GABI nang matapos sila sa pamimili. Nakauwi silang pareho ng pagod, mabuti nalang ipinilit ni Fritz na kumain nalang sila sa labas. Tinawagan kasi ito ni Manang Ruping kanina para magpaalam. Uuwi raw muna ng Maynila ang matanda dahil nagkaroon ng emergency ang pamangkin nitong nanganak na.
"Hi" aniya nang mapagbuksan ang binatang kumatok sa kanyang kwarto. Nakalatag noon sa kama niya ang maraming damit na pinamili ni Fritz para sa kanya.
Nakangiting tumuloy ang binata sa kanyang silid, hawak nito ang isang kopita ng alak. "Pampatulog lang" anito nang makita marahil ang pagsulyap niya doon.
"Of course" aniyang tumawa ng mahina saka kinuha ang isang kulay pulang dress saka iyong ini-hanger. "naririnig ko rin iya kay Jason. Pero madalas iba ang nangyayari kapag naka-inom siya" mapait niya turan.
"Gusto mo bang pag-usapan?" concerned na tanong ng binata.
Umiling siya. "Hindi na, gusto kong kalimutan muna ang lahat ng iyon pansamantala. Habang pinag-iisipan ko ang dapat kong gawin, maybe after a week? Pwede ba iyon?"
Umangat ang makakapal na kilay ng binata. "Oo naman, kung napapansin mo wala si Manang Ruping" makahulugang tukso ni Fritz.
Natawa siya doon. "So gagawin mo akong maid?" biro niya sa binata.
Pumalatak ang binata. "Let's just pretend na ikaw ang reyna ng bahay na ito, habang nandito ka" si Fritz na ngiting-ngiti.
Nag-init ng husto ang mukha niya sa narinig. "M-May pasok ka ba bukas?" pag-iiba niya ng usapan saka ipinagpatuloy ang ginagawa.
"Wala, siguro naman hindi masamang magpahinga. And besides nasa harapan ko na ang pinaka-magandang dahilan para gawin iyon ngayon" nang sulyapan niya ang binata ay noon naman siya buong kapilyuhang kinindatan.
"Sige matulog kana" natatawa niyang taboy sa binata.
Nakangiting humakbang palapit sa kanya si Fritz. "Wala bang goodnight kiss?" ang malambing nitong bulong sa kanya. Napaigtad siya nang maramdaman ang mainit na hininga nito sa kanyang punong tainga.
"F-Fritz" anas niya.
Bago pa man siya nakatanggi ay mabilis nang inangkin ng binata ang mga labi niya. Parang naparalisa ang kabuuan niya sa nangyari. Nabitiwan niya ang hawak na damit saka ikinapit ang dalawang kamay sa magkabilang braso ng binata. Kusa rin niyang ipinikit ang kanyang mga mata nang malasahan ang alak sa bibig ng binata .
Nangungusap ang mga mata ni Fritz na tumitig sa kanya matapos nitong pakawalan ang kanyang mga labi. "Alam ko darating din iyong time na magkakaroon ako ng lakas ng loob na halikan ka kahit wala ang espiritu ng alak" pagkasabi niyon ay muli siyang niyuko sa ka hinalikan ang mga labi. "goodnight" anito pa.
Naiwan siyang matagal na naglaro sa isipan niya ang sinabing iyon ng binata. Pagkuwan ay kinikilig na napangiti. Ibig sabihin hindi parin nawawala ang dating Fritz. Iyong torpeng binatang nagturo sa kanya noon kung papaano magmahal. Oo nga naman, everytime na hahalikan siya nito ay lagi itong nakainom. Nauunawaan niya, at totoong nagdulot ng kakaibang tuwa sa kanya ang inamin nitong iyon.
"GOOD MORNING!" ang masayang bati sa kanya ni Fritz kinabukasan nang malabasan niya ang binata sa kusina.
"Bakit gising kana? Inagahan ko na nga ang gising naunahan mo parin ako?" plano kasi niyang ipagluto ng agahan ang binata pero kabaliktaran ang nangyari.
Nagkibit ng balikat nito ang binata. Hindi niya napigilan ang mapangiti nang mapagmasdan ang ayos nito. May suot itong apron at hawak na siyanse. "Hayaan mo na, bawi ka nalang next time" anitong sinalinan ng kape ang kanyang tasa. "o hayan, kumain na tayo" anitong.
"Ako na"aniya nang umakma si Fritz na lalagyan ng pagkain ang kanyang plato. "may balita ka ba kay Bessy? Pati kay Liam?" tanong niya matapos lagyan ng pagkain ang pinggan ng binata.
Ngumiti ng makahulugan si Fritz. "Gusto mo ba silang makita?"
Nakagat niya ang pang-ibabang labi sa tanong ng binata saka gumanti ng ngiti. "Paano?"
"Welcome naman sila dito sa bahay anytime. For sure matutuwa ang mga iyon kapag nakita ka nila" ani Fritz.
NAGLIWANAG ang mukha ni Julia sa sinabi niyang iyon. At humaplos ang mainit na damdamin sa puso niya nang makita ang magandang ngiti sa labi ng babaeng pinakamamahal niya. "Sige, excited na tuloy ako" anitong nasa tinig ang sinabi.
Ginugol nila ni Julia ang buong araw na iyon ng magkasama. Naligo sila sa pool at gaya ng dati magkasama silang nag-jamming gamit ang kanyang gitara. Siguro kung ibang lalaki lang siya baka mag-take advantage siya sa sitwasyong mayroon sila ni Julia.
Pero mas nananaig parin sa kanya ang respeto para rito. Nasa kanya parin ang pakiramdam na parang nakalutang at kinakabahan kapag kausap niya ito. Pero nawawala ang pakiramdam na iyon at napapalitan ng lakas ng loob kapag nakainom siya. Iyon ang dahilan kung papaanong nagkaroon siya ng lakas ng loob para halikan ito sa nakalipas na gabi. Alam niyang hindi iyon tama, pero sa kabila ng lahat hindi niya iyon pinagsisisihan dahil totoong nanabik siyang mahalikan si Julia.
"Ako nalang ang magluluto ng hapunan natin, anong gusto mo?" tanong ni Julia sa kanya kinahapunan. Nasa veranda sila noon at kasalukuyang pinanonood ang paglubog ng araw.
"Parang mas gusto kong ilabas ka for a dinner date? Sa tingin mo?" tanong niya.
Nakangiting ibinalik ni Julia ang tingin sa papalubog na araw. "Pabor iyon sa'kin kasi ang totoo napagod ako sa paglangoy sa pool kanina."
Tumango-tango siya. " Sige, so thirty minutes?"
Natawa ng malakas si Julia nang makuha ang ibig niyang sabihin. "Dahil ba pinaghintay kita nung una tayong lumabas?"
Humahanga niyang pinagmasdan ang magandang mukha ni Julia. "I told you, para sa'yo willing akong maghintay kahit gaano pa katagal" makahulugan niyang sagot.
Nakita niyang namula ang mukha ni Julia sa sinabi niyang iyon kaya lalo siyang na-amuse rito. Totoong may ilang babaeng nagdaan sa kanya. Pero ang lahat kundi one night stand ay bed partner lang ang naging papel sa buhay niya. Sinadya talaga niyang hindi i-commit ang sarili sa kahit sino. Hindi niya alam kung bakit alam niyang darating ang araw na ito? Ang muling pagkikita nila ni Julia, nangyari nga.
GAYA nga ng sinabi ni Fritz, romantic dinner date. Kaya sa isang romantic na restaurant siya dinala ng binata. Pero nasa pintuan palang sila ng kainan ay namataan na niya ang isang pamilyar na mukha. Dahilan kaya hintakot siyang napakapit sa braso ng kasama.
"S-Si J-Jason!" aniya sa mahinang tinig.
Salubong ang mga kilay na hinanap ni Fritz ang tinutukoy niya. "Sino iyong babaeng kasama niya?" nang halikan sa labi ni Jason ang babaeng kasama nito ay wala sa loob niyang naitakip ang isang kamay sa sariling bibig saka napahikbi.
