Chapter 5 - Somebody To Protect Me

2413 Words
PUPUNGAS-PUNGAS si Kaye nang magising siya ng umagang iyon. Natulog siyang mag-isa kagabi at nagising din na mag-isa pa rin sa kama. Nang mapatingin siya sa wall clock na naroon sa dingding ay alas-sais pa lang ng umaga. Wow! Halos kalahating araw pala siyang nakatulog. Sa pagkakatanda niya ay pasado alas-sais lang ng gabi noong makatulog siya. Pero bakit nawawala si Raizer? Hindi ba ito umuwi kagabi? O maaga lang itong nagising? Nang mapatingin siya sa bahagi ng kamang dapat ay hinigaan ni Raizer ay napansin niyang ni hindi ito nagusot man lang. Ibig sabihin, baka nga hindi natulog sa tabi niya ang asawa. Napabuga siya ng hangin. Well, hindi na siya dapat magtaka pa dahil wala namang amor ang asawa niya sa kanya. Hindi pa man sila nagkikita noon ay may plano na itong paatrasin siya sa kasal nila. So, wala ng bago kung ganito man ang mangyayari sa kanila. Patamad na bumangon siya at nagtungo sa banyo. Pagkatapos maligo at makapagbihis ay lumabas siya ng kuwarto. Naabutan niya si Raizer na nasa harap ng study table malapit sa sitting area. Busy ito sa harap ng laptop. Ilang sandaling nakatitig lang siya rito. Napansin niya medyo basa pa ang buhok nito. Iba na rin ang suot nito kumpara kahapon. Nakasuot ito ng long sleeve na polo na naka-tuck in sa itim nitong slacks. Ngunit nang mapatingin siya sa may paa nito ay napaismid siya. Nakasuot ito ng itim na medyas at house slippers. Napaka-workaholic naman nito. Dapat sana ay nagpapahinga ito dahil katatapos lang ng kasal nila. Kaya nga kahit siya ay nag-leave ng isang linggo sa opisina para lang sa kasalang ito. May apat na araw pa silang mananatili sa resort dahil iyon ang sabi ng biyenan niya. Pero mukhang walang balak magpahinga ang lalaking ito. Biglang napalingon sa kanya si Raizer. Sa pagkabigla ay hindi siya nakaimik. Huling-huli siya ng asawa na nakatitig dito. Napakunot ang noo nito saka muling ibinalik ang atensyon sa laptop nito. “Hi! Good morning!” bati ni Kaye nang makabawi sa pagkabigla. Hindi siya pinansin ni Raizer. Nakatitig pa rin ito sa laptop nito. “Tumawag si Mama kanina. She is inviting us for breakfast at seven o ‘clock,” parang walang anumang sabi nito ng hindi tumitingin sa kanya. “Okay,” wika ni Kaye. Napatingin siya sa suot na relo. Six-thirty pa lang ng umaga. Naglakad siya patungo sa sofa. Umupo siya roon at kumuha ng magazine na nasa ilalim ng center table. Nahahalata niyang ayaw siyang harapin at kausapin ng asawa niya kaya dito na lang niya uubusin ang oras habang naghihintay. Ngunit lalo niyang naramdaman ang pagkalam ng kanyang sikmura nang mapatingin sa mga pagkain mula sa magazine na binubuklat niya. Dapat pala hindi food magazine ang pinili niyang damputin. Kaya naman ibinaba niya ang hawak na magazine at kumuha ng iba. Home magazine ang pinili niya. Wiling-wili siya sa pagtingin sa mga disenyo ng mga gamit sa loob ng bahay kaya hindi niya namalayan ang oras. Nagulat na lang siya ng may tumikhim sa harapan niya. Nang mag-angat siya ng tingin ay seryosong mukha ni Raizer ang bumungad sa kanya. “It’s time. We should go,” walang kangiti-ngiting sabi nito. Tumango si Kaye at ibinalik ang magazine sa ilalim ng center table. Pagtayo niya ay para siyang nalula. Ang hirap pala ng maging maliit. Flat sandals ang suot niya kaya halos hanggang dibdib lang siya ni Raizer. Kinakailangan pa niyang tumingala para lang makita ang mukha nito. “I keep my part of the bargain. So, you should do your part as well,” makahulugang sabi ni Raizer. Tumaas ang kilay ni Kaye. Hindi agad nag-sink in sa utak niya ang sinasabi ng asawa. Nauna nang lumabas si Raizer kaya sumunod na lang siya rito. Pero hanggang makalabas sila ng penthouse at makapasok sila sa elevator ay hindi pa rin niya maisip kung ano ang ibig sabihin ng sinabi nito sa kanya. Hindi sinasadyang napayuko siya at napatingin sa sahig habang nag-iisip. Noon niya napansin ang paa ng asawa. Nakasuot na pala ito ng black leather shoes at hindi katulad kanina na nakamedyas lang at slippers. Palihim niyang pinasadahan ng tingin ang kabuuan ng asawa. Wala man ito sa opisina ay napak-formal pa rin nitong manumit. Nakaramdam tuloy siya ng hiya para sa sarili. Simpleng white dress lang ang suot niya. Sabrina neckline at may three fourth sleeves ito. Tinernuhan lang niya ng flat nude sandals. “Will you stop staring at me? Naiirita ako,” singhal ni Raizer nang lumingon sa kanya. Oops! Nahuli pala siya nitong nakatitig. Nahihiyang umiwas siya ng tingin. “Nagtataka lang naman ako kung bakit ganyan ang suot mo samantalang wala ka naman sa opisina,” hindi niya mapigilang itanong dito nang muli itong lingunin. “This is the way I dress. Kaya wala kang pakialam,” mahinahon ngunit may diing sabi nito. Hindi na umimik si Kaye. Baka kung saan pa mapunta ang usapan nila. Mukhang hindi maganda ang umaga ng lalaking ito. Hindi ba ito nakatulog kagabi? O baka naman hinahanap nito ang kandungan ng babae nito kaya masama ang gising ngayong umaga? What the f! Kung ano-ano na naman ang nasa isip mo, Kaye! Baka naman nagseselos ka lang kaya ganyan ang nasa utak mo. Malay mo naman baka may ibang dahilan kung bakit mainit ang ulo niyan! Nang bumukas ang elevator ay nauna na siyang lumabas. Ngunit hindi pa man siya nakalalayo sa elevator ay naramdaman niya ang mahigpit na hawak ni Raizer sa braso niya. Napilitan tuloy siyang huminto sa paglalakad. Agad siyang napatingala sa asawa niya. “Keep your mouth shut! Hindi mo magugustuhan kapag ako ang nagalit.” Halos umapoy ang mga nito sa pagbabanta. Nakagat ni Kaye ang ibabang labi. Napatingin siya sa kamay ni Raizer na mahigpit na nakahawak sa braso niya. Nasasaktan siya sa ginawa nito pero ayaw niyang dumaing. Pinanatili niyang walang ekspresyon ang mukha niya. Bigla siyang binitiwan ni Raizer. Marahil hindi nito inaasahan na ganoon ang magiging reaksiyon niya. Walang imik ito na iniwan siya. Samantalang siya’y napahaplos na lang sa kanyang braso. Sa higpit ng pagkakahawak nito sa kanya ay namula ito. Ngunit dahil kayumanggi siya kaya hindi halata ang pamumula nito. Kung nagkataong maputi siya tulad ni Vivienne, baka may naiwang marka roon. Nang makarating sila sa restaurant ay napansin niyang huminto sa may entrance si Raizer na nauunang naglalakad kaysa sa kanya. Nang makalapit siya rito ay bigla na lang siya nitong hinawakan sa kamay. Gulat na napatingin siya rito. Ngunit hindi naman tumitingin sa kanya si Raizer. Tuloy-tuloy lang ito sa pagpasok sa loob ng restaurant habang nakahawak sa kamay niya. Balak sana niya hilahin ang kamay mula rito ngunit nagbago ang isip niya nang makita ang biyenan na nakaupo sa mesa na malapit sa entrance. Nakangiti ito habang nakatitig sa kanila. Ayaw niyang bigyan ng masamang impresyon ang matandang babae. Kaya hinayaan na lang niya na akayin siya ng asawa papunta sa mesa ng ina nito. “Good morning po!” nakangiting wika niya nang makalapit sa matanda. Nakipag-beso siya rito. Bumati rin si Raizer saka humalik sa ina nito. “Good morning sa inyong dalawa,” malapad ang ngiting tugon ng ginang. Akmang hihilahin ni Kaye ang upuan sa tapat ng ginang ngunit naunahan siya ni Raizer. Ito ang humila ng upuan para sa kanya. Nginitian lang niya ito bilang pasasalamat. “Nag-order na ako ng makakain natin. Kaya maghintay na lang tayo na isi-serve nila,” anunsiyo ng ginang.   