Two ~

1801 Words
NAKAHINGA nang maluwag si Evanna nang matapos na rin ang pananghalian. Nakisabay na siya sa ibang kababaehan sa pag-uwi bitbit ang kani-kanilang mga basket. Hindi na siya tumuntong pa ng kolehiyo kahit dalawang taong bokasyon lamang, mas pinili niyang tulungan ang ama at alagaan ang tatlong nakababatang kapatid na mga lalaki. Nagpakawala siya ng buntung-hininga. Sinaniban siya ng pag-aalala dahil hindi sumipot si Anton. Sana ay ayos lang ito. "Uy, ang lagkit ng mga titig ni Senyor Adam sa iyo ha? Iba talaga ang ganda mo, Eva." Siniko siya ng kapitbahay at kaibigang si Matilde. "H-hindi a." Marahas siyang umiling. Kabaligtaran niya ito-masalita, maingay, galawgaw at may kompiyansa sa sarili. Maganda si Matilde, iyon nga lang, napatungan dahil sa mga koloreteng ipinapahid sa mukha. Kaklase niya ito mula elemantarya hanggang ikalawang taon sa sekondarya. Hindi na ito nagpatuloy pa ng pag-aaral at piniling magtrabaho para tulungan ang sariling magulang. "Ang guwapo niya kanina 'no? Pero sabagay, kahit naman kailan at saan, guwapo pa rin siya, as in! Aruuu! Ang sarap niyang lingkisin at magpakulong sa matitipuno niyang mga braso! Hay." K'wela pa nitong reaksiyon. Nangiti lang si Evanna. Masayang kausap si Matilde. Masarap maging kaibigan. Kung ano-ano ang ikinukuwento. Palibhasa'y madalas ito sa bayan para tumulong sa ate nitong may tindahan doon. "Pero alam mo, ako lang ang titigan niya nang ganoon, tatalunin ko na siya at sasabihing, "Hi, Senyor Adam, do you like me?" Sabay hagalpak ng tawa, nagtatatalon pa na tila kinikiliti at kilig na kilig sa sinabi. Nangiti siya. Hindi niya mapigilang matawa sa inakto nito. "Pero seryoso, Eva...sigurado ako, interesado sa iyo si Senyor, one hundred percent pak!" Kunwari ay hindi niya pinansin iyon. Pilit niyang itinatago ang pagkabog ng dibdib. "Sabado na naman bukas. Sa bayan muna ako ngayong weekend, kina ate. May gusto ka bang ipabili? Libre ko?" Siniko siya uli. "Ay naku, 'wag na. Hindi ko pa nga nagagamit iyong ibinigay mong kolorete noong nakaraang linggo." "Bakit nga ba kita binilhan no'n e hindi ka nga pala gumagamit ng make-up. Sabagay, sa ganda at kinis mong iyan, hindi mo na kailangan pang magpaganda. Magandang-maganda ka na. Iyo na! Sinalo mo nang lahat ang kagandahang ibinuhos ni San Pedro!" Kunwa'y galit nitong muwestra. "'Tilde naman, ano ka ba?" Naaalangan siya sa tuwing sinasabihan siya ng ganoon nang kahit sino. Ayaw niyang maging sentro ng atensiyon. Mas kontento siyang nasa sulok lang at walang pumapansin. Huminto ito sa paglalakad, dumikit sa kanya saka bumulong, "Paano kung ligawan ka niya, ha?" Nanlaki pa ang mga mata nito sa panunudyo. Ayaw niyang patulan ang biro nito kaya naman mabilis siyang humakbang para iwanan ito. "Teka, Eva! Saglit naman." Hinila nito ang kanyang braso. "Paano nga?" Pagpupumilit pa rin. "Huwag mong sasabihin iyan. Imposible." "At bakit imposible? Babae kang may gandang kayang ipanama. Lalaki siyang may baul-baul na salaping kayang bumuhay sa buo mong pamilya. Kung ako sa iyo, ikaw na mismo ang umakit sa kanya. Seryoso ako." "Matilde!" "Seryoso ako. Kung ako ikaw, papatusin ko na si Senyor. Guwapo na, may datung pa. Busog ka na sa buhay, busog ka pa sa sarap." Kumindat ito. "Ewan ko sa 'yo!" Nagmartsa siya palayo. MALAYO-LAYO pa si Evanna ay naririnig na niya ang kalansing ng mga pangkusinang kagamitan na kumakalampag sa kawayang sahig ng kanilang maliit na tahanan. Mabilis siyang tumakbo palapit at paakyat sa tatlong baitang na hagdan. "Itay?" Agad siyang nagtungo sa kusinang gawa sa kawayan. Natutop niya ang bibig nang makita ang amang nakahilata sa sahig, may dugong tumutulo mula sa nasugatang noo. Mabilis niya itong nilapitan. "Itay!" "A-ang kapatid mo... kalalabas lang niya sa likuran, h-hanapin mo siya at iuwi bago may mangyaring hindi maganda sa kanya." Itinulak siya ng ama. "O-oho. Babalik ho agad ako." Kahit atubiling iwan ang ama sa ganoong kalagayan, mas mahalagang mahanap niya muna ang kapatid kaya naman humayo na siya. Malalaki at mabibilis ang mga hakbang na ginalugad niya ang maaaring puntahan ng kapatid. Malakas ang mga kabog ng dibdib niya, pinaghalo-halong kaba at takot lalo't madilim na. "Anton!" sigaw niya. Nagtanong-tanong na siya sa mga kapitbahay pero hindi nila ito nakita. Nagtataka pa nga dahil hinanap niya ito samantalang may sarili namang isip ang kapatid para umuwing mag-isa. Alanganing ngiti lamang ang kanyang isinagot. "Anton, nasaan ka?!" Naiiyak na siya. Natatakot para sa kapatid na dalawang taon ang agwat sa kanya. Siya ang panganay sa kanilang apat na magkakapatid, at nag-iisang babae. Hindi na siya nagpatuloy pa sa pag-aaral nang masawi ang buhay ng ina sa isang aksidente dalawang taon na rin ang nakararaan. Ginawa niya iyon para may mag-asikaso sa kanyang mga kapatid at ama. "Anton!" Medyo malamig na ang simoy ng hangin. Sobrang nag-aalala na siya para sa kapatid. Matalino si Anton. Aktibo sa anumang bagay, paaralan man o sa baryo nila. Palakaibigan at magaling makisama. Pero simula nang masawi ang kanilang ina, may mga panahong tahimik ito, at kapag ganoon, tila nag-iiba ang pagkatao, nawawala sa sarili at nagiging agresibo. Nitong nakaraang mga buwan lang na naging madalas na itong sumpungin. "Aling Nadia, nakita ninyo ho ba si Anton?" Katok niya sa nadaanang maliit na tindahan. "Uy, Eva. Aba oo, dumaan siya rito pero nilampasan lang ako nang tanungin ko. Mukhang galit nga e. May nangyari ba?" A, e... medyo ho. Salamat ho. Sige at mauuna ho muna ako." Mabilis niyang paalam. Hangga't maaari ay ayaw nilang ipaalam o malaman ng iba ang kung anumang nangyayari sa kapatid. "Sige. Ingat at gabi na." Pabahol nito. "Salamat ho." Hindi niya mahanap ang kapatid. Isang lugar na lang ang hindi niya napupuntahan, ang lugar kung saan ay madalas nitong pagtambayan at pagmasdan. Dinadala siya nito roon para sabihin kung gaano ito kapursigeng makatapos sa pag-aaral para makapagtrabaho na agad at maiahon sila sa kahirapan ng buhay. Sa gulang na labimpito, may pangarap na ang kapatid para sa kanilang lahat. Ambisyoso si Anton, marahil ay dahil matalino ito at alam kung anong buhay ang nais na tahakin. Mabilis niyang tinunton ang lugar, sa bukana ng mansiyon ng Hacienda Joaquin. Nakahinga siya nang maluwag ng makita nga niya ang kapatid roon, subalit nagulat nang makita ang pagtalon nito sa hindi kataasang pader. Anton! Kinabahan siya. Anong ginagawa nito?! Mabilis siyang lumapit. Kaya rin niyang akyatin ang pader at tumalon sa kabila pero trespassing ang gagawin niya. Pero hindi naman niya maaaring pabayaan ang kapatid. Kailangan niya itong mahila palabas bago pa ito may magawang hindi maganda sa loob. Kaya naman lumapit siya sa guard house at kinausap ang isa sa mga guwardiya roon. Sinabi niyang nasa loob ang kapatid at gusto niyang ilabas. Nagkatinginan ang dalawang guwardiya, ayaw siyang paniwalaan. "Totoo ho ang sinasabi ko, nasa loob po talaga ang kapatid ko." Pagmamaka-awa niya. "Gusto mo lang pumasok sa loob ano? At paano namang mapupunta sa loob ang kapatid mo e nakasara ang gate. Anong ginawa niya, tumalon?" Napalunok siya. Aaminin ba niyang iyon ang ginawa nito? "Gabi na, ineng, umuwi ka na. Ayaw ni Senyor Adam na may umaaligid dito ng hindi naman importante ang kailangan." Taboy ng guwardiya. "Sige na ho, saglit lang ho. O kahit kayo na ho ang maghanap sa kanya sa loob. Please naman ho." Ewan ba niya kung bakit lalo siyang kinabahan. "Hindi nga puwede. Istrikto si Senyor Adam. Umalis ka na." "Manong guard, nasa loob ho ang kapatid ko. M-may...may sakit siya at baka kung...kung ano ang gawin niya roon." Pagmamaka-awa niya. Ayaw ng kanyang ama at kapatid na may maka-alam na iba ang tungkol dito. Pero wala na siyang paraan pa para makuha ang kapatid. Nagkatinginan ulit ang dalawa. Pagkuwa'y tumango ang isang guwardiya, na pinaunlakan naman ng kasama. "Sige, halika na at bilisan mo ha, bago dumating si Senyor. Ayokong mapagalitan." "Salamat ho! Maraming-maraming