Hindi na hinayaan ni Fritz na magtagal sila doon dahil mabilis siyang iginiya ng binata palayo sa lugar na iyon. Nasa loob na sila ng sasakyan nang pakawalan niya ang kanina pa kinokontrol na emosyon. Umiiyak niyang isinubsob ang mukha sa sariling mga palad saka doon umiyak ng umiyak.
Ilang sandali pagkatapos ay naramdaman niya ang marahang pagkabig sa kanya ni Fritz saka siya mahigpit na niyakap. Hindi ito nagsalita pero nasa mga haplos nito sa likuran niya ang pagdamay sa sakit na nararamdaman niya nang mga sandaling iyon.
Ang nakita niya ay sapat na para tuluyang tuldukan ang lahat ng mayroon sila ni Jason. Marahil daan lamang iyon para magkaroon siya ng lakas ng loob na gawin ang bagay na sana ay matagal na niyang ginawa.
Minabuti niyang ikwento na rin kay Fritz ang lahat. Kung ano ang naging buhay niya sa piling ni Jason sa loob ng mahabang panahon. At ang totoong pangyayari bago siya pinagmagandahang loob ni Mang Kanor, kaya siya napunta sa poder ng binata.
"Are you sure hindi ka gutom?" nang mailapag ni Fritz sa side table ng kanyang kama ang isang baso ng gatas.
Mula sa pagkakahiga ay bumangon siya saka umiling at nagpilit na ngumiti. "S-Salamat" basag ang tinig niyang sabi.
Mabait ang ngiting pumunit sa mga labi ng binata. "Kahit ano para sayo" anito.
Noon kumawala ang mga luhang kanina pa niya pinipigilan. "R-Really?"
Nagyuko ng ulo nito ang binata saka ginagap ang palad niya. "Listen, ikaw iyong tipo ng babaeng hindi mahirap mahalin. Masarap pangarapin at gugustuhing alagaan ng kahit sinong lalake. Alam ko wala akong karapatan pero kung pwede lang, kung hindi lang kasalanan, kukunin kita sa kanya. Sana naging akin ka nalang, kasi ang totoo inggit na inggit ako sa kanya. Kasi nasa kanya ang puso at buhay ko na hindi naman niya binibigyang halaga. Na sinasaktan lang niya" nakaramdam siya ng awa kay Fritz dahil sa sinabi nito.
"I-I'm sorry kung nagulo ang tahimik mong buhay dahil sa'kin. Pati tuloy ikaw naaapektuhan sa problema ko" paumanhin niya saka tinuyo ang luhaang mukha.
"Ano ka ba, mas mabuti na itong alam ko ang nangyayari sayo. I told you sa umpisa palang, ako parin ito. Kung ano ako nung huli tayong nagkasama, walang nagbago sa akin" giit ng binata.
Suminghot siya. "Ayoko na Fritz, hirap na hirap na ako, gusto ko ng maging masaya" labis na pagkahabag sa sarili ang naramdaman niya kaya muli siyang napahagulhol ng iyak.
Noon siya niyakap ng binata. "Everything will be okay, maniwala ka. Ang lahat ng nangyayaring ito may magandang dahilan, all we have to do is do what is right, para makita ang magandang dahilang iyon" alo ng binata sa kanya.
"Natatakot ako" pag-amin niya.
Tumango ang binata saka hinawakan ang kanyang mukha. "I know, but I'm here" ang dalawang kamay nito sumapo sa kanyang mukha. "Kung kinakailangan kong nakawin ang bawat piraso ng puso mo sa kanya, gagawin ko. Mabuo ka lang ulit."
Sa narinig ay mahigpit niyang muling niyakap ang binata. Hindi naman naging lingid sa kaalaman niyang mahal parin siya ni Fritz. At natutuwa siyang malaman iyon. Pero sa ngayon gusto muna niyang ayusin ang lahat. Para kung sakali, anuman ang kahinatnan ng lahat, makapagsimula siya ng maayos kasama ang binata. Sana.