Tahimik namang tumango si Raizer samantalang si Kaye ay ngumiti lang sa biyenan niya. “So, how was your first night together?” biglang tanong ng matandang babae. Nagkatinginan sina Raizer at Kaye. Pareho silang natahimik. Walang gustong sumagot. “Oh! May mali ba sa tanong ko? O baka naman hindi ko na dapat pang itanong ang bagay na iyon?” nakangising sambit ng ginang. Binasa ni Kaye ang bibig niya. Pakiramdam niya ay tuyong-tuyo ang kanyang lalamunan. Kaya hindi niya magawang magsalita. “Ma, you don’t need to ask those questions. What happened last night is just between the two of us. Hindi na ninyo kailangang alamin pa,” seryosong sabi ni Raizer. Tumatango naman ang ginang. “I’m just curious, you know. May narinig kasi akong balita kagabi,” pasimpleng sagot nito. Muli na namang nagkatinginan sina Raizer at Kaye. “Ma, nakikinig ka na naman sa mga tsismis. Alam mo naman ang mga empleyado dito na minsan makakati ang mga dila. Mahilig gumawa ng mga kuwento,” depensa ni Raizer. Napatingin lang si Kaye sa asawa. Kinakabahan siya sa sinabi ng ginang dahil parang may idea na siya kung ano ang tinutukoy nito. Tama nga naman ang kasabihang, May pakpak ang balita, may tainga ang lupa. Kahit yata hindi siya nagsalita o nagkuwento tungkol dito ay may nakapagsabi pa rin pala sa ginang ng tungkol dito. “Really? Gawa-gawa lang ba ang nasagap kong tsismis kagabi? Ang sabi nila ay nandito raw kahapon si Anna Galozo. Magkasama raw kayo, Raizer,” dire-diretsong sabi ng ginang. Biglang natahimik si Raizer. Umiwas ito ng tingin sa ina. Itinuon naman ni Kaye ang tingin sa centerpiece na naroon sa mesa nila. “Nakita mo rin silang dalawa, Kaye, hindi ba?” Biglang nag-angat ng tingin si Kaye. Pakiramdam niya ay matutunaw siya sa paraan ng pagtitig sa kanya ng biyenan. Tuloy napalunok siya ng wala sa oras. “Baka hindi ka nagsumbong sa akin, iha? Bakit mo hinahayaang lokohin ka ng anak ko ng harap-harapan? Hindi ba’t sinabihan na kita na kung anuman ang kasalanan o gagawing mali sa iyo ng anak ko ay sabihin mo sa akin? Bakit nanahimik? Bakit hindi ka nagsalita?” Natigalgal si Kaye. Hindi niya malaman kung ano ang isasagot sa mga sunod-sunod na tanong ng ginang. Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa mag-ina. Napansin niyang nakatiim ang bagang ng asawa niya habang nakatingin sa mesa. Samantalang ang ginang ay seryosong-seryoso ang mukha. Hindi maipinta ng kahit sinong pinakamagaling na pintor ang mukha nito. Magsasalita pa sana ang ginang ngunit lumapit na ang waiter. Isa-isa nitong ibinaba sa mesa ang pagkain na laman ng trolley. “Let’s eat. Then we’ll talk later,” wika ng ginang sa matigas na tono. Tahimik naman silang kumain. Nakatutok lang ang mga mata ni Kaye sa pagkain. Iniiwasan niyang mapasulyap sa asawa niya na nakaupo sa kanyang tabi. Maging ang ginang na nasa harap niya ay iniiwasan niyang masalubong ang mga titig nito. Pakiramdam niya’y mapapaso siya sa mga titig ng mga ito. Naging napakabagal ng oras para kay Kaye. Kung maaari lang niyang hilahin ang kamay ng orasan ay ginawa na niya sana. Pati na ang pagkain na isinusubo niya ay halos hindi niya malunok. Abot-abot ang kaba na nararamdaman niya sa kanyang dibdib. Pakiwari niya ay naiipit siya sa dalawang