Unang beses na maghahapunan siya sa pamamahay na ito. Kaya naman sinuot niya ang sa tingin niya ay pinakamaayos sa mga damit na nakasilid sa kanyang travelling bag. Aligaga siya sa upuan habang hinihintay ang pagbaba ni Margarette. Inayos-ayos pa niya ang medyo magulong buhok nang maispatan sa salamin sa komedor.
“Flor, tawagin mo na ang Ma'am mo,” utos ni Tito Gener sa isang sa tingin niya ay matanda lang sa kanya ng ilang taon. Nginitian pa siya nito bago umalis.
Ilang minuto na rin silang nasa harapan ng pagkain ngunit di pa rin bumababa si Tita Margarette.
Nakabalik na at lahat ang inutusan ni Tito Gener na si Flor pero hindi nito kasama si Margarette. Baka ayaw niya akong makasabay sa pagkain. Napuno siya ng pag-aalala.
“Gutom ka na ba?”
“Hindi pa naman po.”
Kahit ang totoo ay natatakam na siya sa masasarap na putaheng nakahain sa magagara at puting mga lalagyan. Ilang putahe ang nakahain sa hapag. Sa tingin niya ay hindi nila mauubos ang mga iyon. Parang fiesta lang kung maghanda ang mag-anak samantalang iilan lang naman silang kakain. Ah, may mga katulong pa naman at guard at hardinero at driver.
Inaliw niya na lang ang sarili sa pagpasada ng paningin sa mesa. Napagbalingan niya ng pansin ang kanyang plato. Nakapatong sa malapad na kulay bronze na placemat ang isa pang puting plato kung saan nakalagay naman ang mangkok. Sa aralin lang nila sa Home Economics nalalaman ang ganoong ayos. Nakakalito pala sa totoong buhay. Pwede kayang magkamay na lang? Pinasadahan niya ng tingin kapagkuwan ang kabuuan ng komedor. Nakaharap iyon sa malawak na hardin na tanaw niya mula sa dingding na salamin. Pati dining area ay mas malaki pa sa bahay ng mga mahihirap na taga-iskwater na mga kapitbahay niya.
Nang sa wakas ay pumanaog na rin si Tita Margarette. Seryoso pa rin ang mukha nito. Alanganin siya kung ngingitian o babatiin ang babae. Sa wakas ay natagpuan niya ang sariling tumayo at binati ito pero parang binging wala itong narinig.
“Let’s eat.”
Nagsimula ang tahimik na hapunan. Asiwa ang pakiramdam niya idagdag pa ang dami ng kubyertos na nasa harapan niya. Nakakalito nga. Mahilig pa naman silang magkamay ng tatay niya. Ano naman ang titinidurin at hihiwain nila ng sa tingin niya ay mapurol na kutsilyo kung miminsan lang naman silang kumakain ng karne? Pasimple niyang ginaya ang kilos ni Tito Gener pero nang tusukin niya ng tinidor ang hiwa ng karne ay umigpaw iyon sa plato at sa mismong damit ni Margarette lumanding. Agad siyang napatayo at nilapitan ang babae na nagitla rin sa nangyari.
“Sorry po, Tita.”
Akmang pupunasan niya ang nadudumihang damit nito nang pabalag na isalya ang kanyang braso. “Stupid!” Sa lakas ng pagkakasalya nito ay muntikan na siyang matumba.
“Margarette, it was just an accident,” si Gener na mabilis siyang dinaluhan. Hindi nito nagustuhan ang inasal ng asawa.
“Kung bakit ka pa kasi nag-akyat ng tanga sa bahay na ito.
Pabalibag nitong initsa ang puting table napkin sa lamesa at padabog na tumayo at nagtungo sa hardin. Sinundan naman ito ni Gener. Sa takot na baka mag-away ang dalawa ng dahil sa kanya ay sumunod na rin siya. Hihingi siya ng tawad. Mukhang nagtatalo nga ang dalawa.
“Bakit hindi mo na lang kasi ibalik sa iskwater na pinanggalingan niya ang batang ‘yan?”
“At ano, pabayaan na lang natin siya na mag-isa?” Mataas na rin ang tono ni Gener.
“The hell I care!” nagpalakad-lakad si Magarette sa harapan ni Gener.
Bakit galit na galit si Margarette sa kanya? Ano ba talaga ang kasalanan niya rito?
“I hate her. Sa bawat segundong nakikita ko siya, si Nimfa ang nakikita ko. I could see her in her eyes.”
Nimfa. Pangalan ng nanay niya ang binanggit.
“All this time, hindi mo pa rin ba nakakalimutan ‘yon?”
Kalimutan ang alin?
“It was nothing, Margarette.”
Nalilito siya sa mga naririnig na palitan ng mga salita. Hindi niya maunawaan ang lahat.
