BAHAGYA siyang natawa sa sinabi nito. Napilitan tuloy siyang bumalik sa pagkakaupo. “Grabe ka naman!” natatawang sabi niya rito.
“Ayoko kasing isipin mong dahil lang sinabi ko na gusto kong uminom ng softdrinks ay natataranta ka nang makabili. Please don’t give me an special treatment. Ituring mo ako na katulad mo ring parang pangkaraniwang estudyante. Nakakasawa rin iyong lahat na lang ng tao’y nag-aalala sa akin. Iyon bang lahat ng kailangan ko ay iaabot o ibibigay ng ibang tao. Pakiramdam ko tuloy ay wala akong silbi o kaya’y wala akong kayang gawin para sa sarili ko.”
Bullseye! Tama nga ang hinala niya. Si Charlotte ay galing nga sa maykayang pamilya tulad din ng kababata niyang si Achilles. Siya naman ngayon ang alangan yata na makipagkaibigan kay Charlotte. Bagaman hindi ito masungit o kaya ay matapobre ngunit nag-aalala pa rin siya na baka may hindi magandang ugali ito.
“Hey! Hindi ka na umimik diyan? Hindi mo ba nagustuhan iyong sinabi ko?” nag-aalalang sabi nito nang hindi siya nagre-react.
“W-wala namang problema. Na-naintindihan ko naman iyong sinabi mo.” Bigla siyang kinabahan sa mga tanong nito. Nahalata kaya nito na bigla siyang nangilag sa pakikitungo dito.
“Sure ka? Friends pa rin tayo, ha?”
Tumango lang siya.
“Huwag kang mag-alala, libre ko na itong lunch natin. Pati na rin ang iinumin natin mamaya.”
Ang lakas ng iling niya sa sinabi nito. “Huwag na. May pera naman ako eh. Nakakahiya naman sa iyo.”
“Wala iyon. Friends naman tayo, di ba?”
Sandali siyang nag-isip. Hindi siya komporme sa sinabi nito.
“Okey, sige. Ngayon pagbibigyan kita na ilibre mo ako. Pero sa susunod ay ako na ang magbabayad sa pagkain ko. Kung hindi ka papayag ay hindi na rin ako sasama sa iyo.” Dinaan niya sa biro ang gustong sabihin sa kaibigan.
Tumango si Charlotte. “Okay. Sinabi mo, eh.”
KANINA pa hindi mapakali si Penelope sa kinauupuan niya. Pasulyap-sulyap siya kay Achilles. Ngunit parang hindi siya napapansin nito dahil ang mga mata nito’y nakatuon lang sa unahan ng sasakyan. May sampung minuto na silang bumibiyahe ngunit mula nang umalis sila sa mansyon ay hindi pa rin siya kinikibo ng kaibigan. Nabibingi na siya sa sobrang katahimikan na namamayani sa loob ng sasakyan nito.
“Achilles, galit ka pa ba sa akin?” lakas-loob niyang tanong sa kaibigan.
Hindi umimik ang kausap niya. Nanatiling nakatutok ang mga mata nito sa daan.
“Please naman, Achilles, makipag-usap ka na sa akin.” Hindi siya sanay na nakikitang sobrang seryoso ang kaibigan. Huwag nang idagdag na nagi-guilty pa siya sa sinabi niya rito kahapon. Kung maaari nga lamang niyang pagbigyan ito ay ginawa na sana niya. Ngunit alam niyang hindi lang ang sarili niya ang kanyang dadayain kapag nagkataon kundi pati na rin ang kaibigan. Mas mabuti pa sanang hindi na lang ito nagtapat ng damdamin sa kanya para hindi rin niya nasabi rito ang totoong saloobin niya.
Sinulyapan siya ni Achilles. Ilang sandaling tinitigan siya nito. Mababakas sa mukha nito ang matinding kalungkutan.
“Ano bang gusto mong sabihin ko?” seryosong tanong nito.
Nabigla siya sa tanong nito. Kaya tuloy hindi niya alam kung anong isasagot dito. Nang hindi siya sumagot ay ibinalik nitong muli ang atensyon sa pagmamaneho.
“I’m really sorry. Wala akong intensyong saktan ang damdamin pero wala talaga akong maramdamang iba para sa iyo. Sana maintindihan mo iyon.” Halos magmakaawa na ang tinig niya. Ngunit parang walang epekto kay Achilles ang sinabi niya. Ni hindi man lang siya nito sinulyapan. Nanatili itong madilim ang anyo at tutok na tutok ang mga mata sa kalsada.
Wala na talaga siyang magagawa pa. Kung hindi siya kikibuin ng kaibigan ay kailangan niyang magtiis tutal siya naman ang may kasalanan dito. Hihintayin na lamang niyang lumipas ang sama ng loob nito. Pansamantala ay pagtitiyagaan muna niya ang malamig nitong pakikitungo sa kanya.
“ANG BILIS ng araw, ano? January na pala ngayon. Parang kailan lang noong unang araw na pumasok tayo sa klase. Naaalala ko na na-nalate pa ako noon kaya muntik na akong walang mahanap na upuan. Mabuti na lang at may bakante sa tabi mo.”
“Kaya tayo nagkakilala at naging magkaibigan,” dugtong niya sa sinabi ni Charlotte. Nasa library sila ng oras na iyon dahil absent ang isa nilang instructor kaya naisipan nilang dito muna sila magpalipas ng oras.
“Oo nga. Sana nakatira ka rin sa dorm para mas masaya kasi lagi tayong magkasama .”
Napakamot siya ng ulo sa sinabi nito. “Lagi naman tayong magkasama, di ba? Wala naman akong ibang kasama dito sa school kundi ikaw, ah.”
“Dito sa school iyon. Pero ang ibig ko sanang mangyari ay magkasama rin tayo sa dorm para may kasama ako sa pagpasok at pag-uwi. Tapos may kakuwentuhan pa ako at katabi sa pagtulog. Hindi ba mas masaya iyon?”
Napangiti siya sa sinabi nito. Biglang may kung anong pumasok sa utak niya. “Ang ibig mo yatang mangyari ay hindi na tayo magkahiwalay. Bakit may gusto ka ba sa akin?” Medyo hininaan niya ang huling sinabi.
“Ha? Anong sinabi mo?” kunot-noong tanong ni Charlotte.
“Wala iyon. Nagbibiro lang ako,” nakangiting sabi niya.
Inirapan siya nito. “Gano’n? Nagbibiro lang, ha? FYI, I’m a certified member of the female species. I’m not a member of the so called third s*x. I want to fall in love with a guy and not with a girl,” nakasimangot nitong sabi.
Bahagya siyang natawa sa tinuran nito. “Ikaw naman, sobrang pikon. Nagbibiro lang po ako,” nakatawang sabi niya.
“Hmmp! Paano namang hindi ako maiinis gayong pinagdududahan mo yata ang gender ko.” Nakairap pa rin ang mga mata nito habang nagsasalita.
Hinawakan niya ang kamay ni Charlotte na nakapatong sa mesa. “I’m sorry. I didn’t mean to offend you. Huwag ka nang magalit.”
Lumambot ang anyo nito sa sinabi niya. “Sige na nga. Apology accepted. Kung hindi lang BFF ang turing ko sa iyo ay baka nasampal na kita, eh.”
“Ouch!” Napahawak siyang bigla sa pisngi niya. “ Ayoko pong masampal lalo na kung galing sa iyo.” Siguradong masakit ang bagsak ng sampal nito sa kanya. Paano’y mas matangkad ito at mas mabigat pa kaysa sa kanya.
“Ang OA mo naman,” nakangiting sabi ni Charlotte.
“O, ayan, ngumiti ka na. Bati na talaga tayo, ha?”
