KINABUKASAN nagising siyang wala na sa garahe ang kotse ng binata. Malungkot siyang nagbuntong-hininga. Pumasok na ito marahil sa trabaho. Gustuhin man niya itong tawagan pero nagdadalawang isip siya kaya inabala nalang niya ang sarili sa mga gawaing bahay.
Una niyang pinasok ang silid ng binata na nakita niyang hindi naman naka-lock. Napangiwi siya saka natawa nang mapasukan iyon. Dahil kung gaano kaayos sa sarili nito ang binata, kabaligtaran niyon ang kalat na nakikita niya sa silid nito. Napangiti pa siya nang mahagip ng paningin niya ang isang lamesang de-tiklop na mukhang ilang taong gulang narin. Hindi iyon bagay sa maderno at magandang silid ng binata pero naisip narin niyang baka may sentimental value iyon kay Fritz kaya iyon naroroon.
Sinimulan niya ang paglilinis sa pamamagitan ng pagpapalit ng bedsheet at punda ng unan. Noon niya namataan ang cellphone ni Fritz sa ilalim ng unan nito. Nakita niya ang maraming missed calls at messages sa screen kaya napagpasyahan niyang ihatid nalang iyon sa binata.
Ginawa lang niyang madali ang pagbibihis. Sa dami ng napagkwentuhan na nilang dalawa, mabuti nalang at naitanong niya kung saan ito nagtatrabaho at kung nasaan iyon. Palabas na siya ng gate nang tamang tumigil doon ang isang pamilyar na taxi. Maluwang siyang napangiti.
"Mang Kanor!" masigla niyang salubong sa matanda na nakangiting humarap sa kanya.
"Kumusta kana hija? Mukhang may lakad ka?" anito nang mapunang bihis siya.
Tumango siya. "Naiwan kasi ni Fritz itong cellphone niya."
"Ganoon ba? Edi sumakay kana, alam mo naman kung nasaan ang opisina niya?" tinanguan niya ang matanda.
"Okay na po Ma'am" ang sekretarya ni Fritz na nagpatiuna para samahan siya papasok sa opisina ng binata.
Hindi niya alam kung saan nanggaling ang matinding kaba na biglang bumayo sa dibdib niya. Awkward kung tutuusin dahil kasama naman niya ito sa bahay. Siguro dahil apektado parin siya sa naging pagtatalo nila kagabi.
Pakiramdam niya ibang Fritz ang nakita niyang nakaupo sa loob ng malawak at napakagandang silid kung saan siya pinatuloy ng sekretarya nito. Agad niyang napuna ang maraming papeles na nakalatag sa harapan nito. Seryoso ang binata na nakatitig lang sa kanya, may suot itong glasses na itim ang frame at nagkaroon iyon ng magandang contrast sa mestisuhin nitong kulay.
"H-Hi" nang manatiling nakatingin lang sa kanya ang binata.
Napakislot siyang parang ipinako sa kinatatayuan nang makitang tumayo ito at nagsimulang humakbang palapit sa kanya. Awtomatiko siyang napaatras at tuluyang napasandal sa saradong pintuan. "You surprised me" anitong ga-dangkal nalang yata ang layo sa kanya.
Agad na umilap ang mga mata niya at sa nanginginig na mga kamay ay dinukot ang cellphone ng binata sa loob ng kanyang bag. "N-Naiwan mo sa kwarto mo" sabay abot ng telepono rito.
Malapad ang ngiting pumunit sa mga labi ng binata at sa halip na tanggapin ang telepono ay mabilis na sinaklit ang kanyang baywang. Nabigla siyang napatitig kay Fritz kasabay ng isang impit na tili. "You were in my room? Why?" masarap na kilabot ang gumapang sa kabuuan niya nang humaplos sa mukha niya ang mabango nitong hininga.
Napalunok siyang pinagsikapang pakawalan ang sarili. "N-Nagpalit kasi ako ng bedsheets at--"
"Para kang isang typical na may-bahay alam mo ba? Gaya nalang ng biglaang pagbisita mo sa'kin ngayon dito, and I kind of like it. Do it often, pwede ba iyon?" putol sa kanya ng binata sa napakalambing nitong tinig. Malakas pa siyang napasinghap nang maramdaman ang dalawang kamay ni Fritz na nakahapit sa kanyang baywang.
"F-Fritz, baka may makakita" nag-aalala niyang sabi nang mapuna ang unti-unting paglapit ng mukha nito sa kanya. Masarap na kilabot ang tila kamandag na kumalat sa kabuuan niya nang marinig ang pagtunog ng lock ng pinto.
Wala siyang masamyong amoy ng alak sa hininga ng binata pero nakapagtatakang may lakas ito ng loob ngayon para halikan siya. Gusto niyang itulak palayo sa kanya si Fritz pero nalunod ang lahat ng pagtutol niya nang tuluyang maglapat ang kanilang mga labi. Iyon ang unang pagkakataong hinalikan siya ng binata nang hindi ito nakainom. Kaya naman noon niya nalasahan ang tunay na tamis ng mga labi nito.
