ang guwapong mama na nakaupo malapit sa amin.
Tatanggi pa sana ako pero natawag na nito ang visor ko. Kinausap nito iyon na gusto akong makasalo sa pagkain. Jusko nakakahiya. Napilitan namang umuo ang visor ko dahil bawal tanggihan ang customer. Wala naman akong nagawa nang akayin ako nito palapit sa mesa nila ng anak nito.
"Upo ka Iha," saad nito. Bigla akong nahiya nang ipaghila ako ng upuan ng anak nito. Ay jusko gentleman.
Kahit nahihiya ay umupo na din naman ako. Para matapos na dahil nahihiya na talaga ako.
"Kumain ka ng madami ha," mabait pang sabi ng babae.
Kanina pa nagkrus ang mga landas namin pero hindi ko pa alam ang pangalan nito.
"Salamat po, Madam," sagot ko.
Kukuha na sana ako ng kanin nang unahan ako ng anak nito. Ito ang naglagay ng pagkain sa plato ko. My Gosh, guwapo na gentleman pa.
Sigurado akong nag kulay-kamatis ang mukha ko dahil doon. Jusko ba't ganito naman. Hindi ako handa eh.
"Thank you po, Sir."
"You're welcome," sabi nito. Ang ganda naman ng boses nito. Boses pa lang ulam na. Choss lang.
Nakakailang subo na ako nang mapansin ko na nakatingin sa akin ang mag-ina.
Shit nagmukha ba akong PG sa harap nila? Piping tanong ko sa isip ko.
"Kumain ka lang ,Arriane" sabi ni Madam. Madam ewan dahil hindi ko alam ang pangalan nito.
"Kain din po kayo, Madam, hindi po kayo mabubusog kung panunuorin n'yo lang po ako," magaang sabi ko.
Ngumiti naman ito. Maging ang anak nito. "Madam ka nang Madam. Tita Annika ka na lang, Arriane," sabi nito na ikinatulala ko.
Ano daw? Tita Annika? What the f?
"Naku, nakakahiya naman po. Ayos na po ang Madam kasi bagay na bagay naman po sa inyo."
Sabay natawa ang mag-ina. Nangunot naman ang noo ko. May nakakatawa ba sa sinabi ko?
"Hindi ka lang pala magaling manghabol ng mandurugas, magaling ka rin pa lang mambola," sagot nito. "I like you iha," dugtong pa nito.
Tila naman nalaglag ang panga ko sa sinabi nito. Hala tomboy ba si Madam? Pero may anak naman siya?
Nagpalipat-lipat pa ang mga mata ko sa mag-ina na ngayon ay mahina pa ring tumatawa. May sayad ba sila?
"I mean, I like you because you're beautiful and have a great personality," buwelo na sabi naman nito.
Tila naman ako nabunutan ng tinik. Jusko akala ko tomboy si Madam.
"Ahh, salamat po, Madam," tanging naisagot ko na lamang at saka nagpatuloy kumain.
Napalingon pa ako sa mag-ina nang maramdaman kong nakatutok na naman ang mga mata nila sa akin. Naiilang na kasi ako sa kakatingin nila. Gandang-ganda siguro sila sa akin. Choss.
"Sorry po, Madam, Sir, hindi po kasi ako puwedeng magtagal kaya nagmamadali po akong kumain," walang hiyang sabi ko. Baka mapagmura ako ng visor ko kapag napasarap ako ng upo rito.
Ngumiti naman ito. "No problem, Iha," mabait na sagot ni Madam Annika. Ang anak naman nito ay tahimik na kumain na lang din.
Habang kumakain ay kung anu-ano pa ang tanong at kuwento ni Ma'am Annika. Hindi talaga ito pumayag na Madam ang tawag ko rito. Iginiit pa nito na Tita Annika na lang pero dahil hiyang-hiya ako kaya sa huli nagkasundo rin kami sa Ma'am. At sinabi kong Ara na lang din ang itawag sa akin.
Sa buong durasyon ng pagkain ay masasabi ko na sobrang down to earth ng mag-ina. Mayaman, pero hindi mababakasan ng yabang sa katawan. Puro about sa 'kin ang naging topic namin dinaig ko pa ang sumalang sa job interview. Minsan about kay Ma'am Annika, pero madalas nitong isingit ang tungkol sa mga anak nito. Halatang-halata na sobrang proud ito sa mga anak nito.
Matapos kong kumain ay magalang akong nagpaalam sa mag-ina na babalik na ako sa puwesto ko. Agad naman silang pumayag dahil paalis na rin daw sila.
Nalaman ko na rin na Drake Adam pala ang pangalan ng anak na kasama nito. Hindi na rin naman sila nagtagal dahil may pupuntahan pa raw ang mga ito.