“Okay ka lang Ailee? Mukha kang magkakasakit.”
Tipid na ngumiti na lang ako sa sinabi ni Jam saka pinagpatuloy ang pagsusuklay ng buhok ko.
Tiningnan ko ang cellphone ko, nagbabaka-sakali na baka may reply na si Tiger sa mga texts ko.
Tiger mag-usap tayo please
Ayoko ng nagtatampo ka.
I love you so much Tiger, sorry na talaga.
Napabuntong hininga ako at napakagat sa ibabang labi ko para pigilan na mapaluha. Ayokong mapaiyak ng nandito si Jam, ni hindi niya nga alam na boyfriend ko na si Tiger eh.
“Ailee mauna na ‘ko, si boss pating kasi eh. Pero teka, sigurado ka ba na ayos ka lang?” paninigurado niya. Tipid na ngumiti ako saka tumango.
“Ayos lang talaga ako banana Jam, masakit lang ng kaunti ang ulo ko,” pagdadahilan ko na lang.
Paano ba naman hindi sasakit ang ulo ko, dalawang oras lang yata ang tulog ko kakaisip kay Tiger. Idagdag pa ang business proposal na pinapagawa ng professor na muntik ko ng hindi matapos.
“Sige, bye!”
Ibinaling ko na lang ulit ng tingin ang sarili ko sa salamin pagkaalis ni Jam. Mukha nga akong matamlay. Napailing na lang ako at naglagay ng pulbo at lip balm kahit papano.
Kinuha ko ang bag ko at agad na lumabas pagkatapos kong mag-ayos. Napakunot ang noo ko nang makita ko si Cadence na nakatayo mula sa di kalayuan.
Napailing na lang ako at akmang lalagpasan siya nang agad siyang lumapit sa ‘kin at hinawakan ako sa braso. Inis na napalingon ako sa kanya ngunit natigilan ako nang mapansin ko na may mga sugat siya sa mukha. Napaaway na naman siguro siya, sabagay noon pa man basagulero na talaga siya.
“Damn your beast-like boyfriend. He punched me like a f*****g punching bag last night,” nakakunot-noong sabi niya.
Napasinghap ako, ginawa talaga ni Tiger 'yon sa kanya?
“S-sinabi ba niya sa ‘yo ang dahilan kung bakit ka niya binugbog?” tanong ko. Napaismid siya saka umiling.
“Hindi nga eh, pasalamat na lang siya at wala ako sa mood dahil ang dami kong kailangang unahin. Tangina, sinadya niya pa ako sa unit ko para lang bugbugin ako, siraulo," napapailing na bulong niya.
“S-sorry sa ginawa ni Tiger sa ‘yo ha, nagalit siya kasi n-nalaman niya na ex-boyfriend kita,” sabi ko habang nakatungo.
“Ahm, ano naman kung ex mo ‘ko? Ang babaw naman,” bulong niya. Tiningnan ko siya ng masama saka hinampas ng bag ko.
“Wag mong sabihan ng ganyan si Tiger, sasakalin kita,” pananakot ko sa kanya. Napangisi na lang siya saka napakibit balikat.
Nakakapagtaka talaga na nagtransfer pa siya sa school na ‘to, last year na niya sa college eh. Sa edad niya ngayon malamang graduating na siya. Imposible naman na bumagsak siya, mas matalino sa ‘kin ang lalaking ‘to ng dalawang beses.
“Ilibre mo ‘ko,” sabi niya habang nakapamulsa. Napataas ang isang kilay ko sa sinabi niya.
“Bakit naman kita ililibre?”
Ano siya? Sinuswerte?
“Hindi mo naman siguro magugustuhan kung gagantihan ko ang boyfriend mo diba?” nakangising tanong niya habang pinapatunog ang mga buto niya sa daliri.
Huminga ako ng malalim at napapikit ng mariin saka tiningnan siya ng masama.
“Oo na! Nakakainis ka talaga,” pagsuko ko na lang.
Alam ko naman na hindi niya gagantihan si Tiger, kilala ko si Cad. Pero kahit papano nakonsensya ako sa ginawa sa kanya ni Tiger, at thankful ako na hindi niya ginantihan ang boyfriend ko.
***
“Saan mo ba kasi gustong kumain?!”
Hindi siya sumagot sa tanong ko at pasipol-sipol lang habang nagmamaneho. Sarap lang sapakin ng pagmumukha ng loko-lokong ‘to.
“Wag kang magulo, I'm the boss here,” mayabang na sabi niya.
Napairap na lang ako at tumingin sa bintana, namimiss ko na si Tiger. Mamaya pupuntahan ko siya sa unit niya nang makausap ko siya ng masinsinan.
