Chapter 2 - A Hard Decision

1705 Words
NAGMAMADALING naglalakad si Kaye sa mahabang pasilyo na iyon. Nag-undertime siya sa kanyang trabaho dahil bigla na lang tumawag ang kapitbahay nila na si Aling Mercy. Isinugod daw nito sa ospital ang Nanay niya dahil bigla na lang daw itong bumagsak sa sahig habang nag-uusap silang dalawa. Kaya naman nang matanggap ni Kaye ang tawag ng biyudang kapitbahay ay bigla siyang nagpaalam sa supervisor niya. Mabuti na lang at mabait si Mrs. Jimenez. Pumayag ito agad na umalis siya kahit malayo pa ang oras ng uwian. Mas importante daw kasi ang buhay ng kanyangh Nanay kaysa sa trabaho niya. Naintindihan kasi nito ang sitwasyon niya bilang nag-iisang anak. Walang ibang puwedeng tumulong sa Nanay niya dahil dadalawa na lang sila sa buhay. Ang Tatay niya ay limang taon ng patay. Mabuti nga at may kapitbahay silang nagmamalasakit katulad ni Aling Mercy. Kung wala ito, baka hindi sa ospital ang tungo niya ngayong hapon kung hindi sa punerarya siya dumiretso. Paliko na si Kaye sa pasilyo nang hindi sinasadyang may nabangga siya. Nagmamadali siya kaya hindi niya napansin na sa kanyang pagliko ay may makakasalubong pala siya. “Naku! Sorry po. Hindi ko po sinasadya,” wika ni Kaye sa taong nabangga niya. Agad niyang pinulot ang tumilapon na clutch wallet at nang iabot niya ito sa may-ari ay nagulat siya. “It’s okay, iha. No harm done,” sagot ng ginang nang tanggapin nito ang wallet. Matamis pa siyang nginitian nito. “Mrs. Antigua?” hindi makapaniwalang tanong ni Kaye sa ginang. Hindi siya maaaring magkamali. Kilala niya ito pero naniniguro lang siya, baka ibang tao ang kaharap niya. “You know me, iha?” Bagama’t nakakunot ang noo ay pilit pa rin siyang nginitian ng ginang. “Yes po, Ma’am. Ako po si Kaye Chrysanthine Armendez. Kaibigan po ako ni Vivienne,” pagpapakilala ni Kaye sa sarili. “Oh!” Tumatango ang ginang habang nakatingin sa kanya. “It’s nice to meet you, iha,” sambit ng ginang nang iabot nito ang kamay sa kanya. Masaya naman tinanggap ni Kaye ang pakikipagkamay ng ginang. “I’m glad to meet you, too, Ma’am,” tugon naman ni Kaye. “By the way, what are you doing here in the hospital? May pasyente ka ba dito?” nakangiting tanong ni Mrs. Antigua. Napakagat ng kanyang labi si Kaye. Bigla niyang naalala ang dahilan ng kanyang pagmamadali at pagpunta sa ospital. “Ang Nanay ko po ay isinugod ng kapitbahay namin dito sa ospital kaya pupuntahan ko po siya ngayon,” katwiran ni Kaye. “Mauuna na po ako sa inyo. Pasensiya na po ulit sa nangyari.” Yumuko pa siya sa harap ni Mrs. Antigua pagkatapos ay tinalikuran na niya ito. “Sandali lang, iha,” pigil ng ginang nang hawakan nito ang kanyang braso. Awtomatikong napahinto si Kaye at nilingon si Mrs. Antigua. “Ano po iyon, Ma’am?” nagtatakang tanong niya. Binitiwan ng ginang ang braso niyang hawak nito saka binuksan ang clutch wallet. May kinuha ito roon at iniabot sa kanya. “Kung may kailangan ka, tawagan mo lang ako. Baka makatulong ako sa problema mo,” nakangiting paliwanag Napatitig si Kaye sa tinanggap nitong calling card. Hindi siya makapaniwalang bibigyan siya nito.“Sige po. Marami salamat po sa offer ninyo.” Yumuko siyang muli bago tinalikuran ang ginang. “KUMUSTA na po si ang Nanay ko, dok?” nag-aalalang tanong ni Kaye nang maabutan si Dr. Mijares na tumitingin sa kanyang ina. Umiling ang doktor sa kanya. “Nagkaroon ng relapse ang dati niyang sakit. Kailangan na niyang mag-undergo ng bone marrow-transplant sa lalong madaling panahon,” paliwanag nito. Napalunok si Kaye. Hindi niya inaasahan ang sinabi ng doktor. “Gano’n na po ba kalala ang kondisyon niya para hindi kayanin ng gamot?” Mahigit isang taon na uminom ng gamot at nag-chemotheraphy ang Nanay niya mula pa noong madiskubre na may CML o chronic myelogenous leukemia ito. Gumaling naman ang Nanay niya pagkatapos ng gamutan. Nasa early stage pa lang kasi ito noon. Pero nakakapagtakang bigla na lang bumalik ang sakit nito pagkatapos nitong gumaling noong nakaraang taon. Sa totoo lang sa gamot na nga halos napupunta ang suweldo niya noon bilang Production Engineer sa isang pabrika ng pambatang damit. Kung kailangan ng Nanay niya ng bone marrow transplant ngayon, saan kaya niya kukunin ang panggastos dito? Kahit pa siguro, mag-loan siya ay hindi sapat ang perang makukuha niya. “I’m sorry, iha. Pero iyon na lang natitirang solusyon para gumaling ang Nanay mo,” sambit ng doktor. “Magkano po kaya ang magagastos para sa operasyon ni Nanay? Kailangan ko pa bang maghanap ng donor?” kabadong tanong ni Kaye. “Malaki ang magagastos na pera. Pero makakabawas sa gastusin kung magiging perfect match ka bilang donor para sa Nanay mo,” tugon ni Dr. Mijares. “You need to undergo HLA matching as soon as possible. I-inform ko ang laboratory department para magawa ang procedure ngayon o kaya ay bukas,” dagdag pa ng doktor. “Maraming salamat po, dok,” pilit ang ngiting wika ni Kaye. Tinanguan lang siya ng doktor bago ito lumabas ng kuwarto. Nahahapong napaupo sa monobloc si Kaye habang nakatitig sa ina na natutulog. Anong gagawin niya ngayon? Saan niya kukunin ang perang kakailanganin ng Nanay niya para sa operasyon? Napasabunot na lang siya sa kanyang buhok nang wala siyang maisip. KANINA pa nakatitig si Kaye sa calling card na hawak niya. Hindi niya malaman kung tama ba ang gagawin niya. Pero wala na siyang maisip na ibang paraan pa. Lumabas kaninang umaga ang resulta ng HLA test na ginawa sa kanya. Nalaman niyang perfect match sila ng Nanay niya kaya puwede siyang maging donor para sa operasyon nito. Pero ang pinoproblema niya ngayon ay kung saan niya kukunin ang perang panggastos para sa operasyon. Nakausap na rin niya si Khrysstyna kahapon. Wala ring pera ang kaibigan niya para maipahiram sa kanya. Hindi naman daw kasi ito pinapahawak ng malaking halaga ng asawa nito. Credit card at fifty thousand lang na allowance ang hawak nitong pera bawat buwan. Wala rin naman itong ipon tulad niya. Kaya ngayon naisip niyang humingi ng tulong sa isang taong kailan lang niya nakilala. Hindi nga lang siya sigurado kung pagbibigyan siya nito. Ano kaya ang puwede niyang ipangako sa ginang para pagbigyan siya nito? Ah, bahala na! Basta kailangan niyang subukan ang lahat ng paraan na maisip niya para lang mailigtas ang buhay ng minamahal niyang ina. Ang Nanay na lang niya ang nag-iisang pamilya niya kaya gagawin niya ang lahat para sa kapakanan nito. “HOW CAN I help you?” pambungad na tanong ng nasa kabilang linya matapos magpakilala ni Kaye sa kausap. “Hihingi lang po sana ako ng appointment