PAGKAGISING ko pa lang ay agad akong naglinis sa loob ng bahay. Hindi naman kalakihan ang bahay namin, dalawang palapag pero dalawa lang ang kuwarto sa taas at isa naman sa baba. Tinulungan naman ako sa paglilinis ng aming nag-iisang katulong na si Ate Bebe, siya sa labas at kusina, ako naman sa loob.
Hindi ko mapigilan ang mapangisi habang pinupunasan ang mga picture frame kung saan may mga litrato naming mag-asawa. May mga litrato kami nang hindi pa kami kasal, hanggang sa ikinasal kami. At base sa mga litrato namin ay mukhang mahal na mahal naman ako ng asawa ko. May litrato pa kami kung saan nakasuot siya ng lab coat at nakangiti kami pareho sa camera, siya ang kumuha ng litrato dahil nakataas pa ang kaniyang kamay na may hawak sa camera. Base sa litrato ay mukhang niyaya niya akong mag-selfie sa loob ng ospital, makikita kasi sa background na nasa ospital kami.
He’s a doctor by the way, a neurosurgeon. Pero ang sabi niya sa akin ay nag-resign na raw siya sa pagiging doctor mula nang maaksidente ako 2 years ago, at ginawa niya ’yon para personal niya akong maalagaan. Minsan tuloy ay nakokonsensya ako, kasi pakiramdam ko ay kasalanan ko kung bakit hindi na niya pinagpatuloy ang kaniyang profession at mas pinili na lang na tumira sa isang probinsya kasama ako. Pero sa kabilang banda ay sobrang grateful naman ako kasi nagkaroon ako ng asawang tulad niya. Hindi nga lang siya ’yong klase ng asawa na malambing at makulit, dahil siya ’yong klase ng asawa na tahimik lang pero maasikaso at sobrang maalaga. Bunos na rin ang kaniyang pagiging guwapo. He’s now a 29-year-old, and I'm 30. Oo mas matanda ako sa kaniya ng isang taon. Natatawa nga ako kapag kinukwento niya sa akin na madalas niya akong tawaging Ate dati. I don't know if it's true, but it's funny to hear. Ate niya lang noon, pero naging asawa niya na ngayon.
Matapos maligo ay muli kong dinampot ang aking phone at tumawag uli sa kaniya.
“Mahal, nasaan ka na?” agad kong bungad na tanong na may halong excitement.
“Papadaong pa lang ang barko sa Calapan, Mahal. Baka within an hour ay nariyan na ako sa Pinamalayan.”
Napangiti na ako at mas lalong nabuhayan. “Oh sige, Mahal, ipagluluto na lang kita ng pagkain for lunch. Ano pala ang gusto mo?”
“Basta kung ano ang gusto ng asawa kong lutuin, then ’yon din ang gusto kong kainin.”
Napangiti na lang ako sa kaniyang sagot.
Kaya naman matapos ang tawag ay agad na akong pumasok ng kusina at inumpisahan nang magluto ng pagkain para sa aming magiging tanghalian.
Pinakbet ang isa sa mga paborito ng asawa ko at adobong kangkong, kaya iyon na lang ang niluto kong ulam at nagprito na rin ako ng galungong na isda. Siya kasi ’yong tao na hindi mahilig sa mga karne kasi hindi raw healthy. Pero minsan ay pinagluluto naman niya ako ng aking mga paborito katulad ng beef menudo, beef curry, at fried chicken. Pero syempre hindi talaga nawawala ang gulay sa amin, tuwing kakain dapat may kasamang gulay.
“Ate Bebe, tikman niyo nga po ang mga luto ko kung masarap na,” pagtawag ko sa aming katulong. Tuwing araw lang ito pumupunta rito para magtrabaho dahil mas gusto niya stay out kasi may mga asawa at anak din siya na kailangan niyang asikasuhin pagkatapos ng buong araw na trabaho. Pero kapag nasa Maynila si Kyle ay dito siya natutulog sa akin para samahan ako.
“Hmm. Ang sasarap lahat, Ma’am. Ayos na ayos na ang lasa. Siguradong magugustuhan lahat ni Sir!”
Napangiti naman ako at hinubad na ang suot kong epron. Pero agad akong napahinto nang marinig ang pagdating ng sasakyan sa labas.
“Oh mukhang nariyan na po yata si Sir Kyle, Ma’am.”
Namilog na ang mga mata ko. “N-Naku hindi puwede, amoy sibuyas bawang pa po ako, kailangan ko pang maligo muna!” Nataranta na ako. “Pakisabi na lang po sa kaniya na hintayin na lang ako rito, o kaya ipaghanda niyo na lang po siya ng mga pagkain at punahin na, baka kasi gutom na.”
“Sige po, Ma’am, ako na po ang bahala kay Sir.”
Patakbo na akong lumabas ng kusina. Ngunit sa aking paglabas ay siya namang paghinto ko nang makita na ang pagpasok ng asawa ko sa pinto. Bago pa ako makatakbo paakyat ng hagdan para pumunta sa kuwarto ay nakita na ako nito, dahilan ng paghinto rin nito.
Nagtama na ang mga mata namin.
“M-mahal . . .” mahinang usal ko.
Blangko ang ekspresyon niya akong tiningnan, hanggang sa unti-unti nang sumilay ang kaniyang ngiti sa labi at binuksan na ang mga bisig sa akin.
Kaya naman imbes na tumakbo paakyat sa kuwarto para maligo, ay mas pinili kong tumakbo papunta sa kaniya at sinalubong na siya ng yakap.
“Mahal!” Yumakap na ako ng mahigpit. I missed him so much!
“Asawa ko!” Niyakap din niya ako ng mahigpit na kinaangat ko na lang nang diretsong buhatin niya.