“Nothing?” Kumislap ang mga mata ng babae. “Nothing, yet it broke us.” Hindi na napigilan ng babae ang umiyak. Natigilan na rin si Tito Gener. Naaawa sa nakikitang ayos ng asawa. “I’m sorry.”
Hindi kumibo si Margarette.
“I'm sorry but we couldn’t let her leave. Kahit alang-alang man lang kay Daniel.” Mukhang malaki nga ang pagpapahalaga ni Tito Gener sa ama niya. “Please, Margarette.”
Lumipas muna ang ilang sandaling katahimikan bago nagsalita muli si Margarette.
“I’ll let her stay, on one condition.”
********
Simula ng gabing iyon ay hindi na siya sumasabay pa sa mga del Blanco sa oras ng pagkain. Lahat ng pag-iwas kay Margarette ay ginawa niya.
“Not a speck of her hair.”
Tinandaan niya ang lahat ng kundisyon ni Margarette. Kahit sa ganoong paraan man lang ay mapagaan niya ang loob nito at makabawas man lang sa anumang nagawa ng nanay niya. Gusto niyang magtanong kay Tito Gener pero nahihiya siya.
“Okay ka lang ba talaga dito?”
Napalingon siya sa mayordoma na pinapanood siya habang inilipat niya ang mga gamit sa bago niyang lalagyan. “Si Nanay Rosa naman, ‘di hamak na mas malaki pa itong servant's quarter sa bahay namin.”
Pansamantala niyang Itinigil ang pagsalansan ng mga kagamitan at nilibot ng tingin ang silid. Maganda naman ang silid na tutulugan niya at kahit papaano ay may malambot na higaan. May dalawang kama at dalawa ring cabinet. Nakakaangat pa rin kumpara sa nakalakhan niyang pamumuhay. Kusa na siyang nagboluntaryong doon na tumuloy para maiwasan na rin si Margarette. Si Flor daw ang makakasama niya sa silid na ito.
“Kesa naman ho ma-highblood si Ma'am sa akin.” Pinilit nyang ngumiti. “At least po, ‘di ako pinagtabuyan.”
May nakakaunawang titig sa mga mata ni Manang. Hinaplos nito ang buhok niya.
“Mana ka talaga sa Tatay mo. Ang mature mong mag-isip kahit napakabata mo pa.”
“Kilala po ninyong Tatay ko?”
“Aba’y syempre naman.” Sandali lang ang tila excitement sa boses at mukha nito.
“Yong nanay ko ho kilala ninyo?”
Lumikot ang mga mata ni Nanay Rosa. Kapagkuwa’y sinabing tapusin na niya ang ginagawa. Hindi sinagot ang tanong niya. Ayaw niya rin pilitin baka mainis din ito sa kanya ‘pag naging makulit pa siya. “Sumunod ka sa akin pagkatapos mo diyan at nang makapagmeryenda kang kasabay nina Flor at Marites,” tukoy nito sa dalawa pang katulong.
Nang mapag-isa ay inilibot niya ang paningin sa loob. Okay na ang servant’s quarter kesa wala siyang matutuluyan.
*******
“Bakit parang busy ho kayo, Nanay?”
Ikalimang araw na niya sa mansion. Kadarating niya lang mula sa eskwela at sa kusina kaagad ang destinasyon niya. Ang daming rekados na nakapatong sa mesa. Mga de lata at kung anu-ano pang mga gulay. Kasalikuyan ding naglalabas ng baka si Ate Marisa mula sa freezer.
“Kasi nga’y maraming ihahandang pagkain.”
“Bakit ho tayo naghahanda?”
Sinipat siya ni Manang. “Bakit ka kumukuha ng apron? Kadarating mo pa lang mula sa eskwelahan.”
“Okay lang po, Nanay. Bakit nga ho tayo naghahanda?” inulit niya ang tanong.
“Darating kasi si Sir Grant.” Si Flor ang sumagot sa tanong niya. Para itong uod na kinikilig habang binabanggit ang pangalang Grant. Nag-sparkle pa ang mga mata nito.
Grant. Ang nag-iisang anak nina Gener at Margarette. Parang bida lang sa Hollywood ang pangalan. Mabait din kaya ito gaya ni Gener? Gwapo din kaya at matangkad? Sana naman ay nagmana ito kay Tito Gener sa ugali. Hindi niya maunawaan na sa pinakaunang beses ay tila yata lumundag ang puso niya. Kinakabahan siya na ‘di mawari. Bumilis din ang pintig ng puso niya. Bakit kaya?
Ah, excited lang siyang may matawag na kuya. Mabilis niyang pinawi ang excitement. Sigurado siyang ayaw ni Margarette na lalapit-lapit siya kay Grant. Isa pa, baka mas nagmana ito kay Margarette. Sana naman hindi.