Chapter 6 - Are You Jealous?

2351 Words
“SO, ARE you satisfied now? Nagawa na akong ipahiya ng Mama ko sa harap mo,” madilim ang anyong wika ni Raizer pagkaalis ni Mrs. Antigua. “What? Ano bang pinagsasabi mo?” gulat na tanong ni Kaye. Hindi siya makapaniwala sa narinig mula kay Raizer. Lalong dumilim ang mukha ni Raizer. “Huwag ka ng magkaila. Alam ko naman na ikaw ang nagparating kay Mama tungkol sa nangyari kahapon. Sumunod naman ako sa usapan natin pero ikaw pala itong walang isang salita,” mahinahon ngunit may diing sabi nito. Nanlaki ang mga mata ni Kaye. “Hey! Huwag ka namang ganyan. Hindi ko nakausap ang Mama mo simula kagabi. Pagkatapos ng usapan natin sa baba dumiretso ako dito. Hindi na ako lumabas kasi nakatulog na ako. Saka narinig mo naman ang sinabi niya kanina, hindi ba? Sinisi pa nga niya ako kasi hindi raw ako nagsalita tungkol doon. Kaya huwag mo akong paratangan ng ganyan,” naiinis na sambit niya. Umismid si Raizer. “Gusto mo akong maniwala sa sinasabi mo? Kung hindi ko pa alam, nagpapalusot ka lang. Marami namang paraan upang makausap mo si Mama ng hindi mo siya kailangang puntahan.” Napamaang si Kaye. Naiiling na tiningala niya ito. “Ang baba naman ng tingin mo sa akin. Hindi porke’t mahirap lang ako at hindi kagandahan katulad ng nobya mo, ganoon na rin kababaw ang pagkatao ko. Kung ginusto kong mapahamak ka, hindi na kita kinompronta kahapon. Dapat tinawag ko na lang ang Mama mo para makita niya mismo ang pinaggagawa mo. Mas madaling gawin iyon kaysa makipag-usap sa iyo at sa nobya mo na makitid ang utak,” taas noong sabi niya. Nagsalubong ang kilay ni Raizer nang tumingin sa kanya. Pinipilit naman ni Kaye na salubungin ang mga titig nito. Ayaw niyang kumurap o umiwas man lang. Sigurado kasi siyang kapag ginawa niya iyon ay iisipin nitong guilty siya. “Ang kapal ng mukha mong sabihin iyan sa harapan ko. Malakas lang naman ang loob mo dahil alam mong kakampihan ka ni Mama kaysa sa akin,” matalim ang mga matang wika ni Raizer. Gustong masindak ni Kaye sa paraan ng pagtitig ng asawa sa kanya. Ngunit alam niyang hindi ito ang oras para tumiklop siya. Kung magpapakita siya ng anumang kahinaan sa panahong ito, siguradong sasamantalahin iyon ng lalaki. Mas lalo lamang niya itong bibigyan ng pagkakataon na lokohin siya at huwag irespeto. Baka hindi siya tumagal kahit isang buwan kung hahayaan niyang mangyari iyon. Ang pinakamaikli pa man din niyang kontrata ay isang taon. Kung mabibigyan ng magandang kapalaran ay kahit habang buhay na lang sana. Puwede kayang iyon na lang ang hilingin niya? “Look, I’m just telling you the truth. Hindi naman importante sa akin kung kakampihan ako ng Mama mo o hindi. Ang sa akin lang, doon ako sa tama. Hindi ko gustong manlamang ng kapwa ko kaya sana gano’n din ako tratuhin ng ibang tao. Sa maniwala ka’t hindi, wala akong masamang intensiyon doon sa ginawa ko kahapon. Inilalagay ko lang sa tama ang mga bagay-bagay. Mali ba naman na sitahin kita habang kasama mo ang babaeng iyon?” litanya ni Kaye. Naihilamos ni Raizer ang kamay sa mukha nito. “You’re impossible!” may diing sabi nito. Tinaasan lang ito ng kilay ni Kaye. Ano naman ang ibig sabihin ng asawa niya sa sinabi nito? Bago pa niya ito mausisa ay nilayasan na siya nito at lumabas ng penthouse. Lumikha pa ng ingay ang pintuan na nilabasan nito. Naiwan si Kaye na nakatitig lang sa saradong pintuan. Napabuga na lang siya ng hangin at nanghihinang napaupo sa sofa. Isinandal niya ang likod at tumingala sa kisame. Mahabang sandaling nakatitig lang siya sa taas at iniisip ang nangyaring komprontasyon kanina. Saang anggulo man niya tingnan, mali talaga iyong ginawa ni Raizer. Kung nagkataong ibang babae lang siya, baka nakipagsabunutan na siya kahapon sa babaeng iyon. Ang kapal din ng mukha nitong magpakita pa sa kanila gayong kabit na lang ito kung tutuusin. Iniisip ba nitong uurong pa ang asawa niya sa kasal nila kung sakaling magpakita ang babaeng iyon? Hindi niya maintindihan kung bakit may mga babaeng katulad nito na nagagawa pang manggulo gayong wala naman silang karapatan. Hindi man normal ang kasal na namagitan sa kanila ni Raizer, wala pa rin itong karapatan na manggulo. Kung talagang ayaw ng asawa niya na makasal silang dalawa, dapat ito mismo ang umatras at hindi siya. Wala siyang karapatang gawin iyon dahil malaki ang utang na loob niya sa kanyang biyenan. Nangako siya ritong gagawin niya ang anumang hihilingin nito kapalit ng pagtulong sa kanilang mag-ina. Kaya hindi puwedeng sa kanya manggaling ang pag-atras sa kasal. Bakit nga ba hindi umatras si Raizer kung talagang ayaw nitong makasal sa kanya? Mas mahalaga ba dito ang Antigua Resorts kaysa sa babaeng iyon? Siguro nga kasi tumuloy pa rin ito sa kasal nila. Hindi niya alam kung dapat siyang magpasalamat o malungkot sa bagay iyon. Alam niya kasi sa sarili niyang mahihirapan siyang mabaling ang atensyon nito sa kanya. Kung pagkukumparahin ang itsura ng babaeng iyon at siya, ang laki ng pagkakaiba nila. Matangkad, maganda, at sopistikada ang babaeng iyon. Samantalang siya ay maliit, hindi kagandahan, at simple lang. Kung sa itsura pa lang ay lamang na lamang na ang babaeng iyon. Pati sa puso ng asawa niya ay mas lamang din ang babaeng iyon. Ang tanging nakikita niyang edge dito ay ang pagiging mabuting tao niya. Wala siyang masamang hangarin sa ibang tao. Hindi man naniniwala si Raizer sa kanya, batid niya sa sariling hindi siya nagpakasal dito para sa sariling kapakanan. Napilitan lang naman siyang gawin iyon dahil sa pagsunod sa kagustuhan ng ina nito. Besides, kung totoo ang sinasabi ng ginang na golddigger ang babaeng iyon, may magagawa siya para mailayo ang asawa dito. Hindi lang ang biyenan niya ang matutulungan niya kung hindi pati na rin ang asawa niya. Sana ay makita iyon ni Raizer sa mga susunod na araw. Sana ay ma-realize nito na wala siyang masamang intensiyon sa mga ginawa niya. Pagkatapos ng mahabang pagmumuni-muni ay tumayo na si Kaye. Wala naman siyang puwedeng gawin dito sa loob ng penthouse kaya mas mabuti sigurong maglakad-lakad na lang siya sa labas. Magandang pagkakataon ito na makita niya ang buong resort dahil simula nang dumating sila dito noong isang araw ay wala pa siyang napuntahan sa mga lugar dito sa resort maliban sa venue ng kasal nila, sa lobby, at sa mismong penthouse. Pumasok siya sa loob ng kuwarto at kinuha ang kanyang maliit na sling bag. Inilagay niya rito ang kanyang cellphone bago siya lumabas ng penthouse. Paglabas niya ng mismong hotel ay naglakad-lakad siya sa paligid nito. Napansin niya ang ilang swimming pool hindi kalayuan sa hotel. Maaga pa lang ngunit marami ng tao rito. Kapansin-pansin na pami-pamilya ang naroon na nagsu-swimming. Bigla niya naalala ang Nanay niya. Kung kasama lang niya sana ito ngayon, siguradong magiging masaya ang ina. Alam niyang hindi pa ito nakarating sa mga ganitong lugar. Busy kasi ito sa pag-aalaga sa kanya lalo na noong namatay ang Tatay niya. Malaki ang sakripisyo ng kanyang ina lalo na noong nasa kolehiyo pa siya. Hindi siya kayang pag-aralin ng mga magulang niya kung aasa lang sila sa kinikita ng kanyang ama na jeepney driver. Kaya napilitan ang kanyang ina na magbukas ng maliit na karinderya para lang makatulong sa kanyang ama. Nagpatuloy ang karinderyang iyon hanggang noong namatay ang Tatay niya. Kung hindi nga lang nagkasakit ang ina ay hindi pa sana ito titigil sa pagtatrabaho. Kaya hindi rin niya maiwasang isipin na blessing in disguise din ang pagkakasakit ng ina dahil kahit paano ay nagpahinga rin ito mula sa pagtatrabaho. Kahit kasi may trabaho na siya ay hindi pa rin niya mapigilan ang ina sa pag-aasikaso sa karinderya nito. Kung tutuusin ay kaya naman niyang buhayin ang ina sa sweldo niya. Sapat naman iyon para mabuhay sila nang maayos. Hindi man magarbong buhay ang maibibigay niya sa ina, kaya pa rin niya itong bigyan ng kumportableng buhay. “Miss, excuse me,” anang baritonong tinig sa likuran ni Kaye. Agad na nilingon ni Kaye ang nagsalita. Napansin niya ang isang matangkad at guwapong lalaki na nakatayo sa tabi niya. “Yes?” nagtatakang tanong niya rito. Matiim na nakatitig sa kanya ang lalaki. Nakasuot ito ng board shorts at Hawaiian print na polo. Bukas ilang butones nito sa taas kaya nahantad sa kanyang paningin ang pinong buhok sa malapad nitong dibdib. Mabilis na iniwas ni Kaye ang kanyang tingin rito at tiningala ang lalaki. Halos kasing-tangkad ito ng asawa niya. “Puwede ba akong magtanong?” nakangiting saad ng lalaki. Tumango si Kaye. “Saan ko makikita iyong restaurant na may breakfast buffet? Hindi pa kasi ako kumakain,” paliwanag ng lalaki. Hindi alam kung ano ang isasagot dito. Hindi niya kabisado ang resort. Basta ang alam niya ay hindi lang iisa ang restaurant doon. Dalawa o tatlo yata ang restaurant na naroon. Hindi niya alam kung alin dito ang may breakfast buffet. Iyong pinuntahan nila kanina sa mismong hotel ay wala siyang napansin na buffet. Kaya sigurado siyang hindi iyon ang tinutukoy nito. “Ah…hindi ako sigurado kung saan makikita iyong restaurant na sinasabi mo. Pero kung gusto mo, sasamahan kita sa may reception at doon natin tanungin kung nasaan ang restaurant,” kumbinsi ni Kaye. Malapad na ngumiti ang lalaki. “Talaga? Sasamahan mo ako?” “Oo naman,” nakangiti ring tugon niya. Pagmamay-ari ng asawa niya ang resort kaya dapat lang siguro na tumulong din siya para makapagbigay ng maayos na serbisyo sa mga kustomer nito. “Maraming salamat kung gano’n. Ako nga pala si Alfres. Ikaw naman si?” Inabot nito ang kamay sa kanya. Nakangiting tinanggap ni Kaye ang kamay nito. “Kaye.” “Nice name,” tudyo ni Alfres. Bahagyang natawa si Kaye. Akala niya pakakawalan na ni Alfres ang kamay niya ngunit nagulat siya nang biglang halikan ng lalaki ang likod ng palad niya. Sa sobrang pagkabigla ay hindi nakaimik si Kaye. “Let’s go,” wika ni Alfres ng hindi nito binitiwan ang kamay niya. Naglakad sila na hawak pa rin nito ang kanyang kamay. Naasiwa tuloy si Kaye. “Puwede mo na akong bitiwan. Hindi naman kita iiwan, eh,” sabi niya rito. “It’s okay. I like the feel of your hands,” wika naman ni Alfres nang lingunin siya nito. Napa-buntonghininga na lang si Kaye. Hahayaan na lang muna niya ito total guest naman ito ng resort. Kaya habang naglalakad sila ay nakahawak talaga ito sa kamay niya. Pagdating nila sa reception ay saka lang siya nito binitiwan. “Saan dito ang restaurant na may breakfast buffet?” usisa ni Kaye sa receptionist. “Ma’am sa may His Vineyard Restaurant po iyon. Makikita po iyon malapit sa swimming pool,” nakangiting tugon ng receptionist. Pagkatapos magpasalamat dito ay hinarap ni Kaye si Alfres. “Narinig mo ba iyon? Malapit daw sa pool iyong restaurant,” imporma niya rito. “Sige, samahan mo na ako,” wika naman ni Alfres at muling hinawakan ang kamay. “Wait, teka lang, Puwede namang – ˮ   Hindi na natapos ni Kaye ang kanyang sinasabi dahil bigla na lang siyang nakarinig ng malakas na tinig. “Don’t touch my wife!” Pagkatapos ay isang malakas na suntok ang tumama sa mukha ni Alfres na naging dahilan para matumba ito at mabitiwan siya nito. Sa sobrang pagkabigla ay hindi nagawang magsalita ni Kaye. Kinakabahang napatingin na lang siya sa sumuntok kay Alfres. Napansin niya si Raizer na nakatayo na sa tabi niya at sobrang dilim ng pagmumukha nito. Mas matindi pa ang nakikita niyang galit dito kaysa noong nagsasagutan sila kanina sa penthouse.   Akmang lalapitan ni si Alfres ngunit mabilis siyang hinila ni Raizer. “Ano sa palagay mo ang ginagawa mo, ha?” singhal nito sa kanya. “He’s a guest, Raizer,” depensa niya rito. “Tingnan mo ang ginawa mo sa kanya,” dagdag pa niya nang mapansin na dumugo ang labi ng binata dahil sa panununtok ng asawa niya. “Yeah, I know. But it doesn’t give him the right na pakialaman ka,” may diing wika ni Raizer. Bago pa siya muling makapagprotesta ay hinarap ng asawa niya si Alfres na noon ay nakatayo na. “Get out of my resort! I don’t need a customer like you!” sigaw nito bago siya hinila palayo rito. “Raizer, ano ba? Nasasaktan ako!” reklamo ni Kaye dahil sa higpit ng pagkakahawak nito sa braso niya. Tiningnan lang siya ng asawa niya. Nang makarating sila sa elevator ay halos ipagtulakan siya nito papasok sa loob. “Nagagalit ka kay Anna dahil lumalapit pa rin siya sa akin kasal na ako sa iyo. Pero mas malala ka pala sa kanya. May asawa kang tao pero nagawa mo pang makipaglandian sa iba na ngayon mo lang nakilala,” kastigo nito habang magkaharap sila sa loob ng elevator. “Wow! Ako pa ngayon ang malandi, ha? I’m just being nice because Alfres is a customer. Pero kung mali iyong ginawa ko humihingi ako ng paumanhin. Hindi na iyon mauulit,” pangako niya rito. “Talagang hindi na iyon mauulit pa dahil bukas ay uuwi na tayo. Hindi ako sigurado na kapag nakatalikod ako ay hindi ka na makikipaglandian sa iba,” asik ni Raizer. May kung anong tumusok sa dibdib ni Kaye sa huling sinabi ng asawa niya. “Ang baba talaga ng tingin mo sa akin, ano? Para mong pinapalabas na mas malandi pa ako kaysa sa Anna na iyon,” may hinanakit na sambit ni Kaye. “O baka, double standard ka lang? Ikaw puwedeng landiin ng iba, pero ako hindi puwedeng makipaglandian, gano’n ba? Saka bakit nga pala ang tindi ng galit mo doon kay Alfres? Ano nga palang pakialam mo kung ano ang gagawin ko sa labas? Hindi naman asawa ang turing mo sa akin, hindi ba? So, bakit ka nagagalit, ha?” hindi mapigilang tanong niya. Matiim siyang tiningnan ni Raizer na para bang hindi makapaniwala sa sinasabi niya. Pagkatapos ay umiwas ito ng tingin sa kanya. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD