ANG saya saya ko dahil sa wakas ay nakabalik na rin si Kyle.
Ngayon ay kasalukuyan na kaming kumakain ng lunch, pero bago niya inumpisahang kumain ay pinaglagay muna ako ng pagkain sa plato ko. Sanay na rin ako, ganito siya lagi sa akin, sobrang maasikaso.
“Ano, Mahal, masarap naman ba ang luto ko ngayon?” tanong ko nang matikman na niya ang dalawang putahe ng ulam.
He smiled and nodded while eating. “Palagi naman, Mahal. Noon pa man ay masarap ka na talaga magluto. Paborito ko na ang luto mo dati pa.”
Napangiti naman ako at natuwa sa kaniyang sagot. Pero bakit ko nga ba tinatanong pa nang paulit-ulit kung masarap ba ang luto ko? Eh palagi naman paborito na niya dati pa ang sinasagot niya sa akin. Pero at least hindi siya nagsisinungaling dahil nakikita ko naman na magana siya lagi kumain lalo na kapag alam niyang ako ang nagluluto.
“So, kumusta naman dito habang wala ako? Ayos naman ba ang farm natin? Wala naman bang nangyaring mga gulo?”
“Wala naman, Mahal. At oo nga pala, napataniman ko na ng mga palay ang ating palayan.”
Tumingin siya sa akin at parang nagulat, pero agad ding sumilay ang ngiti. “That’s good. Ang galing na pala ng asawa ko kung gano’n. Akala ko hihintayin mo pa akong dumating para maasikaso ang ating palayan.”
“Syempre naman, Mahal, kaya ko naman. Magbabantay-bantay lang naman ako at magbibigay lang ng sahod sa mga trabahador, kaya kayang-kaya ko na. Hindi naman puwedeng iasa ko na lang lagi sa iyo ang lahat. Alam ko naman na busy ka rin sa iba mong negosyo sa Maynila.”
“Thank you. Salamat sa pag-aasikaso sa ating ibang negosyo. And pasensya ka na kung ngayon lang ulit ako nakabalik, inabot pa ng two weeks sa Maynila.”
Tumango lang ako at ngumiti. “Ayos lang, Mahal. Hindi mo naman kailangan humingi sa akin ng pasensya dahil lang sa pag-iwan mo sa akin dito. Naiintindihan ko naman na kailangan mong magtagal doon dahil sa iba mong negosyo. Pero matanong ko lang, Mahal, ano nga pala ang negosyo mo sa Maynila?”
Napahinto ang asawa ko sa aking tanong. Pero agad din akong sinagot kalaunan.
“Ang totoo niyan ay may VIP patient sa ospital na pag-aari ni Dad, at ang gusto ng patient ay ako ang mag-perform ng surgery for him. Kaya natagalan ako sa pag-uwi kasi hinintay ko pa maging stable nang tuluyan ang kondisyon ng patient after the operation.”
Napatango-tango naman ako at medyo nasurpresa na may kasamang pagkamangha. “Ah kaya ka naman pala natagalan, Mahal. Talaga nga palang napakagaling mong doctor at ikaw ang gusto ng pasyente na mag-opera sa kaniya. I’m so proud of you, Mahal.” Natutuwa ako. Hindi ko akalain na bumalik na siya sa kaniyang doctor. Kaya pala natagalan siyang bumalik.
Napangiti lang ang asawa ko sa sinabi ko at pinagpatuloy na ang kain. Nakakatuwa na makita siyang ganado sa luto ko, sarap na sarap. Ang sarap din niya tuloy pagmasdan. Napakaguwapo niya at matangkad, dark handsome, kasi hindi naman siya maputi katulad ng ibang lalaki. Pero napakalakas ng dating niya para sa akin, super guwapo niya, katunayan ay madalas kong mahuli na may mga babaeng napapatitig na lang sa kaniya na parang na-starstruck. Siya kasi ay may makapal na kilay, matangos na ilong, magandang mga mata. Pero wala siyang balbas kasi ayaw niya ng humahaba, nakikiliti kasi ako kapag hinahalikan niya, kaya tuwing tutubo ay inaahit niya agad.
Tahimik nga lang siya madalas, palibhasa ay negosyo lagi ang nasa isip. Eh kasi naman kung wala siya sa Maynila at narito lang sa Mindoro, palagi naman sa aming farm, tumutulong minsan sa mga trabahador. Hindi siya maarte katulad ng iba, dahil nakakaya niyang maglinis ng piggery kasama ang mga trabahador namin, at minsan ay nagagawa din niyang mag-spray sa aming palayan kahit mainit ang sikat ng araw, exercise na raw niya ’yon. Kaya hanga sa kaniya ang mga trabahador namin, at syempre nangunguna na ako na asawa niya. Ako kaya ang numero unong tagahanga niya.
Matapos mag-lunch ay dumalaw kami ng asawa ko sa aming farm at palayan dahil gusto raw niyang kung ayos na ba ang palayan.
“So ano, Mahal, bilib ka na ba sa akin dahil nagawa ko naman nang maayos ang pagpapatanim ng mga palay?” tanong ko habang nakaupo na kami sa kubo na nasa gitna ng aming palayan.
“Bilib na bilib, Mahal. Magaling ang ginawa mo. Pero matanong ko lang, magkano naman ang pinasahod mo sa kanila?”
“Six hundred, walang kain pero may meryenda. 7:30 AM to 3:00 PM. Pinameryenda ko sila ng soft drinks and sandwich na ako mismo ang gumawa.”
Napangiti sa akin ang asawa ko at hinaplos-haplos na ang buhok ko. “Oh, ang bait naman ng mahal ko. Ang galing na pala mag-asikaso ng aming negosyo. Thank you, Mahal.” Hinalikan niya na ako sa pisngi.
Para naman akong pinamulahan at napangiti na lang. “Walang ano man, Mahal.” Hinalikan ko rin siya sa pisngi—na kinalapad na lang din ng kaniyang ngiti.
Nagpahinga muna kami sa kubo, kinuha ng asawa ko ang isang duyan at itinali. Nakatulog ako sa duyan nang nakaunan ang ulo sa kaniyang bisig at nakayakap naman ang braso sa kaniyang katawan.
Gabi na nang magising kami pareho dahil sa lahat ng mga lamok na umuugong na sa aming paligid.
“Ayos ka lang ba, Mahal?” may pag-aala na tanong sa akin ng asawa ko at mabilis na hinubad ang suot na t-shirt, ginamit na pang pampalo sa mga lamok. Nangati na kasi ako dahil sa mga kagat, paano’y napasarap pareho ang tulog namin.
“Let’s go home. Ang dami nang lamok dito, baka may dala pang sakit.” Mabilis na pumuwesto sa harap ko ang asawa ko matapos isuot muli ang kaniyang damit at bahagyang umupo. “Sumampa ka sa likod ko, bubuhatin na kita papunta sa kotse.”
Wala na akong inaksaya kong oras at agad nga akong sumampa sa kaniyang likod. Kaya binuhat na niya ako paalis ng kubo, nilakad na niya ang mahabang daan sa gitna ng palayan. Nasa labas pa kasi ang kotse namin. Medyo madilim na dahil gumagabi na, pero aninag pa naman ang daan.
“Kyle, hinahabol tayo ng mga lamok. Tumakbo ka dali!” utos ko dahil narinig ko pa rin ang ugong ng mga lamok.
“Sige, Mahal, kumapit ka ng mabuti,” kaniyang sagot sa akin at humigpit ang yakap sa mga paa kong nakapulupot sa kaniyang baywang.
Natawa na lang ako nang mabilis na niya akong itinakbo. Pero nasa kalagitnaan malapit na namin marating ang dulo ng palayan nang mapatili na lang ako sa gulat.
Nadulas ang asawa ko at sabay kaming bumagsak sa palayan, dahilan para lumubog kami sa putikan.
“Diyos ko po, Mahal!” hiyaw ko na napapikit na lang dahil sa pagbagsak, nagtalsikan ang mga putik.
“Mahal!” Mabilis na tumayo ang asawa ko at inalalayan akong bumangon. “Asawa ko, ayos ka lang?”
“Mahal naman!” Natawa na lang ako at tumayo na habang puno na ng putik ang suot kong pajama at damit.
“Sorry, asawa ko, ang dulas naman kasi ng daan.” Binuhat na ako ng asawa ko, pero hindi na ako pinasampa sa likod kundi binuhat na ako ng kaniyang mga bisig. Pareho na lang kaming natawa nang itinakbo pa rin niya ako kahit putikan na kami pareho.
Sumakay kami sa aming kotse nang parehong madumi.
Pagdating sa bahay ay agad kaming naghugas sa hose na ginagamit ko pandilig sa mga halaman sa backyard. Hinugasan ng asawa ko ang mga putik sa katawan ko bago naman niya hinugasan ang kaniyang sarili at hinubad ang kaniyang suot, tanging boxer lang ang tinira sa katawan. Nang matapos maghugas ay sabay na kaming pumasok ng bahay nang tumutulo pa ang tubig sa aming katawan.
“Baka madulas ka, Mahal, bubuhatin na lang kita.” Binuhat na lang ako ng asawa ko paakyat ng hagdan. Napangiti na lang ako dahil talagang napaka-caring niya.
Pagdating namin sa aming bedroom ay saka niya ako ibinaba.
“Mauna ka nang maligo, Mahal, pupunasan ko lang ’yong mga kumalat na tubig sa labas.”
Tumango na lang ako at pumasok na ng bathroom. Agad akong naligo. Gusto ko sanang magbabad muna sa bathtub pero baka mainip sa paghihintay si Kyle, kaya pinili ko na lang maligo sa shower. Pagngiti-ngiti pa ako habang sinasabon ang katawan ko dahil talagang ang saya ko sa pag-uwi ng asawa ko, siyempre may kakatabi naman ako sa pagtulog at may gigising sa akin kapag binabangungot. Madalas pa naman akong bangungutin nitong mga nakaraang araw, siguro ay dahil wala siya sa tabi ko.
Nang matapos maligo ay sinuot ko lang nag bathrobe at binalot ng tuwalya ang buhok ko bago binuksan na ang pinto. Pero sa pagbukas ko ay agad akong napahinto nang marinig si Kyle na may kausap sa phone.
“Magpapakasal na siya ulit? Good for him. See? Lumabas na rin ang totoo na kabit niya ang babaeng ’yan. But I don’t think I can attend his wedding, I’m busy with my businesses, Mom. I’m sorry.”
Nang ibaba na ng asawa ko ang phone nito ay saka ako tuluyang lumabas ng banyo at tumikhim. Napalingon naman ito agad sa akin.
“Tapos na ako, Mahal. Puwede ka nang maligo.”
Napangiti naman na sa akin ang asawa ko at ibinaba na lang ang phone sa ibabaw ng drawer bago lumapit.
“Magbihis ka na at hintayin na lang ako para sabay na tayong bumaba. Sinabihan ko si Ate Bebe kanina na ’wag na tayong ipagluto for dinner, dahil mas gusto kong ipagluto ang asawa ko para kahit papaano makabawi naman ako dahil sa tagal ng pag-uwi ko.”
Gusto ko man matawa ay tumango na lang ako at ngumiti. “Sige, Mahal, hintayin na lang kita.”
Hinalikan pa ako ni Kyle sa pisngi bago pumasok ng bathroom.
Natawa na ako nang mag-isa na lang. Ang totoo kasi ay marunong naman siya magluto, pero madalas hindi masarap kasi nga walang lasa minsan, matabang, pero minsan ay maalat naman. Gayunpaman ay pinupuri ko pa rin dahil asawa ko siya at sobrang appreciate ko ang effort niya. Ganito lang naman siya kapag bagong uwi galing Maynila, bumabawi sa akin sa pamamagitan ng ipagluto ako ng paborito kong ulam na bulalo. Tapos hindi siya kakain ng luto niya, dapat ako lang. Kaya natatawa talaga ako kapag sinasabi niyang ipagluluto niya ako.
“Hmm. Mukhang hindi na naman yata ako makahinga nito mamaya sa sobrang busog,” natatawa ko na lang usal at nagbihis na sa loob ng dressing room.
Pero paglabas ko ng dressing room ay naabutan kong tumutunog ang phone ni Kyle sa ibabaw ng drawer.
“Mahal! May tumatawag sa ’yo!” pagtawag ko.
Pero hindi ito sumagot, mukhang hindi narinig, siguro ay kasalukuyan pang naliligo. Kaya naman lumapit na lang ako sa drawer at tiningnan kung sino ang tumawag.
Dad calling . . .
Natigilan naman ako at hindi na alam kung sasagutin o hindi. Dahil ang totoo ay hindi ko pa nakikilala ni isa sa pamilya ng asawa ko. My husband told me na magulo ang kaniyang pamilya, kaya hindi muna niya ako maipakilala, but soon, ipapakilala niya rin ako, bigyan ko lang siya ng panahon. Pero ang alam ko ay alam na rin ng kaniyang pamilya na may asawa na siya, iyon nga lang ay ni isa sa family member niya ay di ko nakakausap kahit sa phone call man lang.
Hindi ko na sinagot ang tawag ng kaniyang daddy hanggang sa tuluyan nang natapos at naging missed call na lang. Pero isang text message naman ang agad na dumating.
From Dad: Do not ignore my call, young man. Hindi ka puwedeng mawala sa kasal ng...
Kalahati lang ng message ang nabasa ko, dahil kailangan pang buksan ang phobe para mabasa ng buo ang mensahe. Pero ayoko naman makialam sa phone ng asawa ko kaya hinayaan ko na lang.
“Sino kaya ang ikakasal? Kapatid niya o kamag-anak?” hindi ko mapigilang usal nang mabasa ang kalahati ng mensahe. Hahanapin ko na lang sana ang suklay para suklayin na lang ang buhok ko, pero muli na naman nag-ring ang phone.
Akala ko ’yong Dad pa rin ng asawa ko ang tumawag, pero ibang pangalan na ang lumabas sa screen.
Cyrus Calling...
Nilingon ko muli ang pinto ng bathroom pero hindi pa rin lumalabas si Kyle. Hindi ko alam kung sino’ng Cyrus, pero baka importante kaya tumawag.
Dinampot ko ang phone at agad na pinindot ang answer.
“Hello po?”
Ngunit wala naman sumagot. Nang tingnan ko ay missed call na lang, di ko na pala naabutan. Narinig ko naman ang pagbukas ng pinto kaya agad akong napalingon. Nakito ko na ang paglabas ng asawa ko na nakatapis lang ng puting tuwalya.
“Mahal, may tumawag pala sa ’yo. Sinagot ko kasi baka importante. Pero hindi ko naman naabutan.”
“Angela!” Mabilis na nakalapit sa akin ang asawa at agad na hinablot ang phone sa kamay ko. Nang makita nito ang pangalan ng tumawag ay bigla na lang nanlaki ang mata na para bang gulat at mabilis na napabaling ang tingin sa akin. “D-did you accept his call?”
Mahina akong umiling. “Sasagutin ko sana, pero hindi ko naabutan—”
“Angela! Hindi mo dapat pinapakialaman ang phone ko! Kung makita mo man na may tumatawag, just ignore it! Hayaan mo lang mag-ring, hindi ’yong kailangan mo pang pakialaman!”
Nagitla ako dahil sa bigla nitong pagtaas ng boses sa akin. Nagulat ako.
“N-nagagalit ka sa akin dahil lang sa pagsagot ko?”
“Oo! Dahil hindi mo puwedeng basta na lang pakialaman ang phone ko kung kailan mo gusto! Paano na lang kung . . .” Napatigil ito na parang may na-realize.
“Paano kung ano?” mahina kong dugtong at iniwas na ang tingin sa kaniya. Parang bigla na lang humapdi ang mga mata ko.
“I-I’m sorry, nabigla lang ako—”
Mabilis na akong umakyat ng kama at nahiga ng patalikod sa kaniya. Namuo na kasi ang luha sa mga mata ko at ayokong makita niya.
“M-Mahal, sorry . . .” Naramdaman ko na ang kaniyang paglapit. Umakyat na siya sa kama at ilang sandali pa ay yumapos na sa baywang ko mula sa likuran.
“Nagkamali ako, sorry kung napagtaasan kita ng boses.”
“Matutulog na ako, Kyle. Huwag mo na akong istorbohin pa,” mahina kong sagot na pilit na lang pinaayos ang boses dahil parang naiiyak na ako.
“Hey, Mahal, hindi ka puwedeng matulog nang ganiyang basa pa ang buhok. At isa pa, hindi pa tayo nakakapag-dinner.”
Hindi na ako sumagot pa, pero tuluyan nang nangilid ang luha sa mga mata ko.
Nang hindi ako sumagot ay sinilip niya na ang mukha ko. Pero mabilis ko nang pinikit ang mga mata ko para hindi niya makita na naiiyak na ako.
“Mahal, galit ka ba sa akin?”
‘Oo!’ gusto ko sanang isagot ’yon.
“Hindi ako galit, Kyle, tama ka naman, hindi ko dapat pinapakialaman ang phone mo. Pero gusto ko lang linawin na hindi ko naman pinakialaman. Sinagot ko lang ang tawag kasi baka importante pala. Ngunit hindi ko inaasahan na magagalit ka agad na parang may tinatago ka sa akin,” sagot ko pero nanatiling nakatalikod sa kaniya at nakapikit ang mga mata.
“Hey, wala akong tinatago sa ’yo, Mahal. Okay, I’m sorry. Oo na, mali ako, nag-over react ako. And I’m sorry, huwag ka nang magalit pa, please?” Lumambing na ang kaniyang boses.
“Hindi nga ako galit. Gusto ko na lang matulog kasi inaantok na ako. Kaya hayaan mo na lang ako.”
Rinig ko ang kaniyang malalim na pagbuntonghininga na parang hindi na alam kung paano ako kakausapin.
“Oh sige, ganito na lang. Dito ka na muna, ipagluluto lang kita sa baba. Dadalhin ko na lang dito ang pagkain kapag luto na, then sabay tayong kakain. Okay ba?”
Hindi ako sumagot pa. Pero hinalikan niya na ako sa pisngi at lumabas na ng kuwarto matapos magbihis.
Naiyak na lang akong mag-isa sa kama. Hindi ako makapaniwala na pagtataasan niya ako ng boses dahil lang sa muntik ko nang pagsagot sa kung sino mang tumawag sa kaniya.
Ngayon lang niya ako napagtaasan ng boses. Kaya hindi ko mapigilan ang mabigla at masaktan. Kung makapag-react siya ay akala mo’y may kung ano’ng tinatago sa akin.