Chapter 4 - The Start Of A Misery

2130 Words
HINDI matagalan ni Kaye ang eksenang nakita niya kaya nagmamadaling lumapit siya sa dalawa. Dalawang hakbang na lang siya sa SUV nang maghiwalay ang dalawang nalalampungan. “Raizer!” sigaw niya rito. Agad namang nabaling sa kanya ang atensyon ng asawa. “What are you doing here?” gulat nitong tanong habang inilalayo ang babae sa katawan nito. Noon lang natanto ni Kaye na nakakandong pala sa asawa niya ang lintik na babae nito. “Huh? Ako pa talaga ang tinanong mo. I’m supposed to ask you that question. What are you doing here with this b***h? Sa araw pa talaga mismo ng kasal mo!” nagpupuyos sa galit na wika ni Kaye. “Will you shut your mouth!” asik naman ni Raizer. “Hah! Why should I do that? Paalisin mo ang babaeng iyan dito kung ayaw mong makarating ito sa Mama mo,” pagbabanta niya rito. Biglang natahimik si Raizer at agad na napatingin sa babaeng kasama nito. Mukha namang maiiyak ang babae. Ngunit isang tingin lang ni Kaye sa mukha nito ay alam na niyang nagda-drama lang ito. Peke ang ipinapakita nitong emosyon sa mukha. Habang tinititigan niya ito ay may eksenang biglang pumasok sa isip niya. Kaya pala parang pamilyar ang mukha ng babaeng ito sa kanya ay dahil nagkita na sila dati pa. Ito iyong kasama noon ni Raizer sa hindi natuloy na kasal nina Railey at Vivienne. Naalala niyang natapunan pa nga siya nito noon ng alak sa kanyang damit. So, ito pala ang pesteng girlfriend ni Raizer na naikuwento sa kanya ng biyenan niya. Ang liit talaga ng mundo. “O, bakit hindi ka pa kumikilos diyan? Paalisin mo na siya bago pa kita isumbong sa Mama mo. Kanina ka pa niya hinahanap sa akin,” mahinahong sabi niya kahit na ang totoo’y kumukulo na ang dugo niya. Napa-buntonghininga lang si Raizer pagkatapos ay nilingon nito ang kasamang babae nang magsimula na itong humikbi. Napataas ang kilay ni Kaye. Peste talaga! “Well, madali lang naman akong kausap. Kung ayaw mong making sa sinasabi ko, bahala ka. Bahala kayo ng babae mo! Hahanapin ko na lang si Mama.” Pagkasabi nito’y nagmartsa na siya paalis. Nakailang hakbang pa lang siya nang marinig niyang tinawag siya ni Raizer. “Kaye!” narinig niyang sigaw ni Raizer. Hindi niya pinansin ito. Tuloy-tuloy lang siya sa paglalakad. Malapit na siya sa hotel nang maramdaman niyang may humila sa braso niya. Agad niyang nilingon kung sino ito. Nakatayo sa tabi niya si Raizer at mahigpit itong nakahawak sa kanya. “Ihahatid ko lang si Anna sa airport,” anito na may himig pakiusap. Napatingin si Kaye sa mukha nito pagkatapos ay sa kamay nitong nakahawak sa braso niya. “Suit yourself. Wala naman akong magagawa kung iyon ang gusto mong gawin. Pero hindi mo rin ako mapipigilan kung sasabihin ko kay Mama na ihahatid mo ang iyong babae sa airport,” nakaismid niyang sabi rito. Bigla siyang binitiwan ni Raizer. “What do you want me to do?” nagagalit na sabi nito habang sinasabunutan ang sarili. Hinarap ni Kaye ang asawa. Kinakailangan pa niyang tingalain ito dahil sa sobrang tangkad nito. Kahit pa nga nakasuot siya ng three-inch stiletto ay hanggang balikat lang siya nito. “Ikaw ang may-ari ng resort na ito, hindi ba? So, lahat ng mga trabahador dito ay puwede mong utusan kung gugustuhin mo. Bakit hindi mo na lang iutos sa kanila ang paghatid doon sa babae mo? Bakit kailangang ikaw pa mismo ang maghatid? Baka naman may iba ka pang plano kaya gusto mong ikaw mismo ang maghatid sa kanya,” aniya sa pinakamahinahong tinig. Hindi agad nakaimik si Raizer. Nakatitig lang ito sa kanya. “Raizer!” tawag ng babae ng asawa niya. Naglalakad na ito papunta sa kanila. “I don’t want to go. Alam mo naman bukas pa ang flight ko, hindi ba?” maarteng sabi nito nang humawak sa braso ng lalaki. Pinaikot ni Kaye ang mga mata. Ang kapal din talaga ng mukha nito, ah. Sa mismong harap pa niya talaga ito naglalambing sa asawa niya. Kung hindi lang talaga siya nagpipigil, baka kanina pa niya ito sinabunutan. Sumusobra na ang pagiging makapal ng apog nito. “I will ask someone to fly you to Manila. May chopper naman na puwedeng gamitin,” malumanay na sabi ni Raizer habang inaalis ang kamay ng babae na nakapulupot sa braso nito. “No! Kung hindi rin lang ikaw ang maghahatid sa akin sa Manila, hindi ako aalis. I will stay here,” balewalang sabi ng babae. Biglang umakyat ang dugo ni Kaye sa kanyang ulo. Ibinaba niya ang kamay na nakahawak sa kanyang gown. Agad niyang dinuro ang babae. “Ang kapal din talaga ng pagmumukha mo, ah! Dito ka pa talaga gagawa ng eskandalo! Kung inaakala mo na mananahimik lang ako sa mga pinaggagawa mo, nagkakamali ka!” galit na galit niyang sabi rito. Pinipigilan naman siya ni Raizer para hindi siya tuluyang makalapit sa babae. Sa inis ay hinarap ni Kaye ang kanyang asawa. “Go! Sundin mo ang sinasabi ng babae mo! Pero sinisiguro ko sa iyo na wala ka nang babalikan dito. Ang ipinagmamalaki mong posisyon at negosyo ay mawawala sa iyo sa isang iglap lang. Tingnan lang natin kung magugustuhan ka pa ng babae mo kapag wala ka ng pera, kapag wala ka ng maipagmamalaki!” nanggigigil na sabi niya. “No! I won’t allow that to happen,” may diing sabi ni Raizer habang nakahawak sa dalawa niyang kamay. Mabilis namang hinatak ni Kaye ang kamay mula sa kanyang asawa. “Huh? How are you going to do that? Pipigilan mo ako? Then try me if you think I’m just bluffing.” Pinaningkitan pa niya ito ng mata pagkatapos ay nakasimangot na tiningnan niya ang babae sa tabi nito. Napahilamos sa kanyang mukha si Raizer. “Don’t tell me na makikinig ka sa pananakot ng babaeng ito, Raizer. Ako ang mahal mo kaya ako dapat ang sundin mo,” may himig-pakiusap na sabi ng babae. Niyugyog pa nito ang braso ng asawa niya. Halos magsalubong ang dalawa niyang kilay habang nakatitig sa babae. Malapit na takaga siyang mapika rito. Kaunti na lang at makikipagsabunutan na siya. Kung hindi lang niya inaalala na nakasuot pa siya ng wedding gown at nasa lugar sila na kung saan kilala si Raizer ng mga tao, baka kanina pa niya sinampal at sinabunutan ang babaeng ito na makapal pa yata sa pader ang pagmumukha. Ni hindi man lang binigyan ng kahihiyan ang asawa niya. Ito naman kasing si Raizer, nagawa pa talagang papuntahin sa araw ng kasal nila ang babae nito. Ano bang iniisip nito? Hindi man lang ba sumagi sa isip nito na maaaring may makakita sa kanilang ibang tao habang naglalampungan sa sasakyan nito. Susme! Ganito ba ka-brutal ang lalaking ito? Kung galit ito sa kanya, sana man lang inisip nito ang kahihiyan ng sarili nitong ina. Paano kung makarating kaagad sa kaalaman ng biyenan niya ang nangyayaring comprontasyon sa pagitan nilang tatlo? Mabuti naman sana kung sa kanya manggagaling ang impormasyon. Paano kung ibang tao ang magbalita rito? Paano siya magpapaliwanag? Hinarap ni Raizer ang babae. “I’m sorry, Anna. Ipahahatid na lang kita,” may diing sabi nito. “No! Please don’t do it,” pangungulit ng babae na ikinataas ng kilay ni Kaye. Ngunit hindi ito pinansin ni Raizer. Inilabas nito ang cellphone at may tinawagan. Panay naman ang yugyog ng babae sa braso ni Raizer. May paiyak-iyak pa ito. Ngunit pilit namang inaalis ng asawa niya ang kamay nito. Kung hindi lang nag-aalala si Kaye na hindi susundin ni Raizer ang sinasabi niya kapag umalis siya, baka kanina pa niya nilayasan ang dalawa. Naaasiwa siya sa nakikitang intimacy ng dalawa. Romantic man siyang tao pero hindi siya fan ng PDA. Para sa kanya may tamang lugar kung saan dapat ipakita ang intimate moments ng dalawang magkarelasyon. Ows? Sure ka diyan, Kaye? Baka naman nagseselos ka lang kaya ganyan ang iniisip mo? Aminin! Ilang sandali pa ay may lumapit sa kanilang unipormadong lalaki. Mukhang isa itong empleyado sa resort. “Sir…” alanganing sabi nito nang lumapit sa kanila. “Gener, pakihatid si Miss Galozo sa Manila. Siya na ang magsasabi kung saan mo siya ibababa,” utos ni Raizer sa. Pagkatapos ay binalingan nito ang babae at pilit na inilalayo sa sarili nito. Nangunyapit pa ang babae kaya napansin niyang sinenyasan ni Raizer ang parating na dalawang guwardiya. Tumulong ang mga ito para mailayo ang babaeng iyon sa asawa niya. Napansin niyang nagwawala pa ang babae habang hinihila ito ng mga guwardiya. Ang asawa naman niya ay nakatitig lang sa kanila. May lungkot siyang nabasa sa mga mata nito.     Napailing na lang si Kaye saka nagmartsa pabalik sa hotel. Didiretso na sana siya sa penthouse nang maalala niyang wala nga pala siyang hawak na key card. Kaya napilitan siyang bumalik sa may reception area at humingi ng key card. Pagkatapos ay tinungo niya ang elevator. Panay ang buga niya ng hangin habang nasa loob. Mabuti na lang at mag-isa lang niyang sumakay roon. Ilang sandali pa ang lumipas ay bumukas na ang elevator. Nagmamadali siyang lumabas. Nang makapasok siya sa penthouse ay pabagsak siyang umupo sa kama. Ilang sandaling nakatunganga lang siya sa kawalan. Bago siya nagpasyang kumilos. Tumayo siya at nagtungo sa banyo. Habang hinuhubad niya ang kanyang wedding gown ay bigla siyang napaulyap sa isa pang pintuan na nasa tabi ng banyo. Naglakad siya papunta roon at saka niya natanto na walk-in closet pala ito. Maingat niyang inilagay sa hanger ang kanyang wedding gown. Pagkatapos ay kumuha siya ng tuwalya at bathrobe bago siya bumalik sa banyo. Nang nasa harapan na siya ng shower area ay saka niya hinubad ang camisole dress at underwear na suot niya. Ilang minuto rin siyang naligo. Saka siya bumalik sa walk-in closet para kumuha ng bihisan. Ilang minuto rin siyang nakatitig sa mga damit na naroon. Isang maliit na maleta lang ang dinala niya at iilang pares na damit ang laman nito. Pero nakapagtatakang ang daming damit na naka-hanger sa walk-in closet. Kumpleto ito mula sa pantulog, casual dress, at formal gown. Idagdag pa na may dresser doon na kumpleto rin sa make-up set, pabango, lotion, at iba pang toiletries. Hindi niya tuloy maiwasang mag-isip kung para kanino ang mga iyon. Para sa kanya nga ba? O para doon sa babae ni Raizer? Biglang nanikip ang dibdib niya nang maalala ang tagpong nakita niya kanina sa parking lot. Hindi siya dapat masaktan dahil sa una pa lang sinabi na ito ni Raizer sa kanya. Nasabi na rin ng biyenan niya ang tungkol sa babaeng iyon at kung ano ang papel nito sa buhay ng napangasawa niya. Pero siya lang naman itong makulit at itinuloy pa rin ang kasal nila. Kaya ngayon wala siyang magagawa kung hindi ang tanggapin ang bagay na iyon, na may kabit ang asawa niya. Ngunit kung hindi naman siya pumayag na magpakasal kay Raizer, paano naman ang Nanay niya? Wala ng ibang puwedeng tumulong sa kanila maliban sa biyenan niya kaya pikit-mata niyang tinanggap ang kondisyong hiningi nito. Mas mahalaga naman kasi sa kanya ang buhay ng Nanay niya kaysa sa sariling kalagayan niya. Saka malay niya, baka mabago pa niya ang puso at isipan ng asawa. Baka sakaling maibaling din sa kanya ang atensyon nito balang balang araw. Handa siyang maghintay sa araw na iyon. Sa ngayon ay titiisin muna niya ang mga nangyayari sa paligid niya. Titiisin muna niya na nasa background pa ang pesteng babae na kinahuhumalingan ng asawa niya. Nagpasya siyang ang pajama set na lang na dala niya ang kanyang isuot. May dalawang pares pa ng sexy na pantulog ang naisama sa maleta niya na parehong regalo ng mga kasamahan niya sa trabaho noong bridal shower niya. Pero ayaw niyang isuot ang mga iyon dahil masyadong revealing. Ang Nanay lang naman niya ang makulit na naglagay ng mga iyon sa kanyang maleta kahit ayaw niya. Maganda daw iyon para maakit niya ang asawa sa unang gabi pa lang ng kanilang kasal. Gusto niyang matawa nang maalala ang sinabing iyon ng Nanay niya. As if naman may honeymoon na magaganap sa pagitan nila ni Raizer. Next to impossible yata iyon. Mas inuna pa nga nito na atupagin ang kabit kaysa sa kanya na totoong asawa. Nakasimangot na nagbuga siya ng hangin. Saka walang ingat na hinila ang pajama niya mula sa hanger. Pagkatapos magbihis ay nag-blower siya ng kanyang buhok. Nang masigurong tuyo na ang kanyang buhok ay saka siya bumalik sa kuwarto. Wala pa roon ang asawa niya. Matigas talaga ang ulo nito. Saan na naman kaya iyon nagpunta? Patamad na ibinagsak na lang niya ang katawan sa king size bed. Hindi nagtagal ay unti-unting bumigat ang talukap ng kanyang mga mata. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD