“ANG LALIM yata ng iniisip mo, ah. Bakit may problema ba?”
Biglang napasulyap si Penelope sa ina. Hindi niya namalayang nakapasok na pala ito sa kanyang kuwarto. Nasa tabi siya ng bintana at abala siya sa panonood kay Achilles na naglalarong mag-isa ng soccer sa malawak na bakuran kaya hindi niya napansin ang pagpasok ng ina.
“Wala po akong problema, Mama.” Lumayo siya sa bintana at umupo sa ibabaw ng kanyang kama.
“Naku, kunwari ka pa. Halata namang may dinaramdam ka.” Lumapit sa kanya ang ina. Umupo ito sa tabi niya. “May problema ba kayo ni Achilles? Nagkatampuhan ba kayo ng kaibigan mo?”
Umiwas siya ng tingin sa ina. Itinutok niya ang mga mata sa sahig. “Okay lang po kami ni Achilles,” pagsisinungaling niya. Ang totoo’y mahigit na isang buwan na siyang hindi kinikibo ng kaibigan. Ngunit ayaw niyang aminin iyon sa ina. Pakiramdam niya ay masyadong personal ang hindi nila pagkakaunawaan ni Achilles kaya hindi niya gustong malaman iyon ng kanyang Mama.
“Sigurado ka?” hindi makapaniwalang tanong ng kanyang ina.
Tumango lang siya.
“Kung wala kayong problema ni Achilles, bakit hindi ko yata napapansing nag-uusap kayong dalawa? Simula nang pasukan ay hindi ka na rin yata nagagawi sa mansion. Dati-rati ay palagi ka sa mansyon lalo na kung nandoon si Achilles. May dapat ba akong malaman, anak.”
Napakagat-labi siya. Nakakahalata na pala ang Mama niya sa nangyayari sa kanila ng kaibigan. Paano ba niya ipapaliwanag dito ang katotohanan? Maiintindihan kaya siya nito sa kanyang ginawa?
“Mama, kasi…” Hindi niya alam kung paano sasabihin sa ina ang totoo.
Mahigpit na hinawakan ng kanyang ina ang dalawa niyang kamay. “Sige, anak, kung may gusto kang sabihin, makikinig ako,” nakangiting sabi nito sa kanya.
Humugot muna siya ng pagkalalim-lalim na hininga bago ikinuwento sa ina ang totoong nangyari sa kanila ni Achilles.
“Penelope, anak, tama lang ang ginawa mo. Wala kang kasalanan kung hindi mo man masuklian ang pagmamahal na nararamdaman ni Achilles sa iyo. Mas mabuti nang magsabi ng katotohanan kaysa sa magsinungaling ka o magkunwari para lang mapasaya ang kaibigan mo. Naniniwala ako na balang araw ay maiintindihan ka rin niya at matatanggap niya ang katotohanan. Sa ngayon ay unawain mo muna siya dahil maaaring nasaktan mo ng labis ang damdamin niya sa ginawa mo.”
Nangingilid ang luhang napangiti siya sa sinabi ng ina. “Salamat po, Mama, at naintindihan ninyo ako.” Tuluyan nang nalaglag ang luhang namumuo sa kanyang mata kaya hindi na niya napigilan ang sariling yumakap sa ina. Kahit paano’y gumaan ang pakiramdam niya sa sinabi nito. Nabawasan ang bigat na dinadala niya sa dibdib at masasabi niyang nawala na ang guilt na nararamdaman niya.
“Sino pa ba naman ang higit na nakakaintindi sa nararamdaman ng anak kundi ang kanya ring ina. Huwag kang mag-alala, maayos din ang lahat,” masuyong sabi ng kanyang mama habang hinahaplos-haplos nito ang kanyang likod.
Ilang sandaling nanatili sila sa ganoong ayos. “Salamat sa Diyos at binigyan niya ako ng inang katulad ninyong maunawain,” sambit niya bago kumalas sa pagkakayakap sa kanyang Mama.
Marahang pinunasan ng kanyang ina ang mga luha niya sa kanyang pisngi. “Huwag ka nang umiyak. Sigurado akong magkakabati rin kayo ng kaibigan mo. Best friends kayo, hindi ba?”
Nakangiting tumango siya. “So ibig ninyong sabihin, Mama, okey lang na sumabay ako sa kanya sa umaga kahit hindi niya ako kinikibo?” nag-aalalang tanong niya rito.
“Kung hindi ka naman niya pinipigilang sumabay sa kanya, bakit mo naman iisiping umiwas sa kanya? Hayaan mo lang siya kung ganoon ang gusto niyang mangyari. Ang importante ay hindi nagbabago ang pakikitungo mo sa kanya.”
“Paano po kung magtagal pa ang pananahimik niya? Ano pong gagawin ko kung saka-sakali?” Nag-aalala kasi siyang baka kapag tumagal pa ang ipinapakitang panlalamig ng kaibigan ay baka siya ang sumuko dito. Pakiramdam niya ay baka hindi niya kayanin kung magtatagal pa ang ganitong sitwasyon sa pagitan nilang magkaibigan.
“MAGKANO ang ibinabayad mo sa pagtira mo sa dorm? Mahal ba?” interesadong tanong ni Penelope kay Charlotte. Katatapos lang nilang mananghalian ng oras na iyon. Nasa labas na sila ng canteen at naglalakad pabalik ng CAS building.
“Mura lang naman ang bayad. One thousand five hundred pesos per month. Bakit mo tinatanong?”
“Pinag-iisipan ko kasing tumira na lang sa dorm para hindi ako nahihirapang mag-commute araw-araw. ”
Namilog ang mga mata ni Charlotte sa sinabi niya. “Talaga? Magdo-dorm ka na rin?” Abot na hanggang tenga ang ngiti nito. “Sa Dorm 6 ka na lang tumira. May bakante pa yata sa amin. Gusto mo kausapin ko ang houseparent namin?”
“Oo, sige. Kakausapin ko rin si Mama kung papayag siya. “
“Naku, friend, kailangan mong pilitin ang Mama mo. Lalo tayong magiging masaya kapag magkasama na tayo sa dorm. Yehey!” Kulang na lang ay lumundag si Charlotte sa sobrang tuwa.
“Hey! Huwag ka na munang masyadong matuwa kasi magpapaalam pa ako kay Mama. Hindi pa ako sure kung papayag siya. Kailangan ko muna siyang kausapin mamaya.”
“Kumbinsihin mong mabuti ang Mama mo na payagan ka. Kung gusto mo samahan kitang magpaalam sa kanya. Sayang naman ang pagkakataon na magkasama tayo, hindi ba?” nakangiting kumindat pa sa kanya si Charlotte.
Pagkauwi niya ng bahay nila ng hapon na iyon ay sinabi niya agad sa kanyang Mama ang kanyang plano. Bagaman nag-aalangan ay nakumbinsi pa rin niya ang ina na payagan siyang mag-dorm kasama si Charlotte. Kaya kinabukasan ay inihanda na niya ang kanyang mga gamit.
“Sigurado ka na ba sa desisyon mo?” malumanay na tanong ng Mama ni Penelope habang pinanonood siya nitong nagsisilid ng kanyang mga damit sa maleta.
“Opo, ‘Ma. Kailangan ko talagang gawin ito. Hindi ko na kasi kaya ang panlalamig na ipinapakita ni Achilles. Kasama ko nga siya sa pagpasok sa araw-araw pero hindi naman niya ako kinikibo kahit anong gawin kong pakikipag-usap sa kanya.” Hindi na nga niya matandaan kung ilang beses na siyang nag-sorry sa kababata niya.
“Masyado lang siguro siyang nasaktan sa ginawa mong pagtanggi sa kanya kaya gano’n ang ipinapakita niya sa iyo,” malungkot na tugon nito sa litanya niya.
Sandaling napahinto si Penelope sa ginagawa. Isang malalim na buntunghininga ang pinakawalan niya bago siya tumingin sa ina.
“Magkakabati pa kaya kami ni Achilles, Ma?” naiiyak niyang tanong dito.
“Kung talagang kaibigan mo si Achilles, sigurado ako matatanggap din niya ang katotohanan. Maiintindihan ka rin niya balang araw at magiging maayos din ang lahat. Sa ngayon, nasasaktan pa siya kaya mahirap pa sa kanya na tanggapin ang totoo.”
“Salamat, Ma. Pinalalakas ninyo ang loob ko sa sinabi ninyo. Ayoko kasing tuluyang masira ang pagkakaibigan namin ni Achilles,” masayang sabi ni Penelope.
“Sige na, ituloy mo na iyang ginagawa mo. Baka abutin ka ng takipsilim sa daan. Saka naghihintay sa iyo ang kaibigan mo, hindi ba?” nag-aalalang sabi ng Mama niya.
“Matatapos na po ako dito. Saka magti-text naman po ako kay Charlotte kapag nasa biyahe na ako.”
May plano na siya ng gagawin niya. Napag-usapan na nila ni Charlotte na sa dorm na lang ito maghihintay. Paglabas niya ng compound ng Villavista ay mag-aabang siya ng jeep. Pagdating niya sa main gate ng SMU ay saka siya sasakay ng traysikel para magpahatid sa dorm nina Charlotte. Ayaw niyang magpahintay kay Charlotte sa main gate dahil baka matagalan siya sa biyahe. Nakakahiya naman sa kaibigan niya kapag inabutan ito ng takipsilim sa paghihintay sa kanya.