“Bilisan mong mag-isip, mahal ang oras ko,” nakataas-kilay na sabi ko. Natawa naman siya sa sinabi ko.
Makalipas ang ilang minuto, nakarating din kami sa isang restaurant. Napaismid ako, bwisit talaga ang lalaking ‘to. Dito pa ako dinala.
“Ano Ailee Blaine? Diba dito tayo nagd-date dati?” tanong niya saka umakbay pa sa ‘kin.
Siniko ko ang tiyan niya at agad na pumasok sa loob. Bahala siya ro’n sa labas. Baka masakal ko lang siya.
Agad naman siyang sumunod sa ‘kin. Umupo kami sa may bandang dulong parte ng restaurant.
“Pagkatapos nito, ‘wag ka ng magulo at ‘wag kang magtatangkang gantihan si Tiger. Naiintindihan mo?”
Ngumisi lang siya saka tumango sa tanong ko. Kahit naman mukha siyang loko-loko at walang matinong gagawin sa buhay, mabait pa rin naman si Cad, kaya ko nga siya nagustuhan dati eh.
Pero ngayon kaibigan na lang talaga ang turing ko sa kanya.
“Ano'ng iyo Ailee?” tanong niya habang natingin sa menu.
“Kung ano yung iyo,” sabi ko habang nakatingin sa cellphone ko.
Napabuntong hininga ako, hindi pa rin nagrereply si Tiger.
“Gusto mong malaman kung paano magkabati kayo ng tigre na ‘yon?” tanong niya. Agad akong napatingin sa kanya.
“Paano?”
“Pagselosin natin,” nakangising sabi niya.
Hinampas ko siya ng tissue. Bakit ba ako umasa na matino ang sasabihin niya? Bwisit talaga ang lalaking ‘to kahit kailan.
“Kaya nga siya nagalit dahil nagselos siya eh, tapos gusto mo pang pagselosin natin siya. Siraulo ka talaga kahit kailan,” sabi ko at inirapan siya.
“Wala ka kang alam sa likaw ng bituka naming mga lalaki, kung iisipin mong maigi effective talaga ‘yon,” sabi niya habang natingin sa men's magazine. Saan niya naman nadampot ‘yon?
Manyakis talaga ‘to kahit kailan, sarap sipain palabas ng restaurant.
Dumating na rin yung order namin makalipas ang ilang minuto. Akala ko ako ang magbabayad pero si Cad pa ang nanlibre imbis na ako. Hindi siguro maatim ng p*********i niya na babae ang manlilibre sa kanya.
“Hoy Ailee!”
Natigilan ako nang marinig ko ang pamilyar na boses na ‘yon.
“Lion?”
Napailing siya habang nakatingin ng seryoso sa ‘kin. Napatingin ako sa katabi niya, may kasama siyang babae na medyo pamilyar sa ‘kin ang mukha.
“Taksil kang babae ka, hindi ako makapaniwala. Paano mo nagawang lokohin si Tiger na mahal na mahal ka?”
Napataas ang isang kilay ko sa pagdadrama niya. Minsan napapaisip ako kung member ba talaga ng Danger Zone ang lalaking ‘to? Siya yata ang may pinakamalakas na saltik sa kanila eh.
“Hindi ko niloloko si Tiger,” sabi ko na lang.
“Girlfriend siya ni Tiger?” Narinig kong tanong ng babaeng kasama ni Lion. Tumango naman si Lion sa tanong niya. Halata naman sa mukha ng babae na gulat na gulat siya.
“Hindi rin ako makapaniwala nung una na may papatol kay Tiger, mas bakla pa yata sa ‘kin ‘yon eh,” sabi naman ni Lion habang napapailing.
Nawiwirdohang napatingin lang ako sa kanilang dalawa.
“Ay hehe, hello! Ako nga pala si Kyla, kaibigan ko ang Danger Zone tapos pinsan ko si Prince. Nice to meet you,” nakangiting sabi ni Kyla.
Kaya pala maganda siya kahit na medyo boyish ang pormahan. Buti na lang talaga at hindi sila magkaugali ng leader ng Danger Zone na si Prince, literal na yelo yata ang lalaking ‘yon.
“Hello, ako si Ailee, girlfriend ako ni Tiger kahapon. Ewan ko lang ngayon,” awkward na sabi ko at napakamot sa batok ko. Natawa naman siya sa sinabi ko at pabiro akong hinampas sa balikat.
“Nako, ‘wag mong isipin ‘yon si Tiger. Bibigay rin ‘yon.”
Ngumiti na lang ako sa sinabi niya. Napatingin ako kay Lion na abala sa pagtitipa sa phone niya. May tinatawagan yata siya.
“Hello Tiger. Isusumbong ko lang si Ailee kasi may ka-date siyang iba ngayon... oo nga, hindi ba ako katiwa-tiwala? Kapalit-palit ba ako?”
Natigilan si Lion nang hablutin ni Kyla ang phone mula sa kanya saka binatukan siya.
“Alam mo punyeta ka talagang bakla ka, wala ka ng ginawang matino,” panenermon ni Kyla.
Napangiwi si Lion nang pingutin siya sa tainga ni Kyla at hinila siya palabas ng restaurant gamit ang tainga.
“Aray naman Kyla, nakakasakit ka na ha!”
Napakurap na lang ako habang hinahabol sila ng tingin.
“Ang weird nila,” napapailing na sabi ni Cad.
Natigilan ako nang may mapagtanto ako, nasabi kaya talaga ni Lion kay Tiger ‘yon? Na may ka-date ako?
***
“Gano'n ba ‘yon?”
“Oo nga, kapag pinahalata mo masyado na patay na patay ka sa kanya, lalo siyang mag-iinarte, maniwala ka sa ‘kin Ailee,” sabi ni Cad habang nakain ng chocolate.
Hanggang ngayon mahilig pa rin siya sa chocolate. Naalala ko bigla noon nung sumakit ang ngipin niya dahil sa kaka-chocolate niya. Napailing na lang ako, si Tiger nga yata isang beses lang nakakain ng chocolate sa buong buhay niya. Hindi talaga mahilig sa matamis ang tigre ko, mas gusto niya raw ang maaalat na pagkain.
Hapon na rin at malapit na magdilim pero nandito kami ni Cad sa may bench sa tapat ng dorm namin. Wala kasi ako sa mood magstay sa dorm.
“Namimiss ko na ang tigre ko,” sabi ko saka napabuntong hininga.
“Namimiss ko na ang s*x life ko.”
Tiningnan ko ng masama si Cad at binatukan. Wala talagang matinong nalabas sa bibig ng lalaking ‘to.
“Halika.”
Natigilan ako nang tumayo si Cad at tinapik ako sa balikat. Napakunot naman ang noo ko sa ginawa niya.
“Saan tayo pupunta?”
“Saan ba nakatira ‘yang boyfriend mong nerd? Puntahan mo na lang kaysa nagmumukmok ka,” tila naiiritang sabi niya at tinapon ang balat ng chocolate sa sahig. Wala talagang manners.
Dahil namimiss ko na talaga ng sobra si Tiger, sumama na lang ako sa kanya. Sa motor niya kami sumakay, sinabi ko sa kanya ang address ni Tiger at agad niya akong hinatid doon.
“Siguraduhin mo magkakabati na kayo ha, baka pag-initan na naman ako ng tigreng ‘yon,” nakangiwing sabi niya.
“Sige, salamat sa paghatid Cad. Saka nga pala, kung ginagawa mo ‘to kasi iniisip mo na magkakabalikan pa tayo, ‘wag ka ng umasa,” sabi ko saka hinampas siya sa braso. Napataas naman ang kilay niya sa sinabi ko.
“Hanep ang confidence mo Ailee, ilusyonada ka na masyado,” nakangiwing sabi niya saka napaismid.
“Sige na lumayas ka na, salamat ulit.”
Huminga ako ng malalim at hinarap ang mataas na condominium na tinutuluyan ni Tiger nang makaalis na si Cad.
Sana talaga makausap ko na siya. Miss na miss ko na talaga siya, para na ‘kong maloloka sa sobra kong pagkamiss sa kanya.
“Ma'am, card po,” sabi ng guard at hinarang ako nang akmang papasok ako.
Patay.
“Ahm, h-hindi niyo po ba ako naaalala kuya? Girlfriend po ako ng isa sa nakatira rito,” pagb-baka sakali ko.
Problema ‘to dahil nakaalis na si Cad, wala akong dalang wallet dahil sa pagmamadali kong sumama kay Cadence.
Pinakatitigan ako ng guard na tila ba inaalala kung sino ako.
“Teka miss, si Sir Tiger ba ang boyfriend mo?” tanong niya.
“Opo, ako po ang girlfriend ni Tiger!”
“Sige pumasok ka na Miss, baka malagot pa ‘ko kay Sir.”
Nakahinga ako ng maluwag sa sinabi niya. Buti na lang at naalala niya ang mukha ko. Baka maloka ako ro’n sa labas kapag hindi niya ako pinapasok.
Napakagat ako sa ibabang labi ko habang nasa loob ako ng elevator. Kinakabahan ako, dapat talaga nagdala ako ng phone. Paano na lang kung wala pala siya sa unit niya? Sakit sa ulo 'yon kapag nagkataon.
Galit pa kaya siya sa 'kin? Paano kung itaboy niya ako gaya ng mga napapanood ko sa TV? Paano kung hindi na niya ako patawarin?
Hindi nga siya pumasok sa school dahil sa 'kin eh, kung sana lang talaga sinabi ko na sa kanya nung una pa lang na naging ex ko si Cad at hindi na ‘ko nagsinungaling edi sana hindi na aabot sa ganito.
Huminga ako ng malalim nang nasa tapat na ako ng pinto niya. Napatitig ako sa doorbell.
Umuwi na lang kaya ako?
“Ay kabayo!”
Napatalon ako sa gulat nang biglang bumukas ang pinto. Bumungad sa ‘kin ang gwapong mukha ni Tiger na miss na miss ko na. Halatang nagulat siya nang makita ako.
Natigilan ako nang bigla siyang tumalikod sa 'kin at tumakbo papasok ng unit niya. Napakurap ako, gano'n ba talaga ang galit niya sa 'kin at ayaw niya 'kong harapin?
Pero nakakapagtaka dahil hindi naman niya ako pinagsaraduhan ng pinto.
Kahit nag-aalangan ako, pumasok pa rin ako sa loob. Napakagat ako sa ibabang labi ko dahil ang lakas ng kabog ng dibdib ko, kinakabahan talaga ako. Ano ba ang sasabihin ko sa kanya?
Nagtungo ako sa kwarto niya at naabutan ko siya na nakaupo sa kama at nakatalikod sa pwesto ko.
Nanginginig ang mga tuhod na lumapit ako sa kanya. Nanatili siyang nakatingin sa sahig at hindi ako binalingan ng tingin.
“W-what are you doing here?”.
Napalunok ako sa tanong niya. Napapikit ako ng mariin saka umupo rin sa kama pero medyo malayo sa kanya.
“N-nakikipagbati ako, gusto kong magsorry. M-miss na miss na kasi kita Tiger,” sabi ko at napakagat sa ibabang labi ko habang nakatungo.
Natigilan ako nang mapansin kong tahimik siya, pati paghinga niya hindi ko na marinig. Agad akong napatingin sa kanya. Napakurap ako at agad na tumayo at lumapit sa kanga nang mapansin kong namumula ang mga mata niya na parang paiyak na.
“A-akala ko galit ka sa ‘kin Ailee,” nauutal na sabi niya saka napaiwas ng tingin sa ‘kin.
Agad akong umupo sa tabi niya at hinawakan ang pisngi niya. Pinaharap ko siya sa ‘kin at pakiramdam ko may kakaibang humaplos sa puso ko nang mapansin ko ang nagbabadyang mga luha sa mata niya.
Naiiyak siya?
“Anger filled my mind last time... S-sobra akong nahihiya na harapin ka, n-natatakot ako na baka natakot ka sa ‘kin o kaya naman nagalit,” paliwanag niya habang hindi makatingin ng ayos sa mga mata ko.
Pakiramdam ko naiiyak na rin ako sa mga sinasabi niya. Akala ko pa naman ay galit siya sa 'kin, natatakot ako na harapin siya, 'yon naman pala gano'n din ang nararamdaman niya.
“I-it feels like I don't deserve you now Ailee.”
Muli siyang napaiwas ng tingin sa 'kin. Hinubad niya ang salamin niya at pasimpleng pinahid ang luha niya. Lalo akong nanlalambot.
Ito ang unang pagkakataon na may umiyak na lalaki dahil sa 'kin. Imbis na ma-turn off ako, mas lalo ko lang siyang minamahal.
“B-bakit hindi mo ako nirereplyan?” tanong ko.
“H-hindi ko na nakita yung cellphone na hinagis ko,” sabi niya saka napatungo.
Muli kong hinawakan ang pisngi niya at tinitigan siya sa kulay berdeng mga mata niya. Natigilan siya nang ilapit ko ang mukha ko sa kanya saka siya dinampian ng halik sa labi.
“I love you Tiger, sabihin man ng iba na masyadong mabilis, wala akong pakialam. Basta mahal kita,” sabi ko habang matiim na nakatitig sa mga mata niya.
Mas lalong namula ang mga mata niya sa sinabi ko.
Natigilan ako nang bigla niya akong yakapin saka sinubsob ang mukha sa leeg ko. Napangiti na lang ako nang maramdaman ko ang luha na tumulo sa balikat ko.
“I missed you so much Ailee.”
Mas lumaki ang ngiti ko saka siya ginantihan ng yakap.
“Miss na miss na miss kita tigre ko.”
Naging pusa na ulit ang tigre ko, ang cute niya talaga.