Iba ang halik na iyon sa lahat ng ipinadama na sa kanya ng binata. At totoong nalasing siya sa tindi ng sensasyong inihatid niyon sa kanya. Dahilan kaya siya nagkaroon ng lakas ng loob na tugunin iyon sa paraang tila ba mas uhaw pa siya sa binata.
Habol ang hininga niya nang pakawalan ni Fritz ang mga labi niya. "Go home, baka gabihin ako ng uwi. Marami pa akong kailangang tapusing trabaho" anitong hinagod pa ng tingin ang kanyang mukha.
Tumango siya saka inilayo ang sarili kay Fritz. "S-Sa bahay ka ba maghahapunan?" pahabol niyang tanong nang balikan ng binata ang iniwang trabaho.
Umiling ito. "Matulog kana lang ng maaga" anitong niyuko ang gawain pagkuwan.
Noon siya napilitang lumabas ng silid. Hindi niya maintindihan ang mabilis na pagbabago ng binata. Kanina habang hinahalikan siya nito, ito parin ang Fritz na kilala niya. Pero pagkatapos, bakit biglang parang nanlamig ito sa kanya? Parang walang anuman para rito ang namagitan sa kanila?
MALUNGKOT na tinapunan ng tingin ni Fritz ang pintuang nilabasan ni Julia. Hindi siya makapaniwala sa nagawa niya. Kung saan siya nakakuha ng lakas ng loob na gawin iyon? Marahil dahil iyon sa sayang naramdaman niya dahil sa pagbisita nito sa kanya. Pero nang maalala ang sinabi nito kagabi, sa isang iglap nawala ang excitement na nararamdaman niya.
Napapagod na ba siyang maghintay? Ayaw niya iyon pero paano naman ang future niya kung sakali? Paano nga naman niya makikita ang taong para talaga sa kanya kung mula noon hanggang ngayon kay Julia parin siya nakatingin?
Naramdaman niya ang pamilyar na kirot sa kanyang dibdib. Noon niya nahahapong sinapo ang ulo saka nagbuntong hininga. Hindi naman siguro masamang isipin naman niya ang sarili niya? O mas tamang sabihing panahon na para isipin naman niya ang sarili niya?
DALAWANG araw ang matuling lumipas. Matapos ang namagitan sa kanila ni Fritz sa opisina nito ay napansin niya ang tila unti-unting pag-iwas sa kanya ng binata. Madalas pa ay late ito kung umuwi kaya lagi na'y nasasayang ang hapunan na pinaghihirapan niyang ihanda para sa binata.
"Bakit ka naman aalis dito eh hindi ka naman pala niya pinaaalis?" taas ang kilay na tanong sa kanya ni Bessy nang minsang imbitahan niya ito sa bahay ni Fritz.
Nagbaba siya ng tingin. "Nakakahiya na kasi, masyado na akong nagiging pabigat sa kanya. Kung sakali ba walang bakanteng pwesto doon sa resort ninyo? Baka pwede ako dun?" ang tinutukoy niya ay ang resort ng pamilya ng kaibigan niya sa mismong bayan ng Don Arcadio.
"Meron, tamang-tama, mag-aasawa na iyong receptionist namin, sige ikaw nalang ang sasabihin ko kay Papa na ipalit niya" nabuhayan siya ng loob sa sinabi ng kaibigan.
"Thank you" aniyang ngiting-ngiti.
Nagkibit ng balikat nito si Bessy. "Teka, paano kung masundan ka doon ni Jason?" mayamaya ay nag-aalala nitong tanong.
Hindi niya pinansin ang takot na naramdaman. "Panahon na siguro para harapin ko siya, para matapos narin ang lahat ng ito" aniya sa pinatatag na tinig.
Kinabukasan ng hapon, araw ng Biyernes nakatanggap siya ng tawag mula kay Bessy. Ayon rito ay pwede na raw siyang magsimula sa resort sa susunod na linggo. Noon nahati sa tuwa at lungkot ang puso niya. Tuwa dahil kahit papaano masisimulan na niya ang pagbabagong buhay na pinaplano niya, at lungkot naman dahil sa pagkakawalay nanaman niya kay Fritz.
Kinabukasan na ang napagpasyahan niyang alis niya kaya naghanda siya ng masarap na hapunan para kay Fritz. Nasorpresa pa siya nang umuwi ito ng mas maaga kaysa karaniwan nitong uwi sa nakalipas na mga araw.
"Hi!" bati niya rito.
Gaya ng dati, tipid ang ngiting iginanti nito. "Anong meron?" anitong sinuyod ng tingin ang mesa.
Napakagat labi siya. "W-Wala lang, kain muna tayo, mamaya ko na sasabihin sayo" aniyang nilapitan ito saka pinaupo.
