“PAANO 'yan? Dating gawi ulit. Mauna ka nang umuwi kasi may praktis pa kami. Unless, gusto mong sumama sa gym para sabay na tayong uuwi mamaya,” sabi ni Charlotte habang naglalakad sila sa corridor. Katatapos lang ng last subject nila ng hapong iyon.
Umiling si Penelope. Sa loob ng isang buwang paninirahan niya sa dorm ay ni minsan hindi pa niya nakasabay na umuwi sa hapon si Charlotte. Madalas kasi itong may practice kasama ang iba pang miyembro ng SMU Dance Troupe. Siya naman minsan ay may practice din sa Chorale. Kaya kanya-kanya sila ng uwi pagdating sa hapon.
“Uwi na lang ako. Hintayin na lang kita sa dorm para sabay tayong kumain pag-uwi mo.” Wala siyang praktis kaya makakauwi siya ng maaga ngayon.
“Okay, sige. Dito na ako.” Nagmamadaling lumiko si Charlotte paglabas nila ng building.
Nang lingunin niya ang kaibigan ay nakatalikod na ito ngunit ang kamay ay nakataas na kumakaway. Napapangiting tumawid siya sa kabilang building. Malapit na siya sa main road kung saan naroron ang hilera ng mga ladies dormitory nang mapansin niya ang pamilyar na sasakyan, ang pulang Honda Civic ni Achilles. Naka-parking ito malapit sa bukana ng SMU Oval.
Sandaling huminto siya sa paglalakad. Nagtatalo ang isip niya kung lalapitan ang sasakyan o hindi. Sa huli, minabuti niyang lumakad palapit dito. Nasa harapan na siya ng kotse nang biglang may magsalita sa likuran niya.
“Hey! Ako ba ang hinahanap mo?” tanong ng baritonong boses.
Bigla niyang nilingon ang pinanggalingan ng boses. Isang metro ang layo mula sa kanya ay ang nakangiting si Ulysses. Napakaguwapo nitong tingnan sa suot nitong uniporme ng football team. Ang suot nitong t-shirt ay halos bumakat na sa matipunong katawan nito. Nang mapadako ang tingin niya sa sa short na suot nito, bagaman hindi naman maikli, ay hindi niya mapigilan ang sariling isipin kung ano ang itsura ng itinatago nito sa loob niyon.
Uh-oh. Penelope, ano bang nangyayari sa iyo? Bakit kung anu-anong ini-imagine mo?
“Hindi ka na sumagot. Tinatanong ko lang naman kung ako ang hinahanap mo,” nakangiting sabi ni Ulysses. Ibinaba nito ang dalang backpack sa hood ng kotse ni Achilles at lumapit ito sa kanya.
Kinabahan siyang bigla. Wala sa loob na napaatras siya.
“ Si Achilles?” tanong niya sa nanginginig na boses. Hindi niya maipaliwanag kung bakit bigla siyang kinabahan. Pakiramdam niya ay nilalamig ang buong katawan niya sa nerbiyos.
Huminto si Ulysses sa mismong harapan niya.
“Akala ko pa naman ako ang hinahanap mo.” Halata sa mukha at tinig nito ang disappointment.
Kagat-labing napayuko siya. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit ayaw niyang tumingin ng diretso dito na para bang hindi niya kayang matagalan ang mga titig nito.
“Nandoon na siya sa field. Magsisimula na kasi ang praktis namin.”
Bigla siyang nag-angat ng tingin. Nilingon niya ang gitna ng oval. Napansin niya roon ang ilang kalalakihan na nagtatakbuhan at nakasuot ng kaparehong uniporme ng kay Ulysses.
“Baka ako na lang ang hinihintay nila. But I don’t mind being late, kung ikaw naman ang dahilan.”
Kunot-noong napalingon siya dito.
Nakangiting nakatitig sa kanya si Ulysses.
Kung naihihiwalay lang siguro ang puso sa mismong katawan ng tao, baka kanina pa nahulog sa lupa ang puso niya. Kanina pa kasi nagsa-sommersault sa loob ng dibdib niya ang puso niya. Hindi niya maipaliwanag kung bakit ganoon ang nangyayari sa kanya sa tuwing makakaharap niya ang lalaking ito. Ginugulo nito ang maayos niyang kaisipan pati ang damdamin niya ay nalilito sa mga pangyayari. Parang binabagyo ang pakiramdam niya. Kahit kailan ay hindi pa nangyari ito sa kanya. Ngayon lang niya naramdaman ang ganitong uri ng damdamin at kay Ulysses pa. Ni hindi niya kailanman naramdaman ang ganitong pakiramdam sa bestfriend niyang si Achilles.
