TRIXIE’s POV
“SUSPENDED?!” Pilit kong pinapakalma ang kamao ko na nangangating dumiretso sa lamesa ng Chief ng istasyong kinabibilangan ko sa oras na iyon.
“Baka gusto mong i-spell out ko pa, Ostreano?” masungit na pahayag nito. “O baka naman gusto mo ring i-google ‘yung terminong 'police brutality'?”
“Chief naman... Matigas kasi ang bungo ng kriminal na iyon kaya sinubukan ko kung mababasag ba iyong cellphone ko kung ipupukpok ko iyon sa bunbunan niya.” I smirked.
“Ostreano, buo na ang desisyon ko. Magbakasyon ka muna. Wala na tayong magagawa. Hindi ko na mababago ang desisyon ng nasa taas. Tanggapin mo na lang kesa naman iyang tsapa mo na ang hingiin nila. Kumbakit naman kasi lahat ng hinuhuli mong miyembro ng sindikato ay nagsasampa ng reklamo sa’yo sa p*******t mo sa kanila. Mula nang --.” hindi niya na itinuloy ang sasabihin nang makita niyang naningkit na ang mga mata ko. Aminado naman akong naging mas marahas ako sa pakikipagharap at pagkakastigo sa mga kriminal mula noong mawala si William sa buhay ko six months ago. Tatlong buwan kong ininda ang pagkamatay niya. Araw-gabi akong umiiyak sa pagsisisi. Ako ang dahilan kung bakit siya pumunta sa lugar kung saan ako nakikipaghabulan sa isang takas na kriminal. Buo rin ang paniniwala ko na ako ang nakabaril sa kanya na naging sanhi ng kanyang kamatayan. At dahil na rin sa pangyayaring iyon, napatunayan ko na talagang may sumumpa sa akin. Lahat na lang ng minahal ko ay nawawala dahil sa akin. Una ay ang kapatid ko. Sumunod ay ang mga magulang ko at nitong huli nga ay ang nobyo ko. Wala naman akong balat sa puwet kumba’t minamalas ako pagdating sa mga minamahal.
Napabaling ako sa kanya nang marinig ko siyang tumikhim.
“Babalik ka pa naman after 6 months,” nalangkapan na ng concern ang boses niya sa nakikitang itsura ko.
“Chief, mamamatay ako kung ‘di ako magtratrabaho.” Nanlulumo ako sa katotohanang iyon. Ano ang gagawin ko sa loob ng anim na buwan? Magmumukmok sa condo at magbibilang ng sapot ng gagamba? Iiyak bawat oras sa aking pag-iisa dahil maaalala ko na naman ang masasakit na pangyayari sa buhay ko? Magpakamatay na lang kaya ulit ako? Nasubukan ko na lahat ng uri ng pagpapakamatay pero wala. Tinangka kong magbigti - palpak, nahulugan lang ako ng sanga ng kahoy na pinagtalian ko ng gagamitin kong tali. Sinubukan kong mag-overdose ng sleeping pills - palpak, nang magising ako kinabukasan sa ospital nanakit lang ang lalamunan at bituka ko. Tinangka kong barilin ang sarili ko - palpak pa rin dahil tinanggalan pala ng bala ‘yung magasin ng buwisit na si Lester ‘yung baril ko. Naglaslas na rin ako ng pulso - palpak na naman. Lagi akong naililigtas ng ka-partner ko na may samaligno ata. Laging sumusulpot tuwing malapit na akong madedbol. At ang mga buwisit na doktor na 'yan, ‘di marunong makaintindi. Buwan-buwan na akong suki ng ospital nila, hindi pa rin nagsasawang isalba ang walang kuwenta kong buhay. Kaya ang ginawa nila sa istasyon ay tinambakan ako ng trabaho para ‘di ko na tangkain pang magpakamatay. At mula noon, imbes na sarili ko ang saktan ko, ‘yung mga nahuhuli ko na lang na kriminal ang pinagbubuntunan ko ng galit ko sa mundo. At heto nga, napuno na sila sa ginagawa ko kaya nagsasama-sama sila at ireneklamo ako ng police brutality nga.
“Tingin mo papayag ako? Trixie, sa anim na taon mong pagseserbisyo sa kapulisan kasama ko, anak na ang turing ko sa’yo. ‘Di ko hahayaang ipahamak mo na naman ang sarili mo. May pinsan ako roon at naihanap ka na niya ng trabaho habang nagbabakasyon ka. Aakyat ka ng Baguio bukas. Doon ka na magtratrabaho,” nakangiti na ito habang nakatingin sa akin.
“Anong trabaho, Chief?” gusto kong magreklamo but it seems na wala na akong pagpipilian kundi sundin ito.
“Something that would make you busy so you wouldn't think of hurting your self again. Trust me, Trixie,” this time nakangiti na talaga siya sa akin. Tinanguan ko siya at tumayo na. Palabas na ako ng opisina niya nang magsalita siya ulit.
“One more thing, Ostreano,” nilingon ko siya. “You have to turn over your firearm.” inilahad nito ang palad. Napapailing akong bumalik sa harap niya at inilapag sa ibabaw ng lamesa ang hinihingi niya.
St. Bernard University, Baguio City
First Day of Classes
Hindi pa rin ako makapaniwala na mula sa pagiging isang detective ay magiging PE Instructor ako sa eskuwelahang ito sa loob ng anim na buwan. Gusto kong tawagan si Chief para magreklamo pero kahit dakdakan ko siya, wala na rin akong magagawa pa. Kesa nga naman tumunganga sa loob ng anim na buwan eh ‘di mas mainam na may pagkaabalahan ako. Ngumiti na may kahalong pagpapa-cute ang guwardya nang isauli ang id ko. Tinaasan ko na lang siya ng kilay kahit nangangati akong sapakin siya.
“Dumiretso po kayo sa office ng presidente. Ipinagbilin niya po.” Patuloy pa rin ito sa pagpapa-cute habang sinasabi iyon.
“Ty,” malamig kong sagot. Sa pagtatanong-tanong ko ay nakarating naman ako roon nang matiwasay. In-orient niya ako tungkol sa university at ipinakilala bilang bagong faculty member sa mga naabutan ko roon na mga professors. Pinilit ko siyang ‘wag ipagsabi na isa akong pulis/detective. Ngumiti ‘yung iba sa akin, ‘yung iba naman ay pinagtaasan ako ng kilay lalo na nang malaman nilang PE 4 ang iha-handle ko which is Martial Arts. Hindi ko naman sila masisisi. Sa liit ko na 5'3”, para lamang akong isang ordinaryong estudyante. Maganda din naman ako. Maputi at sexy. Madulas at bagsak ang itim na itim na buhok ko na lampas balikat. Tanging ang mga mata ko lang ang nagpapakita ng maturity ko sa edad na 25. Babyface kasi ako. Kundi lang sa mga mata ko, mapagkakamalan akong 17 lamang.
Pagkatapos naming mag-usap ng presidente ay nagpasya akong libutin muna ang campus para naman hindi ako mawala. Malawak din ito kagaya ng ibang university na napasok ko na. Paliko na ako nang mabangga ako sa grupo ng mga kalalakihan from the opposite direction.
“Ano ba?!” buwisit kong bulyaw sa mga ito. Napahawak ako sa noo kong nananakit.
“Hey! Watch where you're going, stupid b***h!” Nanlaki ang mga mata ko nang marinig ko ang sinabi ng lalaking nakabangga ko. s**t! Masasapak ko ito. Inalis ko ang mga kamay ko sa noo ko. At dahil matangkad ang bakulaw na nakabangga sa akin ay tumingala ako para makita ang pagmumukha niya.
And lo and behold, he has the most beautiful eyes I have ever seen.