malakas at magkaibang puwersa. Kapag hindi siya nag-ingat ay baka matangay ang kanyang pagkatao sa malayo at kakaibang mundo na ginagalawan ng mag-ina. Nang matapos silang kumain ay naunang tumayo ang ginang. “Sa penthouse tayo,’ anunsiyo nito at nauna nang naglakad palabas. Agad naman siyang hinila sa kamay ni Raizer saka mabilis na sinundan ang ina nito. Naabutan nila ang ginang sa tapat ng elevator. Nang bumukas ang elevator ay naunang pumasok ang biyenan niya. Sumunod naman siya saka si Raizer. Habang nasa loob sila ay walang umiimik. Lalo tuloy kinabahan si Kaye. Nararamdaman niyang tumitindi ang tensiyon sa pagitan ng mag-ina. Nang huminto ang elevator ay naunang lumabas ang ginang. Agad naman itong sinundan ni Kaye. Ngunit naunahan sila ni Raizer na makarating sa harap ng penthouse at binuksan ito agad gamit ang key card. Pagpasok pa lang nila sa loob ay lumagapak ang malutong na sampal sa mukha ni Raizer. Sa gulat ay hindi agad nakapag-react si Kaye. Naaawang napatingin siya sa asawa na nakahawak sa pisngi nitong sinampal ng sariling ina. Nang mapatingin naman siya sa kanyang biyenan ay nanlilisik ang mga mata nito. Kung apoy lang ang lumalabas sa mata ng ginang malamang kanina pa naging abo ang asawa niya. “Ma,” pigil niya sa matandang babae nang mapansin niyang umangat na naman ang kamay nito. “Pag-usapan po natin ito nang maayos,” pakiusap niya rito. Napatingin sa kanya ang ginang. “I can’t believe this. I just can’t believe this,” umiiling nitong sabi nang ibaba nito ang kamay. Pagkatapos ay hinarap nito ang anak. “Since when did you become disrespectful to women, Raizer? Hindi ko kayo pinalaki ng mga kapatid mo para manakit ng babae, pisikal man o sa ibang paraan. Hindi porke’t magagandang lalaki kayo, malalakas, at maimpluwensiya, may karapatan na kayong bastusin ang sinumang babae. For goodness’ sake, kailan ka pa naging bastos, ha?” “Ma,” muling pigil ni Kaye sa biyenan nito. Nag-aalala kasi siyang baka atakehin ito sa puso dahil sa tindi ng galit na nararamdaman nito sa anak. Binalingan siya ng matandang babae. “Let me finish this one, Kaye. After this, ikaw naman ang kakausapin ko. May kasalanan ka rin dito.” Muling ibinalik ng biyenan niya ang atensiyon nito kay Raizer na nananatiling tahimik. “Why don’t you answer me, Raizer?” untag nito sa anak. Tumikhim lang ang asawa niya ngunit hindi ito umimik. Nakayuko lang ito. “Bakit kailangan mong dalhin dito ang babaeng iyon, sa araw pa mismo ng kasal mo? Ni hindi ka man lang ba nahiya sa ginawa mo? Wala ka na bang natitirang respeto? Kung hindi mo kayang irespeto ang asawa mo, sana inisip mo na lang ako. Hindi man lang ba sumagi sa isip mo kung ano ang mararamdaman ko sa pagdating ng babaeng iyon dito? Ganyan ba ang natutuhan mo sa babaeng iyon, ha? Napakawalang kuwenta niyang tao!” nagpupuyos sa galit na wika ng ginang. Hindi pa rin umiimik ang asawa niya. Kaya lalong kinabahan si Kaye. “Ayoko ng maulit pa ito. Sa susunod na mangyari pa ito, sisiguraduhin ko sa iyong ipakakaladkad ko ang babaeng iyon palabas ng resort!” singhal ng ginang. Napangiwi si Kaye sa narinig. “At ikaw naman, iha. Makinig ka sa sasabihin ko,” ani ng biyenan niya nang bumaling sa kanya. “Huwag kang pumayag na niloloko ka ng anak ko. Kung hindi mo kayang ipagtanggol ang sarili mo, sabihin mo sa akin at ako ang kakastigo sa kanya. Know your place in his life. Learn to assert your own rights,” seryosong sabi nito. Nakagat na lang ni Kaye ang ibabang labi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD