"HEY, mukhang busy ka ah?"
Napalingon si Sam sa bagong dating, saka nginitian si Jefti. "Hi, best! Pasok ka," Sabi niya dito. Muli niyang tinutok ang mga mata sa ginagawa.
"Do you need a hand?" tanong nito, saka umupo sa isang bakanteng silya sa tabi niya.
Tumingin siya dito. "Thank you, best. But I'll be fine." Sagot niya.
"Ano ba 'yang ginagawa mo?"
"Finishing na lang nung invitations tapos ipi-print ko na 'to. After that, ilalagay ko pa isa-isa sa envelopes," Sagot niya. Ang tinutukoy niya ay ang birthday invitations ng debut ng isang kliyente ng Fairytales. Kailangan niyang matapos iyon, dahil bukas ng umaga ay kukunin na ang mga iyon.
Matapos niyang ilagay ang ilang final details at inspeksyunin kung may typographical error man lalo na sa mga pangalan. Agad niyang pinrint iyon. Nang matapos ang printing, tinulungan siya ni Jefti na ilagay ang mga iyon isa-isa sa envelopes.
"By the way, I brought you your favorite." Sabi nito. Sabay lapag ng isang kahon na maliit na ensaymada.
"Wow!"
"Alam kong pagod ka." Sabi nito.
Masayang tumayo siya at umikot sa may likuran nito. Saka niyakap ito ng mahigpit. Kabisado talaga nito ang mga paborito niya, maging ang ugali niya at mood swings niya ay alam din nito. Kaya minsan, kahit nag-iinarte siya hindi siya umubra dito.
"Thank you!" masayang wika niya dito. Pagkatapos ay wala sa loob na nahalikan niya ito sa pisngi.
Natigilan siya dahil sa ginawa niya. Kung tutuusin, madalas naman niyang gawin iyon. Nahahalikan niya ito sa pisngi kapag gaya nito na sobrang masaya siya sa isang bagay na ginawa nito para sa kanya. Ngunit, iba sa pagkakataong iyon. Sa isang iglap ay parang nailang siya. Wala sa loob na napalingon siya dito. Eksakto naman na lumingon din ito sa kanya. Kaya tumambad sa harap nila ang mukha ng isa't isa na halos isang dangkal lang ang layo.
Umahon na naman ang pamilyar na kaba sa dibdib niya na ilang araw na ring gumugulo sa kanya, sa tuwing nariyan si Jefti. Gaya ngayon. Naputol ang pag-iisip niya ng bigla nitong pitikin ang ilong niya.
"Aray! Abnormal ka!" hiyaw niya sabay hawak sa ilong niya, gumanti siya sa pamamagitan ng pagpitik din sa ilong nito.
"Aw! Mas masakit yun ah!" sabi naman nito.
"Bakit ka ba kasi nanghahalik? Baka mamaya hindi ka pa nag-toothbrush diyan eh!" pang-aasar sa kanya nito.
"Oo, hindi pa. bagoong pa naman kinain ko kanina." Pakikisakay niya dito.
"Kadiri ka! Amoy malansa na ako. Paano kapag may babaeng lumapit sa akin? Maaamoy ako, matu-turn off sa akin 'yon!" sabi pa nito.
Nagkaroon ng pagkadisgusto si Sam sa sinabi nito. Kaya hinampas niya ito sa balikat ng naabot niyang folder. "Diyan ka magaling!" sabi pa niya.
Tumawa ito, pagkatapos ay nag-peace sign ito. "Tapusin na nga natin 'yan, inaantok na ako."
"Ikain mo 'yang antok mo," sabi pa nito.
"Anak, Jefti. Ako'y matutulog na. Maiwan ko na kayo riyan." Sabi pa ng Mama niya.
"Sige po, Ma. Goodnight!"
"Goodnight po," bati din ni Jefti dito.
Habang inaayos ang mga invitations. Wala silang patid sa pagku-kwentuhan at tawanan habang kumakain. Nagtimpla din siya ng kape. Ngunit hindi pa rin naging dahilan ang kapeng iyon para manatili siyang gising. Kaya namalayan na lang niya na nakayuko ang ulo niya sa mesa at ginagapo ng antok.
HINDI alam ni Jefti kung gaano katagal na siyang nakatitig sa magandang mukha ng babaeng nasa harap niya ngayon. Parang anghel ito kapag natutulog. Umangat ang kamay niya at hinawi ang bangs nitong bahagyang nakatabing sa mukha nito. Kung maaari nga lang niya na gisingin ito para masilayan ulit niya ang ganda ng mga mata nito, na parang nagbubukas ang pinto ng langit sa tuwing ngumingiti ang mga iyon.
He ran his finger through the tip of her nose. And those lips, how he ever dreamed of kissing them. But he know, he have to wait until the right time comes. Isang magandang anghel ito para sa kanya, at mas lalong bumagay dito ang ayos nito na nakatirintas ang mahabang buhok nito at nilagay iyon sa isang side ng balikat nito. Kung nalalaman lang nito ang tunay niyang damdamin. Kung gaano niya ito kamahal.
Nang matapos niya ang pag-aayos ng mga invitations. Tumayo siya at kinuha ang isang balabal na nakita niyang nakasabit sa sofa doon sa sala, na siyang kinaroroonan nila. Sigurado siyang sa Mama ito ni Sam. Hihiramin lang muna niya, binuhat niya ito, at dahan dahan niyang hiniga sa sofa. Saka niya kinumot ang balabal kay Sam. Kumuha din siya ng throw pillow at ginawang unan nito. Kinuha niya ang isang nakatagong eroplanong papel sa likod ng bulsa niya. Saka ipinatong iyon sa tabi nito. Sa loob niyon ay nakasulat ang katagang "Goodnight". Kinintalan pa niya ito ng halik sa ulo. "Dream of me tonight, sweetheart." Bulong pa niya dito.
Iniwan niyang nakabukas ang ilaw sa lampshade saka siya lumabas ng bahay. Pinangako niya dito noong mga bata pa sila na hindi siya aalis sa tabi nito, and he has no intentions of breaking that promise.
SAKAY ng Porsche Carrera GT sports car ni Jefti. Hindi pa rin alam ni Samantha kung saan sila pupunta. Basta sinundo siya nito sa shop ng Fairytales, kung saan siya nagtatrabaho bilang Event Coordinator at business partner ni Marisse.
"Saan ba tayo pupunta?" tanong ni Sam kay Jefti. Iyon ang araw na dapat na unang date nila ni Wayne, ngunit hindi iyon natuloy dahil pinigilan sila nito. Ayon dito, may usapan daw sila. Na hindi naman niya talaga maalala kahit na anong isip ang gawin niya.
"Wala, diyan diyan lang!" sagot nito.
"Pengkum ka talaga! Tayo ba talaga ay may pupuntahan? O baka naman ayaw mo lang akong makipag-date kay Wayne?" singhal niya dito.
Tumawa lang ito. "Bakit ko naman gagawin 'yon? Bago ka makipag-date kay Wayne, hindi naman siguro masama kung ang bestfriend mo muna ang maka-date mo kahit isang beses lang. Naalala ko kasi, hindi pa kita nati-treat sa labas. Palagi tayong nasa Tanangco. Hindi natin kasi masasabi ang panahon, puwede kayong magka-igihan ni Wayne. Ayoko naman maka-istorbo sa inyong dalawa. Kaya didistansya ako." Paliwanag nito.
Natahimik si Sam. Nakaramdam siya ng lungkot. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit, pero hindi niya gusto ang ideyang lalayo ito sa kanya. In the first place, though, Wayne is not bad at all. Ngunit tanging kaibigan lang talaga ang maibibigay niya dito. Nasasaktan siya na tila ba pinagtutulakan siya nito sa iba.
Bakit ba ganito ang nararamdaman mo kay Jefti, Sam? Okay lang naman sa'yo na makipag-date dati sa iba. Sinasabi mo pa nga sa kanya. Bakit ngayon iba na? Wala sa loob na napabuntong-hininga siya ng malalim. Saka tumingin sa labas.
"Hey, are you okay? Parang bigla kang natahimik?" untag sa kanya nito.
Umiling siya. "Wala naman, may iniisip lang." wika niya.
"Tell me," seryoso ang tinig na sabi nito.
Tumingin siya dito. Hindi niya maipaliwanag ang ekspresyon ng mukha nito. Ngunit, pinananatili nito ang seryosong anyo ng mukha nito. Kahit na ang mga mata nito'y pilit na may gustong ipahiwatig.
"I feel like you're pushing me away." Malungkot na sabi niya.
Kunot-noong napalingon ito sa kanya. Hininto nito sa gilid ng kalsada ang kotse at hinarap siya.
"What?" hindi makapaniwalang tanong nito.
"That's what I feel." Kibit balikat niya.
Umiling ito, saka marahan hinaplos ang pisngi niya at hinawakan ang isang kamay niya. And it feels good. Gusto ni Sam na manatili na lang sila sa ganoong ayos. Kung saan nasa tabi niya ito.
"No, I'm not pushing you away." Anito. "Ang gusto ko lang, maging masaya ang bestfriend ko. Nasasaktan din ako na nakikita kitang umiiyak at nasasaktan. Wayne is my cousin, nakakasiguro akong igagalang ka niya. Hindi ka niya paluluhain." Paliwanag nito.
Pero, ikaw ang gusto kong makasama. Sagot niya sa kanyang isip. Mas pinili niyang hindi iyon isatinig. Natatakot kasi siyang masira ang pinagsamahan nila.
Huminga siya ng malalim. Saka tumango. "Sige, tignan ko kung magiging okay kami ni Wayne." Pagpayag niya.
Ngumiti ito sa kanya. Ngunit isang ngiti na hindi umabot sa mga mata nito. Pagkatapos ay pinaandar ulit nito ang kotse. Hindi na ito kumibo pa matapos ang pag-uusap na iyon. Ilang sandali pa ang lumipas nang iparada ni Jefti ang kotse nito sa tapat ng isang restaurant.
"Anong gagawin natin dito?" tanong niya.
"Kakain, lunch na kaya." sagot nito, sabay hila pataas ng handbrakes. "Let's go."
Pagkababa nila ng kotse. Naglingunan ang mga naroon sa parking area. Hindi niya alam kung alin at sino sa kanila ang dahilan. Maaaring ang kotse. O di kaya naman ay si Jefti. Dahil sa isang sulok, may isang grupo ng babae na mukhang mga sosyal at mapang-akit ang mga tingin na pinupukol sa kasama niya.
Pagdating nila sa loob ng Restaurant. Ito na ang umorder para sa kanilang dalawa, dahil kabisado naman nito ang mga gusto niyang kainin.
"Saan naman tayo pupunta pagkatapos nito?" tanong niya, habang hinihintay ang order nilang pagkain.
"Kahit saan," usal nito.
"Manila Bay," suhestiyon niya.
"Puwede."
Naputol ang pag-uusap nila ng biglang may lumapit na isang babaeng sopistikada magdamit. Natigilan si Jefti, bago nito tinignan ang babae simula ulo hanggang paa. Nakaramdam ng inis si Sam sa ginawang iyon nito, pero agad din naman bumaling sa ibang direksiyon ang mga mata nito. Kunot-noo niyang tinitigan ang bagong dating. Natatandaan niya, kasama ang babaeng ito doon sa grupo na nakatingin sa kanila kanina sa labas.
"Jefti Mondejar Tinamisan, right?" anang babae dito.
Pormal na lumingon si Jefti dito. "Yes. Do I know you?" tanong nito.
Nilahad nito ang isang kamay nito. "I'm Bambi. How would you like to join tonight in my place? Let's have a party!" sagot nito.
Gustong maggiritan ng mga ngipin niya sa inis. Ang kapal ng face nitong babaeng 'to! At talagang siya pa ang nagyaya sa lalaki! Hindi na nahiya! Layuan mo nga si Jefti! tungayaw niya sa isip niya.
Sinipa niya si Jefti sa paa nito sa ilalim ng mesa, nang tumingin ito sa kanya ay pinanlakihan siya nito ng mata.
"I'm sorry, Miss. But, I really don't know you. And as you can see, I'm with my girl." Sagot nito, sabay kuha sa kamay niya na nakapatong sa mesa.
Sumimangot ang babae dahil sa lantarang pagtanggi ni Jefti dito. Saka matalim siyang tinignan. Para lalong maasar, nagkibit balikat pa siya pagkatapos ay nagpangalumbaba sa ibabaw ng mesa saka nag-pouty lips siya.
Pahiya! Anong akala mo nguso mo lang ang kayang tumulis? Sabi pa niya sa sarili.
Galit na nagmartsa ito palabas. Nang makalabas na ang babae ay saka sila nagtawanan. Nag-high five pa silang dalawa.
"Ang tulis ng nguso no'n." sabi pa niya.
Napailing ito. "I hate those kind of girls. Hindi na nahiyang sila mismo ang lumalapit sa lalaki." Komento pa nito.
"Himala nga, hindi mo pinatulan." Sabi pa niya.
Lumingon pa ito sa labas, kung saan naroon ang babae. "Pero sayang din, seksi pa naman." biglang bawi nito.
Sa inis niya sa sinabi nito. Binato niya ito ng tinidor na nakapatong sa mesa.
"Aray! Joke lang 'yon!" natatawang reklamo nito, nang tamaan ito sa braso.
"Ang landi mo talagang lalaki ka!" asik niya dito.
Hinawakan ulit nito ang kamay niya, kunwa'y binabawi niya ito. Ngunit ayaw naman nitong bitiwan iyon.
"Ikaw, tumigil ka nga napaka-selosa mo. Huwag kang mag-alala, hindi kita papalitan," sabi pa nito.
Pumalakpak ang puso niya sa narinig. Pakiramdam ni Sam ay parang may sariling buhay ang buhok niya at kusa iyong humaba.
"Ikaw pa rin ang bestfriend ko." Dagdag nito.
Biglang nakalbo ang pakiramdam ni Sam matapos nitong sabihin ang katagang "bestfriend".
Wasak! Bestfriend na naman!
"Ewan ko sa'yo! Kapag sumeksi ako, hindi kita papansinin." Sabi na lang niya. Huwag lang di may masabi, kahit na medyo "it hurts" ang sinabi nito.
Mayamaya, dumating na ang order nilang pagkain. Doon niya binuhos ang lahat ng inis niya. Kahit hindi naman niya maintindihan kung bakit ganoon ang nagiging reaksiyon niya. Dati naman kapag lumalabas silang dalawa nito at may lumapit na babae dito. Siya pa ang nag-uudyok na lapitan ito. Ngunit ngayon, parang ayaw niyang makita itong may kasamang ibang babae.
"By the way, may gusto pala akong sabihin sa'yo." Biglang sabi nito.
Naputol ang pag-iisip niya, saka tinignan ito. "Ano naman 'yon?" tanong niya.
"Later," usal nito.
Nagkibit-balikat na lang siya, saka pinagpatuloy ang pagkain.
MANILA BAY. CRUISE. Iyon ang naisipan nilang gawin pagdating doon. Excited si Sam na sumakay sa malaking yate. Nang umandar na iyon ay excited niyang pinagmasdan ang dagat. Saka siya pumikit para damhin ang malakas na hangin na humahalik sa pisngi niya.
"Ang ganda naman," narinig niyang bulong ni Jefti.
Umahon ang mumunting kaba at saya sa puso niya sa narinig. Baka siya ang sinasabihan nito ng maganda. Paglingon niya dito, nakatingin naman ito sa karagatan. Nakaramdam siya ng panghihinayang. Asa pa kasi siya.
Umikot ang yate sa nasasakupan ng Manila Bay. Dumaan sila sa iba't ibang historical sites ng Maynila. Para na rin silang nag-field trip, mabuti na lang at dala niya ang dslr camera niya. Kaya nakapagpa-picture silang dalawa. Bumili pa sila ng t-shirt at sinuot iyon bago muling nagpa-picture. May seryoso. May wacky. May pose pa itong parang ang cartoon character na si "Johnny Bravo". At nag-high jump pa sila. Salamat sa isang Manong na kasama nilang nagku-cruise. Pagkatapos ay walang humpay na tawanan at kuwentuhan ang ginawa nila.
Napahinto siya ng mapansin ang magandang tanawin ng papalubog na araw. It's deep red orange color that sorrounds them was breathtaking. And sunset was her favorite time of the day. Kapag naroon siya sa bahay nila. Umaakyat pa siya sa bubong para lang masilayan ang paglubog ng araw.
Hanggang sa narinig na lang siyang tunog ng sunod-sunod na pag-click ng camera. Paglingon niya kay Jefti ay nakatutok sa kanya ang camera.
"Ang daya! Stolen shot!" protesta niya.
Tumawa lang ito.
"Ano nga pala 'yung sasabihin mo?" tanong niya dito.
Unti-unting nawala ang ngiti nito ng ibalik nito sa kanya ang camera. Saka tumingin sa malayo.
"Jefti, may problema ba?" tanong niya dito.
Habang nakatanaw ito sa dagat, pasimple din niya itong pinipicturan.
"Hoy, ano? May problema ka ba?" ulit niya sa tanong niya ng hindi pa rin ito kumibo. Eksakto naman na nakasilip siya sa lente ng camera para kuhanan ito ng picture ng bigla itong lumingon sa kanya ng nakangiti.
Parang may kabayong sumipa sa dibdib niya. Sa isang iglap ay natulala siya. Pakiramdam niya ay may mga paruparong lumilipad sa tiyan niya. Parang hindi siya makahinga ng maayos. At ang puso niya ay nagwawala. Oh no! Parang alam ko na! Hindi pwede! Tili niya sa isip niya.
"Yeah, meron nga." Sabi nito.
Binaba niya ang camera. "Ano ba 'yon?"
"Sam, I want you to know that whatever happens. I'll always be your bestfriend. Kaso may nangyari. Hindi ko sinasadya 'to, basta nangyari na lang." pagsisimula nito.
"Anong ibig mong sabihin?"
Nang hawakan nito ang dalawang kamay niya ay mas lalo lumakas ang kaba sa dibdib niya.
"I mean, I—"
Biglang nag-ring ang phone niya. Napangiti siya ng makita kung sino ang tumatawag. Agad niyang sinagot iyon.
"Wayne!" bungad niya.
"Hey, I hope hindi kita naistorbo." Sabi nito sa kabilang linya.
"Oh no, hindi naman. What's up?" tanong niya.
"Uh, I just want to remind you 'yung date natin tomorrow night. I mean, tuloy na 'yon ah?"
"Oo naman, tuloy na 'yon." Sagot niya.
"Okay. I'll pick you up at seven PM sharp." Anito.
"Okay, it's a date." Sabi pa niya.
"Thanks, Sam. By the way, tell Jefti umuwi agad kasi may family meeting mamayang alas-nuwebe ng gabi." Wika nito.
"Sige, sabihin ko. Bye."
"Bye."
Pagkatapos nilang mag-usap ay hinarap muli niya si Jefti. "Ano nga ulit ang sinasabi mo?" tanong niya.
Tumikhim ito. "uhm, wala! Kalimutan mo na lang 'yon!" sagot nito.
"Ha? Akala ko ba..."
"Wala, joke lang 'yon." Sabi pa nito.
"Sure ka?" paniniguro niya dito.
"Oo, si Wayne 'yon di ba? Anong sabi niya?" pag-iiba pa nito sa usapan.
"Umuwi ka daw agad, dahil may family meeting daw kayo." Sagot niya.
Tumango ito. "Okay. By the way, baka hindi muna kita mapuntahan madalas nitong mga susunod na araw. Marami na kasi akong gagawin. Malapit ng magbukas ang Mondejar Cars Incorporated. Aasikasuhin ko pa ang Jefti's at The Groove." Paliwanag nito. Nabalot ng lungkot ang puso niya. Hindi niya alam, pero pakiramdam niya biglang nagbago ito. Noon naman, kahit na anong busy nito sa trabaho. Nagagawa pa rin nitong bisitahin siya at bigyan siya ng oras.
Jefti...
"Si-sige," sabi na lang niya.