CHAPTER SIX
Czarina
Several years ago. . .
“SAAN KA?” tanong ko kay Clarence matapos naming bumaba sa bus na sinakyan. Napansin ko kasi na sa maling direksyon ang punta niya. Halatang hindi sanay na mag-commute at napilitan lang. “Naroon iyong papunta sa mall. Buti na lang kasama mo ako kung 'di mawawala ka pa.”
“Thank you.” Tumalikod siya pagkasabi noon sa akin.
“Welcome. Mag-iingat ka, Atty. Sungit!” Ngumiti ako bago tumungo sa daan papunta sa dorm ko. Ang bigat nitong dala ko at pakiramdam ko'y makakalas na ang aking braso. Ayoko naman magtaxi kasi mahal tapos madalas manyak pa ang natityempong driver sa akin. “Ang aga-aga naman ng inuman niyo,” untag ko sa grupo ng lalaki na kapitbahay ko.
“Tumama sa go banana itong si Garry kaya heto inuman na!” Malakas ang tawa nila na nagpa-iling sa akin. Nagpaalam ako sa kanila at dire-diretso na pumasok sa dorm ko. Hindi ko pa 'man nabubuksan ang ilaw ay nahintatakutan ako na maaninag ang bulto na nakaupo sa wooden couch.
“Ang hirap mo hanapin, Czarina. Kung saan-saan ako nagpunta tapos narito ka lang pala.” Si Apollo iyon, ang may-ari ng bar na pinagta-trabaho-an ko. Iyong gahaman na may-ari na habol ng habol sa akin na para bang may ninakaw ako sa kanya. “Bakit hindi ka na pumapasok? Balak mo ba akong takasan?”
“H-hindi naman, Apollo -”
“Bakit hindi ka nagpapakita sa akin? Pati text at tawag ko ay iniignora mo!” Lumapit sa akin si Apollo at mahigpit na hinawakan ang braso ko. “Baka nakalimutan kaya ipapaalala ko ulit. Akin ka. Akin ka lang, Czarina! Hinding-hindi ka makakatakas sa akin, naiintindihan mo? Kaya huwag ka na mag-aksaya ng oras mo!”
Tinulak niya ako paloob dahilan upang tumama ang balakang ko sa lamesa. Alam ko na huli na para tumakbo. Nahuli na niya ako at sa liit ko na ito, imposible pa na makalaban ako. Nilapitan niya ako saka hinila ang buhok ko. Pakiramdam ko'y mababalian ako ng leeg sa ginagawa niya at iyong hawak niya sa akin, sigurado ako na pasa ang kapalit noon.
“A-Apollo. . . pakiusap h-huwag ka naman m-manira ng gamit. Papasok na ako. Babalik na ako sa bar.” Tangina! Wala talaga akong choice at ang hirap ng ganito. “Please. . . ah!”
“Masunurin ka naman dati, Czarina. Ano'ng nangyari? Dahil ito sa kaibigan mo na kinuha na ng mayaman at maimpluwensyang tao? Hindi ko malapitan kasi nga malaking tao sila at kayang-kaya ako dikdikin.” Umiling ako pero imbis na lumuwag pagkakasabunot niya sa buhok ay mas lalo lang humigpit. “Alam mo ang kaya kong gawin, Czarina. Alam mo na kapag tinangka mo tumakas, mapapahamak ang tutulong sa 'yo.”
“H-hindi ako tatakas. . .” Binitawan niya ako dahilan para masubsob ako sa sahig at tumama ang ulo ko paa ng lamesa.
“Mabuti naman kung gano'n.” Nabalot ng takot ang dibdib ko ng marinig ang hinga ni Apollo. “Aasahan kita mamaya sa bar. Marami ang naghihintay na customer sa 'yo doon.”
Umalis siya pagkasabi noon at iniwan bukas ang pinto ng dorm ko. Dahan-dahan ako umupo at inayos ang aking sarili.
Ganito na ang buhay ko mula ng ibenta ako kay Apollo. Ito iyong gusto ko na talikuran pero paano kung wala akong kalaban-laban. Bukod pa roon ay kargo de konsensya ko ang sinumang tutulong sa akin.
Pinahiran ko ang aking luha saka tumayo na at nagligpit. Wala akong panahon para mag-drama ngayon. Kailangan ko na pumasok kung 'di ay lagot ako kay Apollo.
Ang hirap ng walang pagpipilian sa buhay. Mahirap ang ganito palagi pero paano ako aalis?
Paano nga ba?
PAGKATAPOS ng raket ko, umuwi na ako para matulog sana kaso naabutan ko na gising sina Aria at Grace. Naghahanda sila ng almusal kaya inaya nila ako na sumalo sa kanila na hindi ko naman matanggihan.
“Pumasok ka na pala ulit?” tanong ni Grace sa akin na sinagot ko lang ng tango.
Ayoko sabihin sa kanila iyong dahilan bakit ako pumasok uli sa bar. Akala ko naman kung sinong customer ang naghahanap sa akin, iyon naman pala ay walang iba kung 'di si Congressman Lapid.
Malaki ang binayad ng kongresista sa akin pero binawasan iyon Apollo dahil daw sa hindi ko pagpasok. Hindi na ako nagreklamo at hinayaan na lang siya sa gustong mangyari.
Hawak-hawak lang naman ang ginawa sa akin dahil kapag ako, bawal ako i-take home base sa rules ni Apollo. Kasi nga sa kanya lang ako. I am his priceless doll whom he's milking all my life.
“Marami ka bang ginawa? Pagod na pagod? Saka ang tahimik mo yata,” ani Aria.
“Inaantok lang ako. Mamaya na lang siguro ako kakain.” Tumayo ako at mabilis naman ako napigilan ni Grace. “Aray. . .” daing ko.
“Hala bakit? Ang sensitive mo naman yata ngayon.”
“Hindi. Natamaan mo lang iyong pasa ko.” Nakita ko na nagtinginan ang mga kaibigan ko. “Hindi ko napansin iyong bakal diyan sa kanto. Sumabit ang braso ko kaya heto, may pasa na.”
Alam ko na 'di ko sila makukumbinsi na maniwala sa akin kaya tumalikod na lang ako pumunta na sa kwarto ko. Ayokong mapagod mag-explain sa kanila saka hindi naman kailangan na alam nila ang nangyayari sa buhay ko.
Pagpasok ko sa kwarto, agad ako naupo sa kama at inalis ang suot ko na jacket. Gamit ang salamin sa maliit ko na vanity table, nakita ko kung gaano kalaki iyong pasa at may marka pa ng kamay. Sumasakit din ang balakang ko na tumama sa lamesa kahapon.
Malalim akong huminga at kinuha na ang cell phone ko sa bag. Binukas ko iyon at isa-isang binasa ang text message saka chat na pumasok. Isa sa mga iyon ay galing kay Jeni na poster ng hiring sa opisina ni Clarence.
Hinihikayat niya ako mag-apply dahil may alam naman daw ako sa clerical job. Isa pa hindi daw kailangan na tapos sa kolehiyo.
Sasagot na dapat ako ngunit naalala ko iyong sinabi ni Apollo. Paano kung mapahamak ang mga inosente na gaya nila kapag pinasok ko ang kanilang mundo?
Pero wala naman mawawala kung susubukan ko para lang maka-graduate na ako sa buhay na walang choice. Bigla ko naalala iyong sinabi ni Apollo na tungkol kay Jeni. Hindi daw niya ito malapitan kasi malalaking tao iyong nakapalibot kay Jeni ngayon.
Sinara ko muna ang chat box at nag search sa Google tungkol sa mga De Luna. Doon nalaman ko kung gaano sila kabinggating tao kaya nagka-ideya ako bigla.
Doon ko binalikan ang chat at nagsabi ako kay Jeni na mag-a-apply ako. And I know this will going to be my start. . .
~•~•~
“MISS Guevarra?” tawag na pumukaw sa akin at dahilan ng biglaan ko na pagtayo. “Ikaw na ang susunod. Pasok ka na dito.” Tumalima ako at hindi ko maiwasang mamangha sa interior sa loob. Simpleng kulay lang ang gamit at mas marami pa ngang nakasabit na frames. Parang naging museum bigla itong pinasok ko na kwarto. “Maupo ka muna. Parating na si Atty. De Luna. Siya na ang mag-i-interview sa 'yo.”
Napamulagat ako.
Bakit iyong nauna sa akin ay itong kausap ko lang ang nag-interview? Ang special ko naman yata kung gano'n. Pero kahit nag-aalangan ay naupo na ako at sinipat ang cell phone. May text si Jeni na agad ko naman binasa.
From: Jeni
May pa-change of interviewer bigla, girl. Eager na si Atty na makapag-hire within the day. Medyo lunod na siya sa workload.
Hindi naman halata na lunod sa workload ang isang iyon. Parang kumpleto nga lagi ang tulog kasi fresh na fresh at mabango na para bang hindi napapawisan.
To: Jeni
Hindi ba ako bulyawan dito? Parang ayoko na mag-apply. Alis na kaya ako?
I waited for Jeni's reply. Kagat-kuko at kinakabahan ng matindi.
From: Jeni
Gaga! Nandyan ka na. Walang atrasan na iyan saka yakang-yaka mo iyang si Atty. Ikaw pa napapilosopong tao.
Makakapamilosopo pa ba ako kapag ako ang pinalad na mapili? He who always frowning and about to yell a fire. Iniisip ko pa lang ay parang nagsisi na ako na tinanggap ko itong hamon na 'to.
“Jovelle, pakuha naman ng files sa opisina ko at padala dito. Kapag nasalubong mo si Atty. De Luna. . . Thirdy, pakisabi tawag ko siya.”
Golly! Heto na siya. Pero bakit ang sexy niya mag tagalog? Iba na ang dating kapag nag-i-ingles siya pero mas gusto ko yata na nagta-tagalog na lang siya.
Erase that, Czarina!
Trabaho ang pinunta ko dito saka proteksyon na rin para hindi na ako malapitan ni Apollo. Susundin ko ang suhestyon ni Jeni na bayaran na lang ang mokong na iyon kahit hindi pera ang utang sa kanya ni Mama.
Bakit kasi hindi puwedeng mamili ng magulang?
Sa iba blessings ang mabait na mga magulang. Sa 'kin, sumpa iyon at gusto ko na nga talikuran kaso nanalaytay ang dugo nila sa ugat ko. Kahit baliktarin ko ang mundo, pamilya ko pa rin sila.
“What are you doing here?” tanong na pumukaw sa akin.
Lumingon ako at ngumiti kay Clarence. “I'm applying as your assistant, Atty. John Clarence De Luna. Hired na ba ako?”
Nakita ko na kumunot ang noo niya. “Are you on drugs?”