Sinimulan niyang asikasuhin ang pagkain ng binata. Wala namang nagbago rito maliban sa mas madalas na nitong pagngiti. Patapos na silang kumain nang magsalita si Fritz. "Thank you, paano aakyat na ako" paalam nito sabay tayo.
Noon siya mabilis na napatayo. "Wait! May sasabihin pa kasi ako!" agap niya kaya nahinto ang binata.
"Yes?" nakangiti man ay bakas sa mukha nito ang pagod.
Tumikhim siya saka nagsalita. "I just wanna say thank you for everything. Gusto kong malaman mong grateful ako sa lahat ng pagmamalasakit mo. Nagtanggap akong receptionist sa resort nina Bessy, so bukas uuwi na ako sa atin, sa Don Arcadio" walang gatol niyang sabi.
Bahagyang naggalawan ang panga ni Fritz sa sinabi niyang iyon pagkuwan ay nagsalita. "Okay, goodluck" maikli nitong sabi saka ngumiti.
Parang gusto niyang mapaiyak sa narinig pero nagpigil siya. Hindi iyon ang inaasahan niyang sagot mula sa binata pero mabuti narin iyon. Baka naisip narin ni Fritz na wala itong mahihita sa kanya. Na maraming mas higit sa kanya ang pwede nitong makuha.
Wala siyang karapatang magselos pero iyon ang nararamdaman niya. Ipokrita siya kung hindi niya aamining mahal niya ang binata. At ang damdaming iyon ang dahilan kung bakit nakahanda na siya ngayon para sa susunod na pagkikita nila ni Jason. Dahil sa kabila ng lahat nagawa narin naman niya itong patawarin gawa ng malalim at totoong pagmamahal na mayroon siya para kay Fritz. Pero gaano man katotoo ang pagmamahal niya sa binata, alam niyang maling-mali iyon. Bukod pa sa hindi siya ang babaeng nararapat para rito.
MAPAIT ang ngiting sumilay sa mga labi ni Fritz nang ibalik sa loob ng kahon ang dalawang piraso ng ginupit na pulang kartolina. Kapag pinagdikit ang mga iyon, nabubuo ang isang perpektong hugis ng puso. Napangiti siya sa alaala. Simula noon ay lihim na niyang hinangaan si Julia. Kaya pati mannerism nito nakabisado niya. Lalo na ang madalas nitong pagsinghot kaya niya sinulatan ng sipon ang desk nito noong grade six sila. Lumuwang ang pagkakangiti niya pagkuwan ay napadako sa sulok ng kanyang kwarto kung saan nakapwesto ang isang lamesang de-tiklop. Sa ilalim ng lamesang iyon niya isinulat ang pangalan ni Julia noong nasa kolehiyo pa siya.
Noon na nga tuluyang umagos ang kanyang mga luha. Gusto kitang pigilan pero wala akong karapatan. Ang masakit kahit wala akong karapatan hindi ko parin maawat ang sarili kong mahalin ka?
Sa nakalipas na mga araw pinili niyang abalahin ang sarili sa trabaho. Isip niya sa ganoong paraan maiibsan ng kahit kaunti ang sakit na dala ng katotohanang malabong maging sila ni Julia. Dahil sa mata ng Diyos at sa mata ng tao, may asawa ito na gaano man kasama ang naging pagtrato kay Julia ay nananatiling asawa parin nito at sa kalaunan ay posibleng mas piliin parin nito kaysa sa kanya.
May mga bagay lang siguro na kung minsan kahit hawak mo na kailangan mo paring bitiwan. Kasi mayroon naman silang sariling paraan kung papaano babalik sa'yo.Iyon nalang ang sinabi niya sa sarili niya bilang pampalubag-loob.
"AALIS kana?" ang bungad na tanong sa kanya ni Fritz nang katukin niya ito kinabukasan.
Tumango siya. "Oo, salamat ulit" pinigil niya ang mapaiyak at nagtagumpay naman siya doon.
Noon kinuha ng binata ang traveling bag na bitbit niya. "Ihahatid na kita hanggang sa bus terminal."
Magkakasunod siyang umiling saka binawi ang bag sa binata. "Hindi na, okay lang ako" mas masasaktan lang ako kung nandoon ka. Ang kabilang bahagi ng isipan niya.
Nasa labas na ng gate si Mang Kanor. "Mang Kanor?" kunot ang noong sambit ni Fritz nang makilala ang matandang nakatayo sa labas ng gate.
"Tinawagan ko siya, ihahatid niya ako hanggang sa resort" paliwanag niya nang harapin siya ng binata ng nagtatanong ang mga mata. "s-salamat ulit Fritz" garalgal ang tinig niyang sabi. Nang kabigin siya ng binata saka niyakap ng mahigpit ay tuluyan na nga siyang napaluha.
Tumango si Fritz. "Mag-iingat ka" pahabol nito.
"Ikaw din" bago siya naglakad ng walang lingon-likod.