"ANONG nangyayari?" Gulat na tanong ni Adam na kapapasok lamang sa mansiyon. Sinundan niya ng tingin ang mga tingin ng tatlo sa dingding kung saan tumama ang balang naiputok.
"Ako! Ako si Senyor Adam! Ako ang may-ari ng mansiyon na ito!" Duro ni Anton sa kanya.
Nagdilim ang mukha niya nang makita ang mayordomang nakahandusay sa sahig. "Anong nangyari?!" Mabilis siyang lumapit doon.
Nagpaliwanag naman agad ang guwardiya. Nakapasok na rin sa loob ang EMT para lapatan ng first aid ang matandang nawalan lang ng malay pero may pulso pang pumipintig sa katawan.
May pag-aalalang hinawakan niya ang kamay ng matandang mayordoma. Siya ring paglapit ni Manong Arturo at mangiyak-ngiyak na tumabi sa asawang si Aling Melba. Tinapik-tapik niya ito sa balikat para sabihing hindi naman malala ang pagkakatama ng paso sa ulo nito ayon na rin sa emergency staff.
Mabigat ang dibdib na iginala niya ang paningin sa paligid. Hindi pa rin niya mapaniwalaang nangyari ito sa kanyang sariling pamamahay. Nakita niya ang isa sa mga night security guard niya na kausap ng isa sa mga pulis na rumesponde. May itinuro ang guwardiya, napatingin din siya roon katulad nang kausap nitong pulis.
Evanna? Saka lang n'ya napansin ang dalagang laman ng isip kani-kanina lang. Nagtataka siya. Nakita niya ang lalaking dumuro sa kanya kanina, tumatawa na animo baliw. Tumayo siya at sinundan ng tingin ang mayordomang nasa stretcher para isakay na sa ambulansiya at dalhin sa ospital. Nakasunod si Mang Arturo sa asawa nito.
Nilingon niya uli ang dalaga. Nakita niya ang nanlalaki nitong mga mata sa takot. Napatiim-bagang siya. Medyo lito pa rin siya sa tunay na pangyayari. Huminga siya nang malalim para kalmahin ang sarili.
"Mr. Joaquin," bati ng isa sa mga pulis nang lapitan siya.
"Officer." Maikli niyang tugon.
Sinabi nito ang narinig mula sa guwardiya. Nakinig lang siya. Muli niyang nilingon si Evanna. Walang tigil ang pag-agos ng mga luha nito habang hindi tumitigil sa pagkagat sa ibabang labi. Nagsalubong ang mga kilay niya nang mapansin ang munting dugo sa labi nito, sanhi marahil nang mariin nitong pagkagat doon.
"Dadalhin na namin sa presinto ang lalaki. Isasama na rin namin ang babae dahil magkasabwat daw sila ayon sa guwardiya," anang pulis.
Hindi siya umimik. Nag-iisip.
Humakbang palapit ang pulis sa kinatatayuan ng magkapatid. Napa-atras si Evanna, hinila ang kapatid sa braso. "H-huwag. Huwag po. Huwag!" histerikal na nitong sigaw.
"Huwag ka nang magpumiglas kung ayaw mong makaladkad." Matigas na nitong bigkas.
"Layas! Anong ginagawa mo sa mansiyon ko, ha?!" Biglang sabad ng kapatid nito.
"Huwag kang maingay, Anton. Shh!" Pigil ni Evanna sa kapatid.
"Bitawan mo ang kapatid mo. Poposasan ko na siya." Hawi ng pulis kay Evanna.
"H-hindi ho niya alam ang ginawa niya Mamang Pulis. Huwag ninyo siyang ikukulong, please po." Nagtangkang hawakan ni Evanna ang manggas ng uniporme ng pulis.
Galit na tinabig nito ang kamay ni Evanna. May kalakasan iyon kaya naman napa-atras ito sa sementadong dingding. "Likod!" utos nito.
"Huwag po." Walang patid ang pagluha ni Evanna.
