Present Day...
"PASENSYA kana naistorbo ka pa sa pag-aayos mo ng bahay, hayaan mo tutulungan kita bukas" nahihiya niyang sabi kay Fritz nang samahan siya ng binata sa magiging kwarto niya.
Nginitian siya ng binata. "Okay lang, masaya nga ako kasi nandito ka" nag-init ang pisngi niya sa sinabing iyon ni Fritz.
Nakita niyang nanatiling nakatitig sa mukha niya ang binata ng nakangiti. Nasa mga mata nito ang kakaibang mga kislap kaya umiwas siya ng tingin. "The last time na may nakita akong babaeng nagba-blush dahil sa sinabi ko eh, college days pa. Hulaan mo kung sino?" pabiro nanamang banat ng binata.
Umikot ang mga mata niya saka naupo sa gilid ng kama. "Hindi ka parin nagbabago" nailing niyang turan.
Noon nagseryoso ang mukha ng binata. Kasabay niyon ang tila mabilis na pagbabago ng hangin sa loob ng silid. "Tama ka, ako parin ito. Iyong Fritz na nakilala mo noon, kung ano ako noong huli tayong nagkita, nung huli kitang nayakap. Walang nagbago sa akin, if you know what I mean."
"I-I'm sorry F-Fritz, masama pa kasi ang pakiramdam ko" inisip niyang idahilan para lang makaiwas sa mga susunod pang gustong sabihin ng binata.
Nakakaunawang ngumiti ito sa kanya. "Sorry, na-miss lang kasi kita. Sige magpahinga kana, and by the way" nang nasa may pintuan na ito. "make yourself at home" pagkatapos ay lumabas na ito ng silid.
Nang mapag-isa ay inayos ni Julia ang pagkakahiga saka sinulyapan ang suot na relo. Malalim na pala ang gabi. Kung ano ang naghihintay sa kinabukasan, ayaw na muna niyang alalahanin. Literal na pagod siya at masakit parin ang sugat sa kanyang noo. Pinigil niya ang mapaluha nang maalala ang sinapit na kalupitan sa asawa, na naging tulay naman kaya siya narito ngayon.
Napangiti siya nang maisip si Fritz, ang naging reaksyon nito kanina nang makita siya ay nagpapataba ng puso niya. Pakiramdam niya nakapulupot parin sa kanya ang malalaking braso ng binata. Noon niya walang anuman na niyakap ang isa pang malambot na unan. Ang nararamdaman niya ngayon ay parang naramdaman na niya noon.
Three Years Before; College Days:
SUMILIP si Julia sa labas ng bintana nang makarinig ng ugong ng traysikel na huminto sa tapat ng bahay nila. Dahil sa liwanag ng buwan ay nakilala niya ang nakaupo sa harapan ng manibela, ang pinsan niyang si Liam. Malamang sinusundo na siya nito. Iyon ang gabi ng kanilang Batch Reunion noong elementary. Nagpapasalamat siya't sinundo siya ni Liam dahil kung hindi baka hindi siya makapunta sa pagtitipon.
"Tita mauuna na po ako" paalam niya nang malabasan ang tiyahin na kasalukuyang nanonood ng TV sa sala.
"Sinong kasama mo?"
Sasagot sana siya pero noon naman niya narinig ang magkakasunod na katok sa pinto. "Liam!" bungad niyang bati sa pinsan saka nilakihan ang bukas ng pinto.
"Ahhh si Liam naman pala, siya sige mag-iingat kayo at huwag magpapagabi ng husto" pagtataboy nito sa kanya pagkuwan.
Tumango lang siya saka na sila lumabas. Impit siyang napatili dahil sa pagkabigla nang makita ang nakaupong bulto sa loob ng traysikel. "Susmaryosep! Bakit naman hindi mo sinabi sa'kin na nandito pala sa loob si Fritz!" sermon niya sa pinsan niyang tawa naman ng tawa.
Kaklase rin niya noong elementary si Fritz. Malapit itong kaibigan ni Liam na second cousin naman niya. Pero gayun pa man, hindi sila close ng dating kaklase. May pagka-maharot kasi ito noon kaya hindi niya gusto ang ugali at hindi niya kinakausap. Anyway, ganoon rin naman si Fritz sa kanya, hindi siya iniimik. Kaklase niya sa Logic ang kapatid nitong si Sean na kabaligtaran naman nito dahil palakwento iyon habang si Fritz ay tahimik.
"Nakatulog na sa kalasingan, teka gigisingin ko" si Liam nang huminto sa pagtawa. "Fritz, pare gising!" saka niyugyog ang balikat ng tulog na binata.
"Huwag na! Hayaan mo na siya" saway niya pagkuwan saka na sumakay ng traysikel at naupo sa tabi ni Fritz. "kawawa naman, idaan na natin sa kanila" suhestiyon niya.
"Walang tao sa kanila, kanino mo iiwan?" si Liam na binuhay ang traysikel.
Matagal bago siya nakasagot. "Eh, di, ikaw! Dalawa tayo! Samahan natin siya!"
Pumalatak si Liam. "Hindi pwede, naiwan doon si Kaye, magagalit iyon sakin" ang tinutukoy ng binata ay ang nobya nitong kaklase rin nila noon elementary.
Napasimangot siya saka napaigtad nang maramdaman ang biglaang payupyop sa balikat niya ng ulo ni Fritz. Halatang marami nga itong nainom, kawawa naman kung iiwan niya kaya wala siyang choice kundi samahan ito.
"O-O s-sige na nga, sasamahan ko siya, pero babalikan mo ako ah?" paniniyak niya.
Tumango si Liam. "Oo, ako ang maghahatid sayo pauwi" anito.
"Anong gagawin ko?" tanong niya nang maihiga na nila si Fritz sa mahabang sofa.
"Sandali lang" ani Liam na tinungo ang kusina. Nagbalik ito dala ang isang planggana at bimpo. "punasan mo siya para guminhawa ang pakiramdam niya" anito.
Nanlaki ang mga mata niya sa narinig. "Ano? Ayoko nga! Lalaki iyan!" tanggi niya.
"Shhh! Magigising ang lakas ng boses mo!" pabulong na suway ng pinsan niya sa kanya. "Dali na, wala namang tao. Sandali lang naman, tapos uupo ka nalang. Hintayin mo ako, itetext ko na agad iyong kapatid niya para nandito na pagbalik ko" bilin ni Liam bago siya iniwan.
Nagbuntong hininga siya saka ito pinagmasdan. Napasimangot siya nang maalala ang isinulat nito noon sa desk niya saka napangiti nang sa kalaunan ay magbalik sa kanyang gunita ang tungkol sa pagiging magka-Valentino nila noong grade five sila.
In fairness ang laki ng itinaas mo, ako na ang bansot ngayon. At ang gwapo mo pa, as in maputi, maganda ang buhok, perfect combination ang mga mata, lashes at brows.Matangos ang ilong at mapula ang labi.
Sa huling naisip ay ipinilig niyang agad ang kanyang ulo saka na nagmamadaling kumilos. Tumalungko siya sa harapan ng binata saka sinimulang punasan ang mukha nito. Pagkatapos ang mga braso. Itinaas niya ang kulay puting shirt nito at isinunod naman niya ang katawan nito. Nagbigla pa siyang nabitiwan ang hawak na bimpo nang biglang gumalaw ang binata.
"Lia" anitong sa kanya saka ikinawit ang isang kamay sa kanyang leeg.
Napamulagat si Julia saka hindi makakilos. Nanlaki ang kanyang mga mata sa sumunod na nangyari. Hindi niya napaghanda ang pananalakay na iyon kaya parang naparalisa ang katawan niya nang angkining bigla ni Fritz ang kanyang mga labi.
Iyon ang kanyang first kiss, gustuhin man niyang magalit pero may bahagi ng puso niya ang tumatanggi dahil ang totoo nagustuhan niya ang halik na iyon. Kahit pa nalasahan niya ang alak sa mga labi ng binata ay kusa parin niyang ipinikit ang kanyang mga mata saka hinayaan ang binata sa masuyong paghalik sa kanya na nagtagal ng ilang sandali.