“Oo na nga. Ang kulit mo talaga. Pumasok na nga tayo bago pa tayo ma-late.” Tumayo na si Charlotte at isinukbit ang shoulder bag nito.
Tumayo na rin siya at dinampot ang mga librong ginamit nilang magkaibigan. Ibinalik niya sa shelf ang mga ito at nagmamadaling sinundan ang kaibigang nauna nang lumabas. Kalalabas lang niya ng pintuan ng library nang bigla siyang bumangga sa animo’y pader na dibdib. Kamuntik na siyang ma-out balance sa lakas ng impact. Mabuti na lang at maagap ang nabangga niya. Nahawakan siya nito sa kanyang beywang.
“Sorry, miss.” Halos dumikit na sa tenga niya ang bibig nito.
Bigla ang pag-akyat ng kilabot sa buong katawan niya. Nang mag-angat siya ng paningin ay lalo siyang nagimbal. Ilang pulgada na lang ang layo ng mukha niya sa nakayukong mukha ni Ulysses. Kung ibababa pa nito ang ulo ay baka magdikit na ang mga mukha nila. Napalunok siya at wala sa loob na napaatras. Ngunit nanatiling nakahawak pa rin sa kanya si Ulysses. Titig na titig ito sa kanya. He was looking at her as if he was in a trance.
“Ulysses……” Mahina lang ang pagkasabi niya sa pangalan nito ngunit mukhang nakuha niya ang atensyon nito. Kumurap-kurap ito na para bang ginigising ang sarili.
“Penelope…..I-I’m sorry. N-nasaktan ka ba?” Bakas sa mukha nito ang pag-aalala.
Umiling siya. “No. I’m okay. Puwede mo na akong bitawan.” Because you’re making me nervous kamuntik na niyang idugtong.
“Oh! Well……” Nakangiting itinaas nito ang dalawang kamay. He was about to say something ngunit inunahan na niya ito.
“I have to go. May klase pa ako.”
Tumango-tango ito. “Okay.”
Nagmamadaling humakbang siya palayo rito. Nakailang hakbang na siya nang nilingon niya ito. Naroon pa rin ito sa tapat ng pintuan ng library. Nakangiting nakatingin sa kanya. Biglang uminit ang mukha niya. Tumalikod na siya at ipinagpatuloy ang paglalakad. Inabutan niyang nasa loob na ng classroom si Charlotte. Mabuti na lang at wala pa ang instructor nila sa subject na iyon.
“Saan ka pa ba nagpunta? Bakit ang tagal mo?” sunud-sunod na tanong ni Charlotte nang umupo siya sa tabi nito.
“Muntik na kasi akong madisgrasya paglabas ko ng library.”
“Bakit? Anong nangyari?” May pag-aalala sa tinig nito.
“May nabunggo ako paglabas ko. Muntik na akong matumba. Mabuti na lang at nahawakan niya ako,” paliwanag niya rito.
“Bakit? Mataba ba iyong nabangga mo?”
“Hindi naman. Pero matangkad na lalaki at medyo matipuno ang pangangatawan. Nagmamadali ako kaya medyo malakas ang impact ng pagkakabunggo ko sa kanya.”
“So you were saying, ikaw ang bumunggo sa kanya? Or is it the other way around?”
“Ewan ko ba. Nagmamadali na kasi ako kanina. Hinahabol kasi kita. Pero nag-sorry naman sa akin si Ulysses.”
Tumaas ang isang kilay ni Charlotte. “Ulysses? Iyon ang pangalan nung guy? So nakipagkilala pa pala siya sa iyo?”
“Actually, nagkakilala na kami noon pa. Kaibigan siya ni Achilles iyong kababata ko.”
“Ah….gano’n, ba? Guwapo ba naman siya?”
Hindi na niya nasagot ang tanong ni Charlotte dahil sa biglang pagdating ng kanilang instructor.