Hindi na matiis ni Adam ang nakikita. Mabilis niyang nilapitan ang mga ito't hinila sa braso ang pulis. "Officer."
"Yes, Mr. Joaquin?"
"Can I talk to you for a minute?"
Saglit itong nag-isip bago sumang-ayon. Ilang minuto rin silang nag-usap, palingon-lingon pa sa gawi ng magkapatid ang tingin.
"Sigurado ho ba kayo riyan, Mr. Joaquin?" Walang ngiting paninigurado ng pulis.
"Yes. And please, close this case."
Hindi muna ito umimik, nag-iisip.
"I will call the Chief of Police tomorrow and tell him myself." Matigas niyang bitaw ng mga salita.
Hindi nagustuhan ng pulis ang narinig pero nagpa-unlak na lang. Bago ito tuluyang umalis ay saglit na tiningnan ng matalim ang magkapatid na nasa isang sulok
BUMIGAY ang mga tuhod ni Evanna nang maka-alis na ang pulis. Naguguluhan man kung bakit hindi dinampot ng mga ito ang kanyang kapatid, hindi na niya iyon pinagtuunan pa ng pansin, ang mahalaga ay nasa tabi pa niya ito.
Mabilis niyang niyakap si Anton. Kahit paano ay ligtas muna sila sa ngayon. Saka lang niya naramdaman ang sobrang panginginig ng buong katawan. Bumigay ang kanyang mga tuhod kaya napasalampak siya sa kinatatayuan. Iyak siya nang iyak.
"Evanna."
Ano na ang mangyayari ngayon? Paano na ang kapatid niya? Siguradong nag-aalala na rin ang kanilang ama, mga tanong na nagsusumiksik sa kanyang isipan.
"Evanna?" Ulit ng tinig.
Tiningnan niya iyon. Dahil naroon pa rin ang takot para sa kapatid, marahas siyang tumayo at iniharang uli ang sarili sa kapatid. Nanlalaki ang mga mata at animo handang makipagbakbakan kung kinakailangan.
"Okey ka lang ba?"
"S-Senyor Adam?"
"Hindi na muna ako magtatanong. Saka na kapag pareho na kayong kalmadong magkapatid. Sa ngayon ay kailangan na muna ninyong magpahinga."
"U-uuwi na ho kami." Akmang hihilahin niya ang kapatid pero tinulak siya ni Anton. Buti na lang at naagapan siya ni Adam.
"Matutulog na ako sa mansiyon ko!" malakas na sabi ni Anton, patalon-talon pa habang umaakyat sa mataas na hagdan.
"Anton!" tawag niya.
"Let him." Singit ni Adam.
"P-pero-"
"May sugat ka."
"H-ha?"
"Here." Hinaplos nito ang dumudugong sugat sa braso niya. "I will clean you up, have a seat here." Saka siya hinila para maupo sa mahabang sofa. Napasunod na lang siya.
"Maupo ka lang diyan. Kukunin ko 'yong first aid kit."
Napasunod na lang siya ng tingin sa likuran nito, pagkuwa'y sa mataas na hagdanan na siyang pinaglahuan ng kapatid. Naroon ang takot na baka kung ano na naman ang gawin nito.
"Evanna."
"H-ho?" Bigla siyang napatayo dahil sa gulat.
"Shh, relax sweetheart." Marahang haplos ang ginawa nito sa kanyang braso. Napasunod ang tingin niya roon.
"Sit down." Bahagya siyang itinulak paupo.
Dinampot nito ang isang bola ng bulak, nilagyan ng betadine at saka maingat na idinampi sa kanyang sugat. Hinipan-hipan pa iyon. Saka lang siya nakaramdaman ng pagka-ilang, at napagtantong ang lapit-lapit nila sa isa't isa.
"Aalis na ho kami Senyor." Bigla uli siyang tumayo.
Naka-upo pa rin ito sa harapan niya kaya tiningala siya. "Sa tingin mo maiuuwi mo ang kapatid mo ng ganyan?"
"N-nag-aalala na ho kasi si itay. Baka kung mapaano siya."
"You can stay for the night. Nagpasabi na ako sa isang kasambahay ko na iparating kay Mang Gaspar ang nangyari. At si Anton, kailangan mong hintayin na humulma siya at bumalik sa sariling katinuan bago mo siya mailabas sa mansiyon ko, tama ba?" Tumayo ito.
"Hin-" hindi niya naituloy ang nais sabihin dahil matiim na siyang tinitigan ng Senyor.
"Don't dare lie to me, Evanna. Here, take this. It will calm your nerves." Abot nito sa isang maliit at bilog na puting tableta.
Mga mata lang niya ang nagtatanong, nagtataka kung para saan iyon.
"Huwag kang mag-alala, pampakalma lang iyan at para makatulog ka nang maayos."
"Uuwi na lang ho kami."
Nagpakawala ng buntung-hininga ang Senyor. Nilapitan siya. Dahil walang aatrasan, napa-upo uli siya habang ang mga mata ay nakatutok sa paglapit nito.
"Ang tigas ng ulo mo." Mahinang turan nito. "Hahayaan na muna kita. Halika, sumunod ka para makita mo kung nasaan ang kapatid mo." At nagpatiuna na nga ito sa pag-akyat sa hagdan.
Nang makarating sa ikalawang palapag, binuksan nito ang pinto na pinaggigitnaan ng limang pintong naroroon. Namangha siya sa nakitang mga drawing na nakapaskil sa dingding. Pamilyar ang mga iyon dahil ganoon ang mga drawing ng kapatid. Hilig kasi nito ang pagguhit. Sa sahig ay may sketch pad at iba't ibang klase ng mga pangguhit at pangkulay.
"Anong...bakit..." hindi siya maka-apuhap ng maitatanong. Naguguluhan.
"Alam ko ang tungkol kay Anton, Evanna. Noong unang pumuslit siya rito, totoong nagulat ako. At dahil kilala ko siya na kapatid mo, pinalagpas ko ang nangyari. Pero nasundan pa iyon, hangang sa naging madalas ang pag-akyat niya sa pader para makapasok dito."
Hindi siya makapaniwala sa narinig.
"Naging paborito niya itong silid dahil siguro sa nakita niyang mga pangguhit. Kilala na siya rito, maliban doon sa baguhang guwardiya kanina. Sigurado akong aksidente ang nangyari kay Manang Melba kaya huwag kang masyadong mag-alala."
"A-aksidente? Ibig hong sabihin, maaaring inosente ang kapatid ko at hindi sinasadya ang ginawa niya kay Aling Melba?"
"Maaaring ganoon. Pero si Manang lang ang makapagsasabi niyon kapag nagkamalay na siya. At sigurado kong hindi na maaalala pa ni Anton ang nangyari kapag tumino na ang isipan niya, hindi ba?"
Napalunok siya. Oo, kahit paano ay lumuwag ang kanyang kalooban sa narinig. Pero...bakit duguan ang itay niya kanina nang madatnan niya ito? Iyon kasi ang kauna-unahang pagwawala ng kapatid na naging bayolente.
"Hayaan muna nating magpahinga ang kapatid mo. Nagpasabi na ako sa katulong na dalhan kayo ng pagkain dito. Makabubuti rin sigurong magpalipas na kayo ng gabi rito. Pupuntahan ko lang si Manang sa ospital."
"Senyor!" Hindi niya sinasadyang mapataas ang tinig. Bigla kasi itong tumalikod kaya nagmadali siyang magsalita.
"Yes?"
"S-salamat ho. Tatanawin kong utang na loob ang kabaitan ninyo sa amin."
Matagal siya nitong pinakatitigan, nakaka-ilang kaya naman iniiwas niya ang paningin at kunwaring tumingin sa kapatid na abala sa pagguhit.
"Get some rest." Tuluyan na itong lumabas ng kuwarto.
ADAM couldn't contain his feelings. He wanted to wrap his arms around her to assure her that everything will be fine. But he did not want to appear aggressive. He knew that she was not ready for that. Not yet. And he didn't even have the clue as to how to proceed.
Pina-andar na niya ang sasakyan para pumunta sa ospital. Nag-aalala siya kay Manang Melba, sana ay ayos lang ito.
Nadatnan niya ang matandang may malay na nga . May benda sa ulo, habang si Manong Arturo ay naka-upo sa tabi nito at hawak ang isang kamay ng asawa. Tatayo sana ang matandang lalaki para batiin ang pagdating niya pero pinigilan niya ito.
"Huwag na ho Manong, maupo lang kayo. Kumusta na ho Manang?" Pinisil niya ang kamay nito tsaka humalik sa noo ng matandang babae na nakangiting bumaling sa kanya.
"Mabuti naman ako. Ano na ang nangyari kay Anton?" Nakita niya ang pag-aalala sa mukha nito.
Nagkatinginan sila ng matandang lalaki. Pagkuwa'y muli siyang bumaling dito. "Manang, ano ho bang nangyari?"
Nagpakawala ito ng hininga. "Kasalanan ko. Nagulat ko siya habang...habang wala siya sa sarili."
"Anong ibig ninyong sabihin?"
"Kinuha niya iyong paso na display na nasa sala. Balak yata niyang iakyat doon sa kuwartong ipinagagamit mo. Nakalimutan kong hindi dapat siya kinokontra katulad nang sinabi mo kapag nasa ganoon siyang kalagayan. Nang binalak kong kunin 'yong paso, hindi niya nagustuhan kaya hayun, hinampas niya ako."
"M-mali pa rin ang ginawa niya. Delikado ang kahit sino kapag may sumpong ang batang iyon. Dapat ay hindi mo na lang siya nilapitan." Sabi ng asawa nito.
"Mabait naman si Anton. Nagulat ko lang talaga siya." Pinilit na ngumiti ng mayordoma.
"Pasensiya na ho. Hindi ko rin akalaing magiging bayolente siya kapag nagulat. Mabuti na lang ho at hindi malala ang pagkakabagok sa inyo. Hayaan ho ninyo at iyon na ang huling pagtuntong niya sa mansiyon. Kailangan na ho niya ng totoong tulong." He really felt sorry for the old couple.
"Ano ang gagawin mo, Senyor?" pag-aalala ng matandang babae.
"Ako na ho ang bahala. Magpahinga na muna kayo. Kayo rin Manong, dumito na muna kayo para masamahan ninyo ang asawa ninyo."
"P-pero-" sabay na pagtutol ng dalawa.
"Hep..." saway niya. "Magpahinga ho kayong dalawa rito, ako na muna ang bahala sa mansiyon. Sige ho at aalis na ako. Kung anuman ang kailanganin ninyo, Manong, tawagan lang ho ninyo ako."
"Salamat, Senyor."
"Sige ho." Tsaka siya lumabas.
Mabilis siyang bumalik sa mansiyon. Naisip niyang baka pati si Evanna ay delikado na rin sa kapatid. Mukhang lumala na ang kung anumang sumpong na mayroon si Anton. Kailangan niyang mailayo ang dalaga sa kapatid nito.
Basta na lang niyang ipinarada ang jeep sa driveway. Iniwan pang bukas ang pinto ng sasakyan nang basta na lang siyang tumalon pababa. Malalaki ang mga hakbang na inakyat niya ang hagdan papunta sa silid na pinag-iwanan niya sa mga ito. Hindi na siya kumatok pa, basta na lang niyang binuksan ang pinto.
"Evan-!" Natigilan siya nang makita ang walang saplot na katawan ng dalaga na nakatambad sa kanyang mga mata.
A/N:
Your vote and/or comment is happily appreciated.
Thank you for reading :)
MicX