"AY!" Nagmamadaling hinablot ni Evanna ang tuwalyang bumagsak sa sahig nang mahulog niya iyon dahil sa gulat at mabilis na ibinalabal sa katawan.
Biglang kumabog ang dibdib niya hindi lang dahil sa gulat nang biglaang pagbukas ng pinto, kundi dahil nasa harapan niya ang Senyor at tulalang nakatitig sa kanya. "S-Senyor Adam." Alam rin niyang pinamumulahaan siya ng mukha dahil sa nakahihiyang sitwasyong inabutan nito.
Gumalaw ang Adam's apple nito nang lumunok. Marahang taas-baba ng dibdib ang ginawa na para bang nagpipigil sa paghinga. Tumaas ang mga mata nito sa kanyang basang buhok, pababa sa kanyang hubad na mga paa.
"S-si Anton kasi, nagbasa sa banyo. Nabasa rin ang damit ko at ayoko namang mabasa itong sahig ninyo. Lalabhan ko ho itong tuwalyang ginamit ko. Ibabalik ko rin ho agad kapag napatuyo ko. Pasensiya na po talaga!" Mabilis niyang saad sa mataas na tinig. Hindi niya alam ang gagawin. Parang sasabog ang ulo niya sa sobrang nerb'yos.
Doon lang ito kumilos. Isa pang panakaw na tingin ang ibinigay sa kanya bago inilibot sa paligid ang paningin. "Nasaan ang kapatid mo?"
"Nandito lang siya kanina. Bigla hong tumakbo habang nagpapatuyo ako!" Balisang kumilos siya para lumabas ng kuwarto.
"Wait! Where are you going?" Pinigil siya nito sa braso.
Malalaki ang mga matang napatingin siya rito. Pakiramdam niya ay maiiyak siya sa hindi maipaliwanag na emosyon. Hindi niya matukoy kung takot ba iyon, hiya o ano.
"Saan ka sabi pupunta?" Mahinang tinig nito na nagpatayo ng kanyang balahibo sa buong katawan.
"S-sa..." Napalunok siya. "S-sa baba...hahanapin si...si Anton?" Pakiramdam niya ay ang init-init ng kanyang hininga.
"Nang ganyang itsura?" Napasunod siya sa paglunok nang lumunok uli ito. Ewan ba niya kung bakit iba ang hatid sa kanya ng umbok sa lalamunan nito.
"Evanna."
"Hm?" Kung sana sa bawat pagtawag sa pangalan niya'y kasing-tamis ng pagtawag nito.
"You're killing me."
"A-ano ho?"
"You're making me want to kiss you."
Tila nagising naman siya sa narinig. Marahas siyang umatras, at dahil nasa makipot na pintuan sila, nauntog tuloy siya sa noo. Napasigaw siya sa naramdamang sakit. Agad naman siyang siniyasat ng Senyor.
"Let me see..." Hinawi nito ang buhok na nakatakip sa kanyang noo. "Halika sa kama para magamot ang sugat." At basta na lang siya nito pinangko.
"Senyor!" Napatili siya.
Pero hindi ito nagpapigil. Inilapag siya sa kama. Kinuha pa ang isang kumot at ibinalabal sa kanya. Matiim siyang tinitigan, halos tumagos sa kanyang kaluluwa. Alam niyang kailangan niyang umiwas. Hindi dapat siya magpadala sa sitwasyon pero...mapipigilan pa ba niya ang sariling damdamin na noon pa umusbong para dito? Maitatago pa ba niya ang nararamdaman? Patuloy ba siyang iiwas para lamang sundin ang utos ng ama?
"You're so beautiful, Evanna." Umangat ang kamay nito.
Umiwas ka! Iwas! Sigaw niya sa sarili. Naikuyom niya ang mga palad.
Subalit sabay silang natigilan nang biglang pumasok sa silid si Anton-hubo't hubad. Pareho silang mabilis na napabalikwas ng tayo. Napa-diyos ko si Evanna, habang si Adam ay mabilis na humablot ng isa pang tuwalya sa banyo at ibinalot sa kapatid.
"Now, you both need clothes. I'll be right back. Ikukuha ko lang kayo ng maisusuot."
Nakagat niya ang labi sa mga ngiting sumilay sa mga labi nito. Agad niyang itinuon kay Anton ang atensiyon nang kindatan siya nito. Saka lamang siya nakahinga nang maluwag nang maka-alis na ang senyor. Ipinilig pa niya ang ulo para palisin ang imahe ng g'wapo nitong mukha.
"Muntik na...muntik-muntikan na," bulong niya sa sarili.
