PART 5

1421 Words
NAPASIMANGOT si Julia nang mabungaran ang malakas ng buhos ng ulan sa exit ng library. Wala pa naman siyang dalang payong kaya mapipilitan siyang magpatila muna. Ilang sandali narin siyang nakatayo doon nang maramdaman ang pagtabi ng isang bulto sa kanya. Tiningala niya ito at nang makilala ay siya namang bugso ng pinaghalong kaba at tuwa sa kanyang dibdib. "Oh, h-hi!" bati sa kanya ni Fritz nang yukuin siya nito ng tingin. Pakiramdam niya ay bumukas ang langit at nag-awitan ang mga anghel nang ngitian siya ng binata. Hindi tuloy niya napigilan ang sariling ngitian rin ito. "H-Hello" sagot niya. "Wala kang payong? Gusto mong sumabay na sa akin?" ang binatang inilabas ang payong sa loob ng backpack nito. May pagdadalawang isip niyang pinaglipat-lipat ang tingin sa mukha at hawak na payong ng binata. "A-Ano? I-Isasabay mo ako?" Tumawa ng mahina si Fritz. "Yeah, teka anong oras ba ang klase mo? Baka gusto mong magmeryenda muna?" "Actually pauwi na ako" pagsasabi niya ng totoo. Hindi niya maitatangging kahit iyon ang una at pinakamahabang usapang namagitan sa kanila ni Fritz ay parang hindi iyon ang una. At sa kabila ng nangyari sa pagitan nila ilang araw narin ang nakalipas, kumportable siya sa presence nito kahit pa hindi nawawala ang kaba sa kanyang dibdib. Nagliwanag ang gwapong mukha ng binata sa sinabi niya. "Good, so halika na? Sabay narin tayong umuwi. Ang sabi kasi ni Sean eh ikaw raw ang nagbantay sakin sa bahay nung nalasing ako" anitong tuluyan ng ibinukas ang payong. "lika na" noon siya sumukob sa payong ng binata. "lumapit ka pa ng konti dito para di ka mabasa" anito sabay kabig sa kanya kaya lihim siyang napasinghap nang maramdaman ang kamay ng binata sa kanyang braso. "W-Wala iyon," aniya sa kabila ng kabang nararamdaman. Umiling ang binata. "Hindi mo na-enjoy ang reunion dahil sa'kin kaya hayaan mong ilibre nalang kita ngayon, pambawi lang" sabay kibit-balikat ng nakangiti. Hindi na siya umimik sa gustong mangyari ni Fritz. Naging masaya naman siya sa company nito habang kumakain sila. Noon lang niya narealized na mabait pala ito sa kabila ng pagiging maharot noong kabataan nila. At in fairness, talagang napaka-gwapo. Mestisuhin pero may pagka-bumbay ang mga mata. Hanggang sa pag-uwi ay hindi siya hiniwalayan ni Fritz. Hindi niya maitatangging gusto niya iyon at lihim siyang natuwa nang arkilahin pa ng binata ang isang traysikel kaya magkatabi sila sa loob niyon. Hindi naputol ang masaya nilang kwentuhan. Noon niya napag-alamang bukod sa pagkain ng numbers ay gitara ang isa pang hilig ni Fritz. Pangarap nito ang magkaroon ng sariling banda at makatugtog sa stage. "Ako dati gusto kong matutong mag-gitara, kaya lang walang marunong sa amin eh" pagsasabi niya ng totoo. Ngumiti ang binata. "Iyon lang ba? Gusto mo turuan kita?" Napalabi siya. "Seryoso ka?" hindi makapaniwala niyang tanong. Umangat ang makakapal na kilay ng binata. "Mukha ba akong nagbibiro?" Nagkibit siya ng balikat saka umiwas ng tingin. "To tell you the truth parang hindi ikaw iyong Fritz na nakilala ko noon" amin niya saka nilinga ang binatang nakatitig pala sa kanya kaya muli siyang nagbawi ng tingin. "Alin iyon nagsulat ng HOY SIPON sa desk mo?" aliw na aliw na tanong ng binata na sinundan pa ng malakas na tawa ang sinabi. "Tumigil ka" aniyang hinampas ng mahina ang braso ng binata. "Ang totoo iyon ang trademark mo sa akin alam mo ba? Sipon?" anitong tumawa ulit. Parang nahawa sa nakikitang katuwaan ng binata ay natawa narin siya. "Eh ikaw, bonsai! Siguro wala kang ginawa kundi tumalon ng tumalon every New Year kaya ka tumangkad ano?" "Oy hindi ah! Nag-start akong tumaas nung..." anitong inginuso ang bagay sa pagitan ng mga hita nito. Humagalpak siya ng tawa nang makuha ang ibig nitong sabihin. "Bastos!" aniyang nagpahid ng mga luha pagkuwan. Natigilan nalang siya nang mapunang titig na titig sa kanya si Fritz. "Noon pakiramdam ko napakalayo mo, pero ngayon heto kana tumatawa dahil sa mga jokes ko. Hindi ako makapaniwala, nananaginip lang ba ako? Pakisampal nga ako" ang binatang inilapit pa sa kanya ang sariling mukha. Natatawa siyang napailing. "Corny, hindi bagay sayo" biro niya. Pumalatak ang binata saka pagkatapos ay inilahad ang kamay sa kanya. "Gusto ko lang gawin official, ano sa tingin mo? Friends?" Nakagat niya ang pang-ibabang labi sa ginawing iyon ng