Prologue
TRIXIE’s POV
"Hon, asan ka na?" may halo na pagkainip ang boses ni William sa kabilang linya. Napabuntong-hininga ako dahil dito. Dapat ay kanina pa niya ako kasama ngunit bago pa lang ako makalabas ng condo na aking tinutuluyan ay nakatanggap na ako ng tawag mula sa aming chief. Nakita na raw ang nakatakas na pinuno ng sindikatong aking naipakulong isang buwan pa lamang ang nakakalipas. At dahil ako ang may hawak sa kasong ito ay kailangang andoon ako sa lugar kung saan ito nagtatago upang ibalik ito sa kulungan.
"Yam, sorry talaga. Alam kong celebration ito ng 1st anniversary natin pero call of duty talaga, eh. Sorry, hon. Bawi na lang ako mamaya. Hintayin mo na lang ako sa condo mo," may halong pakikiusap ko sa kanya. Alam ni William ang trabaho ko at kahit alam niyang delikado ito ay tinanggap nito dahil alam nito na sa trabahong ito ako masaya. Iyon ang isang dahilan kumba’t mahal na mahal ko ito. Tanggap nito ang lahat sa akin.
"Saan ba iyan, hon?" curious na tanong niya.
"Malapit lang dyan sa restaurant, hon. Dito sa isang lumang bodega rito sa Calle Sinco." Ayaw ko mang sabihin sa kanya ang kinaroonan ko ay wala akong magagawa kundi sabihin sa kanya ang lugar. Isa ito sa mga napagusapan namin noon.
"Pupunta ako dyan," seryoso ang kanyang boses nang sabihin iyon na nagpakaba sa akin.
"Ano?! Delikado rito, Yam. Please, sundin mo ako. Hintayin mo na lang ako sa condo mo." I begged him ngunit napagtanto kong buo na ang kanyang desisyon nang marinig ko ang kanyang sumunod na sinabi.
"Hon, ‘di ba nangako tayo na dapat magkasama tayo sa lahat ng hirap at ginhawa kaya pupunta ako dyan para tumulong. Kaya ko naman ang sarili ko. Para que pa na tinuruan mo ako ng judo kung ‘di ko naman magagamit para tumulong sa iyo, ‘di ba? Isa pa miss na miss na kita. Four days na tayong ‘di nagkikita eh. Please, honey," pakikiusap nito.
"No, Yam. Please naman."
Alam kong kaya niya ngunit hindi naman siya pulis katulad ko at hindi siya sanay sa paghabol sa mga kriminal.
"Eto na lang ang regalo mo sa akin ngayong anniversary natin, Trixie. Hayaan mong matulungan kita sa trabaho mo. Pupunta na ako dyan."
"Pero--s**t!"
Pinatayan ako ng phone ng magaling kong boyfriend. Kailangan kong magmadali. Sinenyasan ko ang mga kasama kong pulis at dahan-dahan na kaming pumasok sa bodega.
Wala pang sampung minuto ay nakikipagpalitan na kami ng putok sa mga miyembro ng sindikato. Lumapit sa akin si Det. Lester Cruz, ang kapartner ko sa Police Station.
"Trixie, kailangan pa nating tumawag ng karagdagang back up! Masyado silang marami para sa atin."
Humihingal ito habang pasaglit-saglit na nagpapaputok sa mga kalaban. Sasagutin ko sana siya nang makita kong tumakbo sa isang direksyon ang pinuno ng sindikato.
"s**t si Bermudez, tatakas! Tumawag ka na ng back up. Ako na ang hahabol!" Lima na lang kaming pulis doon at marami pang kalaban ang nagpapaputok sa amin.
"Cover me!" malakas kong utos sa pulis na nakadukmo malapit sa akin. Ngunit bago pa ito makakilos ay tumakbo na ako sa direksyon papunta sa tinakbuhan ng pinuno ng sindikato. Swerteng hindi ako tinamaan ng mga balang humahaging sa paligid. Nawala na ang atensyon ko sa mga nagaganap. Ang tanging nasa isip ko na lang ay ang mahabol ang pinuno ng sindikato.
Mabilis kong napaputukan ang kasama nitong tinangka akong barilin nang makita niyang hinahabol ko sila. Napabilis pa ang pagtakbo ko nang makita ko siyang papaliko sa isang kanto.
"Tigil!" sigaw ko nang medyo malapit na ako sa kanya ngunit hindi niya ako pinansin. Itinutok ko ang baril ko sa kanya at nagpaputok. Teka, bakit parang dalawang sabay na putok ang narinig ko. Nakarinig ako ng pag-ungol na imposibleng ang hinahabol ko dahil bumilis pa ang takbo niya habang nakalingon sa madilim na bahagi nang kalyeng dinaanan niya. Mabilis akong pumunta sa bahaging nilingon ng hinahabol ko at nang makita ko ang pamilyar na bulto ng lalaking nakalugmok doon at naliligo sa sarili niyang dugo ay biglang nanlamig ang buong katawan ko at nanlaki ang ulo ko.
"Oh my God! WILLIAM!" Mabilis ko siyang dinaluhan. Wala na siyang malay. Niyakap ko siya nang mahigpit. Halos mabingi ako sa lakas ng t***k ng puso ko at hindi ako makahinga nang maayos habang nakatitig sa mukha niya.
"Yam? Honey? God! I’m sorry!"
Sa puntong iyon ko na-realize na siya ang tinamaan ng balang galing sa baril ko. Awtomatikong tumulo ang mga luha ko.
"AHHH!!!" napasigaw ako sa labis na galit ko sa aking sarili.
"Tulong! Tulungan nyo kami!" sigaw ako nang sigaw habang nakayakap sa duguang katawan ng nobyo ko. Hindi ito maaari! Isa lang itong masamang panaginip. Ngunit nang mabasa ang mga kamay ko ng dugo mula sa katawan niya ay para na akong nababaliw na sumisigaw habang umiiyak.
"AHH! WILLIAM! TULONG! TULUNGAN NYO KAMI!" Humagulgol ako nang napakalakas. Nanginginig ang buong katawan ko sa sobrang takot sa nangyari sa kanya.
"Please, ‘wag mo akong iiwan, Yam! Ikaw na lang ang meron ako. Please, honey lumaban ka!" Yumugyog ang balikat ko. Iyak ako nang iyak at sigaw nang sigaw hanggang marinig ko ang tunog mula sa mga sasakyan ng pulis.
Ang sumunod na namalayan ko ay nasa labas na ako ng operating room kasama ang mga kapwa ko pulis habang naghihintay sa resulta ng operasyon ni William. Magkasiklop ang dalawang kamay ko. Ramdam ko ang panginginig ng aking buong katawan sa pinaghalo-halong takot, galit at pagsisisi.
God! Hinding-hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag mama-- no! Ayokong isipin ang worst scenario sa nangyari kay William. Sabay-sabay kaming napatayo nang lumabas ang doktor na nag-opera kay William. Nanlamig ang buong katawan ko nang makita ko ang kanyang mukha. Kasabay ng malungkot niyang pag-iling ay ang sunud-sunod na pagtulo ng mga luha ko. Wala na. Wala na si William. Patay na ang nobyo ko at sa pagbibiro ng tadhana ay ako pa ang nakapatay sa kanya. Puno ng awa para sa akin ang mga mukha ng mga kasamahan ko nang masalubong ko ang kanilang mga paningin. Naglakad ako palayo sa operating room habang patuloy na lumuluha. Hindi ko namalayang ikinasa ko na pala ang baril ko at itinutok sa ulo ko ngunit bago ko pa man makalabit ang gatilyo ay napigilan na ako ng mga kasamahan ko.
"Bitiwan n'yo ako! Dapat na rin akong mamatay! Ako ang pumatay sa kanya! Dapat na akong mamatay!" pagpapalahaw ko habang nagpupumiglas ako sa pagkakayakap nila sa akin.
"AHH!!!"
Napahiga na ako sa lapag habang pigil nila ang katawan at mga kamay ko. "Pinatay ko siya! Kasalanan ko! William! I'm sorry, hon! I'm sorry!" hiyaw ko kahit nananakit na ang lalamunan ko sa pinahalong iyak at sigaw hanggang makaramdam ako ng pagtusok ng karayom sa balikat ko at tuluyan na akong nawalan ng malay.
--------------------------------------------
Scenes are inspired from the Korean movie Windstruck