salamat ho!" Naiiyak niyang sambit habang kumakabog ang dibdib sa sari-saring emosyong nararamdaman. Sabay silang nag-ikot sa maluwang na bakuran ng mansiyon. Tahimik at walang kahit aninong maaninag doon. Nagulat silang pareho nang makarinig ng sigaw sa loob ng mansiyon. Kinilabutan siya. Napatingin siya sa kasamang guwardiya. Mabilis naman itong kumilos para pumasok sa loob. Sumunod siya rito. "A-Anton..." Napasinghap siya sa nakita. "Aling Melba!" sigaw naman ng guwardiya at lumapit sa matandang babaeng nakahandusay sa sementadong sahig katabi ng ilang bubog mula sa basag na paso. Duguan ang ulo nito at hindi kumikilos. "Diyos ko po!" Malakas na niyang hinaing ni Evanna nang makita ang kapatid na nakatayo sa paanan ng matandang babae at may hawak na parte ng basag na paso. Biglang binunot ng guwardiya ang hawak na baril at itinutok iyon sa kapatid. Mabilis din siyang kumilos at iniharang ang sarili sa harapan ng kapatid. "Huwag ho! Hindi niya sinasadya. Hindi niya alam ang ginagawa niya. Huwag!" Halos panawan siya ng ulirat sa sobrang takot at panginginig ng katawan. "Hindi sinasadya? Nakapatay siya!" Galit na galit ang guwardiya. "Huwag ho!" Lumuhod na siya, nagmamaka-awa habang umiiyak. Takot na takot para sa kahihinatnan ng kapatid. "Tumabi ka riyan!" Hinawakan nito sa isang kamay ang maliit na baril habang ang isang kamay ay humahawi patabig sa harap ng kapatid. "Huwag! Huwag sabi!" Hinila niya ang laylayan ng suot nitong pantalon para pigilan subalit tinabig lang siya nitong pahawi. "Tumabi ka sabi!" "AKIN ang mansiyon na ito! Ako ang may-ari ng bayan na ito! Ako ang pinakamayaman sa baryong ito! AKO! AKO" sigaw ng kapatid niya. Nanlilisik ang mga mata nito. Nakakatakot! Nababaliw na naman ito. "Huwag kang kumilos!" Galit na sabi ng guwardiya. Hinugot nito ang radyo para sabihan ang kasama. "Tumawag ka ng ambulansiya at pulis. Madali ka!" anya bago itinabi iyon. Hindi! Makukulong ang kapatid niya. Hindi puwede. Anong gagawin ko?! Ano?! Sigaw niya sa sarili. "Ikaw!" Hinarap ng kapatid niya ang guwadiya at saka itinutok ang hawak na bubog rito. "Ako ang amo mo. Susundin mo ang lahat ng sasabihin ko." Tsaka ito malakas na humalakhak. "Baliw ka nga palang hinayupak ka e!" Lalong nagalit ang guwardiya. Akmang hahampasin nito ng baril ang kapatid kaya naman mabilis siyang tumayo at ubod lakas na itinulak ang guwardiya. Nawalan ito ng balanse at nasadsad sa sahig. Nabitiwan nito ang baril. Mabilis niya iyong sinipa palayo. Pagkuwa'y hinila sa braso ang kapatid. "Tara, Anton! Tumakbo na tayo!" "Ayoko!" Hinila nito ang braso. "Akin ang mansiyon na ito. Rito ako nakatira. Hindi ako aalis dito!" "Tara na!" Nagpumilit siya pero itinulak lang siya nito. Nagpa-ikot-ikot ito sa kinatatayuan, tuwang-tuwa. "Mayaman na ako. Marami na akong pera. Magiging doktor na ako at ililigtas ko si inay." Napahagulgol siya. Hindi na malaman ang gagawin. Lalo siyang nalito nang makarinig ng sirena ng ambulansiya at pulis. "Anton!" Hinila niya uli ito pero nagpupumiglas lang. "Anton..." "Magkasabwat kayong magkapatid ano?!" Sigaw ng pulis. Hinanap nito kung nasaan ang baril, at nang makita sa ilalim ng isa sa mahahabang sopa, mabilis itong tumayo para kunin iyon. Kahit nanginginig, pinilit niyang paganahin ang isip. Tiningnan niya ang kapatid, alam niyang hindi niya ito mailalabas na nasa ganitong pag-iisip, manlalaban lang ito. Pero kung wala siyang gagawin, baka mapatay ito ng guwardiya. Nasabunutan niya ang sariling buhok, gulong-gulo. Napansin niyang nadampot na ng guwardiya ang baril, "Diyos ko!" nausal niya sa sarili. Kaya bago pa man maiumang ng guwardiya ang baril sa kapatid, dinampot niya ang isa pang paso na display na nasa ibabaw ng kabinet sa likuran nila ni Anton at mabilis na ibinato iyon sa guwardiya. "Putang-ina!" Nagulat ang guwardiya. Naiputok nito ang hawak na baril.  A/N: Your vote and/or comment is highly appreciated. :) Thank you for reading. MicX
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD