“MISS, MAY nakaupo ba dito?”
Biglang nag-angat ng tingin si Penelope mula sa kanyang sinusulat. Isang magandang babae ang nakatayo sa harapan niya. Umiling siya. “Wala. Walang nakaupo diyan,” nakangiting tugon niya.
Gumanti rin ng ngiti ang babae. “Kung gano’n, dito na ako uupo. Okay lang ba sa iyo?”
Tumango siya. Itinago niya ang notebook at ballpen sa loob ng kanyang bag saka muling hinarap ang babae.
“I’m Charlotte. What’s yours?” nakangiting tanong nito nang iabot ang kamay sa kanya.
“Penelope,” matipid niyang sagot bago inabot ang kamay dito.
“Nice name,” sambit nito nang bitawan ang kamay niya.
May pilyang ngiti na sumilay sa kanyang bibig sa narinig. “Pareho lang tayo. Maganda rin ang pangalan mo.”
Mahinang tawa ang pinakawalan nito. “I think magkakasundo tayo,” nangingiting sabi nito.
Tumango-tango siya sa sinabi nito. Nakahanap na siya ng bagong kaibigan dito sa SMU.
“From where are you?” nakangiting tanong ni Charlotte.
“Sa San Gabriel.”
Biglang nagliwanag ang mata nito sa sinabi niya. “Wow! Buti ka pa malapit lang. Ako ang layo ng pinanggalingan ko.”
“Bakit taga-saan ka ba?” curious niyang tanong.
“Sa Sta. Lucia.”
Bigla siyang napaisip sa sinagot nito. Narinig na niya ang lugar na iyon ngunit hindi pa niya ito narating. “Gaano ba kalayo iyon dito?” Naisipan niyang itanong.
“Two hours ang biyahe mula sa amin papunta dito sa unibersidad,” paliwanag nito.
“Malayo nga. Saan ka nakatira ngayon?” Imposible pang nagco-commute ito kung gano’n kalayo ang inuuwian nito.
“Nakatira ako sa Ladies Dorm 6.”
Nahinto ang pag-uusap nila nang biglang may dumating at tumayo sa harapan ng klase.
“Good morning everyone! Is this S-10?” seryosong tanong ng matangkad na babae. Medyo bata pa itong tingnan. Marahil nasa mid-thirties lang ito. Nakapusod ang mahaba nitong buhok at nakasuot ng makapal na eyeglasses. Sobrang seryoso ng mukha nito at walang kangi-ngiti pero mababakas ang kagandahan nito na binabagayan pa ng magandang kurba ng katawan. Bigla niyang naalala ang lumang palabas sa TV na napanood nila noon ni Achilles sa YouTube. Kamukha nito si Linda Carter na gumanap noon na Wonder Woman.
“Yes, Ma’am!” sabay-sabay nilang sagot.
“Alright then. I’m Miss Ana Jane Santillan, your instructor in English 101. Please write my name on your classcards.” Tumalikod ito at isinulat sa chalkboard ang pangalan nito.
“Mukhang istrikto ang isang ito, ah,” pabulong na sabi ni Charlotte sa kanya.
Hindi na niya magawang tumingin dito dahil abala na siya sa pagsusulat. Tumango na lang siya bilang pagsang-ayon sa sinabi nito.
“Those of you whose family name starts with letter A, please pass your classcards.”
Napatingin siya sa classcard ni Charlotte. Gorospe ang apelyido nito kaya magkasunod lang sila dahil Grant naman ang apelyido niya.
“Matagal pa yata bago tayo matawag,” nakangiting sambit ni Charlotte nang makita ang hawak niyang classcard.
“Hindi naman siguro. Mukhang kukunti lang ang nasa unahan nating letra,” sabi niya nang mapansing iilan lang ang tumatayo sa bawat letrang tinatawag ni Miss Santillan.
Nang matawag ang letra ng apelyido nila ay kinuha ni Charlotte ang classcard niya saka ito tumayo at dumiretso kay Miss Santillan.
“Salamat, ha?” sabi niya rito nang bumalik ito sa upuan.
“You’re welcome.”
Nang makuha na ni Miss Santillan ang lahat ng kanilang classcards ay saka ito muling nagsalita sa klase.
“I am very particular with attendance. No one is allowed to absent or be late in my class unless you have a valid reason to do so. Three consecutive absence without valid reason will be a ground for dropping the subject. Anyone who will be late for fifteen minutes will be marked absent. But it doesn’t mean that you are allowed to be late for five or ten minutes because if you do that for three times then that is equivalent to one-day absent,” dire-diretsong sabi nito.
“Grabe naman. Terror talaga,” nailing na sabi ni Charlotte.
“Huwag kang maingay, baka marinig tayo,” pabulong niyang saway rito. Nakaupo sila sa pangalawang row kaya kinakabahan siya na marinig ni Miss Santillan ang usapan nilang dalawa.
Hindi na nagsalita si Charlotte. Tahimik na itong nakinig sa mga litanya ni Miss Santillan.
“Ano sa palagay mo, may papasa pa kaya sa atin English?” nag-aalalang tanong ni Charlotte pagkatapos ng klase nila. Nasa labas na sila ng classroom at papunta na sila sa susunod na subject.
Kumunot ang noo niya sa tanong nito. “Bakit mo naman naitanong iyon? Hindi naman masyadong mahirap ang English, ah. Istrikto nga lang kasi si Miss Santillan.”
“Madali sa iyo dahil may lahi kang foreigner.”
Nakatingin ito sa dinadaanan nila kaya hindi nito napansin ang lungkot na biglang bumalot sa mukha niya sa sinabi nito. Bigla kasi niyang naalala ang Papa niya.
“Pero isipin mo naman ang mga requirements na binanggit ni Miss Santillan, research paper, book reports, film reviews at mayroon pang term paper. Hindi naman madaling gawin iyon lalo na at sobrang istrikto pa niya. Sigurado ako ang taas ng standard niya.”
“Okey lang iyon. Ganoon naman talaga ang mga requirements sa English,” balewalang sabi niya.
Huminto sa paglalakad si Charlotte at hinarap siya nito. “Siguro English ang favorite subject mo, ano? Kaya sinasabi mong hindi mahirap ang subject na iyon.”
Sasabihin niya sanang hindi pero baka lalo lamang maiinis sa kanya ang bagong kaibigan. “Oo, kaya huwag mo nang problemahin pa ang subject na iyon. Tutulungan kita at sisiguruhin kung papasa tayong dalawa kung hindi man mataas ang matatanggap nating grade.”
Alanganing ngumiti si Charlotte sa sinabi niya. “Pangako mo iyan, ha?” paniniguro pa nito.
Nakangiting itinaas niya ang kanang kamay. “Promise.”
Sumilay ang matamis na ngiti sa labi ni Charlotte.
Ibinaba niya ang kamay at hinawakan ang kamay nito. “Kaya halika na bago pa tayo ma-late sa next period natin.”
“SAAN KAYA puwedeng mag-lunch dito?” tanong ni Penelope kay Charlotte. Kalalabas lang nila mula sa kanilang last period ng umagang iyon. Naglalakad sila palabas ng CAS at pakiramdam niya ay nagutom siya ng husto dahil dire-diretso ang klase nila mula pa kaninang first period.
“Sabay na tayong kumain sa university canteen. Mamayang hapon na lang ako uuwi ng dorm pagkatapos ng klase natin.”
“Okey lang ba iyon na hindi ka muna uuwi sa dorm ninyo? Hindi ka kaya hanapin?” nag-aalalang tanong niya rito. Ang pagkakaalam niya ay mahigpit ang patakaran ng mga dormitory kaya hindi dapat nilalabag ang mga alituntunin nito. Baka mino-monitor ang pag-alis at pag-uwi ng mga nakatira sa dorm. Kaya kung hindi uuwi si Charlotte ay baka mapagalitan ito. “Ayos lang naman sa akin na kumaing mag-isa. Ituro mo na lang sa akin kung paano makakarating ng university canteen.”
“No, sabay na tayo. Wala namang problema kung hindi ako uuwi sa dorm ngayong tanghali. Hindi naman kami nagluluto doon kaya sa labas kami kumakain.”
“Bakit hindi kayo nagluluto? Bawal ba?”
“Ang Ladies Dorm 6 ay non-cooking dorm kaya sa labas talaga kami kumakain.”
“Oh!” Mayroon palang dorm dito sa SMU na hindi maaaring magluto. Hindi siya halos makapaniwala sa sinabi nito.
“Tara, lakarin na lang natin papunta sa canteen. Hindi naman masyadong malayo iyon dito sa CAS,” yakag ni Charlotte sabay hatak sa kamay niya.
Napilitan siyang sumunod dito. Habang naglalakad sila ay napansin niya ang mga maraming estudyanteng naglalakad din tulad nila. Nang makarating sila sa canteen ay napakaraming tao sa loob. Mahaba rin ang pila sa counter.
“Ang daming tao dito.” Nilinga niya ang mga kumakain na estudyante. “May makakain pa kaya tayo?”
“Mayroon pa siguro. Halika na pumila na tayo.” Nauna na si Charlotte na naglakad patungo sa counter.
Tahimik na sinundan niya ito. Nakapila na sila sa counter nang may maalala siyang itanong dito.
“Paano kung wala tayong mapupuwestuhang mesa mamaya? Dapat yata ay isa na lang ang pumila sa atin at iyong isa nama’y maghahanap ng bakanteng mesa,” suhestiyon niya rito.
“Sige, ako na lang ang pipila dito. Bahala ka nang maghanap ng puwesto natin,” utos ni Charlotte sa kanya. “Ano nga pala ang gusto mong kainin?”
“Bahala ka na. Basta iyong masarap.” Pagkasabi niya rito ay umalis na siya sa pila. Iginala niya ang paningin sa kabuuan ng canteen. Okupado ang lahat ng mesa hanggang sa dulo. Mukhang wala silang mapupuwestuhan ni Charlotte. Pabalik na siya kay Charlotte nang may mahagip ang kanyang paningin. Sa isang sulok ng canteen ay nakita niya si Achilles. Kumakain ito kasama nina Ulysses at ang isa pa nilang kaibigan na ang pagkakatanda niya ay Heinrich ang pangalan. Sandali lang siyang nag-isip. Maya-maya’y nilapitan niya ang mga ito. Ilang hakbang na lang ang layo niya sa mesa nila nang mapatingin sa kanya si Ulysses. Kinalabit nito si Achilles at saka ibinalik ang tingin sa kanya. Napalingon sa kanya si Achilles.
“Kumain ka na ba?” seryosong tanong ni Achilles nang makalapit siya sa kanila.
“Hindi pa. Pumipila pa lang iyong kasama ko sa counter. Naghahanap naman ako ng bakanteng mesa. ”
“Wala na yatang bakante. Dito ka na lang sa mesa namin. Tutal matatapos na kaming kumain,” sabad ni Ulysses. Uminom ito ng tubig at saka tumayo. “Maupo ka muna,” nakangiting alok nito.
“Salamat pero mamaya na lang. Tatayo na muna ako dito para madali akong makita ng kasama ko.”
Napakamot ng ulo si Ulysses sa sinabi niya. Seryoso namang napatingin sa kanya ang kasama nitong si Heinrich.
Tinabihan siya ni Ulysses. “Kung ayaw mo pang umupo, mabuti pa ay iwan mo muna ang gamit mo tapos puntahan mo ang iyong kasama. Hintayin na lang namin kayo para walang ibang kakain dito.”
Sa sinabi nito ay napilitan siyang ibaba ang suot na shoulder bag sa bakanteng upuan. “Sige, pupuntahan ko lang siya sandali.” Walang lingon na tinungo niya ang kinaroroonan ni Charlotte. Inabutan niya itong malapit na sa unahan ng pila. Kinalabit niya ito.
Nagtatakang nilingon siya nito. “Bakit? Hindi ka pa ba nakahanap ng mesa natin?” sunud-sunod nitong tanong.
“May nakita na ako. Iniwan ko nga doon iyong bag ko,” nakangiting sagot niya.
Pinanlakihan siya ng mata nito. “Ano? Bakit mo iniwan doon? Baka mamaya niyan ay mawala iyon. Ang dami pa namang tao dito.”
“Hindi naman. May…” Hindi na niya natapos ang sasabihin dahil biglang sumabad ang kaibigan.
“Naku! Bumalik ka na doon. Ako na ang bahala dito.” Halos ipagtabuyan siya nito.
“Sigurado ka?” alanganing tanong niya rito.
“Oo naman. Kayang-kaya ko ito. Sige na. Alis na,” pagtataboy ni Charlotte.
“Sige bahala ka. Hanapin mo na lang ako doon sa dulo.” Pagkasabi nito ay tumalikod na siya. Malapit na siya sa mesa nina Achilles nang matanaw niyang nakaupo na uli si Ulysses sa upuang binakante nito. Pero bigla itong tumayo nang makita siya nito.
“Nasaan na ang kasama mo?” nakangiting tanong nito.
“Nasa counter pa lang. Susunod na lang daw siya.”
“Maupo ka muna. Lalo kang gugutumin kung nakatayo ka,” sabi nito habang itinatabi ang pinagkainan nito.
Napilitan siyang umupo. “Salamat,” sambit niya at saka nginitian ito. Nang mapatingin siya kay Achilles ay seryosong-seryoso ang mukha nito. Alam niyang galit pa rin ito sa kanya dahil sa nangyari sa kanila kaninang umaga. “Tapos na pala kayong kumain,” wika niya nang mapansing nakasalansan na ang mga pinagkainan nila.
“Oo. Nakakahiya naman kasi sa inyo ng kaibigan mo,” seryosong tugon ni Achilles.
Lalo siyang nakaramdam ng guilt sa sinabi nito. “Pasensiya na kayo, ha? Wala lang talaga kaming mapuwestuhan ni Charlotte. Ang dami kasing tao dito.”
“Walang problema doon. Kanina pa naman kami dito,” wika ni Ulysses.
“Matao talaga dito kapag ganitong oras,” sabad naman ni Heinrich.
“Aalis na kami. Hintayin mo na lang ang kasama mo.” Nauna nang tumayo si Achilles. Sumunod na ring tumayo si Heinrich.
“Maiwan ka na namin dito. Enjoy your lunc,” nakangiting sambit ni Ulysses.
“Salamat, ulit.” Nginitian ito ni Penelope.
“Walang anuman,” wika ni Ulysses. Binuhat nito ang pinagkainan nila at saka sumunod sa mga kaibigan nitong nauna nang umalis.
Wala pang limang minuto mula nang umalis sina Ulysses ay natanaw niya si Charlotte na palinga-linga. Buhat-buhat nito ang isang tray. Nang mapatingin ito sa kanya ay kinawayan niya ito.
“Hay, salamat! Makakain na rin tayo,” tuwang-tuwa na sabi ni Charlotte nang ilapag nito ang tray sa mesa.
“Oo nga. Kanina pa ako gutom,” nakangiting sabi rin niya. “Alin dito ang pagkain ko?” tanong niya nang mapagmasdan ang dalawang mangkok ng ulam. Ang isa’y adobo at ang isa nama’y menudo.
“Pili ka na kung ano ang gusto mo,” utos ni Charlotte habang pinupunasan ng tissue ang kutsara at tinidor nito.
“Okey lang ba kung akin na lang itong menudo?” nag-aalangang tanong niya.
“Sure. Walang problema. Mahilig naman ako sa adobo lalo na kung chicken,” nakangiting tugon ni Charlotte.
Kinuha niya ang menudo at nagsimula nang kumain. Maya-maya’y may naalala siyang itanong.
“Magkano nga pala ang babayaran ko sa iyo?”
“Mura lang iyan. seventy pesos lang kasama na ang kanin. Sayang nga at hindi ako nakabili ng drinks. Hindi ko na kasi mabuhat, eh.”
Bigla siyang nakaramdam ng guilt sa sinabi nito. “Gusto mo ng softdrinks?”
“Sana. Kaya lang mahaba pa yata ang pila sa counter.” Nilingon nito ang counter.
Siya man ay napalingon din dito. Napansin niyang maikli na lang pila. Bigla siyang tumayo. “Sandali lang at bibili ako ng inumin natin.”
Akmang aalis na siya ngunit pinigil siya ni Charlotte. “Mamaya na lang pagkatapos nating kumain. Baka pagbalik mo ay tapos na akong kumain. Wala ka nang kasabay na kakain.”
Napangiti siya sa sinabi nito. “Okey lang. Sanay naman akong kumaing mag-isa. Sa iyo ako nahihiya kasi wala kang iinumin.” Unang kita pa lang niya kay Charlotte ay nahalata na niyang hindi ito pangkaraniwang estudyante. Kung hindi siya nagkakamali ay galing ito sa may sinasabing pamilya base sa pananamit at kilos nito.
“Umupo ka na ulit at ituloy mo iyang kinakain mo. Huwag mo akong alalahanin dahil hindi naman ako mamamatay kung hindi ako makakainom ng softdrinks,” seryosong sabi nito.