binata. "Basta ba hindi na mo ako tatawaging sipon, walang problema" aniyang tinanggap ang pakikipag-kamay ng binata. Napasinghap siya nang itaas iyon ni Fritz para halikan. "Oo naman, sipon"buska nito. Umikot ang mga mata niya. "Bonsai!" ganti naman niya kaya tumawa ang binata. "paano, tuturuan mo akong mag-gitara?" Tumango si Fritz. "Sure, start tayo sa Saturday? Saan tayo?" Sandali siyang nag-isip. "Sa sementeryo?" "Ano? Bakit naman dun?" gulat na tanong ni Fritz kaya hindi niya napigilan ang matawa sa naging reaksyon nito. "Tahimik dun at saka memorial park naman siya eh, hindi nakakatakot" paliwanag niya. Bumuntong-hininga ang binata. "O sige, kung iyon ang gusto mo. Basta huwag mo akong sisisihin kapag bumangon ang mga patay!" Umiling siya bilang tugon. Sa puso niya, hindi maunawaan kung bakit kay daling tila nahuli ng binata ang loob niya. Well, kailangan niyang amining crush niya ang binata. Iyon lang ang nakikita niyang dahilan, walang ng iba pa. "BAKIT ang aga mo yatang nagising ngayon?" nang datnan siya ng tiyahin niyang nagkakape na umaga ng Sabado sa kusina. "Aalis kasi ako mamaya Tita, tuturuan akong mag-gitara ni Fritz" walang-gatol niyang sagot saka tumayo para ipagtimpla ng kape si Melissa. "Iyon bang anak ni Amado Lerios?" Tumango siya saka inilapag sa harapan ng tiyahin ang tasa ng kape. "Opo tita, kaklase ko nung elementary. Huwag kang mag-alala tita, mabait si Fritz" aniya nang mabanaag ang pag-aalala sa mukha ng tiyahin. "May sasabihin ako sa'yo pero sana atin nalang ito" si Melissa na tumingin ng tuwid sa kanyang mga mata. Nagsalubong ang mga kilay niya. "A-Ano ho iyon?" Huminga muna ng malalim si Melissa bago nagsalita. "Iyong tiyuhin ni Fritz, si Gardo, pinagtanggakan niyang gahasain noon ang nanay mo." Gulat niyang tinitigan ang tiyahin. "A-Ano ho?" Tumango si Melissa. "Siguro dahil nga sa klase ng trabaho ng nanay mo inisip niyang bibigay ito sa kanya. Pero hangga't maari iniiwasan ng ni Marissa ang magkaroon ng customer na ka-baryo niya. Matagal ng may gusto sa kanya si Gardo. Mga bata palang sila, magkaklase kasi sila sa elementary. Pero hindi inisip ng nanay mong seseryosohin siya ng kahit sinong taga-rito satin, bukod pa roon nararamdaman naman niyang hindi malinis ang hangarin ni Gardo. At dahil nga hindi siya makuha ni Gardo sa santong dasalan, pinuntahan siya nito sa club sa bayan kung saan siya nagtatrabaho. Pero tinanggihan siya ng nanay mo, napahiya ito at nagalit. Ang sumunod na nangyari ang pagtatangka na ni Gardo sa nanay mo nang minsang pauwi ito" kwento ni Melissa. Nang hindi siya magsalita ay nagpatuloy ito. "Hinarang ni Gardo at ng dalawa pang kaibigan nito ang traysikel na sinasakyan ng inay mo. Sapilitan nilang pinababa ang driver at saka itinakbo ang sasakyan kasama ang iyong inay. Ang isip ni Gardo kapag nakuha nito ang nanay mo ay mapipilitan itong magpakasal dito pero mabilis na nakahingi ng tulong ang driver. Kaya nahuli si Gardo at ang mga kasama nito bago pa man nito nagawa ang gusto sa nanay mo sa isang abandonadong bahay, nadaraanan mo ang bahay na iyon patungong bayan" anitong inubos ang laman ng tasa. Kinilabutan siyang napatitig sa tiyahin dahil sa narinig. "K-Kaya ho ba nakulong si Mang Gardo?" Tumango ang tiyahin niya. "Kaya kung alam mo ang gusto kong sabihin, lalayuan mo ang Fritz na iyon ngayon palang" nasa tono ni Melissa ang babala. Napalunok siya saka mabilis na naglaho ang excitement na nadarama. Ganoon ba iyon? Tama bang madamay si Fritz? Nang maalala ang ginawang paghalik sa kanya ng binata noong isang gabi ay saka siya napa-isip. Ayaw niyang isiping gaya ng tiyuhin nito si Fritz dahil unang-una lasing ang binata nang mangyari iyon. "M-Mukha naman pong harmless si Fritz, tita" aniya. Tumawa ng pagak ang tiyahin niya. "Ayokong may masabing hindi maganda ang ibang tao sa'yo lalo't malapit na ang pagdating ng Tita Hilda mo. Hindi maganda iyong lumalapit ka sa ibang lalaki na hindi mo naman kamag-anak, layuan mo ang lalaking iyan kung ayaw mong magalit ako sa'yo" may pinalidad sa tinig ni Melissa na noon ay lumabas na ng kusina. Malungkot siyang nagbuntong-hininga. Hindi pa man ay kailangan na niyang putulin ang pakikipag-kaibigan kay Fritz. Naiintindihan naman niya ang tiyahin niya at higit kanino man alam niyang ito ang dapat niyang sundin at paniwalaan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD