Masaganang pumatak ang mga luha sa mga mata ng batang si Becca. Tila ba nagkakarerahan at nag-unahan sa paglandas sa kanyang mga mata. Ang kanyang puso ay parang may nakadagang mabigat na bato. Sobrang sakit lang isipin na ang mabait na magulang ay kinuha na ng Dios sa kanya.
“Sadyang, may nauuna lang talaga, anak.’
Naalala niyang sinabi kagabi ng isang matandang kapitbahay na dumalo sa burol ng ama. Alam niya, pinagagaang lang ng mga mababait na kapitbahay ang pakiramdam niya. Baka naiingayan na rin ang mga ito sa walang tigil niyang pagpalahaw.
“Pero bakit yong mga masasamang tao, mas inunahan pa ng Tatay?”
Totoo nga siguro talaga ang kasabihan, 'masamang damo, matagal mamatay'. Napakabait ng ama niya pero kinuha pa sa kanya. Nag-iisang magulang na nga lang niya. Habang dahan-dahang tinatabunan ng lupa ang kabaong ng amang si Daniel ay lubos niyang nauunawaan na mag-isa na lang siya buhay.
‘Saan ako pupunta ngayon, ‘Tay?’ piping kausap niya sa ama na para bang katabi niya lang ito.
Ang isiping ulilang lubos na siya ay mas lalong nagpabigat ng kanyang pakiramdam. Noong nakaraang dalawang taon lang ay mas nauna nang sumakabilang buhay ang ina. Sakit daw sa baga dahil sa paglalabada. Mas bumalong ang mga luha sa kanyang mga mata. Ulilang lubos na nga siya. Nauunawaan niya.
“Tayo na, Becca,” yakag ng kapitbahay na si Aling Mila sa kanya. Ito ang isa sa mga dumamay at tumulong sa kanya na mailagay sa ayos ang burol at libing ng ama. Ito din mismo ang lumapit sa barangay para makahiram ng tent at mga mesa at pati ang pagkalap ng sponsor para sa kape at biskwit sa lamay. Pati dump truck na sinakyan ng mga nakihatid, ito pa ang nanghiram sa munisipyo.
“Dito na lang ho muna ako, Manang Mila. Susunod po ako maya-maya lang.”
Kababakasan ng awa ang mukha ng butihing ginang. “Sige, hihintayin na lang kita. Mamaya may mangyari sayo dito.”
Dumistansya si Aling Mila sa kanya. Muli siyang napag-isa. Gusto niyang sulitin ang huling sandaling makasama ang ama. Hindi perpekto ang tatay niya pero naging mabuting ama ito sa kanya. Salat sila sa buhay pero sinisigurado nitong magiging masaya siya.
“Tatay, ‘di ninyo na ho ako makikitang gumradweyt.”
“Kahit anong kurso basta, makapagtapos ka lang. Huwag tutulad sa Tatay na tamad mag-aral. Becca, anak, abutin mo ang mga pangarap mo. Kapag may pinag-aralan ka, hindi ka basta-basta yuyurakan ng ibang tao.”
Muling bumalong ang mga luha niya nang sumagi sa isipan ang partikular na alaalang iyon.
“Rebecca?”
Isang malalim na boses lalaki ang tumawag sa kanyang buong pangalan. Becca lang naman ang tawag sa kanya ng mga kakilala niya at ang tatay niya lang ang tumatawag sa kanya ng Rebecca kapag binabati siya ng maligayang kaarawan. Minsay ay Bikang siya sa mga kalaro.
Pinahid niya muna sa pamamagitan ng likod ng kanyang palad ang namamasang mukha bago hinarap ang kung sino mang naghahanap sa kanya.
Sinalubong ang mga mata niya ng gwapong mukha ng matangkad na lalaking sa tantiya niya ay hindi nalalayo sa singkuwenta ang edad. Maganda ang tindig nito at mukhang mayaman. Magara ang suot na striped polo na may bulsa sa gawing dibdib. May tatak iyon na hindi pamilyar sa kanya. Pati ang slacks nito ay mukhang mamahalin. Walang kagusut-gusot ang mga kasuotan. At ang suot nitong relos, alam niyang hindi maa-afford ng ordinaryong taong katulad nila.
Wala silang kilalang mayaman. Ang tanging nakakahalubilo lang naman nila ay ang mga kapwa taga-iskwater na kagaya nila at ang pinakamalapit na kaibigan ng ama ay ang mga kapwa nito mga driver.
“Ikaw si Rebecca, hindi ba?”
Mabait ang habas ng mukha nito at kahit ang ngiti sa mukha nito ay parang nakakagaan ng loob. Idagdag pa ang magiliw na boses. Parang si Manang Mila lang. Mukhang hindi gagawa ng masama sa kapwa.
“Opo,” naguguluhan man ngunit magalang niyang sagot.
Gumuhit ang ngiti sa mukha ng kaharap. Mas bumait pa ang aura nito habang nakangiti. Hindi man lubos na kilala, may pakiramdam siyang mabuting tao ito.
“Ako si Gener, kaibigan ng Tatay mo.”
Minsan lang niyang narinig ang ganoong pangalan, noong grade four siya nang tanungin ang ama kung sino ang pinakamatalik nitong kaibigan.
“Gener del Blanco po?”
Tumango ito.
May Gener del Blanco pala talaga sa totoong buhay?
“I’m here to take you.”
******
Ang bilis ng ikot ng mga pangyayari. Noong isang araw lang nasa kanila pa si Becca, ngayon ay lulan na siya ng magarang sasakyan na sumundo sa kanila sa airport. Airport. Eroplano. Bago lahat para sa kanya ang mga karanasan. Tyempong sa gilid ng bintana pa siya nakapwesto kaya tanaw niya ang view sa ibaba. Natatanaw niya ang ulap nang sumahimpapawid ang sinasakyang eroplano. Mariin pa siyang napahawak sa armrest ng upuan nang tila hinalukay ang kanyang sikmura.
“That’s okay, Rebecca. Normal ‘yan kapag nagti-take off ang eroplano.”
Take-off pala ang tawag sa pag-angat ng eroplano sa ere. Nakakamangha. Nakakatuwa. Nabawasan kahit papaano ang pagka-miss sa tatay niya at sa lugar nila. Naalala niya rin ang mga kalaro at mga kaklase. Bago siya tuluyang naisama ni Gener del Blanco ay kailangan pang urirating mabuti ni Aling Mila ang pagkakilanlan nito. Hinarap pa ito sa barangay at sa presinto bago siya hinayaang isama nito.
Tito Gener, parang naaasiwa pa rin siyang tawagin ito ng gano’n. Kadalasan kasi ay uncle, manong, nong, ang ginagamit niyang panggalang sa mga nakatatandang lalaki sa lugar nila. Ito ang pinakaunang ‘tito’ niya. Bumaba ang tingin niya sa suot nitong wedding ring.
Ang asawa kaya nitong si Margarette raw, mabait din kaya? Hindi siya mapakali habang nakatanaw sa labas ng bintana ang pansin. Ang agam-agam ay nasapawan ng amusement nang suyurin niya ng tingin ang mga naraanan. Nasa makintab at magarang kotse na sila at magkatabi sa backseat. Ang tatayog ng mga nararaanang mga gusali. Parang nagkakarerahan ang mga tao sa pagtawid sa pedestrian lane nang huminto sila at hinihintay ang go signal. May nakasuot ng pang-opisina, may nakauniporme din. Hindi maiwan-iwan ng kanyang mga mata ang babaeng nakasuot ng itim na pencil skirt at white blouse. Career woman. Tama, ‘yon ang tawag sa ganoong babae.
“Are you okay?”
Tango ang sagot niya. Nakakapanibago naman talaga ang Maynila. Malayong-malayo sa lugar na pinanggalingan niya. Pero mami-miss niya ang ang magandang siyudad nila. Ang mga kaklase niya sa North Central, ang mga kalaro sa Saray, ang mga waterfalls na pinapasyalan nila ng ama. Syempre, ang Timoga, pinakapaborito niya sa lahat.
“Kinakabahan ka ba?” ang Tito Gener na nilingon siya. Nakangiti ito habang tinitigan siya.
“Medyo po.”
Ang kaba ay lalong domoble nang pumasok ang kotse sa isang magarang village. Nakabakod pa at may mga gwardiya. Namangha siya sa mga nararaanang mga bahay. Parang mga palasyo sa laki at gara. Para tuloy siyang nasa ibang mundo. Hanggang sa lumiko ang sasakyan sa isang malawak na bakuran. Magara ang bakod na nakapalibot niyon. Gate pa lang pero halatang sumisigaw na sa karangyaan.
Ito na ba ang tinatawag na mansion? Naitanong niya sa sarili nang mamalas ang napakalaki at napakagandang bahay na tanging sa mga movies niya lang nakikita. May malalaking bahay naman sa lugar nila pero iba ang isang ito. Ang ganda pa ng bakuran. Mahilig siya sa mga pananim kaya na-excite siya. Parang gusto na niyang takbuhin at amuyin ang mga rosas sa paso kung saan may isang sa tingin niy ay hardinerong nag-aalaga. Napagtanto niya kung gaano kayaman ang mga del Blanco.
“Let’s go.”
Inaakay na siya ni Tito Gener sa loob nang mamataan ang isang magandang babaeng nakasuot ng lavender na damit. Nakatayo ito sa bungad ng pintuan habang nakahalukipkip ang dalawang braso sa dibdib. Walang ekspresyon ang magandang mukha nitong nakatuon sa kanila. Nakakapangilabot naman ang seryoso nitong mukha pero ang ganda niya.
Tindig, kutis at kilos mayaman. Parang yong tinatawag na socialite.
Iwi-welcome ba niya kami?
Hindi iyon nangyari. Kung gaano man kainit ang pagtanggap sa kanya ni Tito Gener, kabaligtaran naman ang ipinaramdam ng babae sa kanya. Ang kulay bughaw nitong mga mata ay parang kakaibang kislap. Ni ayaw siyang suklian ng ngiti.
Galit kaya ito sa kanya? Para sa kanya ba ang tila galit nito? May nagawa ba siya o kinikilos na mali? Narurungisan ba ito sa kanya? Napapangitan kaya ito sa suot niyang puting damit na may lasong asul sa beywang? Baka magulo ang buhok niya kaya pibaraanan niya ng pagsuklay ng mga daliri. Kasi, kung makatingin ang magandang babae ay nakakakaba. Parang ginuguhitan ng kilabot ang balat niya.
“I never condoned of bringing her home.”
Tumindi ang kanyang kaba na nauwi sa takot nang marinig ang seryoso nitong pahayag. Ingles ngunit naiintindihan niya. Ayaw nitong nasa pamamahay siya ng mga del Blanco. Hindi siya welcome. Bakit naman? Bakit dinala siya rito ni Tito Gener kung ayaw naman siya ng asawa nito?
“Come on, Margarette, kakarating lang namin.” Malumanay ang tinig ni Tito Gener. Parang gustong sabihin na tumigil ito at naririnig niya ang usapan. Para itong nahihiya pero mas siya ang nahiya sa nangyayari. “Pagod kami mula sa biyahe. Can’t you just spare a little time for us na makapasok man lang kami sa loob?” May halong pakiusap at lambing ang boses at ekspresyon ni Gener. Kasunod ang pagyakap at paghalik sa asawa subalit di pa rin ito tuminag. Sa halip ay inalis nito ang mga braso ng asawa at walang anumang tumalikod at umakyat sa paarkong hagdanan.
Buntung-hininga ang tanging nagawa ni Gener habang nasundan ng tingin ang asawa.
“Ayaw niya po ako dito,” malungkot niyang saad nang nakatungo ang mukha.
“No, no.” Alam niyang nahihirapang maghanap ng idadahilan ang lalaki. Nag-aalala ito na baka masaktan siya. “Pagod lang siya. Hamo't mamaya ay okay na siya.”
May pakiramdam siyang ‘di mangyayari ‘yon. Mabigat ang loob nito sa kanya. Tila may nagawa siyang malaking kasalanan. Ano naman kaya ‘yon? Ngayon lang naman sila nagkita, ah. Unang apak pa lang niya sa pamamahay na ito. Sinasarili na lang niya ang naiisip. Ang gagawin niya na lang ay magpapakabait at sisikaping huwag makagawa ng anumang pagkakamali. Tama! ‘Yon ang gagawin niya. Baka sakaling magiging magaang ang kalooban ni Tita Margarette sa kanya. Sigurado naman siyang magtatagal pa siya sa pamamahay na ito.
“Manang, utusan mo si Flor na dalhin sa silid niya si Rebecca.”
Isang matandang babae ang kausap ni Gener. Unipormado ito. Hindi man nakangiti ngunit alam niyang mabait ang habas ng mukha. Parang si Manang Mila lang. Hayun at naaalala na naman niya ang mabait na kapitbahay.
“Magandang hapon, po.”
Nagmano siya sa matanda.
“Aba’y ang bait naman ng batang ito.”
Umakyat sila sa pakurbang hagdanan na may metal na hawakan sa magkabang gilid. Nasa paanan pa lang ng hagdanan nang libutin niya ng namamanghang tingin ang kabuuan ng bahay. Lahat ng mwebles sa loob, halatang mamahalin. Pero ang mas ikinamangha niya ay ang nakasabit na bagay sa mataas na kisame.
“Ano po ang tawag niyan, Nanay?”
“Chandelier.”
Chandelier. Sinaulo niya iyon. Nakakatuwang tingnan ang mga kristal doon.
“Umiilaw ‘yan.”
“Talaga po?” nanlalaki ang mga matang tanong niya.
Wala yatang hindi maganda sa loob. Ang malalaking paintings, ang mga vase. Magkano kaya ang mga iyon? Siguro, ilang beses na i-multiply pa ang kita ng tatay niya. Kumirot na naman ang dibdib niya nang sumagi sa isipan ang ama.
“Tayo na?”
Nagpatuloy sila sa paghakbang ng matandang babae.
“Wow!” hindi napigilang bulalas niya ng paghanga. Kahit sa ikalawang palapag ay may sala rin at iilang silid ang dinaanan nila bago marating ang itinalagang silid para sa kanya.
“Dito ang magiging silid mo.”
Umawang ang bibig niya. Napakagara ng silid na pinagdalhan nito sa kanya. Kumpleto sa kagamitan at ang kama ay mukhang napakalambot. Nahahanigan iyon ng bulaklaking tela na ang sarap ng dantay sa balat. Parang kaysarap higaan. May sarili din siyang palikuran at may shower.
“Wow naman, ang ganda! Alam mo, Manang sa puso kami naliligo sa amin.”
Napangiti ang matanda sa sinabi niya, saka nito itinuro ang kulay tsokolateng malaking cabinet. “Dito natin ilalagay ang mga gamit mo, ha?”
“Ako na lang po, Nanay,” ako niya nang simulang ilipat ni Manang ang mga laman ng bag niya.
Habang nagsasalansan ng mga gamit ay napapangiti siya. Ang bait pa rin ng Dios sa kanya. May umalis man, may dumating namang mabait na Tito Gener na itinuturing na niyang ama.