Chapter 3 - Wedding Obstructions

1947 Words
PAGPASOK pa lang ni Kaye sa restaurant ay sinalubong na siya ng maître d’ hotel. “Good evening, Ma’am! May I help you?” nakangiting bati nito sa kanya. Napangiti rin si Kaye. “I have a meeting with Mr. Antigua. Does he have a reservation here?” tanong niya rito. Kagabi ay nakatanggap siya ng tawag mula sa isang di kilalang numero. Wala siyang balak sagutin ito kaya hinayaan lang niyang mag-ring ang kanyang cellphone. Ngunit makulit ang caller dahil ilang beses pa itong tumawag. Kaya naman noong ikalimang tawag nito ay napilitan na siyang sagutin. Nalaman niyang ang mapapangasawa niya ang tumatawag. Nakiusap ito kung puwedeng magkita sila ngayon sa His Vineyard Restaurant. Nasa business district ito ng Makati at malayo sa trabaho niya at sa bahay nila. Kaya nagpaalam siya sa boss niya na hindi muna siya mag-overtime ngayon para lang makarating sa usapan nila na alas-siyete y medya. Kaninang pagbaba niya sa taxi ay pasado alas-siyete na. Sana lang ay wala pa ang kausap niya. “Yes, Ma’am. This way, please,” muwestra ng maître d’. Agad naman itong sinundan ni Kaye. Huminto ito sa harap ng mesa na nasa bandang dulo ng restaurant at katabi ng bintana. Napansin ni Kaye na may lalaking nakaupo na roon kaya pinasalamatan niya ang maître d’ na agad din namang umalis. Tumikhim si Kaye para kunin ang atensyon ng lalaki na nakayuko at abala sa cellphone nito. Kunot noong napalingon sa kanya ang lalaki. “Miss Armendez?” tanong nito. Tumango si Kaye. “Yes, it’s me, Mr. Antigua,” simpleng sagot niya. Biglang tumayo ang lalaki at ipinaghila siya nito ng upuan. “Have a seat,” wika pa nito. Nakangiting tinanguan ito ni Kaye bago siya umupo. Pagkabalik ng lalaki sa upuan nito ay siya namang paglapit ng waiter sa kanila. Inabutan sila ng menu card. Pinasadahan lang ng tingin ni Kaye ang menu saka ibinaba rin ito sa mesa. “Ikaw na lang ang bahalang mag-order ng pagkain natin, Mr. Antigua,” wika niya. Nakataas ang kilay na nilingon siya ng lalaki. Pagkatapos ay hinarap nito ang waiter at nag-order ng kanilang pagkain. Nang makaalis ang waiter ay binalingan siya nito. “We do not need to be formal. You can call me Raizer. How about you?” nakangiting wika nito bago inilahad ang kamay sa kanya. Lumabas tuloy ang pantay-pantay na ngipin nito. Naisip ni Kaye na bagay din nitong maging commercial model ng toothpaste o kaya ay mag-artista. Bukod kasi sa maganda ang ngipin nito ay napakaguwapo rin ni Raizer lalo na at bumagay dito ang suot na coat and tie na navy blue. Mukhang kagagaling sa opisina ang lalaki. Kakaiba ang itsura nito sa mga karaniwang nakikita niyang nagtatarabaho sa mga opisina. Kapag ganitong oras ay wala nang suot na coat at nakatupi na rin ang long sleeves. Pero ang kaharap niya ay parang papasok pa lang ng opisina. Maayos pa ang buhok at pati ang suot na damit. Animo’y modelo ito ng men’s formal wear. “Are you done checking me out?” nakangising untag ni Raizer. Napalunok ng wala sa oras si Kaye. “I’m Kaye,” wika niya saka tinanggap ang kamay ng binata. He gave her a firm handshake before he released her hand. “Kaye, I have a proposition to make. Please listen to me carefully because this is very important to both of us. I will give you time to decide on this matter,” seryosong saad nito. Napa-buntunghininga si Kaye. Bigla siyang kinabahan. “Okay. What is it?” “Puwede bang huwag na nating ituloy ang kasal? Kung anuman ang ipinangako ni Mama sa iyo ay tatapatan ko. Just name your price,” diretsahang wika ni Raizer. Napakurap ng ilang beses si Kaye. Hindi siya makapaniwala sa narinig mula sa binata. “You don’t want to be married to me? Bakit?” wala sa sariling naitanong niya. First time pa lang nilang magkita pero mukhang ayaw na sa kanya ng mapapangasawa niya. Sumeryoso ang mukha ng binata. “I have a girlfriend and I love her,” tugon nito nang hindi inaalis ang tingin sa kanya. Kung nagkataong ice cream si Kaye ay baka natunaw na siya sa paraan ng pagtitig ni Raizer. Ang mga titig ito ay parang tumatagos sa mga kalamnan niya. Gusto yata nitong basahin ang buong pagkatao niya. Napailing na lang si Kaye. “I can’t do that.” “Why not? Tingin mo ba ay hindi ko kayang ibigay ang hihilingin mo? Gagawin ko ang lahat para lang huwag matuloy ang kasal natin. Kaya sabihin mo na kung ano ang gusto,” pangungumbinsi pa nito. Napahilot si Kaye sa kanyang sentido. “Alam kong marami kang pera. Pero hindi ko kailangan iyon. Hindi ako magpapakasal sa iyo dahil sa pera mo. Buhay ng Nanay ko ang inutang ko sa Mama mo. Kaya buhay ko rin ang ibibigay kong kapalit,” seryosong wika niya.       “CHARLTON RAIZER ANTIGUA, do you accept Kaye Chrysanthine Armendez as your lawfully wedded wife?” tanong ng nagkakasal sa binata. Hindi umimik si Raizer. Nakatitig lang ito sa kawalan na para bang walang naririnig. Inulit ng judge ang tanong nito. Ngunit hindi pa rin sumagot ang binata. Kinabahan na si Kaye. Wala sa sariling siniko niya ang binata. Mapapahiya pa yata siya sa kasalang ito. Mabuti na lang at kakaunti ang mga taong naroon. Kung nagkataong ikinasal sila sa simbahan ay paniguradong pag-uusapan sila ng mga tao. Kaya mabuti na rin at dito sa Antigua Resort ginanap ang kasalan. Napansin ni Kaye na matalim ang mga matang sinulyapan siya ni Raizer. Kung apoy lang siguro ang lumalabas sa mga mata ng binata ay paniguradong kanina pa siya naging abo. Ang guwapo nga ng mapapangasawa niya pero saksakan naman ng sungit. Ang dilim ng mukha nito kanina pang naglalakad siya sa aisle, lalo na ngayon na nakaharap sila sa judge na magkakasal sa kanila. Kung puwede lang sana siyang umatras sa kasalang ito, noon pa niya ginawa. Pero wala na, eh. Wala na siyang ligtas. Tapos na ang usapan nila ni Mrs. Antigua. Naoperahan na ang Nanay niya at nakalabas na rin ito sa hospital. Kaya hindi na siya puwedeng tumanggi sa kasal. Ano kayang mangyayari kapag umatras si Raizer sa kasal nila ngayon? “S-sir, c-can you repeat the question?” Kunot-noong tinitigan ni Kaye ang katabi nang marinig ang sinabi nito. Nag-alis ng bara ng lalamunan ang judge bago ito nagsalita. “Do you, Charlton Raizer Antigua, accept Kaye Chrysanthine Armendez as your lawfully wedded wife?” “Y-yes…I d-do,” nauutal na tugon ni Raizer. Hindi mapigilan ni Kaye ang mapa-buntunghininga. Agad naman siyang nilingon ni Raizer. Magkasalubong ang mga kilay nito at seryosong-seryoso ang mukha habang nakatitig sa kanya. Wala sa sariling nakagat ni Kaye ang pang-ibabang labi. May tinanong pa uli ang judge kay Raizer at positibo naman ang lahat nang isinagot nito. Kaya noong siya na ang tinanong ay panay “I do” na rin ang sagot niya. Nang ianunsiyo ng judge na maaari na siyang halikan ni Raizer ay nanlamig ang buong katawan niya. Nangatog pati ang mga tuhod niya lalo na nang iangat ng asawa niya ang kanyang belo. Napadilat ng husto ang mga mata niya nang mabilis siya nitong ginawaran ng halik sa noo. Hindi malaman ni Kaye kung matutuwa siya o maiinis sa ginawa ni Raizer. Mukhang wala talagang gusto sa kanya ang napangasawa niya. Bago pa siya makapag-isip ng kung ano-ano ay mabilis na lumapit sa kanila ang photographer. Pagkatapos ng picture-taking ay nilapitan sila ng assistant ng judge at pinaupo sa nakahandang upuan at mesa. Pinapirmahan sa kanila ang marriage contract.   PATAPOS na ang reception ng kasalan nang mapansin ni Kaye na nawawala si Raizer. Kanina lang ay kasama niya itong naglilibot sa bawat mesa at pinasasalamatan ang mga dumalong bisita. Pagkatapos nito ay tinawag siya ng wedding coordinator para inihagis niya ang kanyang bouquet sa mga kadalagahan na naroon. Nang may nakasalo na sa kanyang bouquet ay saka niya napansin na wala ang asawa niya sa kanyang tabi. Nakapagtatakang hindi man lang niya namalayan ang pag-alis nito. Ang tindi naman yata ng galit ni Raizer sa kanya. Saan kaya sumuot ang lalaking iyon? Katatapos lang ng kasal nila ay nawala na ito agad. May balak ba itong i-ghosting siya? “O, nasaan na ang asawa mo?” nagtatakang tanong ni Mrs. Antigua nang lumapit ito kay Kaye. “Ah, hinahanap ko nga po siya, Ma’am. Bigla na lang kasi niyang nawala,” sagot niya. “Iha, stop calling me, Ma’am. You can call me, Mama. Iyon naman ang nararapat ngayong kasal na kayo ng anak ko,” katwiran ng ginang. “S-sige po, M-mama,” nahihiyang wika niya. Inakbayan siya ng biyenan. “Kung nabubuhay lang ang Papa ni Raizer, tiyak na matutuwa iyon na ikaw ang napangasawa ng anak namin. I know you will be a good wife to him. Alam kong mapapalambot mo rin ang matigas na puso ng anak ko,” nakangiting saad nito. Napatango na lang si Kaye. Kahit sa totoo lang ay hindi siya sigurado kung magagawa niya ang inaasahan ng kanyang biyenan. Ngayon pa lang ay kinakabahan na siya kung makakaya niyang pakisamahan ang napangasawa niya. Mukha kasing masungit ito at mapagmataas. Iyon pa naman ang mga ugaling kinaiinisan niya sa isang tao. “Maiwan na kita rito, iha. Ikaw na ang bahalang maghanap sa asawa mo. Aasikasuhin ko muna ang mga bisitang paalis na,” wika ng ginang. Hinalikan pa siya nito sa pisngi bago ito umalis. Inikot ni Kaye ang paningin sa buong reception area. Pero hindi niya makita si Raizer. Naisip niyang bumalik sa lugar kung saan ginanap ang seremonya ng kasal nila. Ngunit wala rin doon ang asawa niya. Ang inabutan niya roon ay ang mga taong nagliligpit ng mga upuan at mga dekorasyon. Wala siyang maisip na maaaring puntahan ni Raizer kaya nagpasya siyang tumuloy na lang sa hotel kung saan sila magpapalipas ngayong gabi. Tinanong niya ang nasa reception area kung nakita ng mga ito ang asawa niya. Hindi naman daw nagawi roon ang asawa niya ayon sa babaeng nakausap niya. Napakamot ng kanyang ulo si Kaye. Saan na ba nagpunta ang asawa? Bakit bigla na lang itong nawala? Lumabas ng lobby ng hotel si Kaye at naglakad-lakad. Hindi niya namalayan ang sariling napadpad siya sa maluwang na parking area. Tinanaw niya ang mga sasakyang isa-isang umaalis. Marahil ay mga bisita ito na paalis na pagkatapos dumalo sa kanilang kasal. Nakaramdam siya ng panghihinayang nang maala na hindi man lang nakadalo sa kasal niya ang bestfriend niya at ang kanyang ina. May sakit si Khrysstyna kaya hindi ito nakadalo. Ang Nanay naman niya ay hindi nakapunta dahil bawal pa itong bumiyahe ng malayo. Kung bakit kasi naisipan pa ng Mama ni Raizer na sa Palawan ganapin ang kasal nila gayong mas malapit naman ang Antigua Resort sa Batangas. Kaya ang nakadalo lang ay ang boss niya at asawa nito saka ilang kasamahan niya sa trabaho. Nagpaalam na nga ang mga ito sa kanya kanina pa dahil kailangan nilang bumalik agad sa Manila. Pabalik na sana si Kaye sa hotel nang mapansin niya ang SUV na hindi kalayuan sa kinatatayuan niya. Biglang bumukas ang bintana sa driver seat. Kaya kitang-kita niya ang dalawang taong mainit na naghahalikan. Agad na tinakpan ni Kaye ang bibig upang pigilan ang sariling mapasigaw. Anong klaseng problema ba ang pinasok niya? Makakalabas pa kaya siya ng buhay? O para lang siyang kumuha ng batong ipinukpok sa kanyang ulo?  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD