MAGKAKASUNOD na katok ang gumising kay Julia kinabukasan. Pupungas-pugas niyang tinungo ang pintuan, si Fritz. "Hi, naistorbo ba kita? Pasensya kana kailangan eh" anito sa kanya.
Nagsalubong ang mga kilay niya. "What do you mean?"
Tumawa ang binata bago sumagot. "May bisita ka, nasa ibaba kararating lang" anito. "Sige na hihintayin kana lang namin" pagkasabi'y iniwan na siya nito.
Ginawa lang niyang madali ang pagbibihis at bumaba na siya. At totoong nasorpresa siya nang mapag-alaman kung sino ang bisita niyang sinasabi ni Fritz. Walang iba kundi ang pinsan niyang si Liam at ang matalik na kaibigan niyang si Bessy.
"Grabe na-miss kita, kumusta kana? Wala kaming balita sa'yo, mabuti pa itong si Fritz mukhang updated?" matapos ang matagal na kumustahan at yakapan ay bulalas ng kaibigan niya.
"M-Maraming nangyari, saka iyon kasi ang gusto ng asawa at tita ko" sa huling tinuran ay nahihiya siyang nagbaba ng tingin.
Tumikhim si Liam sa kanyang naging reaksyon. "Ano ba 'yan, ang tagal nating hindi nagkita wala munang iyakan pwede?" tukso nito sa kanya.
"Bakit kaya hindi tayo mag-set ng batch reunion?" suhestiyon ni Bessy pagkuwan.
"Naisip na rin namin iyan ni Julia" ani Fritz na nakangiting tumingin sa kanya.
Tumango siya. "Mabuti nalaman ninyong nandito ako?" pagkuwan ay naisipan niyang itanong.
Nagpalitan ng makahulugang tingin sina Bessy at Liam. "Tinawagan kami nitong si Fritz" anang pinsan niyang nilinga ang binata saka tinapunan ng makahulugang tingin.
Sandaling tumahimik ang paligid pero binasag rin iyon ni Bessy. "A-Anong nangyari?" nakuha na niya ang ibig sabihin ng tanong na iyon.
Noon siya nagmamadaling tumayo para tunguhin ang kusina pero sinundan siya ni Bessy. "Late na pala, nag-agahan na ba kayo? Anong oras kayong umalis sa atin?" aniyang sinisikap ibahin ang usapan.
Naramdaman niya ang mainit na palad ni Bessy sa kanyang braso. "Julia, a-anong nangyari sa'yo?"
Sa pagtatama ng mga mata nila ay noon niya na-realize na nasa harapan na niya ang kaibigan at pamilyang maliban kina Fritz at Liam ay nagparamdaman sa kanya ng totoong pagmamahal. Kaya naman umiiyak niya itong niyakap.
Ginagap ni Bessy ang palad niya saka iyon pinisil. Nang mga sandaling iyon ay kaharap na rin nila sina Fritz at Liam na kababakasan ng matinding galit sa mga mata para kay Jason.
"Kung ganoon palang niloloko ka niya, wala ng dahilan para magtiis ka. Ang walanghiyang iyon, sinasaktan kana nagagawa pang magloko. Hindi mo naman kasalanan kung naging baog siya!" ang galit na galit na litanya ng pinsan niya.
"Iyon na nga rin ang inisip ko, gusto ko na siyang hiwalayan. Kaya lang duda ako doon" pagsasabi niya ng totoo.
"Duda?" si Bessy.
"Alam ko hindi papayag si Jason na maghiwalay kami. Kahit naman kasi sinasaktan ako ng asawa ko, nararamdaman ko mahal niya ako" kung hindi nakayuko si Julia, nakita sana niya ang matinding sakit na gumuhit sa mga mata ni Fritz.
Nakakaloko ang tawang pinakawalan ni Liam. "Ako, lalaki rin pero kahit minsan hindi ko magagawang pagbuhatan ng kamay ang babaeng mahal ko. Alam mo kung ano ang meron iyang asawa mo, sapi! Sinasapian ng demonyo kapag nakainom o kaya kapag may nakitang hindi nagustuhan sayo!"
Hindi siya nakapagsalita. Totoo naman kasi iyon, at alam niyang kahit anong gawin niya hindi niya makukumbinsi ang mga ito na mahal nga siya ng asawa niya.
"Kung talagang mahal ka niya, hahayaan ka niyang maging masaya. Ibibigay niya ang kalayaan mo, lalo na't alam naman niyang ipinilit lang ng tita mo ang pagpapakasal mo sa kanya" mahinahong sabad ni Bessy.
Wala siyang nai-komento sa sinabing iyon ng kaibigan. Hapon nang magpaalam ang mga ito, at dahil silang dalawa nalang ulit ng binata. Noon lang niya napuna ang kanina pa nito pananahimik. "Anong gusto mo for dinner Fritz?" tanong niya saka binuhay ang radyong nasa kusina at tamang kasisimula palang ng awiting Longer ni Dan Fogelberg. Mula sa kinaroroonan ay natanawan niya ang binatang nasa bar counter at nagsasalin ng alak sa dalawang goblet.
Nakakapaso ang mga titig ni Fritz habang humahakbang ito palapit sa kanya. Nakatayo na ito sa harapan niya nang mapuna ang kakaibang lagkit ng mga iyon. "Here" anitong iniabot sa kanya ang goblet, tinanggap niya iyon.
"Cheers" sagot niya nang idikit ng binata ang goblet nito sa hawak niya. Sinimsim niya ang alak saka pinagsikapang ituon doon ang paningin. Habang ang binata naman ay inisang lagok lang ang laman ng kopita nito. Nagulat pa siya nang maramdaman ang kamay ni Fritz sa kanyang braso. Nagtatanong ang mga mata niya itong pinakatitigan.
"Let's dance?"anitong kinuha ang goblet sa kamay niya saka iyon ibinaba sa mahabang mesa.
Napangiti siya saka nagpaunlak. "Thank you, hindi mo alam kung gaano mo akong napasaya sa ginawa mo" nakatingala niyang sabi sa kasayaw.
Tipid siyang nginitian ni Fritz. "You're welcome" maikli pa nitong sabi.
Ilang sandaling nakiraan sa kanila ang katahimikan nang maisipan siyang itanong pagkuwan. "Matanong ko lang, wala ka bang girlfriend? Baka magalit siya sa pagpapatira mo sa'kin dito ah" naalala niya.
Naglandas sa lalamunan niya ang mahinang tawa ng binata. "Wala akong girlfriend, sa maniwala ka man o hindi, hindi na nasundan si Cristine" napatanga siya sa narinig.
"Seriously?"
"Yes, ipinangako ko kasi sa sarili kong wala akong ibang babaeng iaakyat sa bahay na ito kundi siya lang" may bahid ng lungkot at makahulugan ang tinig ni Fritz.
Hindi niya maikakaila ang tila malaking kamay na pumiga sa puso niya dahil sa sinabing iyon ng binata. Pero dahil nga sa wala siyang karapatang makaramdam ng ganoon, minabuti niyang iwala nalang ang nakakalitong feeling na iyon.
"Ang daming nagdaang babae sa buhay ko pero siya parin talaga" sa malayo nakatingin noon ang binata kahit patuloy ang mabagal nilang pagsasayaw. "sinadya kong huwag i-commit ang sarili ko sa iba Lia, alam mo ba kung bakit?" noon siya niyuko ng binata at matamang tinitigan.
Hindi na bago sa kanya ang mabangong hininga ni Fritz, ang kakaiba ay ang di-pangkaraniwang damdaming biglang pumuno sa dibdib niya habang matagal siyang tinititigan ng kasama. "H-Ha?"
Tumawa ng mahina si Fritz. "Manhid ka ba talaga o hindi mo lang pinaniniwalaan ang sinasabi ko sa'yong mula noon hanggang ngayon ikaw at ikaw parin ang mahal ko?"
Hindi iyon ang unang pagkakataong narinig niya kay Fritz ang deklarasyong iyon. Pero mas intense ang feeling dahil ramdam niya ang matinding hinanakit ng binata para sa kanya. At hindi niya gustong nasasaktan ito, lalo na kung siya ang dahilan.
"F-Fritz" ang tanging nasambit niya.
Noon siya binitiwan ni Fritz saka tinalikuran. Nakita niyang tila nahahapo nitong hinaplos ang sariling batok bago siya hinarap. Blangko ang reaksyon ng mukha nito kaya lalong tumindi ang kabang nararamdaman niya.
"Mahirap ba akong pahalagahan? Bakit si Jason kahit sinasaktan kana niya nasasabi mo parin mahal ka niya at nararamdaman mo iyon? Bakit ako, bakit ako na unang nagmahal sayo, bakit hindi mo ako makita? Bakit hindi mo ako maramdaman?" nakita niyang kumislap ang mga butil ng luha sa sulok ng mga mata ng binata at iyon ang tila sumasakal sa kanya kaya hindi siya makahinga.
"F-Fritz, asawa ko si Jason" giit niya sa mababang tinig.
Noon nagyuko ng ulo nito ang binata saka huminga ng malalim. "Oo nga naman, asawa mo siya at ako kaibigan lang. I'm sorry naging assuming ako. At least ngayon alam ko ng ako lang talaga ang nagmahal sa'yo" hindi naman nanunumbat ang tinig ng binata pero matinding guilt ang naramdaman niya.
"Please, alam mong hindi totoo iyan" aniya sa kabila ng pagpipigil na mapaiyak.
Mapait siyang nginitian ng binata. "Kagabi lang sinasabi mo sa'kin na gusto mo na siyang hiwalayan, tapos kanina anong sinabi mo kay Bessy?"
Sa sinabing iyon ng Fritz ay para siyang natauhan. Sinubukan niyang magbuka ng bibig pero naunahan siya ng binata. "Magpahinga kana, matutulog na rin ako" anitong tinalikuran na siya pagkatapos.
"F-Fritz, sandali lang" nahinto naman ang mga hakbang ng binata pero hindi siya nito nilingon. "hindi totoong hindi kita nakikita. Magulo lang kasi ang buhay ko ngayon kaya nalilito ako. Pero sana maniwala ka sa sasabihin kong ito. Tuwing tititigan kita ngayon, tapos naiisip ko iyong naging takbo ng buhay ko for the past seven years with him. Itinatanong ko sa sarili ko, what would be my life today kung ikaw ang pinili ko noon?"
"Maiintindihan ko kung magagalit ka, pero iyon ang totoo. I'm sorry kung ginulo ko ang buhay mo, hayaan mo bukas na bukas aalis ako. Pasensya kana talaga" totoo sa loob niyang sambit.
Noon humarap sa kanya ang binata. "I told you, you can stay here for as long as you want. Hindi na tayo mga bata, so please, enough with the drama" seryoso nitong sabi saka na siya iniwan.