"I promise you, hindi mo pagsisisihang nagpakasal ka sa akin" matapos isuot ni Jason sa daliri niya ang isang mamahaling engagement ring ay iyon ang ibinulalas nito sa nasisiyahang tinig.
Ngumiti lang siya saka niyuko ang plato. Nasa isang restaurant sila sa Maynila. Tatlong araw narin mula nang maipasok nina Jason at ng ina nitong si Hilda si Melissa sa isang malaki ang world class private hospital.
Nakikita niya sa kislap ng mga mata ni Jason na totoong masaya ito, at hindi maitatangging may pagtingin nga sa kanya ang binata. Sana ganoon rin siya kadaling mahulog rito, sana hindi maging mahirap para sa kanya ang mahalin ito.
"Ang sabi ni Mama sa lalong madaling panahon ipapaasikaso niya ang kasal natin. In three months time you would be my wife" anitong inabot siya saka hinaplos ang kanyang pisngi.
Tumango siya saka nagpilit na ngumiti. "U-Uuwi ako ng Don Arcadio mamaya, ikaw na muna ang bahala kay tita?"
"No worries, besides maayos naman siyang nababantayan ng private nurse na kinuha ni Mama para sa kanya. Bukod pa iyon sa tatlong doctor na tumitingin sa kanya. Kung gusto mo, ipagda-drive nalang kita para di kana mapagod mag-commute?"
Magkakasunod siyang umiling. "Okay lang ako, mga dalawang araw lang naman ako doon. Aayusin ko lang ang ilang kailangan kong asikasuhin sa school tapos luluwas narin ako."
Tumango si Jason saka inabot ang kamay niya at hinalikan. "I love you" madamdamin nitong hayag.
Ngiti lang ang isinagot niya. Sa isip niya, kung ganito ang magiging ugali ni Jason sa paglipas ng panahon, marahil may chance na mahalin niya ito. Hindi nga lang niya tiyak kung kagaya iyon ng nararamdaman niya para kay Fritz.
Isang uri ng pagmamahal na kusang sumibol sa kanyang puso. At ang apoy niyon ay alam niyang hindi kailanman mamatay lumipas man ang mahabang panahon.
SA gate ng university kinabukasan nakita niyang nakatayo si Fritz, at dahil nakatingin ito sa kanya, naisip niyang hinihintay siya ng binata. Agad na natuon sa kamay niyang may suot na singsing ang paningin nito nang makalapit siya. Nakita niyang nagka-ulap ang mga mata ng binata na sinundan pa nito ng pagtaas-baba ng dibdib nito.
"D-Dating gawi?" ang binata sa karaniwan nitong tinig.
Ngumiti siya. "Baka magalit ang girlfriend mo?" aniyang natawa. Masyado niyang na-miss ang binatang ito kaya nag-uumapaw ang saya sa puso niya nang mga sandaling iyon.
"Break na kami eh" anito sa halos pabulong na tinig.
Napalis ang ngiti niya sa narinig. "B-Bakit?"
Malapad ang ngiting sumagot ang binata. "Sumakay kana para malaman mo" saka siya iginiya papalapit sa pinara nitong traysikel.
Naglalakad na sila sa malawak na memorial park ay nanatili paring tahimik si Fritz. Noon niya minabuting magsalita. "Bakit kayo nag-break ni Cristine?" simula niya.
Sa halip na sumagot ay hinawakan lang ni Fritz ang kamay niya saka siya hinila paupo sa isang bench na nadaanan nila. "Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko Fritz" kahit kung tutuusin ay kinukutuban na siya sa posibleng isagot ng binata ay minabuti parin niya ang magtanong.
Noon tila walang anumang pinaglaruan ng binata ang kamay niyang may suot na singsing. "Maganda, bagay sa kamay mo. Pero sa tingin ko mas babagay sa pangalan mo ang apelyido ko, Julia Lerios" pagkatapos ay mataman siyang tinitigan ng binata.
Napasinghap siya kasabay ng masidhing sikdo ng kaba sa kanyang dibdib. Minabuti niyang bawiin ang kamay muli kay Fritz pero lalong humigpit ang pagkakahawak doon ng binata. "M-May kailangan kang malaman" ang binatang hindi bumibitiw sa pagkakatitig sa kanya.
"A-Ano?" kahit alam niyang wala nang pwedeng magpabago sa sitwasyon gusto parin niyang marinig ang kahit anong sasabihin ni Fritz. Hindi na importante sa kanya sakaling multuhin man siya ng mga iyon, ang mahalaga nakinig siya.
"M-Mahal kita" kahit sabihin pang iyon ang mga salitang gustong marinig ni Julia mula kay Fritz ay hindi parin napigilan ng dalaga ang magulat.
Napalunok siya. "K-Kailan pa?"
Nagyuko ng ulo nito si Fritz saka hinalikan ang kamay niyang hawak nito ng mahigpit. Pagkatapos ay tumingin sa kanya, nasa mga mata nito ang magkakahalong emosyon na hindi niya matukoy. "Mahal kita, matagal na. Hindi mo lang ako napapansin kasi madalas sa iba ka nakatingin."
Mabilis na nag-init ang mga mata ni Julia sa rebelasyong iyon. "H-Hindi totoo iyon, nakikita kita. Nararamdaman kita, palagi."
Mapait ang ngiting pumunit sa mga labi ni Fritz. "Bilang kaibigan? Bilang kapatid? O bilang pinsan?" sa huling sinabi ay natawa ng mahina ang binata.
Umiling siya ng magkakasunod. "I-Ikakasal na ako" sa halip ay iyon ang nanulas sa mga labi niya sa kabila ng pagnanais na sabihin mahal rin niya ang binata.
"A-Alam ko" ang maikli at garalgal na tinig ni Fritz. Noon siya tuluyang napaluha, mga luhang mabilis namang tinuyo ng binata. "magkikita pa tayo" ang binata ulit nang magpatuloy siya sa tahimik na pagluha.
Nagtatanong ang mga mata niyang pinakatitigan si Fritz. "K-Kailan?"
Matamis ang ngiting pumunit sa mga labi ni Fritz, pagkatapos ay kinabig siya at mahigpit na niyakap saka hinalikan sa noo. "Magkikita pa tayo.Somewhere, somehow I'm sure ibibigay rin ng tadhana ang panahon para sa'tin. You know my love for you is timeless, kahit lumipas ang maraming taon, kahit magkalayo tayo, hindi iyon magbabago."
Sa narinig ay impit siyang napahagulhol. Nagpatuloy naman ang binata sa lahat ng gusto nitong sabihin. "Noong mga bata pa tayo pakiramdam ko napakalayo mo. Parang hindi kita kayang abutin. Pero siguro dahil sa pagmamahal ko sayo, mas nanaig iyong paniniwala kong pwede mo rin akong mahalin. Na kahit siguro magkahiwalay tayo magkukrus parin ang mga landas natin. The warmth of our love will always lead you back to me. Hihintayin kita kahit gaano katagal, kahit sa kabilang buhay pa, doon kita pakakasalan. At least doon posible ang forever."
Walang naapuhap na anumang salita si Julia sa kabila ng lahat ng narinig niya. Basta nalang siya yumakap ng mahigpit kay Fritz. Alam niyang iyon na ang huling pagkakataong mayroon siya para yakapin ito kaya hindi na siya magpapatumpik-tumpik pa.