"RACE to three," wika ni Wesley sa kanilang dalawa ni Jefti.
Nagtitigan si Sam at Jefti, habang hawak nila ang sarili nilang taco. Naroon silang dalawa kasama ang mga pinsan nito at mga kaibigan niya sa billiard hall ng Jefti's sa second floor.
Dahil sa nangyaring bigong pag-ibig sa kanya. Biniro niya si Jefti na hanapan siya ng tunay na lalaking puwede niyang maka-date. Hindi naman niya alam na tototohanin nito ang sinabi niya. Pumayag ito, pero may kondisyon ang Pengkum na ito. Maglaban sila sa larong billiard. Kapag siya daw ang nanalo, magiging sunud-sunuran ito sa kanya kahit na ano ang ipagawa niya dito sa loob ng isang buwan. Kapag ito naman daw ang nanalo, isa sa mga pinsan nito ang makaka-date niya. Isang tumataginting na "hindi" ang sinagot niya sa kondisyon nito. Hindi kasi niya ma-imagine na makikipag-date siya sa isa sa mga ito. Parang kapatid na kasi ang turing niya sa Carwash Boys. Hindi siya pumayag kaya binawi na niya ang sinabi niya dito. Ngunit ayaw na nitong paawat. Nang kalaunan ay pumayag na rin siya dahil sa pagpupumilit nito.
Bakit ba ayaw mong makipagdate sa isa sa mga pinsan niya? Siguro si Jefti gusto mong maka-date no? tudyo ng isang bahagi ng isip niya. No way!
"Ano? Game na ba kayo?" tanong ni Marvin sa kanila.
Tumango silang dalawa.
"Mamaya na natin ang itanong kung sino ang gustong makipagdate kay Sam," sabi pa ni Marisse. "Syempre, hindi na puwede si Kevin!" dagdag pa nito.
"Jester, hindi ka na pwede! Sapakin kita diyan," pabirong banta ni Kamille sa nobyo nito.
"Marvin, Daryl at Miguel. Off limits na rin kayo dito!" paalala pa ni Jhanine sa mga ito.
"Tara Sam! Ako na lang ang ka-date mo!" sabi pa ni Karl.
"Tse! Ayoko sa'yo!" pambabara niya dito.
Napakamot ito ng ulo habang nagtawanan naman ang iba.
"Okay, quiet na! Magsisimula na ang larong magpapabago ng buhay nilang dalawa!" makahulugang sabi ni Marisse.
Pareho silang napalingon ni Jefti dito. "What?" inosenteng tanong nito.
Umiling siya. "Kapag natalo ako dito, tandaan mo 'to! Lagot ka sa akin!" banta niya dito. Kinakabahan kasi siya sa magiging resulta ng laro. Alam niyang dehado siya, paano ba naman kasing hindi? Ang kakalabanin niya ay ang tinaguriang King of Billiards ng Tanangco. Wala pang sino man kahit na ang mga pinsan nito ang nakakatalo dito. Kaya walang sumubok na makipag-pustahan dito. Tanging siya lang, kahit na sapilitan.
"Okay lang, mabilis naman akong tumakbo eh," sagot pa nito na nang-aasar.
"Okay na! Tama na 'yan! Laro na!" awat sa kanila ni Marvin.
Siya na ang unang pinatira ni Jefti, sa unang sargo niya. Tatlo agad ang pumasok sa pocket hole. Napapitik siya, muntikan na rin kasing pumasok ang number nine. Kung pumasok sana iyon, may puntos na agad siya. Naka-dalawang tira pa siya na pasok, sa pangatlo, sumamblay na siya.
"Okay, my turn." Sabi pa nito na nakangisi.
Sa klase ng pagkakangiti nito. Gusto niyang kabahan lalo. Maraming alam na magic wonders ang lalaking ito pagdating sa billiards.
"Huwag kang mandaraya ah," paalala niya dito.
"Excuse me, kelan ako nandaya?" sagot pa nito.
"Tumira ka na nga!" sabi pa niya.
Pumuwesto ito at tinutok ang taco sa cue ball. Tinignan mabuti ni Sam ito, mabuti na rin ang sigurado. Baka kasi mahinapan ng hangin ito at biglang mandaya. Sa pagtira nito, sinundan ng paningin niya ang cue ball. Halos malaglag siya sa upuan ng sa pagtama ng cue ball sa number five ay kasamang na-shoot sa pocket hole ang number nine, na nasa tabi lang din nito. Gusto niyang maiyak at mag-walk out. Ito ng nga ba ang sinasabi niya.
Tatawa-tawang tumingin sa kanya si Jefti. Tinaas pa nito ang dalawang balikat nito at dalawang kamay.
"Grrr!" Aniya.
"Yari ka, sa takbo ng laro n'yo. Maghanda ka ng maka-date ang isa sa kanila." Sabi pa ni Razz sa kanya.
"Pero girl, in fairness. Okay naman ka-date ang isa sa kanila. Lahat naman sila mabait at gentleman. Guwapo pa," sabi naman ni Sumi.
"Naman! kaya nga maraming nababaliw sa kanila eh." Sang-ayon ni Kim.
Habang sinasabi iyon ni Sumi. Hindi niya maialis sa paningin niya ang guwapong mukha ni Jefti. Bakit ba sa isang sulok na bahagi ng puso niya? May pagnanais ito na sana si Jefti na lang ang makadate niya. Lihim niyang pinalis ang isiping iyon. Hindi dapat niya hinahayaan na magulo ang isip niya. Kaya tumutok siya ulit sa laro.
Ilang sandali pa ang nakalipas, hindi na siya nakatira pa sa second round. Naubos nito ang mga bola. Sa pangatlo, halos napalundag siya sa tuwa ng tila bumaho ng konti ang dulo ng taco nito. Pero panandalian lang pala ang sayang iyon dahil sa unang pagtira niya, sumamblay agad. Imbes na ang number eight ang ma-shoot, ang cue ball ang na-shoot sa pocket hole.
"Waaaah! Ayoko na!" hiyaw niya. Napu-frustrate na talaga siya. Ngayon siya labis na nagsisisi kung bakit siya pumayag sa pustahan na iyon.
Natawa si Jefti sa kanya. Bago ito tumira, kumindat muna ito sa kanya na siyang nagpatalon sa puso niya. Natahimik siya, saka wala sa loob na napahawak sa dibdib niya, sa tapat ng puso niya. Saka tuluyang napatulala.
"Yes!" malakas na sigaw ni Jefti.
Napapitlag siya. Nang tumingin siya sa billiard table saka lang niya napagtanto na tapos na pala ang laro. Wala na ang number nine sa table. Hindi niya nakita ang nangyari.
"Oy teka! Bakit? Paano ka nanalo?" sunud-sunod na tanong niya. "Baka nandaya ka ah!"
"What? Of course not!" mabilis na tanggi ni Jefti. "Kilala mo ako Samantha Lei, hindi ako nandaraya! Lalo sa billiards." sabi pa nito.
Natahimik siya. Totoo naman kasi iyon, maloko man ito minsan. Pero hindi nito gawain na manlamang sa kapwa.
"Nakatingin ka naman sa billiard table nung tumira si Jefti ah? Bakit parang hindi mo alam ang nangyari?" nagtatakang tanong ni Kamille.
"Unless, kay Jefti ka nakatingin." Hula pa ni Razz.
Nanlaki ang mata niya ng mapalingon kay Razz. Kasabay ng pag-ahon ng kaba sa dibdib niya. Sukol kasi siya. Kay Jefti naman kasi talaga siya nakatingin, ay hindi nakatitig pala.
"Hindi ah!" mabilis niyang tanggi.
"O ano? Sino na ang makaka-date ni Sam? Panalo si Jefti." Tanong ni Marisse.
Natahimik ang Carwash Boys. Walang nagtataas ng kamay sa mga ito. Matutuwa na sana siya, ngunit hanggang sa may magsalita.
"Me!"
NAPALINGON silang lahat sa nag-prisintang iyon. Napakunot-noo siya ng makita si Wayne. Nakataas ang isang kamay nito, habang naglalakad papalapit sa kanila.
"Wayne? Ikaw? Bakit ikaw?" sunud-sunod na tanong ni Jefti sa pinsan niya.
"Bakit naman hindi? Mondejar ako. Ang sabi mo, isa sa amin ang dapat maka-date ni Sam. I'm volunteering," paliwanag nito.
Hindi siya nakakibo. Naihilamos niya ang isang palad niya sa mukha nito. Hindi niya inaasahan na may magbo-volunteer. Kilala kasi niya ang mga ito, hindi niya mapipilit ang mga pinsan niyang makipagdate sa isang kaibigan. Lalo na kay Sam, dahil alam ng mga ito na bestfriend niya ang dalaga. At lalong hindi niya inaasahan na magpi-prinsita si Wayne. Nasira ang plano niya. Paraan niya ang pustahan na iyon para maka-date si Sam. Kapag walang may gusto ng date, ipi-prisinta niya ang sarili niya. Sa pamamagitan ng limang dates na iyon, maipagtatapat na niya dito ang tunay na nilalaman ng damdamin niya. Pero paano niya magagawa iyon? Kung nagprisinta si Wayne. Hindi siya puwedeng tumanggi.
"Wayne, tigilan mo ako," pagsusuplada pa ni Sam dito.
"Ang suplada mo talaga. Gusto lang naman kita maka-date. Dapat nga noong highschool pa, ayaw mo lang akong bigyan ng pagkakataon," sabi pa nito.
Napakunot noo siya. "Teka lang, ano 'yon? Bakit parang may hindi yata ako naiintindihan sa sinasabi n'yo?" nagtatakang tanong niya.
"Hindi mo pala alam? Matagal ko ng crush ko si Sam. Highschool pa lang tayo, nagpaalam na ako sa kanya na manliligaw ako. Pero binasted n'ya agad ako. Hindi daw pwede, kasi pinsan daw ako ng bestfriend niya at kaibigan lang daw ang turing niya sa akin," kuwento pa nito.
Bumaling siya kay Sam. "Is it true?" tanong niya dito.
Huminga ito ng malalim saka tumango. Parang sinaksak ang pakiramdam ni Jefti. Sa isang iglap ay umahon ang matinding selos sa dibdib niya. Ngayon, bigla siyang nagsisi kung bakit pa niya naisipan ang pustahan na iyon. Wala kasi siyang lakas ng loob na basta umamin sa nararamdaman niya. Natatakot siyang hindi maging maganda ang kalalabasan kung basta siya aamin. Ayaw din naman niyang masira ang friendship nila.
"Bakit hindi mo sinabi sa akin?" seryosong tanong niya dito.
"Eh, kasi, hindi na naman kasi nangulit si Wayne pagkatapos namin mag-usap no'n. Kaya hindi ko na sinabi sa'yo saka nakalimutan ko na rin." Paliwanag nito.
"Bakit pinsan? May problema kung ako ang maka-date ni Sam?" tanong ni Wayne.
Tinignan niya ito pagkatapos tumingin naman siya kay Sam. Tila may gustong ipahiwatig ang mga mata nito base sa mga tingin nito. Hindi niya maintindihan kung ayaw nito o gusto nito. Gusto niyang sabihin sa pinsan niya na malaki ang magiging problema niya kapag pumayag siya. Pero hindi siya maaaring magsalita, dahil maririnig ng lahat ang lihim niya. Lalo na si Sam.
"Wa-wala," nauutal na sagot niya. "Go, you can date her."
"Good," nakangiting sabi ni Wayne.
"Puwede bang umatras?" tanong pa ni Sam.
"What? Hanggang ngayon ba naman? Ire-reject mo ako? I've been waiting for this chance to be with you again. Five dates lang naman eh." Kunwa'y nagtatampo na sabi nito. "Don't tell me, wala kang tiwala sa akin. I'm still your friend."
Saglit na napaisip si Sam. Mayamaya, ngumiti ito.
Huwag kang pumayag, Sam! No! protesta niya sa isip niya.
"Sige na nga, may tiwala naman ako sa'yo eh." Sagot nito.
Gumuhit ang magandang ngiti sa labi ng pinsan niya. At sa pagpayag na iyon ni Sam. Wasak na wasak na talaga ang mga plano niya. At gusto niyang pukpukin ng taco ang ulo niya. Kung alam lang niyang ganoon ang mangyayari, sana nagpatalo na lang siya. Mas kakayanin niyang maging isang Assistant ni Sam sa Fairytales, at least mas makakasama pa niya ito. Hindi kagaya nito. Pakiramdam niya, lumabo ng husto ang pag-asa niya.
GUSTONG batukan ni Sam si Jefti sa pagpayag nitong i-date siya ni Wayne. Gumaganti pa yata ito sa hindi niya pagsabi noon ng pagtangkang panliligaw ng huli sa kanya. Kanina, halos tawagin na niya ang mga santo huwag lang pumayag si Jefti. Pero kabaligtaran niyon ang nangyari. At sa isang sulok na bahagi ng puso niya, mas nanaisin pa niyang ang matalik na kaibigan na lang niya ang maka-date kaysa kay Wayne.
Tinignan niya ang huli. Wala naman problema sa kanya kung si Wayne, mabait naman ito at magalang. Pero wala talaga siyang nakikitang spark sa pagitan nilang dalawa, walang chemistry, walang connection, walang kilig. Hanggang kaibigan lang talaga ang kaya niyang ibigay dito.
"So, paano? Kailan ang first date natin?" tanong nito.
"Bahala ka kung kailan mo gusto," sagot niya.
"Okay, tomorrow night." Mabilis na sabi nito.
"Hindi siya puwede bukas, may pupuntahan kami. Last week pa naka-schedule 'yon." sabad ni Jefti.
Kunot-noo siyang napalingon dito. "Talaga? May usapan tayo?" nagtatakang tanong niya dito. Saka pilit niyang hinalukay sa isip niya kung talagang may usapan sila. Pero hindi talaga niya matandaan.
"Oo, di ba sabi ko sa'yo may pupuntahan tayo bukas? Last week ko pa sinabi sa'yo na samahan mo ako maghanap ng magandang venue para sa second branch ng Jefti's. Tapos 'yung franchise ng The Groove, pupuntahan din natin," sagot nito.
Hindi man niya maalala na may sinabi itong ganoon. Nagkibit-balikat na lang siya, okay na rin, at least makakaiwas siya kay Wayne. Hindi pa kasi siya handa na makipagdate dito.
"Sayang naman," malungkot na sabi ni Wayne.
"Pasensya na, may lakad pala kami bukas. Di bale, libre naman ako ng sa isang araw," sagot niya.
Lumiwanag ang mukha ni Wayne. "Great! I promise akong bahala sa date natin." Excited na sabi nito.
"Okay, Thanks Wayne." Sagot niya.
Well, mukhang okay rin naman itong si Wayne. Alam niyang gentleman ito. Titingnan na lang niya kapag nakalabas na sila kung may future pa silang dalawa. Nang magsialisan na ang mga pinsan ni Jefti at mga kaibigan nila, tanging sila na lamang naroon. Halos alas-onse na rin pala ng gabi.
"Uwi ka na ba?" tanong ni Jefti.
Saglit siyang nag-isip. "Pwede, medyo pagod din ako sa work." Sagot niya.
"Mayamaya na, coffee muna tayo." Pigil nito sa kanya.
"Okay!" pagpayag niya.
Dahil wala ng empleyado sa Restaurant sa ibaba, kaya sila mismo ni Jefti ang gumawa ng sarili nilang coffee. Habang hinahanda nito ang kape, biglang namatay ang ilaw.
"Hala! Ang dilim! Oy tukmol!" hiyaw niya. Mabilis siyang nakaramdam ng takot. Ayaw niya kasi sa madilim, takot siya dito.
"I'm here," sabi nito.
"Huwag mo akong iiwan," natatakot na wika niya dito.
"Kailan ba kita iniwan?" makahulugang sagot nito.
Tinaas niya ang kamay niya, pilit niyang hinahanap si Jefti. "Nasaan ka?" takot pa rin na tanong niya.
Nakahinga siya ng maluwag ng hawakan nito ang kamay niya. "Sinabi ko na sa'yo noon pa. Kahit na sa gitna ng dilim, hindi pa rin kita iiwan. Narito lang ako sa tabi mo." Makahulugang sabi nito.
Tumagos sa puso ni Sam ang sinabi nito. Pakiramdam niya ay may mas malalim na ibig itong sabihin, na siyang nagpatibok ng mabilis sa puso niya.
"Jefti," usal niya.
Napasandal siya, habang hindi makakilos. Para kasing naso-soffucate siya kapag nasa dilim siya, kahit kapag natutulog, palaging bukas ang lampshade niya.
"Teka lang, kukunin ko lang 'yung emergency light." Sabi nito.
"Huwag mong bitiwan kamay ko," sabi pa niya dito.
"Never. I promise," sagot na naman nito.
Gaya nang naging sagot nito, hindi nga nito binitiwan ang kamay niya. Bagkus, mas humigpit pa ang pagkakahawak nito sa kamay niya. Hanggang sa naramdaman niyang lumakad ito palapit sa kanya. Kumabog ang puso niya ng mayamaya ay mamalayan na lang niyang tila napakalapit nito sa kanya. Ramdam niya ang pagdikit ng mabangong hininga nito sa pisngi niya.
"Bakit parang ang lapit mo sa akin?" tanong pa niya.
"Kinukuha ko ang emergency light sa ibabaw ng ref, na sinasandalan mo." Paliwanag nito. "Teka lang, bitawan lang kita sandali. Aabutin ko lang ito."
"Sige," sagot niya, saka siya humawak sa beywang nito.
Ngunit segundo lang ang lumipas, biglang nagsindi ang ilaw. Ganoon na lang ang panlalaki ng mata niya ng makita ang ayos nilang dalawa. Nakasandal siya sa pinto ng refrigerator. Si Jefti naman ay nakatukod ang isang braso sa gilid ng pinto ng ref, habang ang isa naman ay nasa kabilang gilid niya. Kumabog ang puso niya, at mas lalo itong naging doble ng magtama ang mga mata nila. Halos isang dangkal lang ang layo ng mukha nila sa isa't isa.
Bakit ba ganito ang nararamdaman ko? Tanong niya sa sarili.
"Are you okay?" seryosong tanong nito sa kanya.
Tumango lang siya bilang sagot, hindi niya kasi alam ang sasabihin. Parang nalunok yata niya ang dila niya.
"Yu-yung, kape." Nauutal na wika niya.
Napakurap ito, saka ngumiti. "Oo nga pala," sabi nito. pagkatapos ay lumayo na ito at pinagpatuloy ang pagtitimpla ng kape. Saka lang tila lumuwag ang paghinga niya.
Hindi alam ni Samantha kung anong kakaibang damdamin ang tila bumubulig sa kanya sa tuwing nasa malapit si Jefti. Hindi rin siya sigurado kung tama ba itong ganitong damdamin. Pero isa lang ang sigurado siya. Masaya siya sa tuwing kasama niya ito.