"I love you" anito nang pakawalan ang mga labi niya at muli ay nagbalik sa mahimbing na pagkakatulog.
Parang wala sa sarili niyang pinakatitigan ang mukha ng dating kaklase. Parang hindi siya makapaniwalang ito ang lalaking unang nakahalik sa kanya. Paano naman kasi wala siyang natatandaang pagkakataong kinausap siya nito.Tapos ngayon bigla ganito? May bonus pang three magic words?
Lasing siya Julia, iyon ang isipin mo para hindi ka maguluhan. Sermon niya sa sarili.
Minabuti niyang maupo nalang sa katapat na single sofa ng okupado ni Fritz. Ilang sandali pa narinig na niya ang pagtigil ng traysikel sa tapat. Kapatid ni Fritz, si Sean.
"I'm sorry, na-miss mo ang fun sa reunion ninyo" paumanhin nito sa kanya.
"Okay lang, patapos narin naman na iyon. O sige, heto na pala si Liam, ikaw na ang bahala sa kuya mo" nagmamadali niyang paalam saka na lumabas ng bahay. Ang tanging dalangin niya, sana nga hindi tanda ni Fritz ang lahat ng nangyari dahil kapag nagkataon, wala siyang mukhang maihaharap rito.
"OMG!!! Seriously?" ang hindi makapaniwalang tanong sa kanya ni Bessy kinabukasan ng hapon nang puntahan siya nito sa kanila.
Pinandilatan niya ng mata ang kaibigang bahagyang nagtaas ng tinig. "Huwag kang maingay!"
Nanunuksong dinampot ni Bessy ang baso nito ng juice. Nasa likod-bahay sila noon sa ilalim ng punong mangga. "Tapos sinabihan ka pa ng I love you? Baka naman matagal na siyang may gusto sa'yo?"
Pinigil niya ang mapangiti at nagtagumpay naman siya. "Ows?" taas-kilay niyang tanong.
Tumango-tango si Bessy. "Anyway, curious lang ako, anong naramdaman mo? Masarap ba ang first kiss?" ang kinikilig na pag-iiba ni Bessy ng usapan.
Hindi niya napigilan ang pamulahan sa tanong ng kaibigan lalo nang maalala kung ano ba talaga ang naramdaman niya kagabi nang halikan siya si Fritz."Ano?" tila may pagkainip pang ulit ni Bessy.
"O-Okay lang" aniyang nagkibit ng balikat kahit ang totoo ay nararamdaman na niya ang unti-unting paggapang ng masarap na kilabot sa kanyang katawan.
Inirapan siya ni Bessy." Iyong totoo!" anito sa di-kumbinsidong tinig.
"Kung gusto mong malaman e di magpahalik ka rin!"ang tumatawa niyang sagot.
Umiling-iling ang kaibigan niya saka natatawang tumayo. "Kung ako ang tatanungin mo bagay kayo ni Fritz, maganda ka, gwapo siya. Perfect combination! Sige na mauna na ako, sa kanya ko nalang itatanong iyong tanong na ayaw mong sagutin!" tukso pa nito.
"Heh! Gawin mo iyan sige di na kita kakausapin!" aniyang sa papalayong si Bessy na malakas na tawa lang ang isinagot sa kanya.
Nang maiwang mag-isa ay saka tila sirang plakang nagpaulit-ulit sa pandinig niya ang tanong na iyon ng kaibigan. Ano nga bang naramdaman niya? Ang totoo nawala siya sa sarili niya, at nakuryente in a nice way. At sinungaling siya kung hindi niya aamining nabitin at nangungulila siya sa halik na iyon ng binata. At gusto niyang maulit iyon. Kaya lang kapag naiisip niyang wala sa tama niyang katinuan si Fritz nang gawin iyon, bakit parang gusto niyang masaktan? Apektado siya? Bakit? Noon siya naguluhan.