Bakit gano’n? Kailan lang sila nagkakilala ni Ulysses pero bakit kakaiba ang nararamdaman niya para dito? Sasakit yata ang ulo niya sa kakaisip sa nangyayari sa kanya.
“Aalis na ako. Pakisabi na lang kay Achilles na kinukumusta ko siya.” Pagkasabi nito ay dali-dali na siyang lumakad palayo.
Nakailang hakbang na siya nang muling magsalita si Ulysses.
“Sana sa susunod ay manood ka rin ng praktis namin para makita mo kung gaano kami kagaling maglaro. Magiging masaya ako kung nandoon ka rin sa bleacher at nagtsi-cheer sa amin.”
Sandaling huminto siya sa paglalakad nang marinig ang sinabi nito. Parang hinaplos ang puso niya sa sinabing iyon ni Ulysses. Huminga siya ng malalim.
She was never a sports enthusiast. Wala kasi siyang hilig sa kahit na anong sports. Mabuti pa sina Achilles, Louise, at Ydelle dahil may kanya-kanyang kinahihiligang sports. Pero siya walang kahilig-hilig. Kung magkakainteres man siya sa sports, siguro may magandang dahilan para mangyari iyon.
Nilingon niya si Ulysses.
Naka-plaster pa rin sa mukha nito ang ngiti.
Wala sa loob na napangiti rin siya. Saka muling ipinapatuloy ang paglalakad. One of these days, susubukin niyang manood din ng football. Sasabihin niya kay Charlotte na samahan siya nito. Sigurado siyang gusto nitong manood ng football. Sana lang ay magustuhan din niyang manood. First time niyang gagawin iyon kung saka-sakali.
Ano kayang sasabihin ni Achilles kung makikita siya nitong nanonood sa laro nito? Mapapatawad na rin kaya siya ng kaibigan niya?
“PUWEDE mo ba akong samahan mamaya? Gusto ko sanang manood ng praktis ng soccer” sabi ni Penelope kay Charlotte habang naglalakad sila patungong eskuwelahan ng umagang iyon. Nahihiya siyang manood na mag-isa kaya gusto niyang may kasama siya.
“Soccer ba kamo?” Biglang napahinto sa paglalakad si Charlotte. Nilingon siya nito at pinakatitigan. Iyong titig na parang hindi naniniwala sa sinabi niya.
Napilitan na rin siyang huminto sa paglalakad. May mali ba sa sinabi niya?
“Oo soccer nga iyong sinabi ko. Bakit? Ayaw mo ba?” nagtatakang tanong niya. Sa pagkakaalam niya marami namang babae na mahilig ding manood ng larong soccer. Noong nakaraang lingo na nasa soccer field siya at nag-uusap sila ni Ulysses ay napansin niyang mas marami pang nanonood na babae kaysa sa mga lalaki.
“Hindi naman sa ayaw kaya lang nagtataka lang ako sa iyo. Akala ko ba wala kang hilig sa sports. Pero bakit bigla ka na lang nagkainteres sa soccer. Ano bang meron sa soccer at bigla-bigla gusto mong manood?” kunot-noong tanong ni Charlotte.
U-oh…Paano ba niya sasagutin ang kaibigan? Puwede ba niyang sabihin dito na inimbitahan siya ni Ulysses? O idahilan na lang niya na gusto niyang makita si Achilles? Kahit kasi siya sa sarili niya ay hindi niya maipaliwanag kung bakit bigla siyang nagkainteres sa soccer.
“Wala naman. Gusto ko lang makapanood ng naglalaro. Anyway, madadaanan naman natin iyong soccer field kapag uuwi tayo. Saka sandali lang tayo. Hindi tayo magtatagal doon. Kaya samahan mo na ako,” pangungumbinsi niya sa kaibigan.
“Okay, sige. Sasamahan na kita kahit hindi ko alam kung bakit gusto mong manood ng soccer. Sana lang maraming guwapo doon para naman hindi masayang ang mga beauty natin na manonood,” pilya ang ngiting sagot ni Charlotte.
Pinamulahan siya ng mukha. Ganoon din ba ang dahilan niya kung bakit gusto niyang manood ng soccer? Magpapa-display siya kay Ulysses?