IPINATAWAG ni Adam sa isa sa mga katulong niya si Evanna. Naka-upo siya sa isa sa mga silya sa hapag-kainan, sa harap ay isang botelya ng beer na halos nakalahati na niya. Muli siyang tumungga, pagkuwa'y nahagip ng paningin ang orasang pandingding, alas onse na pala ng gabi.
Lalagukin na sana niya ang beer na nasa lalamunan nang makita ang kabuuan ni Evanna na bumungad sa kusina, nasamid tuloy siya dahil sa gulat. Bigla siyang napatayo para pagpagin ang nabasang suot na kamiseta. "s**t," bulong niya sa sarili.
"S-sorry ho, Senyor...mukhang nagulat ko kayo." Alanganing lumapit ang dalaga.
"Hin...hindi. Hinihintay talaga kita." Tumikhim siya at iniiwas ang mga mata sa nakalitaw nitong mga hita. Bigla siyang nakaramdam ng pag-iinit sa buong katawan. "Maupo ka." Muwestra niya na agad naman nitong sinunod.
Napangiti siya sa sarili. Hindi sumagi sa isip niya ang magiging itsura ng dalaga sa ipinahiram niyang malaking kamiseta rito, pero ngayon...ang makita ito sa sarili niyang damit ay naghatid sa kanya ng matinding kasiyahan. At aaminin niyang gusto niyang makita ito sa araw at gabi sa ganoong kasuotan.
"Salamat nga ho pala sa pagpapatuloy ninyo sa amin ng kapatid ko sa mansiyon ninyo pansamantala." Nakapatong ang mga kamay nito sa mesa, nilalaro ang mga daliri, halatang ninenerbiyos.
Napabuntung-hininga siya. Natatakot ba ito sa kanya? "Gabi na. Isa pa, hindi mo maiaalis ang kapatid mo rito hangga't may sumpong siya. Kung ako lang ang masusunod, hindi kita papayagang manatili sa iisang silid habang nasa ganyang kalagayan si Anton."
"A-anong ibig ninyong sabihin?"
"Malala na ang sumpong ng kapatid mo. Kailangan na siyang makonsulta ng espesyalista."
"Hindi."
"Evanna."
"Hindi ho baliw ang kapatid ko."
"Evanna-"
"Hindi siya baliw!" Napalitan ng inis ang kanina lamang ay parang takot nitong reaksiyon.
"Hindi pa nga pero malapit na. Kung ayaw ninyong tuluyan siyang mapunta roon, ipagagamot ninyo siya."
"Kapatid ko ho si Anton at kaya kong pangalagaan ang sarili ko. Hindi niya ako sasaktan."
"Hindi pa. Pero malapit na kapag napirmi lang siya sa inyo. Whether you like it or not, he's going to get the treatment that he deserves."
"Hindi na ninyo kailangan pang gawin iyan. May plano na kami ni itay kaya hindi na ninyo kailangan pang sabihin sa 'kin."
"Kailan?"
"Kapag...kapag nakasahod na si itay sa susunod na buwan."
"What?"
"Kapag may-"
"Narinig ko. Ang itinatanong ko ay kung bakit kailangan pa ninyong maghintay."
Napa-awang ang mga labi nito. Mapaklang ngumiti pagkatapos. "Dahil hindi ho kami kasingyaman tulad ninyo. Ang pamumuhay namin ay nakadepende sa inyo. Ang perang hinihintay namin ay manggagaling sa inyo."
"Then just ask me. Lahat naman ay sa akin lumalapit at nagbibigay ako."
"Iyon na nga e. Buong baryo, ang lahat ng naririto ay sa inyo umaasa- sa Hacienda Joaquin. Baon na rin ho kami ng utang sa inyo. Kaya tama na. Ayaw naming matali sa inyo sa buong buhay namin."
Napatiim-bagang siya. Napalunok ito. Nakita niya ang pabago-bagong reaksiyon sa mukha nito habang ang mga labi ay kumibot-kibot. "Is that so bad?"
"Ho?"
"Masama bang sa akin sila lumalapit? Hindi ba ganoon na ang gawain dito sa laod bago pa man ako dumating? Am I demanding them to pay me back? And I thought I was helping out."
"Hin...hindi ganoon ang ibig kong sabihin. Ayaw lang naming matali sa utang ng loob sa inyo."
Naggalawan ang panga niya. Tumayo siya't lumapit rito. Napatayo rin ito, sumunod ang paningin sa kanya hangang sa tumigil siya sa harapan nito. Nakasandal na ang puwitan nito sa gilid ng mesa.
PARANG mapupugto ang hininga ni Evanna. Ang lapit-lapit lang kasi ng Senyor sa kanya. Abot kamay. Malalanghap na ang buga ng bawat hininga nito kung lalapit pa itong lalo. Namanhid na yata ang kanyang buong katawan, hindi siya makakilos. At kung bakit nahihirapan siyang lumunok, waring natuyo ang kanyang lalamunan.
"Are you afraid of me?" pabulong nitong bigkas na nagpatayo sa kanyang mga balahibo.
Umiling siya, iling na may pag-aalinlangan. Naitanong tuloy niya sa sarili ang tanong nito. Hindi siya takot pero...hindi rin naman siya komportable sa presensiya nito. Alam niya ang sagot pero hindi niya aaminin. Hindi dapat. Ayaw niya. Hindi puwede.
"I just don't want you to get hurt, Evanna."
"Hindi niya ho ako sasaktan. Kapatid ko siya."
"He is sick."
"Matalino ang kapatid ko."
"Hindi ka ba nakikinig? Matalino man o hindi, may sakit siya. At kailangang mailayo siya sa inyo pansamantala."
"Alam ho namin. Sa susunod na buwan nga namin siya dadalhin sa Maynila."
"Manila? I can help you."
"Salamat na lang ho pero kaya na namin iyon."
"'Tang'na...ang tigas ng ulo mo."
Mura iyon, pero bakit hindi man lang siya na-offend? Sa halip ay iba ang damdaming inihatid niyon sa kanyang kaibuturan.
"S-Senyor Adam..." Dinilaan niya ang mga labi dahil sa naramdamang panunuyo ng mga iyon. Napansin niya ang paglunok ng Senyor. Dahilan para gumalaw ang umbok sa lalamunan nito. Pigil ang sariling madama iyon. Naka-e-engganyong haplusin. "Tama na ho iyong mga nautang ni itay sa inyo. Ayaw na naming lalo pa kaming mabaon."
Pumagkit ang mga mata nito sa kanyang mukha. Waring may kung ano-anong naglalaro sa isipan. Paano kung...paano kung tama nga ang sapantaha ng kanyang ama, na interesado nga ang senyor sa kanya? At kung totoo nga iyon, tatanggapin ba niya? Oo ang sagot pero...kung siya ang masusunod, ayaw niya. Hindi sa ganitong pagkakataon.
"Evanna."
"Ho!" Nabigla siya kaya naman napasigaw siya ng sagot.
"Hey, relax." He chuckled.
Kinagat niya ang labi para hindi mapasinghap sa kagandahan ng ngiting sumilay sa mga labi nito. Tama si Matilde, kahit sino nga naman ay mahahalina sa katikasan ng Senyor. At kahit sinong babae ay mapapa-ibig nito. Pero ito...malabong mapa-ibig ng kahit sinong babae. Kahit siya. At ang atraksiyong sinasabi nila na mayroon ito para sa kanya, alam niya higit kanino man na kaparehas lang nang sa mga babaeng nagdaan sa buhay nito-tawag ng laman, at hindi t***k ng puso.
"Live with me."
Ang hinuha na kanina lang ay naglalaro sa kanyang isipan ay nagkatotoo na. Tila bombang sumabog sa kanyang pandinig ang mga katagang iyon. Tama sila. At tama nga siya. Isa lang siya sa mga babaeng pinagkaka-interesan nitong makuha. Pero sabagay, hindi na iyon bago. Ilan na ba ang napapabalitang mga babaeng napadikit dito? At hindi siya naiiba.
"I will take care of everything. You will take care of me."
Gusto niyang umiyak. Bakit ba siya nasasaktan? Hindi ba dapat matuwa siya dahil...dahil tama ang kanyang ama? At ito ang gusto nitong mangyari?
"A-anong sinasabi ninyo?" Pumikit siya. Gusto niyang tumakbo. Magtago. Magkulong sa sariling silid.
"Importanteng magamot na si Anton. Kapag naayos na ang sa kanya, ang sa atin naman ang pag-uusapan natin. Go rest now, Evanna. Let's talk again tomorrow." Tumalikod na ito para iwananan siya.
Saka lamang tumulo ang pinipigilang luha. Pero hindi siya iiyak. Pinahid niya iyon. Dapat magsaya siya. Napukaw nga niya ang makamundong pagnanasa ng senyor. At iyon na ang simula.
"ANTON?" Bungad ni Evanna sa silid na tinulugan ng kapatid pagkagising na pagkagising.
"Ate Eva." Nahihiya itong yumuko. Alam kasi sa sarili na sinumpong na naman ito.
"Kumusta na ang pakiramdam mo? Ayos ka lang ba? May masakit ba? Ha?" Sunod-sunod niyang tanong habang kinakapa niya ang buo nitong katawan.
"Ate, okey lang ako." Pinigilan siya ng kapatid.
Saka lamang siya nakahinga nang maluwag. Tumayo siya at hinila ito sa braso. "Tara na, umuwi na tayo."
"Pero 'te, gusto raw tayong maka-usap ni Senyor Adam?"
"Ha? Bakit? Tungkol saan?" Pakiramdam niya ay may bumara sa kanyang paghinga.
"Hindi ko alam e. Nasa library niya raw siya, sa ibaba sa tapat ng sala."
"Bakit alam mo?"
Ngumiti ito. "Medyo madalas na kasi ako rito." Nagkamot pa ito ng ulo.
"Ikaw Anton!" Kung hindi lang siya kinakabahan ay baka napingot na niya ito sa tainga. "Ako na lang ang pupunta. Dito ka lang, babalik agad ako." Tsaka na siya umalis para pumanaog at hanapin ang library.
Hindi naman siya naligaw dahil pagkarating sa sala, lumiko sa kaliwa at agad nakita ang pintong bukas matapos tahakin ang may kahabaang pasilyo. Sumilip muna siya bago kumatok. Walang sumagot kaya itinulak niya ang mabigat na pinto. Ilang hakbang ang ginawa niya papasok, tumigil at iginala ang paningin.
Mataas ang kisame ng mansiyon, mas lalo pa rito sa library. Maluwang, marami at may nagtataasang istante ng mga libro. Amoy aklat din sa loob dahilan para mapangiti siya. May amoy at mukhang totong library pa ito kaysa roon sa mga eskwelahan.
May mesa sa pinakaharap niya, mahaba at halatang gawa sa mamahaling kahoy. May computer sa ibabaw niyon, mga file folders at libro. May isang mahabang sofa na kulay kape, at dalawang pang-isahan na magkatapat. Ang mesang nasa gitna ay hugis mula sa pinutol na higanteng katawan ng gitnang kahoy, pero pinakinis ang bawat gilid at parte. Pinakintab din ito ng ipinahid na barnis.
"YOU'RE here."
"Ay, palaka!" Napatalon siya sa gulat.
"What?" Nagkaharapan na sila ng senyor.
"W-wala ho. Magandang umaga ho."
Tinitigan lang siya nito. Walang reaksiyong makikita sa mukha. Pagkuwa'y inilapag sa mesa ang dalang brown envelope bago umupo sa pang-isahang sofa. "Where's Anton? Have a seat." Ang lamig ng tono nito, at kung bakit naman pakiramdam niya ay galit ito sa kanya.
Naupo na lang siya. Maingat niyang iniiwas ang mga mata. Ayaw niyang makipagtitigan. Kunwari ay sa labas ng desalaming bintana siya tumingin, sa likuran ng lalaki.
"May naka-usap na akong espesyalista na titingin kay Anton."
Tiningnan niya ito. Pagkuwa'y yumuko. Hindi alam kung ano ang sasabihin.
"May isang linggo kayo para asikasuhin ang dapat asikasuhin, gayundin ako bago tayo lumuwas. Naka-usap ko na ang ama ninyo kaninang umaga. Nagkasundo na kami sa mga dapat mangyari."
"N-nag-usap na kayo ni itay? Anong sinabi niya? Anong pinagkasunduan ninyo? Anong...anong gagawin ko?" Halos sumabog ang dibdib niya sa hindi maipaliwanag na kaba.
Matiim lamang siyang titinitigan nito. Napansin din niya ang maikling pagtitig nito sa brown envelope na nasa ibabaw ng mesa. Pagkuwa'y nagpakawala ito ng malalim na hininga. "I will be your guardian for the meantime while in Manila. And while Anton will be treated, you will stay with me."
"A-anong gagawin ko?" Wala sa loob na ulit niya.
"What do you want to do, Evanna?"
"Ha?" Napalunok siya. Ano nga ba ang dapat niyang gawin?
Iba ang gusto niyang gawin. Iba rin ang sa kanyang ama. Pero...sa ngayon, ano nga ba ang dapat niyang sundin?
"Anyway, seems like Anton is back to his sanity. You can take him home now. I will pick you up on Sunday, a week from now. You both need to be ready by then."
Tumango lang siya kahit hindi pa rin sigurado sa tinatakbo ng pangyayari.