para makausap kayo ng personal,” tugon ni Kaye saka siya napakagat ng labi. “Ah, okay. Tungkol ba saan ang pag-uusapan natin?” Napakurap muna ng ilang beses si Kaye bago niya sinagot ang tanong ng kausap. “Hihingi po sana ako ng tulong sa inyo para sa Nanay ko, kung puwede,” diretsahanag wika niya. Hindi na siya nagpreno baka maunahan siya ng hiya at hindi niya tuloy masabi ang totoong pakay niya. “Is that so? Well, I’m willing to help. How much do you need?” Napalunok si Kaye. Hindi siya makapaniwalang papayag agad ang ginang sa kahilingan niya. Ang bait naman pala ng biyenan ni Vivienne. “Ah, hindi ko po sigurado kung magkano ang aabutin ng gastos para sa bone marrow transplant ni Nanay. Pero wala na pong problema sa donor kasi perfect match po ang lumabas sa test na isinagawa sa akin,” imporma niya rito. “Oh! That’s good to hear. Papupuntahin ko bukas sa hospital ang secretary ko para asikasuhin ang mga pangangailangan ng Nanay mo para sa operasyon niya,” saad ng nasa kabilang linya. Gustong sumigaw ni Kaye sa sobrang tuwa. Pero pinigilan lang niya ang sarili. Nakakahiya kasi sa kausap niya. “Maraming salamat po sa inyo, Ma’am. Napakalaking tulong po itong gagawin ninyo para sa amin ng Nanay ko. Paano po ba ako makakabayad sa inyo? Sabihin lang po ninyo ang gusto ninyong ipagawa sa akin. Kahit ano gagawin ko, makabayad lang ako sa inyo,” natutuwang sambit niya. Malaking halaga man ang hihingin niyang tulong, maliit na bagay pa rin ito sa ginang dahil sobrang yaman ng pamilya nito. Kaya nasisiguro niyang hindi pera ang hihingin nitong kapalit nang pagtulong sa kanya. “Talaga? Gagawin mo kahit anong ipagawa ko sa iyo? Wala nang bawian, ha?” paninigurong tanong ng ginang. Sandaling nag-isip si Kaye. Hindi naman siguro illegal ang ipapagawa ng ginang sa kanya. Mabuting tao naman ang pagkakilala niya kay Railey kaya siguradong ganoon din ang ina nito. “Oo naman po. Gagawin ko po sa abot ng makakaya ko,” pangako niya rito. “Okay. Kung ganoon, pakasalan mo ang anak ko pagkatapos maoperahan ang Nanay mo,” wika ng ginang. “A-ano po?” Nabingi yata siya sa kanyang narinig. Hindi kaya binibiro lang siya ng ginang? “Gusto kong mag-asawa na si Raizer para naman mailayo ko siya sa girlfriend niyang golddigger,” dagdag pa ng kausap ni Kaye. Lalong naguluhan ang dalaga sa sinabi ng ginang. “Teka lang po, hindi ko pa kilala ang anak ninyo. Besides, sigurado ba kayo na papayag siya sa gusto ninyong mangyari gayong may girlfriend pala siya,” nag-aalalang sambit niya. “Kung hindi siya papayag, aalisin ko siyang CEO ng kompanyang hawak niya. Tatanggalan ko na rin siya ng mana para walang mapakinabangan ang walang hiyang girlfriend niya. Piniperahan lang naman ng babaeng iyon ang anak ko. Ito namang si Raizer, ginayuma yata kaya hindi maiwan-iwan ang girlfriend niya,” nagpapalatak na wika ng ginang. Natapik ni Kaye ang kanyang noo. Nagkamali yata siya ng taong hiningan ng tulong. Mukhang magiging komplikado ang tahimik niyang buhay. Hindi na kasi siya puwedeng umatras. Nakasalalay sa desisyon niya ang buhay ng kanyang ina. Pipiliin pa ba niya ang sariling kaligayahan kung nakataya ang buhay ng kanyang ina? Kaawaan siya ng Diyos sa kanyang naging desisyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD