"Ito ang pinaka-parke ng Bayang ito," pumasok kami at nilibot ang paligid.
Puno ng halaman, mga bulaklak, mga puno at mga batang naglalaro.
Alas-siyete na ng umaga, maya-maya lamang mag-uumpisa na ang mga palaro sa tapat ng munisipyo.
Umupo kami sa isang beacher na gawa sa bato.
"Napuntahan ko na 'to, nu'ng unang dating ko rito. Akala ko nga naliligaw ako."
Maaliwalas ang paligid, sariwa ang hangin at mga huni ng ibon ang naririnig.
"Maganda sa lugar n'yo. Sa lugar namin wala ng gaanong parke, kalbo na ang mga puno at pakonti nang pakonti ang mga ibon."
Kinukuyakoy ko ang aking paa habang nakayuko ako.
"Ibang-iba na pala ang magiging panahon pagdating sa inyo,"
"Ibang-iba," tumingin ako rito, "Ang daming nagbago, daming nasira at maraming krimen. Pero, naging demokrasya na ang ating bansa sa panahon namin."
"Iyong pinaglaban n'yo sa panahon n'yo, nagbunga sa panahon namin." Dugtong ko.
"Marahil, sumiklab ang pagkakaisa n'yo? Lumaganap ang pinaglalaban namin, ang maging demokratikong bansa."
Tumango ako, "Sa sobrang demokratiko, marami ng sumobra at umabuso rito," malungkot na ngumiti ako.
Magsasalita pa sana s'ya ng may tumawag sa kanya.
"Rigo!" Sabay kaming tumingin sa pinangalingan ng boses, at nakita naming tumatakbo ang mga kaibigan n'ya.
"Sinali ka namin sa palo sebo, magaganap 'yon mamayang alas-otso," napatingin sila sa akin parang ngayon lang nila ako napansin.
"Sino s'ya, Rigo?" Tanong ni Andres. Namumukhaan ko na silang dalawa.
Lagot! Ang sinabi n'ya sa Ina n'ya, kaklase n'ya ako. 'Di n'ya p'wedeng sabihin dito ang gano'ng rasyon.
Tumingin sa akin si Rigo, "kaibigan ko s'ya,"
Kumunot ang noo ng dalawa, "Kaibigan? Parang 'di naman namin alam?"
Tumayo s'ya, "Alas-otso ba ang palo sebo? Tara pumunta na tayo sa munisipyo baka mahuli pa tayo, sayang naman ang magiging papremyo."
Nilahad ni Rigo ang kanang kamay n'ya.
"Binibini, Andres ang aking ngalan at s'ya naman ay si Faustino." Pakilala nila sa akin.
Ngumiti ako sa kanila, "Nicca," nilahad ko ang aking kamay pero tinignan lamang nila ito.
Tinignan ko ang aking kamay baka kasi may dumi kaya ayaw nilang hawakan.
"Walang dumi ang iyong kamay, nahihiya lang kami ika'y kamayan." Saad ni Faustino.
Naguguluhang tumingin ako sa kanila, "bakit naman?"
"Nahihiya sila sapagkat 'di ka naman nila kaibigan," bulong sa akin ni Rigo.
"'Wag kayong mahiya, kaibigan ni Rigo, kaibigan ko na rin." Sabay ngiti ko sa kanila at lahad ulit ng aking kamay.
Nagkukwentuhan kaming apat. Tinanong nila kung paano ko naging kaibigan si Rigo at bakit parang 'di nila ako nakikita sa ekswelahan.
Pero, lahat ng iyon nalusutan namin. Nakagawa kami ng kwentong makatotohanan.
Ang pinoproblema ko na lang, paano ako makakapasok sa paaralan nila kung ga'nong patapusan na ang school year nila.
Paniguradong mas mahigpit dito ang mga paaralan sa mga estudyante nilang pumapasok.
"Kami'y nakasuporta sa'yo, Rigo. Buo ang aming loob na mananalo ka sa palarong ito." Todong todo ang kanilang suporta kay Rigo pero ang isang 'to parang kinakabahan.
"Takot ka sa matataas na lugar?" Tumingin ito sa akin. Umalis ang dalawa kukuha lamang sila ng mauupuan namin.
Lumunok s'ya at dahan-dahang tumango.
"Bakit ka pumayag sa mga kaibigan mo? Malululain ka pala." Bulong ko rito.
Napakamot s'ya ng ulo, "Nilista na nila, binibini. Nakakahiyang tanggihan at minsan lamang mangyari ang ganito."
Ewan din 'tong si Rigo, takot ka na nga pero kaibigan pa rin ang inaalala. Nakakahiyang tanggihan? Kapag libre ang usapan, walang tanggihan talaga.
Dumating ang dalawa na may dalang upuan na gawa sa kahoy.
"Galingan mo na lang, at 'wag kang titingin sa ibaba kung ayaw mong malula." Bulong ko rito.
Tinawag na ang manlalaro. Apat silang maglalaban sa palo sebo. Paunahan makakuha ng flag sa itaas ng kawayan.
"Sana manalo," biglang sabi ko at narinig ito ng dalawa.
"Tiwala lang binibini Nicca, tayo ang magwawagi." Sobrang proud ah. 'Di nila alam kinakabahan na 'yong isa.
Ngumiti na lamang ako sa kanila.
"Sino s'ya?" Tanong ko kay Andres.
May isang matandang lalaki na nakasuot ng barong ang nasa gitna ng apat na kawayang nakatayo.
"Ang mayor. Ang ama ni binibining Dette." S'yang sagot ni Andres.
So, s'ya ang sinasabing ninuno naming mayor kaya kami nagkaroon ng kapangyarihan sa probinsya namin.
"Ang ating palaro ay magbubukas na..."
Nagsipalakpakan ang mga tao.
"Mga manlalaro ng palo sebo, handa na ba kayo?" Dugtong nito.
Lahat sila'y tumungo at nakahanda ang kanilang mga katawan para umakyat sa kawayan.
"Sa bilang ng tatlo, mag-uumpisa na ang laro. Isa, dalawa... tatlo!" Sabay pumito s'ya.
Kanya-kanya ang apat na manlalaro. Kanya-kanyang diskarte.
Kita naming nahihirapan si Rigo, sa kanilang apat s'ya ang nahuhuli.
"Bilisan mo, Rigo!" Sigaw nina Andres at Faustion habang tumatalon ang mga ito.
Marunong ba talagang maglaro ng palo sebo 'tong si Rigo, hirap na hirap s'ya iangat ang sarili n'ya.
Napatingin ako sa isang lalaki sa kanang bahagi ni Rigo na malapit na makuha ang flag.
Nahagip ng paningin ko si Dette, na seryosong nakatingin kay Rigo. Bakas sa kanyang mga mata na may gusto ito sa lalaki.
"May nagwagi na..."
Bumalik sa p'westo namin si Rigo, "Pasensya na, mabilis ang isang 'yon." Sabay kamot n'ya sa kanyang ulo.
Mabilis daw. 'Di lang talaga s'ya marunong.
"Ayos lamang 'yon, Rigo. Mayroon pa namang kadang-kadang at sangkayaw." Sabi ni Andres at sabay lapat ng kanang kamay sa braso ni Rigo.
Kadang-kadang at sangkayaw? Ano namang game 'yon?
"Sa kadang-kadang tayong tatlong lalaki ang kasali, mabilis tayo rito kaya't tayo na panigurado ang mananalo." Kump'yansang sabi ni Andres.
"Sa sangkayaw naman ay ikaw, Nicca. Nilista ka namin kanina, nu'ng kumuha kami ng mauupuan natin." Saad ni Faustino.
A-ako? 'Di ko nga alam iyong sangkayaw? Tapos, ako ang maglalaro!
Sinamaan ko sila ng tingin at sabay silang nagtago sa likod ni Rigo.
"B-bakit ako? 'Di man lang kayo nagtanong muna kung ayos lang sa akin!" Lalo silang natakot maski si Rigo ay natakot na rin sa akin.
"A-ano ba iyong sangkayaw?" Sa sinabi kong 'yon, bigla silang tumawa sa akin.
Aba'y mga siraulo 'tong mga 'to.
"Sige, tumawa lang kayo." Sabay irap ko sa kanila.
Nang mahismasmasan ang tatlo. Halos mangiyak-ngiyak pa sila dahil sa kakatawa.
"Ganito kasi iyon, binibini. Ang sangkayaw ay ginagamitan ng bao ng niyog na may tali. Doon ka aapak sa bao ng niyog at tatakbo, makikipag-unahan sa mga katunggali mo."
Tumango ako kay Faustino.
Madali lang pala, e. Yakang-yaka ko 'to.
"Okay, este ayos! Sino makakalaban ko?"
"Ang anak ng mayor, si Dette." Sabay ngiti ni Andres. "Bihasa si binibining Dette sa larong iyon."
Paktay!
"Sinong Dette?" Patay malisya kong tanong dito.
Nakatingin si Rigo sa akin, at waring nag-aalala ang isang ito.
Luminga-linga si Andres sa paligid. May hinahanap siguro.
"Ayun! Ayun s'ya, Nicca." Sabay turo sa tatlong babae sa 'di kalayuan sa amin. Naka-gintong saya s'ya.
"Iyong naka-gintong saya ang suot. Nasa gitna ng dalawang babae." Dugtong ni Faustino.
Tumango ako rito.
Biglang may nag-anunsyo.
"Ang mga kasaling kalahok sa sangkayaw ay maaaring maparito sa unahan sapagkat mag-uumpisa na ang laro."
"Galingan mo, binibini!" Sumisigaw na pahayag ng dalawa.
Tumango sa akin si Rigo, gano'n ang ginawa ko rito.
Apat din kaming maglalaban-laban. Sa kanang bahagi ko si Dette at seryoso ang kanyang mukha.
Balewala sa mga kasama ko, ang mahabang nilang mga saya na lagpas bukong-bukong.
Nasa harap namin ang pares na bao ng niyog at may tali ang mga ito.
"Ang sangkayaw ay mag-uumpisa na..." Sabay putok ng baril hudyat na umpisa na ang laro.
Kanya-kanya kaming lakad. Binubuhat ko ang bao ng niyog, salit-salitan.
Nangunguna sa amin si Dette, talagang bihasa s'ya sa palarong ito.
"Bilisan mo, binibini Nicca! Mauunahan mo na s'ya!" Sabay na sumisigaw sina Faustino at Andres.
Naunahan ko na si Dette, malapit na ang finish line kailangan malaki ang lamang ko sa kanya.
"May nanalo na... May bago tayong kampyeon."
"Ang galing mo! Akala ko ba 'di ka marunong mag-sangkayaw?" Manghang sabi ni Andres.
"Hindi nga. Madali lang naman pala s'ya, e." Hinihingal na sabi ko sa kanila.
Hinili ako ng dalawa. At, lumapit na sa babaeng nag-anunsyo kanina.
"Anong pangalan mo? At, ngayon lang kita nakita sa bayan namin."
"N-nicca po,"
"Tukayo mo pala ang anak ni mayor." Naguguluhang tumingin ako sa kanya.
Tukayo? Kamag-anak kamo.
"Nicadette ang buong pangalan ng anak ni Mayor. S'ya ang panalo lagi sa sangkayaw pero ngayong taon ay ikaw!"
Nagulat ako. Sa kanya talaga kinuha ang pangalan ko.
Napatingin ako sa p'westo ni Dette. At, ang sama ng tingin n'ya sa akin.
Patay.